Pahayag

Parangal kay Kasamang Antonio “Manlimbasog“ Cabanatan

Read in: Hiligaynon | English | Bisaya
Download:
PDF | EPUB | MOBI

Disyembre 26, 2020 natagpuan ang patay na katawan ni Kasamang Antonio Cabanatan 74, at asawa niyang si Kasamang Florenda Yap 65, sa Barangay Botong, Oton, Iloilo. Si Kasamang Antonio na mas kilala sa rebolusyonaryong hanay bilang si Kasamang Susing at Manlimbasog (Magpunyagi) at si Kasamang Osang ay kapwa ilang taon nang retirado sa rebolusyonaryong gawain dahil sa mga kapansanan at katandaan. Tumagal ang pagkumpirma sa kanilang identidad dahil sa mga dislokasyon sa mga linya ng komunikasyon, matinding mga operasyong militar at malaganap na terorismong estado ng pasistang berdugong rehimeng US-Duterte.

Ang pagpatay sa kanila ay isa lamang sa pinakahuling kabuktutan ng pasistang berdugong rehimeng mabangis na nanunupil at pumapatay dahil sa sukdulang pagkatakot sa di matalo-talong pambansa-demokratikong rebolusyon at di mapuksa-puksang pambansa-demokratikong adhikain ng masang anakpawis at sambayanang Pilipino. Sa mga pinuno ng Partido at Bagong Hukbong Bayan, tukoy man o pinagsususpetsahan, ang patakaran ng rehimen ay “huwag magdala ng bihag“, pag-abuso at kalupitang walang pigil. Gayunpaman, mas masahol pa kaysa iba ang dinanas nina Kasamang Manlimbasog at Kasamang Osang. Dinukot sila at patagong piniit nang ilang buwan bago pinatay sa pamamagitan ng paggarote upang gawing madugong tropeo ng mga pasista sa okasyon ng ika-52 taong anibersaryo ng Partido. Tiyak, pinahirapan sila at ginawan ng iba’t ibang pananakot at kabuhungan upang mapiga at magkanulo sa ibang kasama at sa kanilang mga rebolusyonaryong prinsipyo. Subalit sa kahuli-hulihan ang walang habag na pagpatay sa kanila ay malinaw na patunay sa kanilang katapatan hanggang katapusan at pagkabigo ng mga pasistang halimaw.

Mariing kinukundena ng Partido ang pagpatay at paglapastangan kina Kasamang Manlimbasog at Kasamang Osang. Hindi titigil ang Partido at rebolusyonaryong kilusan hanggang hindi nabibigyang-katarungan ang malupit na pagpatay sa kanila. Ang katapatan at sakripisyo nila at iba pang rebolusyonaryong martir ay gagamiting inspirasyon ng Partido para lalong pag-ibayuhin ang mga pagpupunyagi at pakikibaka upang pangibabawan ang lahat ng hamon at kahirapan at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang ganap na tagumpay.

Binibigyan ng Partido ng pinakamataas na pagpupugay ang pagkamartir gayundin ang matapat at maningning na buong-buhay na paglilingkod ni Kasamang Manlimbasog sa rebolusyon. Nag-umpisa ang kanyang rebolusyonaryong gawain bilang aktibistang estudyante nang sumapi sa Kabataang Makabayan Cebu noong 1967 at Samahang Demokratiko ng Kabataan noong 1969. Nanguna siya sa pagpapalaganap ng pambansang demokratikong kilusang propaganda sa Cebu, Negros Oriental, Bohol, Leyte, Samar hanggang hilagang Mindanao. Nanguna siya sa pagtatayo ng mga balangay ng mga progresibong organisasyong masa ng mga kabataang estudyante, manggagawa, magsasaka, mangingisda at iba pang demokratikong sektor.

Noong 1971 naging kasapi siya ng Partido at kagawad ng Komiteng Rehiyunal ng Silangang Bisaya (na pansamantalang sumaklaw hanggang hilagang Mindanao) at komiteng tagapagpaganap at kalihiman niyon. Pinamunuan niya ang subrehiyon ng Samar-Leyte at nagbigay-diin sa paghahanda ng mga sonang gerilya doon. Itinayo niya ang mga sangay ng Partido sa Kanlurang Samar at Silangang Samar na nagsimula ng panlipunang pagsisiyasat at pag-ugnay sa mga magsasaka at mangingisda sa kanayunan.

Ilang araw bago ipataw ni Ferdinand Marcos ang paghaharing militar noong Setyembre 1972, dinakip siya ng mga pasistang tropa at ikinulong hanggang 1974. Iyon ang ikatlong beses na nakaranas siya ng pagkaaresto at pagkakulong. Una, noong 1969, hinuli siya ng mga pulis sa Leyte at ikinulong nang isang gabi matapos niya pasukin ang asyenda ng malaking panginoong maylupa upang magsiyasat sa kalagayan at mga reklamo ng mga magsasaka. Ikalawa, noong 1970, hinuli siya ng mga pulis habang naglalakad sa Quezon City at dinala sa ISAFP, ininteroga at ikinulong nang isang araw. Ikaapat na pagkakataon ang pagdukot at pagpatay sa kanya.

Nang makalaya noong 1974 agad siyang bumalik sa kanayunan ng Samar para ipagpatuloy ang pamumuno sa armadong paglaban. Naging kalihim siya ng komiteng pandistrito ng Partido na namuno sa unang larangang gerilya at mga unang iskwad ng hukbong bayan sa isla. Dahil sa matatag na paninindigan sa kamay ng kaaway, ibinalik siyang kagawad ng Komiteng Rehiyunal at Komiteng Tagapagpaganap nito.

Hindi kailanman hinayaan ni Kasamang Manlimbasog na makahadlang ang kanyang mga limitasyong pisikal para umako ng pinakamabigat na tungkulin at kumilos sa pinakamahirap na lugar. Pagkaraang makapamuno sa pagpapalakas ng unang larangang gerilya sa tulong ng patakarang ”ilang isla muna“, sumama siya sa pagpapalawak sa hilaga-silangang Samar, tumayong upisyal pampulitika ng platun at ng pamatnugutan sa operasyon ng hilagang pook ng isla. Siya at si Kasamang Prudencio Calubid ay mahusay na nanguna sa pagpapalaganap at pagpapatindi ng pakikidigmang gerilya sa hilaga-silangang Samar, hilagang Samar at hilaga-kanlurang Samar. Ang pag-igting ng mga taktikal na opensiba at paglawak ng hukbo, paglaganap ng mga antipyudal na kampanya at pakikibakang masa, paglakas ng propaganda at edukasyong pampulitika, mabilis na paglawak ng mga rebolusyonaryong samahang masa, pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, at mapangahas na paglawak ng kasapian at mga batayang yunit ng Partido sa mga baryo ng Samar ay mahahalagang tagumpay na naging makapangyarihang ambag sa pagdaluyong sa buong bansa ng armado at pampulitikang pakikibaka na humantong sa sukdulang pagkakahiwalay at pagbagsak ng pasistang diktadurang US-Marcos.

Namuno siya sa Kabisayaan (kalihim ng Komisyon sa Bisaya, 1983 –1985) at Mindanaw (pangalawang kalihim ng Komisyon sa Mindanaw, 1981-1983 at 1986-1989; kalihim ng Komisyon sa Mindanao, 1990-2012) sa panahon ng malalaking pagsulong at tagumpay ng armadong pakikibaka, pagpapalakas ng hukbo, Partido, rebolusyonaryong kilusang masa at nagkakaisang prente sa kanayunan at kalunsuran.

Naging kagawad siya ng Komite Sentral ng Partido mula 1980 at kagawad ng Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral mula 1985 hanggang sa magretiro noong 2017. Naging kagawad din siya ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral noong 1985-1986 at 2002-2016.

Iginagalang si Kasamang Manlimbasog dahil sa kanyang palagian at matatag na pagtataguyod sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Matuwid siyang tumindig para sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong mga taong 1990 at nanguna sa paglaban at paggapi sa panghahati at kampanyang anti-Partido ng mga oportunistang taksil na nagmula at nakabase sa Kabisayaan at Mindanao. Tuluy-tuloy niyang itinaguyod ang linya ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya na nakabase sa papalawak at papalalim na suportang masa upang magapi ang iba’t ibang “oplan” at malawakang mga opensiba at pasistang terorismo ng papet na estado at mapangibabawan ang mga panloob na kahinaan at kakulangan gaya ng tendensyang lantay-militar at adbenturismong militar, konserbatismo, burukratismo at kapabayaan sa tuluy-tuloy na pagsubaybay at pamumuno sa pagpapalakas ng baseng masa sa mga baryo at bayan.

Mainam na halimbawa siya sa simpleng pamumuhay, pagpapakumbaba at pagpuna sa sarili. Sa mga sulatin at pananalita, partikular siya sa pangangailangan ng pagiging simple, diretso sa punto at madaling maintindihan ng karaniwang manggagawa at magsasaka. Tutol at pumupuna siya lagi sa mga pananalitang hambog at maligoy. Masigasig siyang tagatulak ng mga pag-aaral at talakayan sa rebolusyonaryong teorya sa loob ng Partido at pampulitikang propaganda at edukasyon sa hanay ng masa.

Kahit wala na sa ating piling, ang rebolusyonaryong halimbawa at inspirasyon ni Kasamang Manlimbasog, Kasamang Osang at iba pang rebolusyonaryong martir ay makapangyarihang sandata ng Partido at bawat kasama sa paglaban at paggapi sa pasistang terorismo at todong gera ng pasistang berdugong rehimeng US-Duterte. Dapat matutunan at isapuso ng bawat kasama ang kanilang walang hanggang pananalig sa rebolusyonaryong lakas ng masa ng sambayanan at pamumuno ng rebolusyonaryong proletaryado. Sa pamamagitan ng puspusang gawain sa hanay ng masa at masikhay na pakikibaka, tiwala tayong mapangingibabawan ang lahat ng kahirapan at mga pag-atake at pakana ng imperyalismong US at mga lokal na reaksyunaryo at pasista.

Dakilain ang gintong halimbawa ni Kasamang Manlimbasog, Kasamang Osang at iba pang rebolusyonaryong martir!

Pagbayarin ang pasistang berdugong rehimeng US-Duterte at mga kriminal na galamay at mamamatay-tao!

Magpunyagi sa landas ng digmang bayan hanggang ganap na tagumpay!

Parangal kay Kasamang Antonio “Manlimbasog“ Cabanatan