Mga pasistang elemento ng 31st at 22nd, naghahasik ng lagim sa bayan ng Barcelona at Gubat
Kinukundena namin ang panghaharas at kawalan ng respeto ng AFP sa pamilya ng namartir na kasama na si Ka Patrick.
Kaninang ala-una ng umaga, sinugod ng 10 elemento ng MICO at 31st IBPA ang burol ni Baltazar “Ka Patrick” Hapa sa punenarya sa sentro ng Gubat, sa pamumuno ni Jordan Enconado, ahente ng 96th MICO. Ayon sa pamilya, binantaan sila ng mga ahenteng militar na papatayin nila ang kapatid ni Ka Patrick na matagal nang namuhay bilang sibilyan, kung hindi daw ito susuko.
Nananawagan naman ang pamilya ni Ka Patrick na irespeto sila at tigilan na ang panghaharas sa kanila, lalo na’t may matagal nang kasaysayan ang AFP na maski sa libing ng martir ay sinusundan at hinaharas pa rin ng mga pasista ang naiwang pamilya.
Si Ka Patrick ay pinaslang ng mga elemento ng 31st IB nitong Enero 14, sa Barangay Togawe, Gubat, Sorsogon.
Kasalukuyan naman hinaharas at binabantaan ng mga pasistang AFP ang mga magsasaka sa mga bayan Gubat at Barcelona habang naglulunsad ng kanilang combat operation. Nag ooperasyon ang mga elemento ng 22nd IBPA sa Barangay Alegria, San Antonio, San Ramon, at Sta. Lourdes sa bayan ng Barcelona. Nag ooperasyon din ang mga elemento ng 31st IBPA sa barangay Sangat, Jupi, Dita at Cabiguhan sa bayan ng Gubat.
Ang pananakot at panghaharas sa walang kalaban-labang mga sibilyan ay isang karuwagan at paglabag sa internasyunal na makataong batas at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) hinggil sa wastong pagtrato sa mga sibilyan sa gitna ng umiiral na gera sibil sa bansa. Ipinapakita lamang ng mga insidenteng ito ang kaduwagan at kawalang respeto ng mga reaksyunaryong armadong pwersa sa mga batas ng digma.
Nananawagan kami sa mamamayang Sorsoganon na maging mapagmatyag sa posible pang maging paglabag sa karapatang-tao sa gitna ng pinatitinding mga operasyon ng AFP/PNP. Dapat magkaisa ang mamamayan sa paglalantad at paglaban sa lahat ng porma ng paglabag sa karapatang-tao.
Hinahamon naman namin ang mga opisyal ng lokal na reaksyunaryong gubyerno na aksyunan ang mga daing ng mamamayan laban sa mga abusong militar.