Pahayag

Opisyal na pahayag sa unang taong pag-alaala sa pag-aalay ng buhay ni Kasamang Dani “Ka Karen” Lagrama

Sa kabila ng mga internal na balakid at banta ng pasistang estado ngayong taon, mapagpasya itong hinaharap ng mga kabataan at estudyante ng lalawigan ng Quezon para patuloy na palakasin ang pag-alab ng dekadang pagsusulong ng pambansang demokratikong rebolusyon.

Taas kamaong binabati ng Kabataang Makabayan-Balangay Dani Lagrama (KM-DL) ang pinakamamahal nating Partido Komunista ng Pilipinas sa ika-55 taong pagdiriwang nito ng pagkakatatag. Kasabay nito ang pagpaparangal sa buhay na inialay nina Ka Ka Benito Tiamzon, Ka Wilma Austria-Tiamzon, Ka Jude Fernandez, Ka Josephine “Sandy” Mendoza, Ka Emmanuel “Alfie” Nazareno at Kasamang Joma Sison.

Natatanging pagdakila naman ang aming pinaaabot kina Kasamang Joseph “Ka Ken” delos Santos, Recanio “Ka Jeni” Bulalacao at lalo’t higit kay Dani “Ka Karen” Lagrama. Isang taon na ang nakalilipas matapos silang mamartir sa Barangay Huyon-Huyon, San Francisco, Quezon noong ika-29 ng Enero. Walang kaparis ang kanilang pag-aalay ng buhay para sa rebolusyunaryong kilusan at mamamayan ng Bondoc Peninsula.

Para sa mga kabataan at estudyante ng lalawigan, huwaran ang dakilang sakripisyo ni Dani para itaguyod ang kagalingan hindi lamang ng sektor ng kabataan kundi pati sa pagtatanggol ng karapatan ng mga aping magsasaka at mamamayan ng Quezon. Ang kaniyang hindi mapaparisang ambag sa rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan ang nagbibigay inspirasyon sa amin upang mapagpasya at mapangahas na isulong ang mga anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasistang pakikibakang masa. Gayundin, para lubusang ilantad at labanan ang kolonyalisado, komersyalisado at pasistang katangian ng edukasyon—na walang pinagbago, sa halip ay lumala pa matapos ang ‘new normal.’

Bago pa man mapagpasyang tahakin ni Dani ang buhay at pakikibaka sa sonang gerilya noong 2018, aktibo nang lumalahok si Dani sa iba’t ibang aktibidad pampaaralan para iabante ang kagalingan at karapatan ng kaniyang mga kapwa estudyante. Ganap siyang namulat nang tumuntong sa kolehiyo at nag-aral sa Manuel S. Enverga University Foundation at Southern Luzon State University.

Nanguna si Dani sa paglulunsad ng mga porum-talakayan, art exhibit at iba pang porma ng mga pag-aaral upang makapag-organisa ng mga kapwa estusyante at makapagpalalim ng kaalaman sa tunay na kalagayan ng lipunan. Kasabay ng pagiging mag-aaral sa kursong BS Biology, nagsilbi rin siya bilang tagapangulo ng Student Council ng kaniyang kolehiyo sa College of Arts and Sciences (CAS). Tunay na primaryang interes ni Dani ang pagsisilbi sa kapwa at malawak na hanay ng masang api.

Habang tinatapos ang kaniyang thesis, ginagampanan niya ang mga tungkulin sa pagiging lider-estudyante. Primarya niyang tinugunan ang pagtitiyak sa malakihang pagkilos noong buwan ng Oktubre taong 2015. Mahigit kumulang sa 5,000 magsasaka at iba pang sektor ang nagsama-sama para ipanawagan ang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo at pagbabalik ng pondo coco levy sa mga magsasaka’t magniniyog sa probinsya.

Ang anti-estudyanteng polisya ng edukasyon, nakapanlulumong kalagayan ng mga magbubukid at ang kagustuhang baguhin ang kronikong sistema ang nagtulak kay Dani upang iangat sa pinakamataas na porma ang kanyang pakikibaka. Kaya taong 2018, bitbit ang rebolusyonaryong diwa at ginintuang puso para itaguyod ang karapatan ng nakararami, buong loob na nagpasya si Dani na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

Upang marapat na dakilain ang sakripisyo ni Dani o Ka Karen para sa mga kabataan, mamamayan, bayan at rebolusyon, idinadambana namin sa kaniya ang opisyal na pagpapangalan sa balangay ng Kabataang Makabayan sa lalawigan ng Quezon. Patuloy ang pagpapalakas at pagpapatatag ng Balangay Dani Lagrama laluna sa tumitinding krisis sa ekonomiya at girian sa pulitika ng mga pangkatin ng pamilyang Marcos at Duterte.

Hamon ngayon sa mga kabataan na paghalawan ang buhay pakikibaka ni Ka Karen upang isulong sa walang kaparis na antas ang pambansang demokratikong rebolusyon. Gamiting inspirasyon ito upang puspusang iwasto ang mga naging kamalian at paunlarin ang mga naging kahinaan. Pandayin ang mga sarili at kolektiba sa turo ng Marxismo-Leninismo- Maoismo at wastong ilapat ito sa ating pang-araw-araw na mga gawain. Palagiang balikan rin ang mga suri’t aral ni Kasamang Joma Sison upang matalas na kumpunihin ang ating mga naging kamalian at kahinaan.

Panawagan sa mga kabataan na mapagpasyang harapin ang mga sakripisyo upang puspusang isulong ang demokratikong rebolusyon bayan! Dakilain si Ka Dani Lagrama! Mabuhay ang Kabataang Makabayan! Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Opisyal na pahayag sa unang taong pag-alaala sa pag-aalay ng buhay ni Kasamang Dani “Ka Karen” Lagrama