Pinakamataas na pagpupugay at pag-alala kay Josephine “Ka Sandy” Mendoza
Ngayong araw, Nobyembre 10, inaalala ng mga kabataan ang ikalawang taon buhay na inialay ng isa sa haligi ng rebolusyon sa Timog Katagalugan na si Josephine Mendoza o kilala bilang Ka Sandy, Ka Minerva, Ka Luisa, Ka Marta.
Si Ka Sandy ay nagsilbi bilang miyembro ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas at ikalawang pangalawang Kalihim ng Partido sa Timog Katagalugan bago siya pumanaw noong Nobyembre 10, 2023 sa edad na 59 na taong gulang. Binuhos niya ang kanyang buong lakas sa pagsulong at malaking pag-ambag sa rebolusyon sa kalunsuran man o kanayunan sa nakaraang mahigit na apat na dekada.
Naging produkto si Ka Sandy ng pagsiklab ng paglaban ng mamamayan laban sa diktaduryang US-Marcos Sr noong dekada 1980, mula rito ay namulat siya sa eskwelahan at naging kasapin ng Kabataang Makabayan noong 1982. Naging Kandidatong Kasapi siya ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1984 at makalipas ang dalawang taon ay naging Ganap na Kasapi siya ng Partido, kasabay nito, tumangan na siya ng mas mataas na antas ng pakikibaka sa pagsampa niya sa Bagong Hukbong Bayan at nagpatuloy na kumilos sa Sonang Gerilya ng Mindoro hanggang 1994 kung saan ay gumampan siya ng mga gawain at katungkulan katulad ng pagiging istap sa propaganda-edukasyon; manunulat at nasa editoryal ng dyaryong Alab; naging pinuno rin siya special alliance at finance ng Isla; naging Kagawad ng Komiteng Larangan; at kinalaunan bilang kagawad ng Komite sa Isla ng Mindoro.
Taong 1994, maililipat si Ka Sandy sa panrehiyong gawain labas sa Isla ng Mindoro. Isa siya sa mga ipinadala sa Palawan upang magbukas ng Sonang Gerilya, tumayo siya bilang pangalawang kalihim ng Komite sa Isla ng Palawan at napagtagumpayan ang pagtatayo ng tatlong bagong Sonang Gerilya sa lugar bago siya muling ilipat para sa ibang gawain kung saan siya mas kinakailangan.
Naging malaki ang papel niya sa muling pagpapasigla ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan man o kalunsuran. Hanggang sa kahuli hulihan ng kanyang hininga, walang ibang inalala at ginawa si Ka Sandy kundi gumampan ng mga gawain at ipatupad ang mga ito.
Ang kanyang hindi magmamaliw na katatagan at paninindigan na pagsilbihan ang masang anakpawis at uring api ay isang sulo na nagliliyab upang isulong ang pagpapalaya sa mga pinagsasamantalahan mula sa tatlong salot ng lipunan. Si Ka Sandy ay isang mapagmahal at mapagkalingang kasama, sa kanyang pagpanaw, aalalahanin siya ng mga Kabataan bilang isang huwarang Kadre ng Partido at Proletaryong lider at organisador. Ang buhay ni Ka Sandy ay isang malaking inspirasyon para sa mga Kabataan upang tahakin ang rebolusyonaryong landas at ipagtagumpay ang matagalang digmang bayan para sa pagpapatag ng mga balakid at pagpapapabagsak at pagpapalaya sa sambayanan mula sa kuko ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.
Mabuhay ang dakilang ala-ala ni Ka Sandy!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang rebolusyon at sambayang Pilipino!