Mensahe ng MAKIBAKA-TK sa Buwan ng Kababaihan
Ngayong 2026 sa ating muling pagharap sa panibagong hamon ng kasalukuyang naaagnas na lipunan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, ipinaaabot ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan-Timog Katagalugan (MAKIBAKA-TK) ang taas kamaong pagpupugay sa lahat ng kababaihang patuloy na nakikibaka sa kabila ng matinding krisis panlipunan na ating kinakaharap. Patunay lamang ito ng hindi magagaping diwa ng mamamayang nakikibaka. Pagpupugay sa mga kababaihang martir ng Timog Katagalugan na nagsulong ng rebolusyonaryong diwa hanggang kamatayan—kina Rona Jane “Ka Ren“ Manalo, Alyssa “Ka Ilaya” Lemoncito, Andrea Rosal, Josephine “Ka Sandy” Mendoza, at marami pang iba. Sa paggunita ngayong Marso ng Pandaigdigang Buwan ng Kababaihan at ika-54 taong pagkakatatag ng MAKIBAKA, higit pa nating patatagin ang ating hanay! Kasama ang malawak na hanay ng masang pinagsasamantalahan, iambag natin ang buong makakaya upang ibagsak ang imperyalismong US, burukrata kapitalismo, at pyudalismo at itatag ang demokratikong gobyernong bayan!
Binabaon ng rehimeng US-Marcos Jr at ni Sara Duterte ang mamamayan sa kumunoy ng kahirapan at kagutuman dahil sa pagnanakaw sa pera ng taumbayan at pahirap na mga neoliberal na polisiya tulad ng mga regresibong mga buwis gaya ng Value Added Tax (VAT). Ang VAT ay naging mabigat na pasanin ng mamamayan habang nananatiling barat ang sahod at walang tunay na oportunidad lalo para sa kababaihan. Sa Calabarzon, umaabot lamang ng ₱600 ang pinakamataas na minimum na sahod ng manggagawa habang ₱455 sa Mimaropa. Kinakaharap pa ng kababaihang Pilipino ang gender pay gap na 0.783 kung saan sa bawat ₱1 kinikita ng lalaking manggagawa ay ₱0.78 sa kababaihan. Ang mga kababaihang magsasaka ay tumutulong sa bukid upang mabawasan ang gastos sa pagsasaka ng kanilang pamilya o kaya naman ay nagpapaupa rin bilang manggagawang bukid para kumita. Samantala, hindi tiyak na makakakuha ng sapat na kita sa araw-araw ang mga kababaihang maralita kagaya ng mga manininda/maglalako, maliit na taga-yaring-kamay, kasambahay at iba pa. Sa ganitong hirap na kalagayan, paano pa ba aabutin ng kababaihan ang matataas na singilin sa tahanan?
Walang konsensya din ang mga pasistang burukrata kapitalista sa pambobomba, pangmamasaker, at paghahasik ng teror sa masang kababaihan at bata sa pamamagitan ng tuta nitong AFP-PNP. Naghahasik ng mala-Batas Militar ang Southern Luzon Command sa Timog Katagalugan. Sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro ngayong Enero lamang ay namaril at nagbagsak ng nasa 12 bomba ang kasundaluhan sa komunidad ng Mangyan-Iraya na kumitil sa buhay ng 3 bata habang sugatan naman ang kanilang ina, 1 kabataang mananaliksik na si Jerlyn Doydora, at maging mga alagang hayop ng mga masa. Hanggang kalunsuran ang paghahasik ng estado ng teror, sa pamamagitan ng Civilian Military Operation na nananalasa sa mga pamantasan, komunidad, at hanggang lokal na pamahalaan ay desperadong pinupursige ng estado upang wakasan ang paglaban ng mamamayan. Perwisyo rin ang dala ng mga nakapakat na militar sa mga sibilyang komunidad na nagpapataw ng mga batas na naglilimita sa binibiling pagkain at kagamitan na walang ibang dulot kung hindi dagdag trabaho sa araw-araw na pagbaba sa bayan para bumili at hindi sapat na pagkain lalo para sa mga bata, nagdadalang tao, at may sakit.
Sa gitna ng karahasan at kahirapan, walang kahiya-kahiyang pumupronta ang mga kababaihang mula sa uring nagsasamantala tulad nina Sara Duterte at Imee Marcos, at ibang huwad na kababaihang nagpapanggap na oposisyon mula sa Liberal, Akbayan, Pink (LAP) kagaya ni Risa Hontiveros para tiyakin ang pagposisyon sa 2028 National Election. Itinatakwil sila ng sanlaksang kababaihang rebolusyonaryo at militante na naghahangad ng tunay na pagbabagong panlipunan. Mahalaga ang papel ng MAKIBAKA upang matalas na ilantad ang iilang babaeng oportunista at kabilang sa mapagsamantalang uri. Hindi sila kailanman kakampi ng masang kababaihan.
Ngayong matindi ang krisis na nararanasan ng mamamayan, naririyan ang kanilang pagnanais na maghanap ng solusyon. Ito ang nahihinog na kondisyon upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan bilang natatanging solusyon upang wakasan ang krisis na nararanasan ng mamamayan sa kamay ng imperyalismong US, burukrata kapitalismo, at pyudalismo. Dakilang hakbang ito sa layuning palayain ang kababaihan sa umiiral na pyudal-patriyarkal na sistemang mapagsamantala at mapang-api sa kababaihan. Sa gayon, nararapat na iambag ng rebolusyonaryong kababaihan ang kanilang ganang kaya upang kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya.
Mabuhay ang lahat ng kababaihang anakpawis! Mabuhay ang lahat ng kababaihang mapagpasyang tinahak ang makauring pakikibaka para sa pagpapalaya ng sambayanan at ng kasarian!
Mabuhay ang mga kababaihang pulang mandirigma!
Mabuhay ang mga kababaihang kadre sa kalunsuran!
Mabuhay ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan!
Mabuhay ang sambayanan!
Patuloy na magpunyagi! Kababaihan, ang lugar mo ay sa demokratiko rebolusyong bayan!