Pahayag

Panlolokong Chacha, Tutulan at Labanan!

Talamak ang panlolokong ginagawa ng rehimeng US-Marcos para iusad ang Charter Change na pinakapapabor sa kanila. Iniyabang pa ni Joey Salceda na sapat na umano ng nakamit na bilang ng pirma sa “People’s initiative/PI”. Nalantad din na pakana ni Romualdez at Marcos Jr ang PI sa kabila ng kanilang pagtanggi na sila ang nasa likod nito. Ang pekeng PI ay nakakuha ng pirma mula sa mga komunidad gamit ang iba-ibang paraan ng panloloko–pirma kapalit ng ayuda, medical assistance, TUPAD atbp. Mabilis na kumilos ang mga kasabwat at tauhan ng rehimen at mga kongresista, kapalit ng milyun-milyong pondo sa badyet na mapupunta sa mga proyekto at ibubulsa ng mga gahaman. Ipinangangalandakan nila ang pagbabago sa mga pang-ekonomiyang probisyon sa konstitusyon sa gitna ng napakaraming usapin ng masa na hirap na hirap na makaraos sa araw-araw. Upang lokohin pa ang taumbayan, ipinapakete ang 1987 na konstitusyon bilang ugat ng lahat ng kahirapan sa bansa. Subalit batid ng taumbayan na hindi ito ang dahilan at sa halip ay nakapanguna ang pagnanais nila sa term extension at pagpapahina sa batas para sa proteksyon ng karapatang pantao at panunumbalik ng batas militar.

Ang pagbabago sa konstitusyon ay matagal na ding itinutulak ng gubyerno ng US at mga imperyalistang institusyong pampinansya para patatagin pa ang mga polisiyang neoliberal na nagsasapribado ng mga serbisyo publiko, nagbubukas sa pagpasok ng mas maraming dayuhang produkto na maliit ang taripang sinisingil, nagpapaubaya sa mga pribadong negosyo na magtakda ng presyuhan at walang kontrol ang estado at ang pagbibigay ng pag-aaring 100% ng mga negoyo, lupain at iba pang pag-aari at negosyo. Ang mga polisiyang ito sa ekonomiya ang mas lalong maglulubog sa kahirapan sa masa. Ginagawa ito para lubusin ang natitira pang mga restriksyon sa dayuhang pagmamay-ari sa bansa, lalo pang makapandambong sa ating kalikasan, matiyak ang kanilang mga base militar, pagpapasok/imbak ng mga armas nukleyar at makapagpatupad ng mga patakarang pabor sa gera ng US.

Nagkukumahog ang mga politko at mga nasa gobyerno para tiyakin ang kanilang pakinabang sa Chacha. Animo’y magkaiba ang pusisyon ng Senado at Mababang Kapulungan, samantalang ang usapin lang naman ay ang pagliit ng kapangyarihan ng Senado sa pagbabago ng konstitusyon at ang pamamayani ng Mababang Kapulungan. Sa esensya, parehong pabor sa Chacha para sa kanilang pansariling inters, subalit nag-aagawan ng mga kickback na makukuha mula sa mga lokal at dayuhang negosyante at pabor ng imperyalismong US para sa kani-kaniyang magiging papel sa pagbabago ng konstitusyon.

Pumupostura naman ang paksyon ng Duterte bilang anti-chacha dahil batid na dehado sila sa pakinabang dito sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. Ginagamit ng paksyong Duterte ang pagkukunwang sinsero nitong posisyon laban sa Chacha upang umani ng sentimyento at gawing kapital sa pagsusulong ng destabilisasyon laban sa naghaharing rehimen. Ang showdown ng malalaking rally na ginanap ng magkabilang kampo ay parehong panlilinlang sa taumbayan. Ang rally ng kampong Duterte sa Davao ay kinakitaan ng mga personalidad na nawala sa pabor ng naghaharing paksyon, na kasama ang mga Duterte na gigil na gigil na makapwestong muli sa kapangyarihan. Naglabas sila ng maliit na bahagi ng kanilang dinambong upang hakutin ang mga masa sa kanilang pagtitipon at patuloy na paghahanda sa kudeta laban kay Marcos Jr, upang makabalik sa kapangyarihan.

Samantala, ang Bagong Pilipinas rally sa Quirino Grandstand na naglaman ng mga talumpati ng presidente at mga kasapakat nito, ay nalantad na hungkag o walang kabuluhan ang nasa loob ng retorika ng umano’y isinusulong na “pagbabago”. Ang mga binitawang salita ni Bongbong Marcos ay mga pangakong hindi konkreto sa mismong masang dumalo at nakinig sa kanyang talumpati. Tiyak na napakalaking rekurso ang ginastos ng rehimen para sa paglulunsad ng rally na ito, mula sa mga bayad ng gamit sa programa at sa ginamit nilang pondo sa panunuhol ng masa. Halimbawa na lang sa Tondo sa Maynila kung saan napaulat na namigay ng tag-P2,000 sa mga dumalo, habang sa Bulacan naman, nag-arkila ng mga jeep na nagtransport sa mga pinalistang sumama na binayaran ng halagang P300. Ang malaking tipon na ginawa ay kasabay ng plano nilang pagsusulong ng Chacha at pagpapakita ng umano’y suporta ng masa.

Pursigido ang rehimen na isulong ang Chacha. Gamit ang kanilang rekurso para sa panlilinlang at pasismo ay titiyakin ang pagkakapasa nito sa lalong madaling panahon. Sa ganitong kalagayan, higit dapat ang pagsisikap ng mga rebolusyonaryong kababaihan at iba pang sektor at uri sa paglulunsad ng masinsing propaganda sa malawak na masa. Mahalagang ipaliwanag ang kasamaan ng Chacha sa gitna ng mahahalagang mga laban at isyung pambayan. Pagkakataon ito upang sila ay matipon, ma-organisa at mapakilos para sa kanilang mga kahingian – ilunsad ang kanilang mga pakikibaka para sa sahod, laban sa mataas na presyo ng bilihin, pakikibaka para sa lupa, para sa karapatan ng iba’t ibang sektor kabilang na ang kababaihan at paglaban sa dayuhang panghihimasok sa bayan. Habang pinalalakas ang mga labang ito, mahalaga ang pag-abot at pag-oorganisa sa iba’t-ibang grupo o indibidwal na tutol sa chacha – sa maliit o malalaki mang probisyon nito, upang higit na magdagdag ng lawak at pwersa sa laban.

Nananawagan ang MAKIBAKA na aktibong makisangkot ang mga kababaihan at kanilang mga pamilya sa anumang porma ng pagkilos para labanan ang chacha! Maghanda at magpalakas para sa ating mga kahingian at laban, mag-aral ng kasaysayan at maging mapanuri sa lipunan at itayo ang mga organisasyon at samahan. Sa gayon, kahit ipilit ng rehimeng US-Marcos na isayaw tayo sa kaniyang chacha, matitiyak na ang indayog natin ay nasa saliw ng pakikibaka!

Panlolokong Chacha, Tutulan at Labanan!