Papag-alabin ang apoy ng digmang bayan sa Palawan! Pakamahalin ang Bagong Hukbong Bayan!

Taas-kamaong nagpupugay ang National Democratic Front of the Philippines-Palawan sa pagdiriwang ng ika-54 anibersaryo ng New People’s Army. Mula nang ito’y itatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) noong Marso 29, 1969, muling nagkaroon ang mamamayang Pilipino ng sarili at tunay nilang hukbo. Hawak ang pangkalahatang linya ng bagong-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba, epektibong kumilos at lumaganap ang pakikidigmang gerilya sa buong kapuluan.

Sa Palawan, hindi naging madali ang mga pagsisikap para ipundar ang kilusang rebolusyonaryo sa probinsya. Pinangibabawan ng magigiting na pundadores ng kilusan sa pamumuno ng Komite Sentral at Komiteng Rehiyon sa TK ang maraming limitasyon sa pagkilos rito—kalayuan sa iba pang bahagi ng rehiyon, panganib ng sakit na malaria at may hiwalay na pwersa na isang buong area command ng AFP, ang Western Command (WESCOM) na nakapakat rito. Pero hindi ito naging hadlang sa matagumpay na pagpupunla at pag-ugat ng Partido at hukbo sa probinsya. Mula sa isang pangkat para sa pagsisiyasat noong 1980, nailatag ang kauna-unahang sonang gerilya sa probinsya. Pagsapit ng dekada 1990, nabuo ang komiteng distrito at higit na nakapagpalawak ang rebolusyonaryong kilusan. Dulot ng sunud-sunod na atake ng kaaway, pansamantalang naiwan ng Hukbo ang probinsya sa mga taon ng 1992-94.

Sa diwa ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto ng Partido, muling nabalikan ang probinsya at napakatan ng yunit ng Hukbo noong 1994. Binuo ang dalawang yunit ng hukbo na kumilos kapwa sa norte at timog ng probinsya. Sa kasunod na taon ng 1995, naitayo na ang komite ng Partido sa buong probinsya na namuno sa lahatang-panig na pakikibaka sa Palawan. Agad itong tinugon ng kampanyang kitlin-sa-usbong ng Western Command (WESCOM) at ipinatupad ang Oplan Galugad noong 1997. Dumanas ng sunod-sunod na mga di-plinanong labanan ang mga yunit ng Hukbo pero magiting nila itong hinarap. Pagdating ng 2003 muling pinalakas ng sentro ng Partido sa rehiyon ang yunit ng hukbo sa probinsya sa pamamagitan ng karagdagang reimporsment.

Tuluy-tuloy na lumawak at sumulong ang komprehensibong gawain sa probinsya laluna sa mga taon ng 2009-2012. Nailunsad ng mga yunit ng NPA ang matutunog na taktikal na opensiba kabilang ang reyd sa kumpanya ng Ipilan Nickel Corporation sa Brooke’s Point bilang tugon sa hinaing ng mamamayan laban sa mina noong 2010 at ang reyd sa Roxas Municipal Police Station noong 2012, at ang reyd sa Queen Bay sa San Vicente at Dumaran bilang suporta sa hinaing ng mga manggagawa para sa makatarungang pasahod noong 2013.

Resulta nito, lalong niyakap ng masang Palaweño ang demokratikong rebolusyong bayan at mahigpit na sumalig sa pakikibakang bayang pinamumunuan ng Partido. Magkatuwang ang baseng masa mula norte hanggang timog sa pagpapaputok ng mga laban ng magsasaka, katutubo, mangingisda, manggagawa, mala-manggagawa, at iba pang aping sektor sa probinsya. Kasabay nito ang paglulunsad ng maimpak na mga taktikal na opensiba ng mga yunit ng NPA sa probinsya. Tuluy-tuloy na nakapagpalakas ang hukbo at napalaki nito tungong isang kumpanya ang dating maliit na platun noong 2016 at muling nabalikan ang ilang naiwang baseng militarisado ng kaaway.

Hindi naglubay ang kaaway sa pangunguna ng WESCOM at lokal na reaksyunaryong gubyerno sa pagsupil sa lumalakas na pakikibakang bayan sa buong probinsya. Ngunit sa kabila nito, nanatiling matatag ang rebolusyonaryong kilusan sa isla na patuloy na umani ng malawak na suporta ng mamamayan. Higit pang sumaklaw ang latag ng gawain. Sa bawat pag-atras ng mga yunit ng hukbong tinutugis ng militar, nabubuo ang mga saligang organisasyong masa sa iba’t ibang antas. Nagsalimbayan ang mga putok ng matatagumpay na taktikal na opensiba at aksyong pamamarusa laban sa mga sagad-saring elemento ng reaksyunaryong armadong pwersa ng estado.

Sa ilalim ng JCP-Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte, dinanas ng hukbong bayan at buong kilusang rebolusyonaryo sa probinsya ang pinakamatinding ganting-salakay ng kaaway mula 2019. Nagtamo ito ng malalaking pinsala laluna matapos mapaslang ang mga pangunahing kadre nito noong 2020 at 2021. Pero hindi natinag ang determinasyon ng Partido at hukbo sa isla dahil hawak nila ang malawak na suporta ng mga Palaweño.

Sa loob ng napakahabang panahon, pinanday na at patuloy pang nagpapanday ang rebolusyonaryong kilusan sa probinsya. Dahil malalim nang nakaugat ang Partido at hukbong bayan sa masa, hindi malulupig ang mapanlabang diwa ng mga Palaweño. Batid nilang bahagi ng digma ang mga kabiguan at pag-atras. At dahil wasto at makatarungan ang digmang isinusulong ng NPA at ito ay para sa interes ng malawak na mamamayang api at pinagsasamantalahan, palaging tatanganan ng masa ang armadong pakikibaka bilang pinakamatalas na punyal na tatarak sa puso ng naghaharing sistemang dominado ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Dinilig ng dugo at inspirasyon mula sa buhay ng magigiting na martir at bayani ng rebolusyon, matibay ang determinasyon ng bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryo sa Palawan na isulong ang digmang bayan at mag-ambag sa kabuuang pambansang pagsulong.

Kasalukuyang hinaharap ng mga Palaweño ang napakatinding krisis na bunga ng lubusang pagkabulok ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Lalo itong lumalala sa gitna ng matinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalismo na nagtutulak sa mga imperyalistang kapangyarihang mag-agawan ng teritoryong paglalagakan ng sarplas na kapital at kalakal at pagkukunan ng mga hilaw na materyales at murang lakas-paggawa. Ang pagtindi ng ribalan partikular sa pagitan ng US at EU sa isang panig at ng China-Russia sa kabilang-panig ay naglalagay sa mamamayang Pilipino na maipit sa inter-imperyalistang digmaan. Lalo nitong itinutulak ang pagpapalakas-militar at panghihimasok ng US sa bansa. Tinutugon ito ng rehimeng US-Marcos-Duterte ng labis na pangangayupapa at pagpapaubaya sa teritoryal na integridad at soberanya ng bansa sa kapinsalaan ng mamamayang Pilipino.

Nagkakaanyo ito sa Palawan ng ibayong pagpapasok ng mga dayuhang pamumuhunan sa mina, turismo at mga agro-korporasyon at mas madalas na pagsasanay at presensyang militar ng US sa iba’t ibang bahagi ng probinsya. Dalawa sa limang base militar ng US sa bansa ay nasa Palawan, ang Naval Station Carlito Cunanan sa Ulugan Bay at ang Antonio Bautista Air Base, kapwa sa kapitolyo ng probinsya, sa Puerto Princesa City. Sa Palawan din itatayo ang isa sa limang dagdag na kampo ng US na pinahuntulutan ni Marcos II na itayo sa Pilipinas. Dislokasyon, kawalan ng kabuhayan, pagkawasak ng kalikasan at panganib ang hatid ng mga ito sa mamamayang Palaweño. Kaya naman lalong dapat silang magbigkis at lumaban para tutulan ito.

Sa okasyon ng ika-54 na anibersaryo ng NPA, dapat ibayong itaas ang determinasyon ng mga Palaweño sa paglaban at tanganan ang armadong pakikibaka para higit na palakasin ang digmang bayan sa buong probinsya. Dapat ibayong palakasin ang Hukbo sa pamamagitan ng pagpapasampa ng pinakamabubuting anak ng Palawan. Dapat tanganan ng mga Palaweño ang aral na tanging ang makatarungang digma ng mamamayan ang magpapabagsak sa kapangyarihan ng nagsasamantala at naghaharing uri at lahat ng reaksyon, at papatid sa gapos ng imperyalismo sa pinakabulok at pinakamapangwasak nitong yugto.#

Papag-alabin ang apoy ng digmang bayan sa Palawan! Pakamahalin ang Bagong Hukbong Bayan!