Paigtingin ang mga pakikibakang magsasaka sa buong kapuluan! Ibagsak ang pasistang rehimeng Duterte! Isulong ang rebolusyong agraryo hanggang tagumpay!
Wala nang maaasahan ang milyun-milyong magsasaka sa pasistang rehimeng Duterte. Sa loob ng tatlong taon ipinakita nito ang kontra-magsasaka at walang kasing lupit na paghahari matapos iutos ang mga pagpatay at militarisasyon sa kanayunan na bumiktima sa daan libong pamilya ng magsasaka at mamamayan.
Nananawagan ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM) sa mga magsasaka sa buong kapuluan na palawakin at palakasin pa ang mga pakikibaka para isulong ang rebolusyong agraryo. Buuin ang malawak na pakikipagkaisa sa mamamayang Pilipino na naghahangad ng tunay na pagbabago at ibagsak ang pahirap at pasistang rehimeng Duterte.
Lumalala ang problema sa lupa at paghihirap ng mga magsasaka sa ilalim ni Duterte
Hayagan ang pagtalikod ni Duterte sa tunay na reporma sa lupa at panawagan ng magsasaka sa libreng pamamahagi ng lupa matapos ang pahayag niya noong Mayo 16, 2019 na itigil na ang reporma sa lupa. Nauna pa rito ang Executive Order No. 75 at ang DAR Administrative Order No. 1 para sa eksempsyon ng mga pribadong lupang agrikultural sa anumang reporma sa lupa at pagpapabilis pang lalo ng proseso ng land use-conversion.
Hindi totoo, peke at pakitang tao lamang ang mga palabas niya ng pamahahagi ng CLOA. Ang katunayan — ang mga malalaking lokal at dayuhang korporasyon ang mas nakinabang sa malalawak na lupaing agrikultural tulad ng pamilyang Lorenzo at Cojuangco at mga dayuhang korporasyon na nagpasaklaw pa ng mga plantasyon sa ilalim ng Agribusiness Venture Agreements (AVAs) hanggang sa mga kabundukan na nagpapalayas naman sa mga katutubo sa kanilang lupang ninuno.
Nagpiyesta rin ang mga dambuhalang negosyanteng sina Villar, Ayala-Zobel, Pangilinan at Henry Sy na binigyang laya ni Duterte na ikumbert ang lupang sakahan sa kanilang mga real state at proyekto ng gubyerno na Build, Build, Build. Kabi-kabila din ang reklamasyon ng mga baybaying dagat para sa kanilang mga negosyo tulad ng Aerotropolis sa Bulacan ni Cojuangco-Ramon Ang, Dennis Uy at Razon sa Manila Bay.
Sa ilalim ng Rice Liberalization Law ni Duterte at Villar ay bumagsak ang presyo ng palay hanggang Php7 kada kilo na labis na nagpapahirap sa mga magsasaka at nagpapayaman lamang sa mga rice cartel at smugglers at korap na upisyal ng gubyerno. Bumagsak rin ang presyo ng copra, mais at iba pang produkto ng magsasaka. Ang bilyong pisong pondong coco levy fund na kinulimbat sa mga magniniyog ay muling kukurakutin ng mga burukrata-kapitalista sa gubyerno.
Sa pagtalikod ni Duterte sa reporma sa lupa ay lalong nabaon sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala ang magsasaka. Tumindi ang pambabarat sa sahod ng mga magsasaka at manggagawang bukid at sa mga presyo ng mga produkto ng magsasaka. Nanatili rin ang mataas na interes sa usura.
Tulad ng magsasaka ay galit na rin ang mga mangingisda sa patuloy na importasyon ng mga isda at pagwasak sa mga pook pangisdaan para sa mga negsoyo ng iilan. Gayundin, malawak ang diskontento ng mga manggagawang agrikultural at maliliit na planters sa tubuhan dahil din sa importasyon ng asukal.
Lumawak ang mga pagpatay at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Duterte
Dumaranas ngayon ang mga magsasaka ng malupit na pasistang tugon ni Duterte sa mga lehitimong pakikibaka para sa lupa at kabuhayan. Kabi-kabila ang mga pagpatay sa mga magsasaka, iligal na pag-aresto at pagkulong sa mga lider at kasapi ng samahang magsasaka at pambobomba sa mga komunidad.
Ipinatupad ang Martial Law sa Mindanao at Memo Order 32 sa Negros, Samar-Leyte at Bicol habang sa iba pang mga rehiyon ay walang tigil ang militarisasyon. Ipinatupad ang Executive Order-70 o Whole-Of-Nation Approach na naglagay sa bansa sa de-facto Martial Law. Nagbigay lisensya ito sa AFP at PNP para maghasik ng mga pananakot, pag-aresto at pagpatay sa mga magsasaka at mamamayang nagtatanggol ng karapatan at kabuhayan. Umabot na sa 231 ang mga pinatay na magsasaka at libu-libo pa ang naging biktima ng mga iba’t-ibang tipo ng pandarahas at pagmamalupit ng AFP at PNP sa kanayunan.
Isulong ang Rebolusyong Agraryo Hanggang Tagumpay
Ipinapakita ng mga karanasang ito na walang maaasahan ang mga magsasaka sa gubyerno higit lalo ngayon sa ilalim ng kontra-magsasaka at pasistang si Duterte. Tanging sa pagsusulong lamang ng rebolusyong agraryo ang landas para wasakin ang monopolyo sa lupa ng iilan at mawawakasan ang daantaong pyudal at malapyupdal na pagsasamantala sa mga magsasaka.
Ang gubyerno ng malalaking panginoong maylupa, komprador burgesya at dayuhang monopolyo na kinakatawan ni Duterte ay malupit at nagpapalala pa ng matinding kahirapan ng masang magsasaka. Hindi sasapat ang mga reporma, ang kailangan ay wasakin ang gubyerno ng iilan at alisan sila nang kapangyarihan sa estado na ginagamit para kamkamin ang lupa ng magsasaka at ipatupad ang sistemang pyudal at malapyudal sa kanayunan na nagpapahirap sa mga magsasaka.
Gaya ng mga nakaraang rehimen, mabibigo si Duterte na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan dahil nagtatamasa ito ng malawak na suporta mula sa magsasaka at mamamayan sa kanayunan dahil sa tagumpay ng rebolusyong agraryo. Bunga nito ay hakbang-hakbang nang naitatayo ang Organo ng Kapangyarihang Pampulitika sa malawak at malalim na baseng masa ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan.
Sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo ay mahalaga ang isang hukbong magsasaka, ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) na magtataguyod ng mga programa nito. Dapat ay himukin ang mga manggagawa at kabataan na lumahok sa BHB para isulong ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan na pangunahing nagtataguyod ng rebolusyong agraryo at mga demokratikong kahilingan at interes na taumbayan.
Kailangan buuin ang mahigpit na pakikipagkaisa ng uring magsasaka sa mas malawak na mamamayang naghihirap at inaapi at naghahangad ng pagbabago. Sa papamagitan lamang nito mabubuo ang mas malawak at malakas na kapangyarihan ng mamamayan para ibagsak ang pahirap at pasistang rehimeng Duterte.