Pahayag

Pahayag ng Kabataang Makabayan-Jordan Mopon Sa Pagtutol ni Gilbert Teodoro sa Usapang Pangkapayapaan

, ,

Nagpupuyos sa galit ang Kabataang Makabayan-Jordan Mopon hinggil sa pagtutol ni Defense Secretary Gilbert Teodoro sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan. Pagpapatunay lamang ito ng kawalan ng interes ng rehimeng US-Marcos na resolbahin ang armadong sigalot sa bansa.

Sa loob ng ilang dekada, ibinubuhos ng estado ang napakalaking pondo para sa gera at kontra-insurhensya habang kulang o walang inilalaan para sa batayang pangangailangan ng mamamayang Rizaleño na ibayong nagpalalim sa krisis ng mamamayan. Patuloy ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka, pagpapalayas sa mga katutubo sa kanilang lupang ninuno, mababang sahod sa mga manggagawa, kawalan ng disenteng trabaho, komersyalisado, kolonyal, at pasistang edukasyon, at matinding kahirapan. Habang lumalala ang krisis, lalong umaalingawngaw ang lehitimong panawagan ng mamamayan para sa tunay na pagbabago. Ang krisis na ito ay nagbunsod ng pagtutol ng mamamayan at nagpalakas sa panawagan para isulong ang panlipunang pagbago. Sa halip na solusyonan ang krisis na ito na siyang ugat ng armadong tunggalian, mas pinipili ng rehimeng Marcos Jr ang red-tagging, iligal na pag-aresto, sapilitang pagpapasuko, at pamamaslang sa mga aktibista at ordinaryong mamamayan.

Bilang kabataang Rizaleño, malinaw sa amin na walang kinabukasan sa isang sistemang nakasandig sa pagsasamantala at panunupil. Patuloy na ipinagkakait sa kabataan ang dekalidad at abot-kayang edukasyon at demokratikong karapatan habang ginagamit ang anti-komunistang propaganda upang patahimikin ang mga kabataang lumalaban at nakikibaka kasama ng mamamayan.

Ang usapang pangkapayapaan ay hindi simpleng negosasyon lamang kundi pagkilala na may malalim na ugat ang armadong tunggalian—ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo—at na hangga’t nananatiling naghahari ang mga ito, hindi kailanman makakamit ang tunay at pangmatagalang kapayapaan.

Ang pagtutol ni Teodoro sa peace talks ay pagpapakita lamang ng pagtanggi ng rehimeng US-Marcos sa kapayapaan at pagiging berdugo nito. Sa halip na piliin ang landas ng kapayapaan at pagbubukas sa mga pagbabago para sa kagalingan ng mamamayan, pinipili ng rehimen na takpan ang mga tainga nito at gawing sagot ang dahas sa harap ng lehitimong hinanaing ng mamamayan. Samantala, habang lalo nilang isinasara ang mga demokratikong espasyo at dinudurog ang karapatan ng mamamayan, lalo rin nilang itinutulak ang kabataan upang tahakin ang landas ng armadong pakikibaka upang mas ganap na maggiit at magtayo ng panlipunang pagbabago. Hinding-hindi mag-aatubili ang mga kabataang Rizaleño na tumungo sa kanayunan, tumangan ng armas, at makiisa sa mas malawak na pakikibaka ng masang magsasaka, manggagawa, katutubo at iba pang aping uri kung patuloy na pagkakaitan ang mamamayan ng tunay na hustisyang panlipunan at demokratikong karapatan.

Sa huli, hindi mapapatahimik ng dahas at militarisasyon ang sambayanan. Habang nagpapatuloy ang pang-aapi at pagsasamantala, magpapatuloy rin at iigting pa ang paglaban ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.

Pahayag ng Kabataang Makabayan-Jordan Mopon Sa Pagtutol ni Gilbert Teodoro sa Usapang Pangkapayapaan