Pahayag

Ang Pride ay Rebolusyon!

, ,

Nitong buwan ng Hunyo, mahigpit na kakapit-bisig ng kilusang LGBT ang kilusang kababaihan sa patuloy na paglahok sa rebolusyon para sa malayang kasarian at pakikibaka laban sa macho-pyudal at patriyarkal na sistemang nagluluwal ng kultura ng abuso at diskriminasyon. Ang Pride na ginugunita tuwing Hunyo ay ibinunga ng ilang dekadang pakikibaka ng mga mamamayang LGBT pero ngayon ay kinakasangkapan at ginagawang kalakal ng mga monopolyo kapitalista upang magbalat-kayong sumusuporta sa laban ng sektor pero sa katanuyan ay ginagamit nila upang magkamal ng tubo. Ang pakikiisa sa pakikibakang masa ng LGBT ay pakikiisa para sa pagbabago ng bulok na sistema na patuloy na nagpapahirap sa mamamayang Pilipino. Higit sa selebrasyon, ang buwan na ito ay tanda ng nagpapatuloy at nagliliyab na pakikibaka ng mamamayang biktima ng lahat ng pamamayani ng pyudal-patriyarkal na sistema.

Ang pakikibaka para sa karapatan at mapagpalayang espasyo para sa lahat ng kasarian ay lagi’t laging parte ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan, at hindi kailanman nahihiwalay sa kabuuang laban ng demokratikong interes ng mamamayan para sa lupa, pagkain, kabuhayan, at karapatang pantao. Kung kaya sa laban ng kilusang LGBT ng Timog Katagalugan, bitbit nito ang pakikibaka para sa pagpapabasura ng pahirap na polisiya ng Value Added Tax (VAT) at excise tax na ginagawang mekanismo ng estado upang sistematisadong gatasan ng pera ang masa, patuloy ang panawagan para sa hustisya kay Jennifer Laude na biktima ng makatutang kasunduan ng EDCA-VFA kasabay ng pagpapabasura nito, pagpapanagot sa mga burukrata kapitalistang sangkot sa katiwalian, at ang tumitinding paniniil ng estado sa mga mamamayang nakikibaka.

Pasanin din ng mamamayang LGBT ang kahirapan dulot ng monopolyong kontrol ng iilang malalaking imperyalista sa ekonomya ng bansa na nagpapakitid ng oportunidad sa trabaho habang dumarami ang nangangailangan ng hanapbuhay. Ang mga naghaharing burukrata kapitalista ay nakikipag-alyado sa kanila para sa mga personal na interes na nagdudulot ng hindi makatarungang pagpapataas ng presyo ng bilihin at pagsisikap ng mga ito na harangin ang mga panawagan sa pagpapabasura ng mga kontra mamamayang panukala katulad ng Oil Deregulation Law. Habang ganito ang nararanasan ng mamamayan sa bansot na ekonomya at bulok na pulitika, oportunistang pinagsasamantalahan at pinagiigting ng imperyalismo ang burges at dekadenteng imperyalistang kultura na atrasadong ‘beauty standard’ upang diumano’y maging katanggap-tanggap sa lipunan ang masang LGBT ngunit ang katotohanan ay para lamang higit pang kumamal ng supertubo.

Ang kababaihan at LGBT ay parehong nakararanas ng karahasang nakabatay sa kasarian at pagsasamantalang nakabatay sa uri na idinudulot ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Hangga’t nangingibabaw ang malakolonyal at malapyudal na lipunan, hindi ligtas sa kahirapan at kaapihan saanman tumungo ang LGBT at kababaihan—sa lugar paggawa man yan, sakahan, pamantasan, at kahit sa mismong mga sariling tahanan. Kaya hindi tunay na makukuha ang paglaya ng kasarian kung hindi papabagsakin ang tatlong salot sa inaagnas na sistema at magtatayo ng isang bagong lipunan na pinamumunuan ng proletaryado.

Sa labis na pagmamahal sa bayan para palayain ang lipunan, buhay man ay ialay, pinagpupugayan natin ang mga rebolusyonaryong LGBT at martir ng Timog Katagalugan. Sila sina Ian “Ka Ben” Maderazo, Roval “Ka Ilor” Valerio, Ruben “Ka Sarah” Villaflores, Lilibeth “Ka Mok” Donasco, Josephine “Ka Ella” Lapira, John Carlo “Ka Yago” Alberto Capistrano, Jethro Isaac “Ka Pascual” Ferrer, Allysa “Ka Ilaya” Lemoncito, Royce Jethro “Ka Alex” Magtira at iba pang martir ng kilusang LGBT upang iabante ang paglaban ng mamamayang LGBT na nakadikit sa pakikibaka ng buong mamamayan at mapagpasyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

Hangga’t namamayagpag ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo ay patuloy na uusbong ang mga rebolusyonaryong LGBT at lalakas ang pakikibakang masa. Ang paglaya ng kasarian ay paglaya ng sambayanang Pilipino!

Ang Pride ay Rebolusyon!

Ang Pride ay Rebolusyon!