Pahayag

Masaker, hindi engkwentro, ang naganap sa Dolos, Bulan

Malaking kasinungalingan ang ipinamamalita ng reaksyunaryong militar na nakapatay sila ng limang mandirigma ng NPA sa isang engkwentro sa Barangay Dolos, Bulan kahapon, Mayo 8. Walang NPA sa lugar, walang naganap na labanan at pawang mga sibilyan ang minasaker doon ng mga tropa ng 31st IB ng Philippine Army at 2nd PMFC ng Philippine National Police.

Ang walang kalaban-labang pinatay ng mga pasista ay sina Jeric Vuno, Jerry Palanca, Robert Villafuerte, Raymundo Tañada at Jaime Tañada, magkakaanak na magsasakang pawang residente ng Dolos. Mag-aalas-5:00 ng umaga nang salakayin ng mga sundalo ang baryo. Pwersahang pinalabas ng bahay ang mga biktima, dinala sa malapit na ilog at doon pinagbabaril.

Hinalughog ng mga pasistang tropa ang mga bahay ng mga biktima. Ang inisyal naming impormasyon ay tinangay ng mga sundalo ang di kukulangin sa P25,000 cash na pag-aari ng pamilya ng mga biktima. Inaalam pa namin ang kabuuang halagang kinulimbat ng mga sundalo.

Matapos ang ginawang kahayupan sa Dolos, tumuloy ang mga pasista sa karatig na Barangay Calpi at doon ay pinasok ang mga bahay nina Alvin Abuyog, Randy Golimlim, at Marissa Estiller. Sinaktan ng mga sundalo ang mga sibilyang sina Jeffrey Godala at Jojo Palanca. Pati ang dalawang menor-de-edad na anak ni Estiller ay hindi nakaligtas sa pananakit ng mga sundalo. Kinumpiskahan pa ng mga cellphone at ibang gadget ang mga residente.

Mariin naming kinukundena ang brutal na masaker sa Dolos. Ganitong kalupitan ang inihahatid ng reaksyunaryong estado sa mamamayan samantalang ang kinakailangan ng mga tao ay ayuda para makaahon sa krisis laluna sa harap ng epidemyang COVID-19. Ang pananakit sa mga sibilyan at ang pagnanakaw ng mga sundalo sa mga ari-ariang pinaghirapan ng mga taumbaryo ay lalo ring nakasusuklam sa panahong ito.

Masaker, hindi engkwentro, ang naganap sa Dolos, Bulan