Sa ika-59 anibersaryo ng Kabataang Makabayan Mensahe ni Comrade Kathryn sa Kabataang Makabayan
Mainit na rebolusyonaryong pagbati sa mga kabataang kasapi ng Kabataang Makabayan sa Timog Katagalugan! Pagpupugay sa ika-59 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan!
▽ DOWNLOAD
Kaisa ninyo kami sa Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog sa pagdiriwang sa tuluy-tuloy at hindi napapatid na pagsusulong ng rebolusyon ng mga kabataan sa bawat henerasyong lumipas. Napakamakabuluhang okasyon ang pagsapit ng KM sa halos anim na dekada mula nang itatag ito nina Propesor Jose Maria Sison noong 1964. Isa itong malaking testamento sa kahalagahan at papel ng kabataan sa pagsusulong ng panlipunang pagbabago.
Ang inyong pagtangan at pagyakap sa rebolusyon ay inspirasyon sa iba’t ibang uri at sektor. Nagbibigay ng pag-asa ang maalab at marubdob ninyong pagtangkilik sa rebolusyon. Naaaninag natin ang tagumpay kakapit-bisig ang mga kabataan!
Kabilang kayo sa inaapi at pinagsasamantalahang uri sa lipunan dahil pinapasan ninyo ang hirap na dinaranas ng inyong mga magulang na nasa hanay ng mga manggagawa, magsasaka o mababa hanggang sa mababang panggitnang petiburgesya. Sinasabi ng reaksyunaryong estado na ang magandang kinabukasan para sa kabataan ay sa pamamagitan ng edukasyon. Ngunit isa itong kalokohan dahil bulok ang sistema ng edukasyon. Maraming kabataan ang hindi nakakapag-aral dahil sa napakataas na bayarin sa eskwela at araw-araw na gastusin. Nais pang kontrolin ng reaksyunaryong estado ang kaisipan ng mga kabataan para gawin silang mga bulag na tagasunod ng naghaharing uri at imperyalismong US. Hindi rin ligtas ang mga kabataan sa pang-aatake at panunupil ng estado. Biktima ng gera kontra-iligal na droga at kontra-rebolusyonaryong gera ang mga bata at kabataan kagaya nina Jemboy Baltazar sa Navotas, Kyllene Casao sa Batangas at marami pang iba. Hindi rin iilang kabataan ang nirered-tag tulad ng ginagawa sa mga kabataang lider ng rehiyon na pilit binubusalan ng ilehitimong rehimeng Marcos II.
Ngunit hindi dapat tumigil ang mga kabataan. Hindi dapat matakot na harapin at pawiin ang karimlan na inilukob ng papet na estado at imperyalismong US sa ating bayan. Ang kasalukuyang panahon ay isang napakalaking hamon sa mga kabataan. Maihahalintulad ito sa panahong kinaharap ng mga kabataan noong Martial Law ng matandang Marcos. Sa gitna ng ipinapakalat na histerya at panlilinlang ng estado, nasa kabataan ang tungkuling punitin ang mga kasinungalingan, ilantad ang katotohanan at ipalaganap ang kawastuhan ng rebolusyon bilang solusyon sa nagaganap na krisis ng lipunan. Tanganan ang tungkulin ng kabataang Pilipino sa ikalawang kilusang propaganda! Ipagpatuloy ang rebolusyon sa kultura at matapang na ibandila ang rebolusyonaryong kultura laban sa burgis, pyudal at dekadenteng kulturang ipinalalaganap ng imperyalismo at naghaharing reaksyon.
Hinahamon at tinatawagan ang mga kabataan na magpasya at tumindig para sa bayan. Tularan ang mga KM kagaya nina Josephine “Ka Sandy” Mendoza na narekrut noong siya ay kabataang estudyante sa panahon ng Martial Law; sina Melito Glor, Lucio de Guzman, Apolonio Mendoza, Bienvenido Vallever na mga martir na ipinangalan sa mga command ng NPA sa rehiyon; gayundin ang mga kabataang martir ng kasalukuyang panahon kagaya nina John Carlo “Ka Iñigo” Capistrano Alberto, Kevin Cedrick “Ka Lucio” Castro, Arc John “Ka Hunter” Varon, Queenie Loricel “Ka Kira” Daraman, Josephine “Ka Ella” Lapira, at Jethro Isaac “Ka Pascual” Ferrer.
Hindi basta-basta minamana ng kabataan ang isang masagana at malayang lipunan. Ito ay nililikha ng nakikibakang mamamayan, kabilang ang mga Kabataang Makabayan na tunay na pag-asa ng bayan. Sa inyong hanay sisibol at papandayin ang mga susunod na lider ng pambansa demokratikong rebolusyon. Inaanyayahan namin kayong sumapi sa NPA para sa pagsusulong ng armadong pakikibaka hanggang tagumpay.
Muli, mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mabuhay ang pambansa demokratikong kilusan!###