Pahayag

Panawagan sa mga bagong sundalong nagtapos sa PMA: Paglingkuran ang sambayanan!

Hinahamon ng Bienvenido Vallever Command (BCV) – NPA Palawan ang mga bagong sundalong nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) ngayong taon na buong pusong maglingkod sa sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan. Upang maisakatuparan ito, nararapat munang talikuran ang pasistang punong-kumander ng AFP at presidente ng reaksyunaryong gobyerno na si Ferdinand Marcos Jr. at matapang na labanan ang amo nitong imperyalismong US.

Sa isang banda, nauunawaan ng BVC kung bakit pinili ninyo ang propesyon ng pagsusundalo. Sa harap ng malubhang krisis ng bansa, at pagpapalaki ng sweldo ng mga sundalo ng nagdaang rehimeng US-Duterte, marami ang mahihikayat na marekrut dito. Higit pa, palatandaan din ito na nais ninyong magsilbi sa bayan sa kabila ng mga panganib sa buhay na maaari ninyong kaharapin bilang sundalo. Gayunman, napakalaki ng pagkaiba sa halaga ng kamatayan ninyo kumpara sa NPA dahil ang itinatanim sa inyong mga isip at siyang pinapagawa sa inyo ay ang maglingkod sa iilang naghaharing uri’t imperyalismong US. Bulag na pinasusunod sa inyo ang utos ng inyong reaksyunaryong presidente na kilala sa pagiging magnanakaw at mamamatay tao, gaano man ito karahas at kabrutal laban sa sambayanang Pilipino.

Bilang mga batang gradweyt ng akademya na puno ng pag-asa at kasigasigan, taglay ang makabayang diwang maging tapat sa inyong lupang tinubuan, huwag ninyong hayaang tuluyang malason at mabulok ang inyong isip sa pasista-teroristang doktrina ng AFP at imperyalismong US. Huwag ninyong tularan ang mga sagadsaring berdugo at mersenaryong heneral ng AFP-PNP na tigmak ng dugo ang kamay at may mahabang listahan ng krimen sa taumbayan. Sa gitna ng malawak na dagat ng pasistang institusyong nakapalibot sa inyo, dapat na maging mapangahas kayong sumalungat sa agos ng kawalang-hustisya at tumindig para sa tunay na kapayapaan at kapanatagan ng nakararaming mamamayan at hindi ng iilan.

Mamuhay nang marangal nang itinataguyod ang pagkakapantay-pantay at katapangan at itinatakwil ang pagiging hindi matapat, pagkukunwa at inhustisya—ito ang ipinaaalala sa inyo sa tuwing binibigkas ninyo noong nasa akademya pa kayo ang huling linya ng Panalangin ng mga Kadete ng PMA habang sumasailalim sa mahirap at mabagsik na pagsasanay. Dapat ninyo itong tanganan at maging tunay na sundalo ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan. Gamitin ang sandatang hawak ninyo para ipagtanggol ang sambayanang Pilipino! Ang pagsisinungaling, pandaraya at pagnanakaw ay hindi maitatangging krimen sa bayan ng pamilyang Marcos at kung gayo’y dapat ninyo silang itakwil, kamuhian at ituring bilang pangunahing kaaway ng bayan.

Dapat ninyong ipamalas bilang mga patriyotikong Pilipino ang katapangan sa pagtatanggol sa bayan laban sa mga imperyalistang bansang kumukubabaw sa Pilipinas laluna laban sa imperyalismong US na 120 taong kontrolado ang malakolonyal na lipunang Pilipino. Dapat ding labanan ninyo ang imperyalismong Tsina sa kanilang pananakop sa mga isla’t karagatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Dapat din ninyong labanan ang mga lokal na naghaharing uring malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa at mga ahente nilang burukrata kapitalista na nagsasamantala at nang-aapi sa ating mga kababayan. Walang silbi ang pananatili sa isang institusyong bulok at pasista sa kaibuturan. Dapat ninyong paglingkurin ang inyong katapatan sa sambayanang Pilipino at sa tunay na kalayaan at demokrasya. Huwag ninyong hayaang maging instrumento kayo ng reaksyunaryong estado sa panunupil sa bayan. Ginagamit ninyo ang pondong pinaghirapan ng mamamayan para bumili ng bala, kanyon at bombang itinututok ninyo laban sa kanila.

Tularan ang mga makabayang sundalo at opisyal ng AFP na tumindig kasama ang mamamayang Pilipino upang labanan ang mapaniil na sistemang panlipunan at baguhin ito tungo sa pagtatatag ng lipunang may tunay na kapayapaan at pagkakapantay-pantay. Sa huli, tularan si Lieutenant Crispin Tagamolila na tinalikuran ang berdugong AFP, sumapi sa NPA, naging tunay na hukbo ng mamamayan at namartir habang lumalaban, isang bayani ng rebolusyong Pilipino hanggang sa huling hininga!###

Panawagan sa mga bagong sundalong nagtapos sa PMA: Paglingkuran ang sambayanan!