Pang-aabuso ng mga militar sa kanilang mga asawa at anak, kinundena ng MAKIBAKA
Nagpahayag ng matinding pagkundena ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) sa pang-aabuso ng mga militar sa kanilang mga asawa at anak na inilantad kamakailan.
Kahapon lamang, nagsalita si Gemini Baladad sa isang press conference na siya at ang kanyang mga anak ay dumaan sa pang-aabuso ng kanyang dating asawa, isang retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Nangyari ang pahayag ni Baladad ilang araw pagkatapos magsalita ni Tessa Luz Reyes-Sevilla laban sa pagpromote ng kanyang asawa na si Ranulfo Sevilla, isa ring miyembro ng AFP, dahil sa kaso ng pang-aabuso.
“Sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema, nagpapatuloy ang kahayupan at kabulastugang ginagawa ng AFP sa kababaihan at mga bata. Isang patunay ito ng macho-pasistang kultura na umiiral sa loob ng AFP,” saad ni Malaya Libertad, tagapagsalita ng MAKIBAKA.
Ayon kay Reyes-Sevilla, nasa sampung (10) kababaihan kada araw ang naghahain ng reklamo sa AFP dahil sa kaso ng pang-aabuso ng kanilang mga asawang militar.
“Hindi na bago ang pang-aabuso ng AFP sa kababaihan at mga bata. Patuloy nila itong ginagawa sa ilalim ng mga kontra-insurhensyang operasyong militar sa kanayunan at pamamalagi nila sa mga baryo at komunidad. Maraming kaso ng pang-aabuso ng militar sa kanayunan ang hindi narereport o nababalita,” ani Malaya Libertad.
“Sa kanayunan, walang kaluluwang ginagahasa, sinasaktan, dinudukot at pinapatay ng mga militar ang kababaihan. May mga kaso rin ng pagdukot ng mga sanggol at bata bilang hostage sa mga armadong tunggalian. Dalawang buwang sanggol ang naitalang pinakabatang dinukot ng mga militar. Marami rin ang bilang ng karahasan sa kababaihan sa mga lugar na may base militar,” dagdag ni Malaya Libertad.
“Hinihikayat ang lahat ng biktima na tumindig, magsalita, at labanan ang pang-aabuso ng mga pulis at militar sa kababaihan at mga bata. Liban sa mga organisasyong pangkababaihan at women’s desks, bukas din ang mga chapter ng MAKIBAKA sa larangan at sa mga base sa kalunsuran upang tumulong sa mga biktima ng karahasan.”