Pahayag ng MAKIBAKA para sa Ika-52 Taon na Pagsusulong ng Pambansa Demokratikong Rebolusyon
Ngayong taon, ipinagdiriwang ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas ang ika-52 taon ng pagkakatatag nito at patuloy na pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon.
Pinagpupugayan ng MAKIBAKA ang lahat ng kababaihang magpasyang nagsusulong at nagtataguyod ng rebolusyon para tuluyang ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo na siyang ugat ng kahirapan at kaapihan ng kababaihan at sambayanang Pilipino.
Ipinagdiriwang din ng kababaihan ngayong araw ang ika-76 kaarawan ni Maria Lorena Barros, isang makata, dakilang rebolusyanaryong martir, at tagapagtatag ng MAKIBAKA.
Itinatag ang MAKIBAKA sa panahon ng diktadurang rehimeng Marcos Sr. Nanguna ito sa paglaban sa karapatan ng kababaihan sa ilalim ng pyudal-patriyarkal na lipunan. Napilitan itong mag-underground nang idineklara itong iligal ni Marcos Sr. matapos ang pagpapatupad ng batas militar sa bansa.
Mula kay Marcos Sr. hanggang sa panunungkulan ni Marcos Jr. sa kasalukuyan, walang kaparis na krisis at pagsasamantala ang kinakaharap ng kababaihan.
Ayon sa konserbatibong datos ng gobyerno, pagpasok pa lamang ng taong 2024, naitala na ang lagpas 2 milyong mamamayang Pilipino ang walang trabaho. 1.3 milyon dito ay kababaihan. Mas mataas ito kumpara sa bilang noong Disyembre 2023. Hanggang ngayon, wala pa ring signipikanteng pagtaas ng sahod para sa mga manggagawa. Nananatiling P610 ang minimum na sahod sa National Capital Region (NCR) samantalang P316 naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nananatiling walang sariling lupang sinasaka ang mga magsasaka. Patuloy pa rin ang pagpapalit-gamit sa mga lupan agrikultural. Lalong nagpahirap sa kanilang kalagayan ang sunod-sunod na importasyon ng mga agrikultural na produkto tulad ng bigas, sibuyas, at karne. Napinsala rin ang mga pananim ng mga magsasaka dahil sa mga kalamidad. Sa kabila nito, puro pautang at panakip butas lamang ang ibinibigay na solusyon ng gobyerno.
Unang taon pa lamang din niya sa panunungkulan, nagtala ang Pilipinas ng 8.7% na implasyon. Ito ang pinakamabilis na pagtaas ng implasyon mula noong 2008. Noong 2023, ang implasyon ang isa sa mga pangunahing inaalala ng mga Pilipino ayon sa sarbey. Patuloy ring tumataas ang presyo ng mga bilihin at taas-singil sa pampublikong serbisyo tulad ng kuryente at tubig.
Tumitindi ang karahasan laban sa kababaihan. Mula Enero hanggang Agosto 2023, 19,635 ang naitalang kaso ng karahasan laban sa kakabaihan at mga bata. Noong nakaraang taon, naitala ang panggagahasa ng limang sundalo mula sa 94th Infantry Battalion sa isang labin-limang taong gulang na babae at kanyang kasama.
Patuloy rin ang paglabag ng estado sa International Humanitarian Law. Dinudukot at tinotortyur ng mga militar ang mga pulang mandirigmang kababaihan na naka-leave dahil sa pagbubuntis o pagkakaroon ng sakit. May mga kaso rin ng pagdukot ng kanilang mga anak para pilitin silang sumuko na lamang.
Sa kabila ng krisis na kinakaharap ng kababaihan, niraratsada ng gobyerno ang Charter Change o Chacha na layuning magkaroon ng 100% pag-aari ng mga dayuhan sa pampublikong serbisyo, edukasyon, at advertising. Maaari rin itong magpalawig ng term extension, mag-alis ng restriksyon sa pag-aari ng lupa sa bansa, at pagpapasok ng mga dayuhang base militar. Pagbebenta sa dayuhan ang pangunahing isinusulong ng gobyerno.
Ang krisis at karahasang pinapalaganap ng estado ay matibay na dahilan kung bakit nagpapatuloy ang pakikibaka ng kababaihan at mamamayang Pilipno.
Mula sa pagkakatatag ng MAKIBAKA sa panahon ni Marcos Sr. hanggang sa maupo ang kanyang anak na si Marcos Jr. sa kasalukuyan, bitbit ng kababaihan ang hindi magagaping rebolusyonaryong diwa sa pagharap malakolonyal at malapyudal na lipunang nagpapalala sa pyudal-patriyarkal na kaayusan. Hamon sa kababaihan na ibayong magpalakas at isulong ang pambansa demokatrikong rebolusyon.
Mabuhay ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan!
Mabuhay ang rebolusyon ng mamamayang Pilipino!