Statement

Mga proyektong imprastruktura hindi ayuda para sa pagkain at kalusugan ang prayoridad ng administrasyong Suarez sa Hilagang Quezon

Hindi katanggap-tanggap ang paglalaan ng rehimeng US-Duterte ng humigit-kumulang na P4 bilyong pondo para sa palabigasang mga proyektong imprastruktura sa unang distrito ng Quezon sa gitna ng pagtindi ng kahirapan at kawalan ng hanapbuhay ng mga Quezonin. Sa mga bayang saklaw ng Hilagang Quezon pa lamang, naitala na ang P2.6 bilyong pondong inilaan ng estado sa numero unong kurap na ahensyang DPWH at P98.5 milyon mula sa DA para sa pagpapaganda at pagpapaayos kuno ng mga kalsada at mga tulay para sa kasalukuyang taon. Ito ay kahit na nagmakakaawa na ang mga local government unit (LGU) na dagdagan ang pondong nakalaan para sa komprehensibong pagtugon sa lalo pang lumalalang atake ng CoViD-19 at pananalanta ng mga kalamidad sa lalawigan.

Ininda na ng mamamayan ng Quezon ang kawalan ng pondo para sa panlipunang serbisyo sing-aga pa lamang ng 2018. Walang ayudang nakuha ang mga magniniyog nang bumaba ang presyo ng kopra ng P8 kada kilo noong 2019. Kakarampot at pili lamang ang nakatanggap ng suportang pinansya mula sa hanay ng mga mangingisda na apektado ng napakatumal na huli ng isda. Labis na nalugi ang mga magsasaka sa palayan dahil sa tuluy-tuloy na pagsandig ng gobyerno sa mga imported na bigas mula sa ibang bansa sa bisa ng Rice Liberalization Law. Kulang na kulang ang ipinamahaging P1,000 hanggang P4,000 ng reaksyunaryong gobyerno para maipaayos ang mga nasirang tirahan sa saklaw ng Polillo Group of Islands (PoGI) matapos ang matinding hagupit ng sunud-sunod na bagyo noong 2020, pinakahuli ang bagyong Ulysses. Bago pa man ito, isiniwalat na ng mga lokal na gobyerno ng Real, Infanta, General Nakar at limang bayan ng PoGI ang kawalan ng suporta mula sa administrasyong Duterte upang tugunan ang kawalan ng kabuhayan dulot ng pandemya. Maski nga pondo na pambili ng face mask na libreng ipapamahagi sa taumbayan ay wala nang mailaan ang lokal na gobyerno dahil sa kakulangan sa badyet.

Ang mga problemang ito ay hindi man lang hinarap ng administrasyong Suarez. Kalakip ng ‘serbisyong’ hatid ng mga Suarez ang pagpapaalwan sa pagkilos at pagsasamantala ng malalaking burgesya komprador sa buong baybayin ng Hilagang Quezon habang tinatalikuran ang kanilang mandato sa mamamayan. Pagkaluklok pa lang ni Danilo Suarez bilang gobernador ng lalawigan, pinangakuan na niya ang mga developer na kanilang mapapakinabangan ang coastal areas ng Hilagang Quezon bilang special ecotourism zone. Nangangahulugan ito ng pagsuporta sa kapritso ng malalaking kapitalista’t naghaharing-uri at pagbalewala sa kapakanan ng mga maralitang magsasaka’t mangingisda.

Sa katunayan, naglaan ang rehimeng US-Duterte ng malaking pondo sa Hilagang Quezon upang matuloy ang mga proyektong imprastukturang pang-ekoturismo (pagpapaganda ng kalsada, pagpapatibay ng tulay, paggawa ng kalsada para maidugtong ang bawat bayan sa isa’t isa). Pinalayas ang mga mangingisda sa kanilang mga komunidad sa tabing-dagat para bigyang-daan ang pagtatayo ng mga resort. Nilapastangan ng mga mangangamkam ng lupa ang mga sagradong sambahan at lupaing ninuno ng mga katutubong Dumagat sa ngalan ng pagpapakilala sa mga ito bilang tourist attractions. Nawalan ng hanapbuhay ang mga magniniyog nang mapasakamay ng mga naghaharing-uri ang mga lupang kanilang pinagpaguran. Ang mga ito rin ang pangunahing binabantayan ngayon ng berdugong 1st Infantry Battalion sa dikta na rin ng mga amo nitong naghahari-harian sa Hilagang Quezon.

Kaysa ituon ang pagsisikap ng pamahalaan sa pagtugon sa medikal at batayang pangangailangan ng mga Quezonin sa harap ng nakamamatay na CoViD-19, inuna nina Suarez at Duterte ang pag-aayos ng mga kalsadang kahilingan ng malalaking kapitalista. Papataas ang badyet na inilalaan ng reaksyunaryong gobyerno para sa mga proyektong kalsada ng DPWH sa probinsya. Mula sa humigit-kumulang P569 milyon mula 2019, nadagdagan ito nang 6% noong 2020 (P604 milyon) na disin sana’y inilaan sa medikal at serbisyong panlipunan. Pinakamatindi ang pagtaas ngayong taon na umabot nang 332% (mula P604 milyon ay naging P2.6 bilyon) kahit na inamin ng mismong LGU na sa pagtatapos ng 2020 ang kakulangan ng calamity fund ng lalawigan at tumambad sa simula pa lang ng 2021 ang mas malalang hagupit ng pandemya.

Malaking kabalintunaan na sa panahon ng matinding krisis, mas uunahin pa ng reaksyunaryong gobyerno ang pag-aayos at pagpapaganda ng mga kalsada at tulay kaysa paglaanan ng sapat na pondo ang pagkain at hanapbuhay ng mga Quezonin. Aanhin ang mga kalsadang ito kung walang makain ang taumbayan? Aanhin ang mga ito kung wala namang maibibiyaheng produkto ang mga magsasakang ilang ulit na sinalanta ng mga kalamidad? Ang tanging makikinabang sa mga proyektong ito ay ang mga lokal na burukrata at mga kapitalistang wawaldasin lamang ang nakalaang pondo para sa kanilang pagtakbo sa eleksyon 2022. Tiyak na busog-tuta na naman ang mga Suarez at ang kasalukuyang kalihim ng DPWH na si Mark Villar, kasama na ang mga kasosyo nila, sa pagpaparte-parte sa P2 bilyong pondong nakalaan para sa Hilagang Quezon pa lamang.

Nananawagan ang Apolonio Mendoza Command – North Quezon sa mamamayang Quezonin na ipaglaban ang kanilang karapatang direktang mapakinabangan ang mga pondong ito. Sa pagtatapos ng Hunyo 2021 ay P334.3 milyon pa lamang ang nailalabas para sa mga kontrata ng road and bridge construction and development. Kailangang ipanawagan ng mamamayan ang paglilipat ng natitirang mahigit pang P1 bilyong pondo sa serbisyong medikal at serbisyong panlipunan para mapakinabangan ng masang anakpawis. Makatarungan lamang na unahin ang kumakalam na sikmura at pagpapaunlad sa aspetong pangkalusugan para sa kapakanan at kagalingan ng mayorya sa panahon ng public health crisis. Ang nagkakaisa’t lumalabang hanay ng mga magsasaka, mangingisda at mga katutubo, kaisa ang iba pang uring inaapi sa buong Hilagang Quezon kasama ang kanilang Hukbo ang tanging makabibigo sa pagsusulong ng naghaharing-uri sa kanilang mga personal na interes.###

Mga proyektong imprastruktura hindi ayuda para sa pagkain at kalusugan ang prayoridad ng administrasyong Suarez sa Hilagang Quezon