Pagkawasak ng Masbate kapalit ng sapilitang pagpapapirma sa people’s initiative
Kabaha-bahala ang palihim na pagpapalaganap ng petisyong people’s initiative sa mga barangay sa Masbate. Namonitor ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan na nagsimula na ang pagpapapirma sa ilang mga bayan sa pamamagitan ng mga upisyal ng barangay sa hudyat ni Gov. Antonio T. Kho.
Walang bahid ng anumang inisyatiba ang naturang people’s initiative. Ayon sa mga paabot ng masa, ni hindi ilinilinaw ang layunin sa pagpapapirma.
Hinihikayat ng Jose Rapsing Command-BHB Masbate ang mga Masbatenyo na maging kritikal sa pakay ng pagpapapirma. Pinakamahusay kung iboykot ng mamamayan ang naturang petisyon. Kapalit ng sapilitang pagpapapirma sa kanila ang pagsuko ng kanilang lupa, karapatan, kabuhayan at buong kinabukasan ng Masbate sa kamay ng dayuhan at lokal na mandarambong. Kapalit ng kanilang pagpirma ang lalong kasakiman sa kapangyarihan ni Marcos Jr at mga lokal na kasabwat tulad ni Gov. Kho.
Hinihikayat din ang mga official ng local government units na huwag maging padalus-dalos sa pagpapapirma. Nauunawaan ng rebolusyonaryong kilusan na karamihan sa inyo ay pwersadong sumunod sa atas ni Gov. Kho at malamang na marami sa inyo’y makakatanggap ng pabuya o kikbak sa pagpapapirma. Subalit kung sinsero sa sinumpaang tungkulin bilang halal na lingkod ng taumbayan, mas mahusay na ipaunawa ninyo sa inyong mga nasasakupan ang tunay na layunin ng people’s initiative.
Nananatiling hindi maunlad, bansot, atrasado at palagiang nasa krisis ang bansa dahil mismo sa matagal nang pangingibabaw ng imperyalistang dayuhan sa ekonomya, pulitika, militar at kultura ng bansa. Ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo ang tunay na ugat ng paghihirap ng sambayanang Pilipino. Sa pamamagitan ng mga tuta nitong rehimen tulad ng kay Bongbong Marcos, ipinagkait sa sambayanang Pilipino ang mga pangako ng kaunlarang nakasaad sa kasalukuyang Konstitusyon. Lahat ng ito’y palulubhain lamang ng Charter Change.
Ang landas para sa tunay na panlipunang pagbabago ay sa pamamagitan lamang ng demokratikong rebolusyon. Makatarungan at nararapat para sa mga Masbatenyo na lumahok sa digmang bayan bilang kanilang tunay na people’s initiative para sa tunay na kaunlaran, kaayapaan, demokrasya at katarungan.##