Sa gitna ng lumalalang bangayan ng mga Marcos at Duterte Panawagan sa mga patriyotikong sundalo at pulis: pumanig sa mamamayan!
Ngayong 2024, tuluyang nalantad sa taumbayan ang biyakan ng nangungunang paksyon ng naghaharing uri na mga Marcos at Duterte. Garapalan na ang kanilang mga siraan, labasan ng baho at pagpapakita ng lakas (show of force) mula sa dating pailalim na iringan. Mayroon ding mga lihim at lantarang galawan sa militar at pulitika para maungusan ang isa’t isa. Malinaw nitong ipinapakita ang sobrang nabubulok at naagnas na naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal ng lipunang Pilipino.
Alinman sa mga Marcos o Duterte ang manaig, higit na magdurusa ang sambayanang Pilipino. Kinakatawan nila ang pinakasagadsaring angkan sa hanay ng mga naghaharing uri. Nailuklok sila sa poder gamit ang garapalan at sistematikong pandaraya sa eleksyong 2022. Sa pagguho ng kanilang alyansa, ang kanilang bangayan ay agawan para makopo ang tuktok ng kapangyarihan ng estado at lahat ng rekurso ng bayan, hindi para sa interes at kagalingan ng bayan.
Sa gitna ng umiigting na hidwaan sa pagitan ng paksyong Marcos at Duterte, hinahamon ng Melito Glor Command (MGC)-NPA Southern Tagalog ang lahat ng naliliwanagan at patriyotikong sundalo at pulis na itakwil ang dalawang paksyon at pumanig sa inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan.
Malinaw na hindi karapat-dapat igawad sa mga Marcos at Duterte ang katapatan ng mga tunay na makabayang sundalo at pulis. Kapwa sila sugapa sa kapangyarihan at pera habang sinusupil ang mga demokratiko at makatarungang kahilingan ng bayan. Batid ng mga karaniwang kawal ng AFP-PNP ang labis na korapsyon ng mga Marcos at Duterte laluna ng mga utusang heneral nito. Ang mga karaniwang kawal ng AFP-PNP ay ginagawang pambala sa kanyon sa mga operasyon habang nagtatampisaw ang matataas na opisyal sa kikbak mula sa mga programang “modernisasyon”, pekeng pasuko at huwad na proyektong pangkaunlaran ng NTF-ELCAC. Kinakasangkapan din sila bilang mga tagapagpatupad ng dirty jobs ng mga sindikato lalo yaong mga kadikit ng mga Marcos at Duterte (partikular ang Davao Death Squad).
Kasalukuyang ipinatutupad ni Marcos Jr. ang mga pro-imperyalista at anti-mamamayang patakaran na patuloy na nagsasadlak sa bansa sa kahirapan. Nananatiling barat ang kita, kawalan ng trabaho, kakulangan sa lupa, kapabayaan sa serbisyong panlipunan habang tumataas ang implasyon at laganap ang kagutuman. Nais pang ilusot ni Marcos Jr. ang pakanang cha-cha sa pamamagitan ng “People’s Initiative” sa pangunguna ng mga kampon nito sa Kongreso. Malinaw na ito ay maniobra para baguhin ang Konstitusyong 1987 upang makopo at palawigin ang kapangyarihan sa estado at burahin ang anti-Marcos na legasiya habang ipagkakaloob ang mga yaman at ari-arian ng bansa sa mga imperyalista.
Katawa-tawa ang pagpopostura ng paksyong Duterte bilang “oposisyon” lalo sa isinusulong ni Marcos Jr. na cha-cha. Peke, huwad at pakitang-tao si Duterte na siya ring nag-asam na baguhin ang konstitusyon sa panahon ng kanyang paghahari. Bilang tagahimod ng pwet ng imperyalismo, pinahintulutan niya ang mga neoliberal na patakaran sa pamamagitan ng Rice Liberalization Law, TRAIN Law, CREATE Law at pag-amyenda sa Public Service Act at Foreign Investments Act. Sa kanyang termino, nakipaglaro siya kapwa sa US at China para humuthot at mandambong ng pera at humingi ng suporta para sa ambisyong palawigin ang kanyang mamamatay-tao, tiraniko at pasistang rehimen. Ang kunwang pagtuligsa ni Duterte sa cha-cha ni Marcos Jr. ay pagtatangkang pigilan ang pagkopo ng solong kapangyarihan ng mga Marcos sa estado-poder.
Hindi malayong humantong sa armadong kumprontasyon ang bangayan sa pagitan ng mga Marcos at Duterte. Pareho silang may mga hawak at galamay na opisyal militar at pulis na handang makipagsagupaan anumang oras iutos. May mga lumilitaw na palatandaan ng nilulutong kudeta ng mga Duterte para agawin ang kapangyarihan sa mga Marcos habang pinaghahandaan din ito ng huli sa pagsasagawa ng balyahan ng sandatahang pwersa at pagbubuo ng “counter-intelligence group” ng AFP. Malamang na ang ipinasok na bagong batalyon sa Timog Katagalugan ay may papel sa maaaring maganap na kudeta. Gayunman, matalinong hakbang ng mga ordinaryong kawal na huwag magpagamit sa kanilang mga bulok na opisyal at paksyun ng Marcos at Duterte para sa sariling makauring interes na mga ito sa pagkapit sa estado-poder, at kagaya din ng paggamit sa kanila sa kontra-rebolusyonaryong digma para supilin ang kanilang kapwa mahihirap at inaaping kababayan.
Samantala, ang pag-igting ng tunggalian nila sa loob ng bansa ay bahagi rin ng pag-igting ng tunggalian sa pagitan ng imperyalistang US (sa panig ni Marcos) at China (sa panig ni Duterte) para makontrol at magamit ang Pilipinas sa kanilang geo-pulitikal na interes. Malalim na nakaugat ang US sa loob ng AFP at sa buong estado, habang unti-unting lumalawak ang impluwensya ng China sa hanay ng mga militar at opisyal ng gubyerno, laluna sa malalaking burgesya komprador.
Ang nagpapatuloy na bangayan ng mga Marcos at Duterte ay bahagi at palatandaan ng lumalalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Malakas ang panawagan para sa panlipunang pagbabago at lumalaki ang pangangailangang isulong ang rebolusyon upang makaalpas sa mapang-api at mapagsamantalang paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Dapat makiisa ang mga patriyotikong sundalo at pulis sa pakikibaka ng bayan para sa hustisya, kalayaan at demokrasya. Labis na kinamumuhian ng bayan ang pamilya Marcos sa sistematikong pagrerebisa sa kasaysayan upang maghugas kamay sa mga krimen nito noong Martial Law at walang-hiyang pagnanakaw ng bilyun-bilyong dolyar ng diktadura. Sa panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan, nais din nitong huthutin ang pera ng bayan sa tabing ng mga batas at programang Maharlika Investment Fund, Build Better More at iba pa. Samantala, sinisingil din si Duterte ng taumbayan sa kabi-kabilang kaso ng pamamaslang sa ilalim ng gera kontra-iligal na droga at kontra-rebolusyonaryong gera. Walang kapatawaran ang korapsyon at kriminal na kapabayaan ng nagdaang rehimen sa panahon ng pandemya. Dapat papanagutin ang mga pasistang Marcos at Duterte sa mga krimen at kasalanan nila sa taumbayan.
Ang tunay at makabuluhang pagtatanggol sa bayan ay paglaban sa imperyalismong US at China at kanilang mga papet na rehimen at lokal na burukrata sa katauhan ng mga Marcos at Duterte. Kung tunay na nais ipagtanggol ang bayan, dapat na itakwil ng mga sundalo at pulis ang mersenaryong tradisyon na nakaugat sa malalim na indoktrinasyong pasista at pagpapaalipin sa mga dayuhan. Pinakamahusay na lumahok sa rebolusyonaryong pakikibaka ng bayan at sumapi sa NPA na tunay na hukbo ng mamamayan at ipaglaban ang interes ng sambayanang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya.###