Patuloy na bibiguin ng Bagong Hukbong Bayan at buong mamamayan ang pagpapalawig ng AFP ng Oplan Kapayapaan
Sa pagdedeklara ng AFP na lubusan nang “madudurog” ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa kalagitnaan ng taong 2019, malinaw na inaamin nito ang kawalang-kakayahang supilin ang paglagablab ng digmang bayan. Mula sa orihinal na target na “durugin” ang BHB bago ang katapusan ng taong 2018, napwersa muli ang AFP na gumawa ng ekstensyon dahil imbes na mapahina ay lalo pang lumakas ang BHB, na ipinakita ng sunud-sunod nitong mga taktikal na opensiba sa buong bansa. Sa rehiyong Ilocos-Cordillera pa lamang, hinambalos ang 5th ID at 7th ID ng mga sunud-sunod na opensiba ng BHB sa Abra, Mountain Province, Kalinga at Ilocos Sur laluna nitong buwan ng Hunyo hanggang Agosto.
Kasingliwanag ng araw ang kasinungalingan ni Duterte at ng AFP-PNP sa pagsasabing diumano’y “paghina” ng BHB dahil “marami nang mga kumander at kasapi nito ang nagsurender”. Ito’y isa lamang desperadong gimik pampublisidad ng isang naghihingalong rehimen upang makapagpabango sa amo nitong imperyalista at magbigay-daan sa pagpasok pa ng mga mapanirang mga programa’t proyektong dayuhan sa harap ng lumalakas na kilusan ng malawak na mamamayan para patalsikin si Duterte sa kapangyarihan.
Alam ng taumbayan na karamihan sa mga diumano’y “surrenderers” ay mga ordinaryong sibilyang magsasaka na pinipilit na sumuko, tulad ng walong sibilyan mula sa Amtuagan, Tubo, Abra noong 2017, sampu mula Namal, Asipulo, Ifugao nitong Hunyo 2018 at pito mula Amoeg, Villaverde, Nueva Vizcaya nitong Mayo 2018 at maraming iba pa. Maging mga menor de edad ay hindi pinaliligtas ng AFP na pinagkukunwaring kasapi ng BHB at pinasusuko, katulad ng kaso ng isang katorse anyos na babaeng diumanong nagngangalang ‘Ka Trese’ na sumuko daw sa Mountain Province. Ang ilang mga dating pwersa naman ng BHB na sumuko ay muli’t muling hinaharas at pinauulit-ulit na pinapasurender, tulad ng kaso ni Liza Tongdo ng Pakawit, Pinukpuk, Kalinga.
Dagdag pa, ang malaking pondo ng Expanded Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) para pambayad sa mga “sumuko” at dala nilang mga armas ay nauuwi lang sa bulsa ng mga tiwaling heneral at iba pang opisyal militar.
Ang pananakot naman ni Duterte ng mga inutang na abanteng kagamitang militar tulad ng mga eroplanong pandigma, drones at iba pa para “patagin ang kabundukan” tulad ng ginawang walang-awang pambombomba sa Marawi ay lalong magpapagapang sa mamamayan sa mas matinding paghihirap. Naglulustay lamang ang pasistang rehimen ng papalaking pondong dapat ay nailalaan sa serbisyo publiko. Dahil papaliit ang inaasahang “ayuda” mula sa amo niyang imperyalistang US at iba pang kapitalistang bansang binabatbat din ng papatinding krisis, desperadong nangungutang si Duterte ng mga pondo at kagamitang militar upang gamitin sa kanyang paghahasik ng terorismo. At ang malaking gastusin sa paglunsad at pagsustine ng maruming digmaan ay ipapabalikat sa naghihirap na mga magbubuwis.
Nahihibang ang AFP sa pagdedeklara na kaya nitong durugin ang BHB. Malinaw na ipinakita ng kasaysayan na hangga’t hindi nareresolba ang ugat ng matinding kahirapan, pagsasamantala at pang-aaping dinaranas ng sambayanang Pilipino, hindi kailanman magagapi ang mamamayang lumalaban para sa kanilang mga karapatan at makauring interes. Maging ang mabagsik na karahasang pinakawalan ng dalawang dekadang Martial Law ng diktadurang Marcos ay hindi nakayanang wasakin o pigilan ang pagdaluyong ng paghihimagsik ng mamamayan, kundi nagbunga pa nga ng mabilis na pagsulong at paglakas ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), BHB at buong armadong rebolusyonaryong kilusan. Ang mga sagad-saring kontrarebolusyonaryong heneral na buong kayabangang nagsikap sa pagdurog sa BHB mula pa sa panahon ng diktadurang US-Marcos at mga pseudo-demokratikong rehimeng kasunod nito ay pawang nangabigo.
Sa ilalim ng teroristang rehimen ni Duterte, lalong naghihikahos ang mamamayan sa mabilis na lumalalang krisis sa ekonomya at sa rumaragasang pasismo ng estado. Lalong lumulubog sa kahirapan ang mga manggagawa, magsasaka, mga katutubo, pambansang minorya, maralita sa lungsod, propesyunal, maliliit na negosyante at iba pang sektor dahil sa mga neo-liberal na programa’t patakarang pang-ekonomya ng rehimeng Duterte katulad ng mapang-aping TRAIN. Ito, habang dumaranas sila ng matinding karahasang ihinahasik sa kanayunan at kalunsuran upang bigyang daan ang mga malalaking kumpanya ng minas at enerhiya, mga plantasyon at iba pang mapandambong at mapanirang mga proyekto ng mga malalaking dayuhan at lokal na kapitalista. Mabilis na lumalawak pa ang hanay ng mamamayang lumalaban sa armado at di armadong paraan.
Paulit-ulit na bibiguin ng BHB at mamamayan ang ilusyon ng AFP-PNP at ng reaksyunaryong gobyernong pinagsisilbihan nito. Sa pamumuno ng PKP at sa patuloy na pagtamasa ng malawak na suporta ng mga masang inaapi at pinagsasamantalahan, buong giting na isusulong ng BHB ang digmang bayan sa mas mataas na antas, tungo sa estratehikong patas at ganap na tagumpay.