Manggagawa, magkaisa! Matatag na ipaglaban ang karapatan ng sariling uri at ng sambayanang Pilipino!


Ginugunita ng NDFP-ST ang ika-120 anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa nang may militanteng diwa na ipaglaban ang karapatan ng lahat ng manggagawa. Nagpupugay ang NDFP-ST sa mga unyon at liga ng mga manggagawa na matatag na lumalaban para igiit ang kanilang karapatan sa paggawa. Ilan sa mga ito ang mga unyon ng Gardenia Bakeries sa Laguna International Industrial Park, Nexperia, Technol Eight Philippines, J&T Express at iba pa. Nararapat na pag-ibayuhin pa ng mga manggagawa ang kanilang pakikibaka para sa karapatan sa paggawa. Kaisa ng NDFP-ST ang mga manggagawang Pilipino sa kanilang pakikibaka para sa taas-sahod, pag-uunyon at iba pang karapatan sa paggawa.

Malaki ang makakamit ng api at pinagsasamantalahang manggagawang Pilipino kung sila’y magkakaisa at lalaban. Matagal nang kinakaharap ng mga manggagawa ang grabeng pambabarat sa sahod, kontraktwalisasyon, masahol na kalagayan sa paggawa at iba pang di pantay na pagtrato sa loob ng pabrika. Nagdarahop ang mga manggagawa habang nagpapasasa ang mga kapitalista sa tubo. Ginagamit ng reaksyunaryong estado ang mga batas kasabwat ng mga kapitalista para paboran, protektahan at bigyang lisensya ang huli na pagsamantalahan ang lakas-paggawa ng mga manggagawa. Kabilang sa mga ito ang Herrera Law, Wage Rationalization Law, Two-tiered Wage System at mga katulad na nagpataw ng kontraktwalisasyon at panrehiyong minimum na sahod sa buong bansa. Nakabatay sa dikta ng imperyalismo ang mga patakarang ito upang wasakin ang organisadong lakas at bigyang laya itong lalong pigain ang lakas-paggawa ng manggagawa.

Walang konsensya ang reaksyunaryong gubyerno at kapitalista sa pambabarat ng sahod ng mga manggagawa sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Nitong Enero pumalo ng 8.7% ang implasyon. Upang mabuhay nang sapat, dapat kumita ang isang pamilya na may limang kasapi ng P1,091 bawat araw sa CALABARZON habang P1,093 sa MIMAROPA (datos noong Enero). Subalit ipinako ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang minimum na sahod sa rehiyon sa P470 sa CALABARZON habang P355 sa MIMAROPA. Nagpahayag pa ang Malakanyang na hindi ito mag-aatas ng dagdag-sahod ngayong taon. Ang huling umento sa sahod sa rehiyon ay ipinatupad noong Mayo 2022 at kakarampot pa (P70 sa CALABARZON, P35 sa MIMAROPA).

Sa halip, ikinatwiran ng rehimen ang pagbibigay ng ayuda at “pagtulong” sa paghahanap ng trabaho. Ito’y sa kabila ng pagkaltas sa pondo ng mga ahensyang nagbibigay ng ayuda tulad ng DSWD. Nakaiinsulto rin ang ipinagyayabang ng DOLE na naglaan ito ng P1.8 bilyong bilang tulong pinansyal para sa mga natanggal sa trabaho. May karagdagan pang P100 milyong tulong pinansyal para sa komunidad ng manggagawa sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay para sa mga Disadvantaged at Displaced Workers (TUPAD). Ang maliit na badyet sa ayuda ay wala pang isang-kapat sa inilaang badyet sa AFP para sa pagbili ng 1,066 Hermes 90 UAV (drones). Pakitang-tao lamang ang abuloy sa manggagawa habang walang pakundangang nilulustay ng gubyerno ang pera nito sa kontra-mamamayang gera.

Nagbibingi-bingihan din ang rehimeng US-Marcos-Duterte sa hinaing ng mga guro, mga health workers at mga kawani ng gubyerno na pare-parehong matagal nang nananawagan ng dagdag sa kanilang sweldo. Bukod pa rito ang pagkakautang ng dating rehimeng US-Duterte sa mga health workers noong pandemya. Saklaw ng utang ang dalawang taong safety risk allowances na hindi pa binabayaran sa kanila.

Nagagawa ng mga kapitalista, kasabwat ang reaksyunaryong gubyerno, na baratin ang sahod ng mga manggagawa dahil sa napakalaking bilang ng wala o kulang sa trabaho na manggagawang Pilipino. Malaking kalokohan ang palabas ng ilehitimong gubyernong Marcos-Duterte na “mas mababa” ang bilang ng walang trabaho sa bansa tungong 4.8% kumpara noong 2022. Ikinukubli ng datos ng reaksyunaryong gubyerno ang tunay na kalagayan ng sektor ng paggawa kung saan nasa 45.3 milyong Pilipino ang wala, kulang sa trabaho at mga impormal na manggagawa (4.8% ang walang hanapbuhay, 12.9% ang kulang sa trabaho at 71.6% impormal na manggagawa). Kulang na kulang ang kinikita ng mga impormal at kulang sa trabaho na manggagawa para buhayin ang kanilang sarili at pamilya.

Ang kakulangan sa trabaho ay iniresulta ng bagsak na kalagayan ng ekonomyang atrasado, agraryan at pre-industriyal. Walang sariling industriya ang Pilipinas kaya’t ang pantapal na solusyon ng reaksyunaryong gubyerno ay mag-alok ng dayuhang pamumuhunan sa bansa. Mula rito, isusubo nito ang reserbang hukbo ng paggawa sa barat na sahod at masahol na kalagayan sa paggawa. Ang bulto ng mamamayang nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura ay nawawalan din ng hanapbuhay at kabuhayan bunsod ng mapanalasang neoliberal na patakaran sa agrikultura. Ang labis na importasyon, pangangamkam ng lupa at pagpapalit-gamit ng lupa ay nagdidisloka sa mga magsasaka at manggagawang bukid.

Ano ang hakbang ng rehimeng US-Marcos II sa abang kalagayang ito? JOB FAIR na nag-aalok ng 73,000 trabaho para pag-agawan ng milyun-milyong Pilipino? Kahit ayon sa sariling datos ng gubyerno, wala pa sa 5% ang bakanteng alok na trabaho sa bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas.

Kaalinsabay, binubusabos ang mga manggagawa sa mga engklabo, pabrika at plantasyon. Lagi silang nangangambang mawalan ng trabaho dahil sa kontraktwalisasyon. Ang iskemang ito ay mistulang dalawang talim ng espada na ginagamit ng kapitalista laban sa manggagawa – na gawing di regular ang mga manggagawa upang makapagkamal ng mas maraming tubo at supilin ang kilusang unyon.

Walang ibang landas na dapat tahakin ang uring manggagawang Pilipino kundi ang makibaka para sa karapatan at kagalingan ng sariling hanay. Kailangang matiyak ang pinakamalapad na pagkakaisa ng uring anakpawis laban sa pakana ng rehimeng US-Marcos na sabayang magpatupad ng neoliberal na patakaran kasabay ng terorismo ng estado laban sa militanteng mamamayan. Kailangang palakasin ng uring manggagawa ang batayang alyansa sa uring magsasaka at panggitnang pwersa ng lipunan para makamit ang malakas na pagkakaisa laban sa nasabing mga patakaran.

Nararapat sumalig ang mga manggagawa sa kanilang nagkakaisang lakas sa pamamagitan ng mga tunay at militanteng unyon at liga ng mga manggagawa. Dapat palakasin nila ang kanilang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagsanib sa rebolusyonaryong organisasyon ng mga manggagawa na Revolutionary Council of Trade Unions.

Hindi dapat magpagupo, sa halip ay labanan ang imbing atake ng teroristang estado. Edukahin ang mga manggagawa hinggil sa kanilang karapatan sa paggawa, mga sibil-pulitikal na karapatan upang malabanan ang walang habas na pang-aatake ng estado. Ihanda sila sa mga pagkilos hanggang sa maiputok ang mga welgang bayan.

Ang ganap na paglaya ng uring manggagawa ay makakamit lamang sa landas ng pambansa demokratikong rebolusyon. Kinakailangang tulungan at makipagkaisa ang mga manggagawa para palayain ang iba pang uri laluna ang uring magsasaka upang ilatag ang pundasyon ng sosyalistang bukas. Ang katubusan ng malakolonyal at malapyudal na lipunan ay ihuhudyat ng pagwawagi ng digmang bayan sa pamumuno ng uring proletaryado sa pamamagitan ng Communist Party of the Philippines.

Manggagawa, magkaisa! Ipaglaban ang dagdag na sahod at batayang mga karapatan ng uring manggagawa!

Isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang hinaharap!#

Manggagawa, magkaisa! Matatag na ipaglaban ang karapatan ng sariling uri at ng sambayanang Pilipino!