Pilipinas, ginagawang piyon ng US sa panggagatong ng inter-imperyalistang gera

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Isa na namang upisyal ng US sa katauhan ni US Defense Secretary Lloyd James Austin III ang pumunta sa Pilipinas. Tulad nang dati, bahagi ito ng mga hakbangin ng uhaw-sa-gerang US na pahigpitin ang panghihimasok militar ng US sa bansa at sa rehiyong Asia-Pacific. Sang-ayon ito sa direksyon ng US Pivot to Asia-Pacific na sinimulan noon pang 2015 at para gawing piyon ang Pilipinas sa panggagatong ng girian sa pagitan nito at ng Tsina. Mahigpit na tinutuligsa ng NPA-Bikol at mga pwersang patriyotiko ang tumitinding panghihimasok ng US sa bansa at ang pagpapahintulot ng tutang rehimeng Marcos Jr. dito.

Bagamat wala sa interes at sa estratehiya kapwa ng US at Tsina na magkaroon ng armadong komprontasyon sa kagyat at sa malapit na hinaharap dahil nakabulid sila sa matinding krisis pang-ekonomya, batid nilang mauuwi sa rurok ang pagbabanggaan ng kanilang mga interes. Ito ang dahilan kung kaya’t kapwa sila naghahanda para sa gera. Bahagi ng estratehiya ng US ang pigilan ang paglawak ng Tsina bilang isang kapangyarihang militar at panatilihin ang hegemonya ng US sa rehiyong Asia-Pacific. Sa kasalukuyan, mayroon itong lampas 750 baseng militar sa 81 bansa sa buong daigdig – kalakhan sa mga ito ay nasa Asya.

Ayon sa 2015 Rand Corporation Report para sa US Armed Forces, pinakamahalaga at pinakaestratehikong pusisyon sa Southeast Asia ang Pilipinas at Vietnam para sa opensibang postura ng US. Kung kaya, hindi nakapagtataka ang mas agresibong panghihimasok nito sa bansa. Nauna nang pinahintulutan ni Marcos ang pagtatayo ng dagdag na limang baseng militar at pasilidad ng US sa lokasyon ng AFP sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Dalawang pasilidad militar ang itatayo sa Cagayan habang tig-iisa naman sa Palawan, Zambales at Isabela.

Matagal nang piyon ng US sa kanyang walang hanggang mga gera ang Pilipinas. Ginagawa itong posible ng mga tagibang na kasunduang militar na tulad ng Military Bases Agreement (1947), Mutual Defense Treaty (1952), Visiting Forces Agreement (1999), Mutual Logistics Support Agreement (2002) at ng pinakabagong kasunduang EDCA (2010). Lahat ng papet na rehimen magmula kay Manuel Quezon hanggang kay Marcos Jr. ay pawang nangayupapa at pumayag sa ganitong kaayusan at tagibang na relasyon.

Noong nandito pa ang baseng militar ng US noong 1950s, mayroong Operation Brotherhood ang CIA na nakabase sa Manila. Isa itong mekanismong nagtitiyak na mabilis na maidedeploy ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas para sa pakikipaggera ng US sa mga bansa sa Asya. Aktibo ring ginamit sa panahong ito ang teritoryo ng Pilipinas, partikular ang Clark Air Base sa Subic, Pampanga at ang Isla ng Sanga-Sanga sa Tawi-Tawi para sa pagsasanay-militar at lohistika ng US.

Nitong 2018, isinapubliko rin ang Operation Pacific Eagle-Philippines – ang pinakabagong contingency operation ng US sa bansa matapos ang Operation Enduring Freedom-Philippines (2002-2015). Mayroong hindi bababa sa 300 tropang Amerikanong nasa Pilipinas para sa naturang operasyon.

Sa panibagong bugso ng mga taksil na hakbangin ni Marcos Jr., pinabibilis niya ang pagpapagitna sa bansa sa kumunoy ng ribalang inter-imperyalista. Wala siyang pakialam sa kapakanan ng mamamayan at malinaw ang kanyang pagpayag na gawing isang malaking military outpost ng US ang Pilipinas hanggat tiyak siyang malaking pera ang kanyang maibubulsa mula sa kanilang mga pangakong konsesyon.

Marapat lamang na manindigan ang sambayanan laluna yaong mga patriyotiko at demokratiko sa pagtuligsa sa pagbisita ni Austin sa bansa at sa pagtatakwil sa pang-uupat ng US ng inter-imperyalistang gera. Dapat lamang malakas na itulak ang pagwawakas ng panghihimasok militar ng US sa Pilipinas, pagbasura sa mga hindi patas na tratadong militar, pag-aalis ng mga base militar at pasilidad ng US sa bansa at pagpapalayas ng lahat ng Amerikanong tropang militar dito.

Pilipinas, ginagawang piyon ng US sa panggagatong ng inter-imperyalistang gera