Pagdating ni Austin, Blinken, senyal ng pinaigting na panghihimasok ng US

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Dapat magkaisa ang mga Pilipino, Japanese at Korean, kasama ang iba pang mamamayan ng daigdig na lumalaban sa paghahanda at pang-uupat ng gera ng US, upang tutulan ang pagdating sa susunod na linggo nina US Defense Secretary Lloyd Austin at State Secretary Antony Blinken, ang pinakamalalaking halimaw sa gera ng gubyernong US.

Ang nakatakdang pag-ikot sa tatlong bansa ng tambalang humaling sa digmaan ay hudyat ng mas mataas na kampanya ng interbensyon ng US sa Pilipinas at iba pang mga bansa sa Asia. Patuloy na nagpapalala sa tensyong militar sa rehiyon ang pagtulak ng gubyerno ng US sa kanyang Indo-Pacific Strategy para palibutan ang imperyalistang karibal nitong China at pigilan ang paglago nito sa ekonomya at militar.

Bibisita sina Austin at Blinken ilang araw lamang matapos maglabas ng mapandigmang deklarasyon laban sa China ang alyansang militar na North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa pamumuno ng US. Epektibong idinadawit ng US at NATO ang China sa proxy war nito sa Ukraine laban sa Russia, nang ideklara nito ang China bilang “mapagpasyang tagasuporta” ng Russia.

Ang pagdating nina Austin at Blinken ay malinaw na indikasyon ng plano ng imperyalismong US na higit pang palakasin ang presensyang militar nito sa Japan, South Korea at Pilipinas. Okasyon din ito para pahigpitin ang koordinasyong militar ng US at Japan, laluna matapos na mabigyan ang militar ng Japan ng karapatang maglabas-masok sa Pilipinas sa pamamagitan ng Reciprocal Access Agreement. Nilalayon din nilang bigyang daan ang higit na pag-iimbweltong militar ng mga bansa ng NATO, kabilang ang France, Italy, Canada, at iba pa.

Kinukumpasan ng US ang isang kampanyang saywar para bilugin ang ulo ng mga Pilipino para paburan ang panghihimasok militar ng US sa Pilipinas. Sadyang pinalalaki ng gubyernong Marcos, mga grupo at institusyong pinondohan ng US, at mga pulitiko at indibidwal na maka-US, ang pag-aangkin sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapaypay sa linyang “ipagtanggol ang West Philippine Sea.” Ang layunin ay maling ilarawan ang presensya ng mga barko ng coast guard ng China sa EEZ bilang “armadong panghihimasok” at ilarawan ang mga hidwaang pangkaragatan sa pagitan ng Pilipinas at China bilang isang sigalot militar. Ang ipinapanakot na “paglusob ng China” ay may layuning papaniwalain ang mga Pilipino na ang tanging masusulingan ng bansa ay ang paghingi ng “proteksyon” ng US at paggamit sa Mutual Defense Treaty.

Napakatindi ngayon ng panghihimasok militar ng US sa Pilipinas. Sa nakalipas na dalawang taon sa ilalim ni Marcos, pinalakas ng US ang pagpapakat ng mga tropa nito, ang pagpusisyon ng mga armas sa mga base militar nito sa Pilipinas, pagpapakitang-gilas militar at pagsasagawa ng walang tigil na mga pagsasanay sa gera.

Ang lahat ng ito ay nagsisilbi sa pagpapasidhi ng tensyon at pagpapataas ng posibilidad na sumiklab ang armadong labanan. Ito’y pakikinabangan lamang ng US at ng mga kapitalista sa industriyang militar nito, at magdadala lamang ng mas matinding pagdurusa sa sambayanang Pilipino.

Pagdating ni Austin, Blinken, senyal ng pinaigting na panghihimasok ng US