Pahayag

Impyunidad ng estado sa mga bata, pinalalala sa pagpapababa ng minimum age of criminal responsibility

, ,

Mariing tinututulan at kinukundena ng Makibaka-TK ang panukalang pagpapababa ng minimum age of criminal responsibility bunsod ng nakaaalarmang bilang ng mga batang nasasangkot sa kriminalidad. Sinakyan ng mga reaksyunaryong pulitiko ang usapin para isulong ang panukalang batas nang walang masusing pagsusuri. Ang normalisasyon ng karahasan na pinalalaganap sa pamamagitan ng terorismo at militarisasyon ng reaksyunaryong estado kasangkapan ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang ugat ng tumataas na insidente ng karahasang bumibiktima sa mga bata.

Nakababahalang mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga bata ang gumimbal sa bansa nitong Hunyo. Sa Cavite lamang, tatlong (3) insidente ng karahasan ang sangkot ang mga bata. Sa General Trias City, isang grade 5 na estudyante ang sinaksak ng kutsilyo ng kapwa mag-aaral na grade 8. Sa Cavite City, insidente rin ng pananaksak ang kinasangkutan ng isang Senior Highschool sa isang kapwa mag-aaral nito. Samantala sa General Mariano Alvarez, isang mass shooting sa paaralan ang tinangkang gawin ng isang grade 10 na estudyante. Ika-22 ng Hunyo naman nang mangyari ang pamamaril ng dalawang bata sa San Jose National Highschool sa Tacloban City na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo (3) habang nasa labingtatlo (13) ang sugatan na mga kapwa mag-aaral ng mga ito. Ang ginamit na armas ng dalawang bata, labing apat (14) at labinglimang (15) taong gulang, ay parehong pagmamay-ari ng kanilang mga magulang at kapamilya; isa rito ang tiyahin ng 14 taong gulang na si Police Staff Sergeant (PSSg.) Arla Ray Pacencia. Diumano’y pangarap maging pulis ng bata at inamin pa nito na dinala niya upang magsanay ang kaniyang pamangkin sa isang firing range.

Lubos ang pakikiramay ng rebolusyonaryong kababaihan sa Timog Katagalugan sa pamilya ng mga nasawing mga bata at sa mga batang patuloy na dumaranas ng trauma matapos ang mga insidente. Habang pinapanagot ang mga kabataang namaril, hindi natin dapat kaligtaang sila, ang lahat ng mga bata, ay biktima ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan na nagpapaigting ng kultura ng pasismo upang panatilihin ang paghahari ng iilan at pananamantala sa mamamayan.

Ngunit imbes na suriin sa ugat ng pag-usbong ng mga ito upang putulin ang puno’t dulo, sariling kamangmangan at paglilihis sa tunay na dapat buntunan ng sisi ang pinapantapal ng estado sa mga isyu nang inutil ng mga itong isisi sa video games at ihapag ang pagpapababa ng edad para makulong ang mga bata nang walang kongkreto at siyentipong pagsusuri sa ugat ng lahat ng ito.

Anong kultura ba ang kasalukuyang pinaiiral na naghuhubog sa mga bata para matutunan ang karahasan?

Sa Timog Katagalugan, sa desperasyong abutin ang deklarasyong diumano’y ‘insurgency free’ ang mga probinsya nito, bata-batalyong mga yunit ng regular na militar, Civilian-Military Operation (CMO), at iba pang mga elemento nito ang dineploy sa mga komunidad at pamantasan.

Sa Cavite, pinakalat ang mga elemento ng 202nd Infantry Brigade (Task Force Ugnay) at 2nd Infantry Division sa komunidad ng mga magsasaka upang maisakatuparan ang pangangamkam ng lupa at sa mga pamantasan na nakatabing bilang mental health symposium at youth development ngunit ang tunay na agenda ay itanim ang kaisipang red-tagger at pilit pigilan ang nag-aalab na kilusang kabataan. Sa Batangas, naghahasik ng intimidasyon at takot ang mga militar sa pagbabahay-bahay ng mga ito sa komunidad ng mga magtutubo upang pigilan ang pakikibaka para sa kabuhayan ng mga magtutubo. Sa Rizal, pinanghihimasukan ng mga militar sa pangunguna ng 2nd Infantry Division ang mga komunidad ng katutubo at magsasaka at maging mga pamantasan na nagtayo pa ng kani-kanilang military detachment sa mga sibilyang komunidad habang kinokontrol din mismo ang lokal na pamahalaan. Sa Mindoro, 13 batalyong yunit ng militar at yunit ng CAFGU, CMO, at iba pang pasistang elemento ang naghahasik ng kultura ng karahasan at abuso sa kababaihan, bata, at mamamayan.

Sa Balabac at Puerto Prinsesa sa Palawan, Ternate Cavite, San Narciso Quezon, at iba pang mga bayan sa kanayunan ng rehiyon, ginagawang tila-playground ng mga dayuhang militar pangunahin ng militar ng US at mismong AFP para sa kanilang military training ang lupang dapat ay binubungkal ng masang magsasaka para sa kabuhayan at para sa tirahan. Ninonormalisa ng mga ito ang takot ng mga bata at mamamayan sa tunog ng mga putukan at bomba.

Nito lamang taon ay magkakasunod ang pamamaslang ng militar sa mga bata. Sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro ay walang habas na binomba at nagpaulan ng bala ang mga militar sa pangunguna ng 203rd Infantry Brigade, 2nd ID, at 5th Scout Ranger Battalion na nagmasaker sa tatlong (3) batang Mangyan-Iraya. Sa Toboso, Negros Occidental ay 19 ang namatay kabilang ang mga sibilyan sa isang masaker na ginawa ng 79th Infantry Batallion, dalawa (2) dito ay bata edad labing pito (17) at labinglima (15) taong gulang.

Matatandaan ding nagkaroon ng programa ang mga militar at National Task Force to End Local Communists and Armed Conflict na pag-iikot sa mga paaralan ng elementarya hanggang kolehiyo upang magturo ng paggamit ng baril sa mga bata at maging symposium para diumano’y gupuin ang CPP-NPA-NDFP. Bukod pa rito ang mga red-tagging forum at kontra “terror-grooming” forum ng NTF-ELCAC sa mga paaralan at pamantasan.

Ginawang tila normal ng mga berdugong militar, kapulisan, at lahat ng armadong pwersa ng estado ang pangangalandakan ng mahahabang kalibre ng baril sa mga sibilyang komunidad, checkpoints, at maging paaralan upang ipakita kung paanong nasa punlo nito ang kapangyarihan at kapalaran ng mamamayan nang sa gayon ay walang pagpilian ang mga ito kung hindi sikmurain ang takot at hayaang hubugin silang maging marahas.

Ang mga bata ay likas na mausisa at tagasunod sa mga gawi ng nakatatanda, kung kaya ang lipunang ninonormalisa ang pamamaslang at pananakot para sa kapangyarihan ay naghuhubog ng paslit para maging susunod na tagapagpatuloy ng kultura ng karahasang ito. Hangga’t ang ating lipunan ay malakolonyal at malapyudal, patuloy ring malayo sa tunay na malaya at ligtas na lipunan ang mga bata.

Kababaihan, kabataan, at mamamayan, higit pang iabante ang rebolusyon! Ibagsak ang papet na reaksyunaryong estado at itaguyod ang demokratiko rebolusyong bayan para likhain ang maaliwalas na kinabukasan sa mga batang Pilipino!

Pasistang estado ang ugat ng karahasan! Palayasin ang mga militar sa mga komunidad ng mamamayan!

Impyunidad ng estado sa mga bata, pinalalala sa pagpapababa ng minimum age of criminal responsibility