Pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Jose Ma. Sison

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaChinese

Dakilang komunistang paham, lider, guro at gabay ng proletaryong Pilipino at tagatanghal ng sulo ng pandaigdigang kilusang komunista.

 

Resolusyon ng Ikalawang Kongreso
ng Partido Komunista ng Pilipinas

November 7, 2016

Ang Ikalawang Kongreso ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ay nagpaparating ng taimtim na pagkilala at nagpapahayag ng pinakamalalim na pasasalamat kay Kasamang Jose Maria Sison sa kanyang dambuhalang kontribusyon sa rebolusyong Pilipino bilang tagapangulong tagapagtatag ng Partido, tagapagtatag ng Bagong Hukbong Bayan at tagapamandila ng Demokratikong Gubyernong Bayan sa Pilipinas.

Si Ka Joma ay isang namumukod na Marxista-Leninista-Maoista at walang kapagurang rebolusyonaryong mandirigma. Inilapat niya ang materyalismong diyalektiko at istoriko para ilantad ang pundamental na katangian ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa Pilipinas. Naghapag siya ng matalim na pagsusuri na naglantad sa naghihingalo, mapagsamantala at mapang-aping paghahari ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa sa pakikipagsabwatan sa imperyalismong US.

Inilatag niya ang programa para sa demokratikong rebolusyong bayan bilang kagyat na paghahanda para sa sosyalistang reboluyon. Parati siyang nakatanaw sa pinakalayunin ng komunismo.

Si Ka Joma ang tagapaghawan ng rebolusyonaryong landas. Sa kanyang kabataan, sumanib siya sa mga pederasyong manggagawa at tumulong sa pag-oorganisa ng mga unyon. Binuo ni Ka Joma ang SCAUP (Student Cultural Association of the University of the Philippines) noong 1959 para itaguyod ang pambansang demokrasya at Marxismo-Leninismo at ilunsad ang pakikibakang pang-ideolohiya at pangkultura laban sa relihiyo-sektaryan at anti-komunistang mga pwersa sa hanay ng mga estudyanteng intelektwal. Kasama ang kapwa mga proletaryong rebolusyonaryo, pinangunahan niya ang mga pulong pag-aaral para magbasa at talakayin ang mga klasikong akdang Marxista-Leninista.

Sa ilalim ng pamumuno ni Ka Joma, nag-organisa ang SCAUP ng aksyong protesta noong Marso 1961 laban sa panggigipit ng Committee on Anti-Filipino Activities ng kongreso na tumarget sa kaguruan ng UP na inakusahang nagsusulat at naglilimbag ng mga babasahing Marxista na labag sa Anti-Subversion Law. Halos 5,000 estudyante ang lumahok sa demonstrasyon na mayroong anti-imperyalista at anti-pyudal na katangian, na kauna-unahan sa loob ng mahigit sampung taon bago nito. Dahil dito, naging target si Ka Joma ng reaksyunaryong karahasan at nakaligtas sa mga tangka sa kanyang buhay. Walang pagkatinag, nagpatuloy siya at ang SCAUP sa paglulunsad ng mga protesta laban sa Laurel-Langley Agreement at Military Bases Agreement at kaugnay ng iba pang mga isyu tulad ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, karapatan ng manggagawa, kalayaang sibil at pampulitika at pakikiisa sa iba pang mamamayan laban sa agresyon ng US hanggang 1964.

Kalauna’y sumali siya at ang ibang proletaryong rebolusyonaryo sa lumang pinagsanib na Partidong Sosyalista at Komunista noong 1961. Bilang pagkilala sa kanyang kasigasigan bilang komunista at kabataan, itinalaga siya sa pamunuan ng kawanihan sa kabataan ng lumang Partido at hinirang na kagawad ng komiteng tagapagpaganap. Pinangunahan niya ang mga pagpupulong para pag-aralan ang mga klasikong akda nina Marx, Lenin, Mao at iba pang dakilang komunistang paham na nagsilbing paghamon sa lipas katayuan ng lumang Partido.

Itinatag niya ang Kabataang Makabayan noong Nobyembre 1964 at pinamunuan ang pag-unlad nito bilang isa sa pinakaimportanteng organisasyon ng kabataan sa kasaysayan ng Pilipinas. Bilang tagapangulo ng KM, at isang nakababatang propesor at militante, nag-ikot siya sa mga kampus at nagtalumpati sa mga estudyante gayundin sa mga kabataang propesyunal para itulak ang pangangailangang maglunsad ng isang pambansa-demokratikong rebolusyon. Ang kanyang mga talumpating tinipon sa librong Makibaka para sa Pambansang Demokrasya ay nagsilbing isa sa mga pundasyon ng pambansa-demokratikong kilusang propanda. Ang KM kalaunan ay tatayo sa unahan at magiging bag-as ng malalaking demonstrasyong masa sa huling bahagi ng dekada 1960 hanggang sa deklarasyon ng batas militar sa 1972.

Bilang isa sa mga lider ng lumang partido, inihanda ni Ka Joma ang isang pampulitikang ulat na naglantad at nagtakwil sa rebisyunismo at oportunismo ng magkasunod na pamumunong Lava gayundin ang mga kamaliang adbenturismong militar at kapitulasyon ng pangkating Taruc-Sumulong sa lumang hukbong mapagpalaya ng bayan. Nabulok na ang lumang partido bilang isang tahasang rebisyunistang partido.

Bilang si Amado Guerrero, pinamunuan ni Ka Joma ang muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa teoretikal na pundasyon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Inihanda niya ang konstitusyon ng Partido, ang Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan at ang dokumentong Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Itatag ang Partido at pinanguluhan ang Kongreso ng Muling Pagtatatag na isinagawa sa Alaminos, Pangasinan noong Disyembre 26, 1968. Noong 1969, inakda niya ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino na naglatag sa kasaysayan ng mamamayang Pilipino, sumuri sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino at nagbigay-kahulugan sa demokratikong rebolusyong bayan. Inihanda niya ang Saligang Alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan at ang Deklarasyon ng Bagong Hukbong Bayan at pinamunuan ang Pulong ng mga Pulang kumander at mandirigma para itatag ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Marso 29, 1969.

Pinamunuan niya ang Partido sa maagang yugto ng pag-unlad nito. Sinulat niya ang Gabay Pang-organisasyon at Balangkas ng mga Ulat noong Abril 1971 at ang Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa noong Setyembre 1972 na kapwa nagsilbi sa pagdidirihe sa gawain sa pagtatayo ng mga organisasyong masa, mga organo ng kapangyarihang pampulitika, mga yunit ng hukbong bayan at Partido, gayundin sa pagpapakilos sa mga magsasaka sa paglulunsad ng rebolusyong agraryo. Inakda niya ang Paunang Ulat sa North Luzon noong Agosto 1970 na nagsilbing gabay sa gawain ng iba pang mga komite sa rehiyon.

Habang idinidirehe ang pagpapaunlad at pagsasanay sa Bagong Hukbong Bayan mula sa paunang base nito sa Central Luzon tungo sa mga kagubatan ng Isabela sa Cagayan Valley, ginabayan niya rin ang mga kabataang aktibista sa paglulunsad ng pakikibakang masa sa Metro Manila laban sa diktadurang US-Marcos.

Tuluy-tuloy na nakasubaybay si Ka Joma sa rebolusyonaryong pagdaluyong ng kilusang estudyante at manggagawa noong 1970 at 1971. Umalingawngaw ang pangalang Amado Guerrero sa Maynila at iba pang syudad kasabay ng mga panawagang lumahok sa digmang bayan sa kanayunan.

Mabilis na lumago ang PKP sa unang mga taon nito sa ilalim ng pamumuno ni Ka Joma. Itinatag ng Partido ang sarili sa iba’t ibang bahagi ng bansa at pinamunuan ang pambansang pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Personal niyang sinubaybayan ang pagsasanay sa pulitika at militar ng mga kadre ng Partido at mga kumander ng BHB sa kagubatan ng Isabela kung saan nagmula ang mga ipinakat sa ibang mga rehiyon.

Noong 1971, pinanguluhan niya ang pulong ng Komite Sentral at inihapag ang Paglalagom sa Ating mga Karanasan Matapos ang Tatlong Taon (1968-1971). Inihanda niya noong 1974 ang Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan na buong-linaw na naglatag ng estratehiya at taktika sa paglulunsad ng digmang bayan sa Pilipinas. Noong 1975, inakda niya ang Mahigpit Nating mga Tungkulin, na naglalaman ng ulat at programa sa pagkilos ng Komite Sentral. Nagsilbi siyang punong patnugot ng Ang Bayan sa unang mga taon ng publikasyon.

Habang lihim na kumikilos, patuloy na ginabayan ni Ka Joma ang Partido at BHB sa paglago nito sa ilalim ng brutal na pasistang rehimeng batas militar ng diktador na si Marcos. Naglabas siya ng mga pabatid sa mga kadre ng Partido at masang aktibista sa kilusang lihim. Puspos ng inspirasyong halaw sa nagngangalit na digmang bayan sa kanayunan, hinamon nila ang pasistang makinarya at isinulong ang pag-oorganisa sa hanay ng mga estudyante at manggagawa.

Pumutok ang unang welga ng manggagawa noong 1975 na nagpasimula sa paglago ng kilusang manggagawa. Inilunsad ang malalaking demonstrasyon ng mga estudyante mula 1977 laban sa tumataas na bayarin sa eskwela at ang bumubulusok na sistema ng edukasyon na tuluyang bumasag sa lagim ng batas militar.

Patuloy na pinamunuan ni Ka Joma ang pambansang paglago ng Partido hanggang 1977 nang naaresto sila ni Julie ng mababangis na ahente ng diktadurang Marcos habang bumabyahe mula sa isang larangang gerilya tungo sa isa pa. Para siyang tropeyo na ibinigay ng AFP kay Marcos. Idinetine siya, ipinailalim sa matinding tortyur at ibinartolina nang higit limang taon na naputol lamang noong pagsamahin sila ni Julie noong 1980-1981, at matapos nito ay bahaging solitaryong pagkakulong kasama ang isa o dalawa pang bilanggong pulitikal mula 1982-1985.

Habang nasa kulungan, nagawa ni Ka Joma na panatilihin ang ugnayan sa pamunuan ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa sa labas sa pamamagitan ng sikretong mga paraan sa komunikasyon. Sa tulungan nila ni Ka Julie, habambuhay na katuwang at kasama ni Ka Joma, gumawa sila ng mahahalagang liham at pabatid. Noong 1983, inilabas ni Ka Julie ang artikulong JMS Hinggil sa Moda ng Produksyon na nagsilbing teoretikal na pagpapaliwanag at paglilinaw sa katangian ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan para itakwil ang kalituhan sa mga ipinagmamalaking industriyalisasyon ng diktadurang US-Marcos. Kontra-atake ito sa mga nagpapanggap na para sa sosyalismo, na pilit nagsasabing naging isa nang bansang kapitalista ang Pilipinas sa ilalim ng pasistang diktadura.

Lumitaw ang isang makapangyarihang daluyong ng anti-pasistang kilusang masa kasunod ng asasinasyon ni Marcos sa karibal na si Benigno Aquino noong 1983. Itinulak ito pangunahin ng kilusang manggagawa at estudyante na nakapaglulunsad ng demonstrasyong nilahukan ng 50,000 o higit pa mula sa huling bahagi ng 1970 hanggang 1980. Noong 1984, inilabas ni Ka Joma ang akdang Hinggil sa Papatalong Landas ng AFP gamit ang pangalang Patnubay Liwanag para tasahin ang balanse ng pwersa at para magbigay ng senyal o kumbinsehin ang Pentagon na mas mainam na bitawan na si Marcos, na maaaring magdulot ng bitak sa AFP. Noong Setyembre 1984, sumang-ayon ang Pentagon sa pormulang Armacost at nagdesisyong sumama sa US State Department at iba pang ahensya ng US sa paglalaglag sa kanya. Sa maagang bahagi ng 1985, pinirmahan ni Reagan ang National Security Directive na mayroong tiyak na planong isaisantabi si Marcos.

Iginiit din ni Ka Joma na kailangang bakbakin ang reaksyunaryong armadong lakas ng kaaway sa kanayunan at palawakin ang hukbong bayan sa kritikal na bilang na 25,000 riple at isang gerilyang platun kada munisipalidad bilang nakatutulong na pagpuna sa planong maglunsad ng “estratehikong kontra-opensiba.”

Ang anti-pasistang pagdaluyong ay humantong sa pag-aalsang bayan na suportado ng rebelyong militar ng mga elemento ng reaksyunaryong AFP. Ang pagpupursige at solidong pamumuno ng Partido sa anti-pasistang kilusan at rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang lumikha ng paborableng mga kundisyon na humantong sa pagpapatalsik sa diktadurang US-Marcos noong 1986. Sa kabila ng malakas na pagtutol ng US at reaksyunaryong establisimyento sa depensa, natulak ang rehimeng Aquino na buksan ang tarangkahan ng kinamumuhiang bartolina ni Marcos para makalaya si Ka Joma.

Hindi siya nag-aksaya ng panahon at kaagad bumalik sa gawaing rebolusyonaryo. Sa loob lamang ng ilang buwan, nakapaglunsad na siya ng mayor na serye ng lektura para ilatag ang kritikal na makauring pagsusuri sa rehimeng Corazon Aquino at ilantad ito bilang kinatawan ng naghaharing malalaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa. Ang serye ng mga lektura na kalaunan ay bumuo sa librong Krisis at Rebolusyong Pilipino ay tumunggali sa pagsusuring “pampulitikang ispektrum” ng mga populista na naglarawan sa rehimeng Aquino na burges-liberal para itulak ang mga rebolusyonaryong pwersa sa landas ng makauring kolaborasyon at kapitulasyon.

Naglunsad ang mga populistang ito, pati ang iba pang nagdudunung-dunungan, ng kampanya para sirain ang batayang pagsusuri sa mga uri at sistema sa produksyon sa Pilipinas upang bigyang matwid ang magulong konsepto ng isang estratehikong kontra-opensiba na hibang na umaasang makatatalon ang digmang bayan tungong estratehikong tagumpay na lumalaktaw sa inaasahang istorikong landas nito. Ilang susing lider ng Partido at rebolusyonaryong pwersa ang naakit sa mapangwasak-sa-sariling landas ng insureksyunismo at adelantadong regularisasyon at adbenturismong militar. Magdudulot ito kalaunan ng matitindi at halos nakamamatay na kabiguan sa Partido at BHB, gayundin sa kilusang masa sa kalunsuran.

Sapilitang nadistyero si Ka Joma noong 1987 nang ikansela ng rehimeng Aquino ang kanyang pasaporte at mga papeles para makabyahe, at humingi ng pampulitikang asylum sa The Netherlands habang naroon siya para magbigay ng mga lektura. Nanirahan siya kalaunan sa Utrecht at sumanib sa gawain ng mga kasama sa internasyunal na tanggapan ng National Democratic Front. Bagaman ilang libong milya ang layo sa Pilipinas, patuloy niyang pinanatili ang kanyang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga lider ng Partido sa bansa at nagbigay ng mga payo at gabay para tulungan sila sa kanilang gawain.

Si Ka Joma ang isa sa pinakamatatag na tagapagtaguyod ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto na inilunsad ng ika-10 Plenum ng Komite Sentral ng PKP noong 1992. Aktibong hiningi ng pamunuan ng Partido ang kaalaman at pagsusuring teoretikal ni Ka Joma. Sa paghahanda sa susing dokumentong Muling Pagtibayin ang Ating mga Saligang Prinsipyo at Iwasto ang mga Pagkakamali, sumangguni ang pamunuan ng Partido kay Ka Joma at sa mga dokumento sa pagtatatag ng Partido na kanyang inakda. Sa buong suporta ni Ka Joma, pinagkaisa at pinalakas ng kampanyang pagwawasto ng 1992-1998 ang Partido sa higit na mas mataas na antas.

Susi rin ang papel ni Ka Joma sa pag-akda ng Manindigan Para sa Sosyalismo laban sa Modernong Rebisyunismo na nagbigay liwanag sa landas ng sosyalistang rebolusyon noong madilim na panahon ng ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa Soviet Union noong 1990 na binansagan sa monopolyo kapitalistang masmidya na pagbagsak ng sosyalismo, pagpapabula sa komunismo, at “katapusan ng kasaysayan” at huling tagumpay ng sistemang kapitalista.

Salamin ng matalas na Maoistang kritika ni Ka Joma sa modernong rebisyunismo, ang dokumento’y naglahad ng malinaw na istorikong pag-unawa sa proseso ng kapitalistang pagpapanumbalik sa USSR mula 1956. Nagsilbi itong susi sa pag-unawa sa nagpapatuloy na kawastuhan ng sosyalismo, at inspirasyon ng proletaryong Pilipino na magpunyagi sa dalawang-yugtong rebolusyon, at ng pandaigdigang proletaryo na isulong ang soysalistang simulain.

Ang base ni Ka Joma sa Utrecht kalauna’y naging sentro sa pulitika ng internasyunal na mga kilusang komunista at pakikibakang anti-imperyalista. Gumampan siya ng mahalagang papel sa pagdiriwang sa sentenaryo ni Mao Zedong noong 1993 na nagsilbing masigasig na kampanya sa ideolohiya para muling pagtibayin ang mga pananaw na Marxista-Leninista at para itanghal ang Maoismo bilang ikatlong pangkasaysayang yugto ng pag-unlad ng Marxismo-Leninismo.

Hanggang sa maagang bahagi ng dekada 2000, gumampan siya ng nangungunang papel sa pagbubuo ng International Conference of Marxist-Leninist Parties and Organizations (ICMLPO) na nagsilbing sentro ng pagtutulungan sa ideolohiya at praktika sa hanay ng mga partidong komunista at manggagawa na nandindigan para sa sosyalismo at tumuligsa sa modernong rebisyunismo. Nagbigay siya ng makabuluhang kaalaman at praktikal na tulong sa maraming partido komunista mula Asia hanggang Europe at hanggang America.

Sa nagdaang huling dekada, pinamumunuan niya ang International League of People’s Struggles o ILPS na nagsilbing sentro sa koordinasyon para sa anti-imperyalistang mga kilusan sa buong mundo. Inakda niya ang “Hinggil sa imperyalistang globalisasyon” noong 1997 na naglinaw na nananatili ang proletaryado sa panahon ng imperyalismo at sosyalistang rebolusyon.

Dahil sa kanyang papel sa paggabay sa pagsulong ng internasyunal na anti-imperyalistang pakikibaka, pinag-initan ng imperyalismong US si Ka Joma. Ibinilang siya sa listahan ng US ng “dayuhang terorista,” kasama ang PKP at BHB. Sa edad na 68, inaresto siya noong 2007 ng mga pulis ng gubyernong Dutch at ikinulong nang higit 15 araw.

Simula 1992, kasama ang NDFP Negotiating Panel, mahusay na kinatawan ni Ka Joma ang interes ng mamamayang Pilipino at rebolusyonaryong kilusan sa pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa magkakasunod na kinatawan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas. Itinalaga siyang Chief Political Consultant ng NDFP Negotiating Panel at mahusay na ginabayan ito sa pakikipagnegosasyon sa GRP sa nagdaang 25 taon.

Sa nagdaang huling mga taon, patuloy na nagbigay si Ka Joma ng napakahahalagang kaalaman sa lokal na krisis at sitwasyon ng rebolusyonaryong pwersa. Patuloy siyang nagbibigay ng payo sa Partido at rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas sa pagresolba sa mga problema sa pagsusulong ng rebolusyon sa bago at mas mataas na antas.

Naghain siya ng kritikal na mga pagsusuri sa obhetibong kalagayang pandaigdig. Nagbigay siya ng kritikang Marxista-Leninista sa kapitalistang krisis ng labis na produksyon na ugat ng internasyunal na krisis pampinansya at matagalang depresyon na yumayanig sa pandaigdigang sistemang kapitalista. Muli niyang pinagtibay na tayo ay nananatiling nasa makasaysayang yugto ng imperyalismo, ang huling yugto ng krisis ng kapitalismo.

Si Ka Joma ang tagatanghal ng sulo ng pandaigdigang kilusang komunista. Sa madilim na panahon ng panunumbalik ng kapitalismo, pinanatili niyang naglalagablab ang apoy ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at nagbigay inspirasyon sa proletaryado na samantalahin ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo, magpunyagi sa landas ng sosyalismo at komunismo at dalhin ang pandaigdigang rebolusyong komunista sa bagong kabanata ng muling pagkabuhay at panibagong pagpapasigla.

Mga resolusyon:

Pinagtitibay ng Ikalawang Kongreso ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na igawad ang pinakamataas na parangal kay Kasamang Jose Maria sison, dakilang komunistang paham, lider, guro at gabay ng proletaryong Pilipino at tagatanghal ng sulo ng pandaigdigang kilusang komunista.

Bilang pagkilala sa malaking kontribusyon ni Ka joma sa rebolusyong Pilipino at pandaigdigang kilusang manggagawa, pinagtitibay rin ng Ikalawang Kongreso:

1. na atasan ang Komite Sentral na ipagpatuloy ang paghingi ng kaalaman at payo ni Ka Joma sa maraming aspeto ng gawain ng Partido sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon.

2. na iendorso ang limang bolyum na mga sulatin ni Jose Maria Sison bilang batayang sanggunian at materyal sa pag-aaral ng PKP at hikayatin ang buong kasapian ng Partido at rebolusyonaryong mga pwersa na basahin at pag-aralan ang mga sulatin ni Ka Joma.

Tiyak ang Ikalawang Kongreso ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na sa kabang-yamang Marxista-Leninista-Maoista na ipinundar ni Ka Joma sa nagdaang limang dekada ng rebolusyonaryong praktika, mahusay na naarmasan ang Partido para pamunuan ang pambansa demokratikong rebolusyon sa higit na mataas na antas at ganap na tagumpay sa darating na mga taon.

Pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Jose Ma. Sison