Pinakamataas na pulang pagpupugay kina Ka Tagub, Ka Bundo, Ka MC, Ka Esang at K Adja, ang pinakahuling bayani ng Mindoro at sambayanan, mga tunay na inapo ni Gat Andres Bonifacio!

,

Sa ika-160 kaarawan ng bayaning si Andres Bonifacio iginagawad ang pinakamataas na pulang parangal at pagpupugay ng Komite sa Isla ng Partido Komunista ng Pilipinas -MLM, ng pang -islang kumand sa operasyon ng LDGC-NPA-Mindoro at ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa ilalim ng NDFP-Mindoro kina Kasamang Tagub/Roche (Peter Rivera), Ka Bundo/Pascual (Jethro Isaac Ferrer), Ka MC/Teng/NY (Kure Lukmay), Ka Laura/Esang (Abegail Bartolome) at Ka Adja (Jovit Almoguera). Namartir sina Ka Bundo at Tagub matapos mahuli at sadyang pinaslang ng 76th IBPA, 203rd Brigade noong Nobyembre 13, 2023 sa sityo Layang-layang, Gloria habang namartir naman sina Ka MC, Laura at Aja habang magiting na lumalaban sa umaatakeng kaaway noong Nobyembre 19, 2023 sa sityo Tugas, Barangay Sabang, Pinamalayan, kapwa sa Oriental Mindoro.

Silang lima (5) ang mga bagong rebolusyonaryong bayani ng Mindoro at ng sambayanang Pilipino at mga tunay na inapo ni Gat Andres Bonifacio sa kanilang pag-aalay ng kanilang buhay sa dakilang layunin na pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang hinaharap. Iniambag nila ang tanging buhay sa magiting na pagtatanggol sa masang anakpawis at mamamayang Mindoreño sa harap ng pananalasa, kalupitan at panunupil ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA na nagsisilbing pasistang haligi sa Mindoro ng reaksyunaryong gobyernong kinakatawan ngayon ng rehimeng US-Marcos-Duterte.

Sa pagbuwis ng buhay ng mga kasama sa magiting na paglaban, ipinakita lamang nito ang kabayanihan ng mga kasamang suungin ang panganib upang ipagtanggol ang mga Mindoreño at sambayanang Pilipino. Ito ang pinakamataas na patunay ng sinseridad ng paglilingkod ng CPP-NPA-NDFP sa interés ng uring anakpawis at sambayanang Pilipino. Samantala, patunay din ito sa kalupitan at karahasan ng reaksyunaryong estado na walang ibang ginawa kundi ang durugin ang anumang pagtutol ng sambayanan upang ipagtanggol ang mapagsamantala at mapang-aping paghahari ng uring panginoong maylupa, malalaking burgesya komprador at ng kanilang among imperialista. Binibigyang liwanag ng mga kaganapang ito ang kawastuhan ng pagsusulong ng armadong pakikibakang isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan at ng Partido Komunista ng Pilipinas (MLM). Katunayan, pagpapatuloy ito ng hindi pa natapos na rebolusyon at armadong pakikibaka na pinamunuan ng pambansang bayaning si Andres Bonifacio para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Ang mga kasamang mártir ay dapat nating parangalan, saluduhan at dakilain dahil isinakatuparan nila ang dakilang tungkulin ng CPP-NPA-NDFP na isulong ang interés ng lahat ng demokratikong uri at sektor sa lipunan sa harap ng napakalaking panganib at kahirapan sa pagkilos. Huwaran sila ng di matitinag na rebolusyonaryong tatag, tapang at kapangahasan na dapat nating halawan ng inspirasyon. Hindi kailanman nila kinatakutan, bagkus kinuhang malaking hamon ang harapin at biguin ang kampanyang supresyon laluna mula ng itakdang eye of the strom ang isla ng Mindoro sa programang NTF-ELCAC ng nagdaang rehimeng US-Duterte at ipinagpatuloy ng rehimeng US-Marcos II. Hindi man lamang sila nangilo sa walang lubay na malakihang mga focused military operations (FMO) at reengineered community support program operations (RCSPO) na inilunsad sa buong isla hanggang sa kasalukuyan. Bilang mandirigma ng BHB, inspirasyon nilang bigyan ng katarungan ang mamamayang biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas. Imbes na matakot, nangibabaw sa kanila ang makauring pagkamuhi sa kaaway na nagpapahirap at nagmamalupit sa mga magsasaka, katutubong Mangyan, manggagawa, malamanggagawa, kababaihan, mangingisda at iba pang aping uri’t sektor.

Habampanahong alalahanin ng mga rebolusyonaryo at sambayanang Pilipino ang mga ambag ng mga kasama martir:

Si Ka Tagub/Roche na ang tunay na pangalan ay Kasamang Peter Rivera. Si Ka Roche ay nag pultaym noong 1987. Mula sa grupong Hanunuo sa Sityo Kalinisan, Barangay Bayobot, San Jose, Occidental Mindoro naorganisa ang kanyang pamilya at sa kanilang komunidad siya nagsimulang kumilos. Nahuli siya ng kaaway sa isang depensibang labanan noong 1988 nang nahagip siya ng tropang umatake sa kampuhan habang naliligo sa sapa. Mabilis siyang nairilis ng kaaway sa tulong ng kanyang mga kamag-anak. Pero seryoso siya sa pagrerebolusyon kaya kaagad siyang bumalik sa pagkilos matapos na nakalaya. Masigla sa gawain, aktibo sa pag-aaral, at walang pagod sa gawaing propaganda, hanggang sa naging Iskwad Lider (IL) siya ng isang Sandatahang Yunit Pampropaganda (SYP). Naging gawain ng yunit na ito ang pagkokonsolida ng mga samahang masang naitayo sa mga lupang okupasyon sa Bulalacao-Magsaysay. Sa panahong nagpapalakas ng gawain sa Palawan, isa siya sa naideploy doon noong 1995. Nakabalik siya sa isla ng Mindoro noong 2014, matapos mawalan ng ugnay sa kanyang mother yunit sa Palawan at nagpasyang dito na sa Mindoro sumanib. Sa pagbalik sa Mindoro, naging platun líder siya ng isang yunit sa Timog Mindoro hanggang 2018 at matapos ito ay napalipat sa yunit na nakapakat sa sentral ng Oriental Mindoro kung saan siya namartir. Sa buong buhay niya, maipagmamalaki ang 12 malalaking TO (laking platun at kumpanya) na kanyang nilahukan sa Mindoro at Palawan, kung saan 7 sa mga ito ang tagumpay. Nagdala at nakalahok din siya sa mahigit 20 maliit na atritibong TO kabilang ang 14 na snipe operation, at karamihan ay haras -riple na may kumbinayon ng pasabog. Di mabilang na depensibang labanan ang kinaharap niya at pabirong sinabi niya na hindi niya binibilang ang mga depensibang labanan dahil baka lalo lamang siyang nerbiyosin. Siya ang naging tagasalo ng responsabilidad sa pagdadala ng yunit tuwing nagkakaroon ng dislokasyon sa pamunuan ng kanilang platun.

Ka MC, na ang tunay na pangalan ay si Ka Kure Lukmay, na kilala din sa kodang Ka Teng/ NY/MC. Tulad ni Ka Roche siya ay nagmula sa Hanunuo-Mangyan. Si K Mc ay naorganisa sa kanilang pamayanan sa Sityo Kilapnit, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Matapos maorganisa sa kanilang sityo ay agad siyang nagpasyang magpultaym noong 1998. Sa panahong ito ay may panawagang mag-ambag ang Mindoro ng mga pwersa sa ibang larangan sa labas ng isla. Isa si Ka Mc sa nagboluntaryong maideploy sa malayong lugar. Mahabang panahon ng kanyang pagkilos ay inilaan niya sa labas ng isla. Noong 2009, muli siyang bumalik sa Mindoro para dito kumilos. Sa pagbalik sa Mindoro, nakalahok siya sa ilang mayor na taktikal na opensiba, kabilang ang mahusay na paggampan niya bilang IL ng isang pormasyon sa labanan sa DRC noong Marso 6 2010, kung saan nadurog ng BHB ang isang platun ng 23rd DRC. Nakalahok siya sa mga pagsasanay ng mga opisyal at kadreng militar noong 2015 at isa sa nagtapos na may mataas na marka. Siya ang naging katuwang ng mga instruktor sa pagsasanay ng kanyang mga kapwa opisyal at mandirigma.

Kinilala ang husay ni Ka MC sa matatagumpay na operasyong isnayping na kanyang pinangunahan at inilunsad. Tampok dito ang matagumpay na operasyong isnayping laban sa pasistang tropa ni 1Lt. Nollora ng pasistang 4th IBPA na nanguna sa mga pagpapasuko at pananalasa sa baseng masa sa Timog Mindoro.

Pinangibabawan ni Ka MC ang mga krisis na kinaharap sa kanyang buhay bilang mandirigma ng BHB at kadre ng Partido laluna noong mamatay ang kanyang asawa. Kahima’t may ilang panahong pansamantala siyang namahinga bilang pultaym na BHB, tuloy-tuloy niyang ginampanan ang rebolusyonaryong tungkulin sa lokalidad. Dahil dito, napangibabawan niya ang krisis at muling bumalik bilang pultaym na mandirigma at kadre ng Partido at ibinuhos ang kanyang buong lakas, talino at galing sa pagsusulong ng rebolusyon hanggang sa kanyang huling hininga.

Ka Adja, na ang tunay na pangalan ay si Ka Jovit Almoguera, kilala din sa mga kodang Ka CJ/Mona/Jamil. Mula sa Barangay Metolza, bayan ng Naujan, Oriental Mindoro nagpultaym si Ka Adja noong 2004. Nasa panahon pa ito ng pagtatanggol laban sa Oplan Habol Tamaraw ni Jovito Palparan sa Mindoro. Simula ng nagpultaym, tuluy-tuloy na siyang kumilos, at unang yunit na kinapalooban niya ay ang sentro-de-grabidad na platun o pangunahing panlaban na platun sa isla. Gawaing militar ang pangunahing kinaharap niya sa pagpakat sa SDG-platun at nakasama agad siya sa mga mayor na taktikal na opensiba sa isla mula sa taong ito. Halos naikot ni Ka Aja ang buong kalupaan ng Mindoro dahil sa mga kampanyang militar. Isa sa matagumpay na taktikal na opensibang nilahukan niya ang labanan sa Km13 kung saan halos nadurog nila ang isang platun ng 23rd DRC noong 2010. Mula naman 2014, nailipat siya sa pangunahing yunit gerilya sa rehiyon. Gumampan siya dito bilang opisyal at karaniwang nagdadala ng masinggan ng kanilang yunit. Naging aktibo at malakas siyang katuwang na pwersa sa mga inilunsad na taktikal na opensiba tulad ng matagumpay na reyd sa magkasanib na pwersa ng AFP-PNP na nakabase sa munisipyo ng bayan ng Paluan, Abra De Ilog, Occidental Mindoro noong Nobyembre, 2014. Namartir siya sa panahong nakatalaga sa panlarangang yunit ng BHB sa bahaging sentral ng Oriental Mindoro.

Ka Bundo/Pascual, na ang tunay na pangalan ay si Kasamang Jethro Isaac Ferrer, kilala din sa kodang Ka Pascual. Si Ka Pascual ay tubong Binmaley, Pangasinan at nagmula sa uring mababang petiburgesya. Nag-aral siya ng kolehiyo sa University of the Philippines-Los Baños sa kursong Bachelor of Science in Development Communication. Dito siya higit na namulat sa kalagayan ng mga kabataang estudyante—ang panunupil sa kalayaan sa akademya at pamamahayag. Taong 2009 nang maorganisa siya sa Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS), isang lihim na pambansa-demokratikong organisasyon at sumusuporta sa armadong pakikibaka.

Di kalaunan ay narekluta siya bilang kasapi ng Partido at tuluy-tuloy na nag-aral ng Marxismo-Leninismo- Maoismo hanggang sa magpasyang mag-exposure sa isang yunit ng New People’s Army noong Disyembre 2010 sa Mindoro. Hindi natagalan, nagpasya siyang buong-panahong kumilos sa Pulang hukbo at tinanganan ang pinakamataas na porma ng pakikibaka, ang armadong pakikibaka at tuparin ang kanyang pangarap na maging sundalo—hindi ng mapang-aping estado, kundi ng mamamayan. Pagdating sa Hukbo, likas na masipag sa gawaing teknikal at militar si Ka Pascual, kaya mabilis siyang natuto sa pang-araw-araw na buhay ng Hukbo. Gumampan sya bilang giyang pampulitika, opisyal sa lohistika at naging Vice Squad Leader nang ilang panahon.

Setyembre 2012 nang muling binuo ang Panrehiyong Istap sa Propaganda at Kultura (RIPK) ay ipinaloob dito si Ka Pascual bilang kagawad. Sa pamumuno at gabay ng Komiteng Rehiyon sa TK, pinangunahan nina Ka Pascual ang pagpapasigla sa gawaing propaganda at kultura sa rehiyon. Naging manunulat siya ng Kalatas, Dagitab at mga pamamahayag sa rehiyon. Gumampan din siya sa gawaing reproduksyon ng mga Pulang pahayagan at iba pang lathalain, paggawa ng bidyo, pagiging war correspondent sa ilang piling taktikal na opensiba sa rehiyon atbp. Isa siya sa boses at may likha ng maraming mga bidyong inilabas ng Tanglaw Midya. Sa gawaing istap niya ibinuhos ang pinakamalaking bahagi ng kanyang buhay-rebolusyonaryo mula 2012 hanggang 2021. Ilang panahong hinawakan ni Ka Pascual ang pangangalihim sa gawaing propaganda at kultura sa rehiyon at kalaunan bilang pangalawang kalihim. Sa mga panahong ito, pana-panahon din siyang gumagampan ng gawaing masa sa saklaw ng rehiyon at nakilala ng masang magsasaka at katutubo sa hangganang Quezon-Bicol at North Quezon-Rizal.

Mula 2022 hanggang sa kanyang pagkamartir ay gumampan si Ka Pascual ng gawain sa teritoryo sa isang larangang gerilya sa isla ng Mindoro, kung saan rin siya nahikayat na maging pultaym na mandirigma noong 2011. Hanggang bago siya mabuwal, gumampan siya bilang regular na kagawad ng Komite ng Partido sa Isla ng Mindoro at ubos-kayang nag-ambag para sa muling pagpapalakas at ibayong pagpapasigla ng rebolusyon sa buong isla.

Ka Laura/Esang, na ang tunay na pangalan ay si Ka Abegail Bartolome. Magiting na pulang mandirigma ng BHB si Ka Laura. Mula sa kalunsuran, sumampa siya sa BHB noong 2014 at mula noon, walang tigil at buong husay niyang ginampanan ang kanyang mga tungkulin bilang pulang mandirigma sa pagsusulong ng digmang bayan sa loob ng 10 taon hanggang sa siya ay namartir.

Sa loob ng 10 taon niyang pagkilos sa BHB gumampan ng mga susing tungkulin si Ka Laura upang pasiglahin ang armadong pakikibaka sa rehiyong TK, laluna sa panahon ng walang habas na pananalasa ng kampanyang supresyon ng tiranikong rehimeng US-Duterte at hanggang sa kasalukuyang ilehitimong rehimeng US-Marcos II.

Matapos ang halos dalawang taong paggampan ng mga tungkulin sa isang larangang gerilya sa Timog-Quezon-Bondoc Peninsula, naitalaga si Ka Laura sa gawaing istap ng panrehiyong kumand sa operasyon, una bilang opisyal sa paniktik at ikalawa bilang kagawad ng istap sa tauhan at pagsasanay. Naging bahagi si Ka Laura ng mga matutunog na taktikal na opensiba ng BHB na nagparusa sa mga pangunahing kaaway ng masang magsasaka, katutubo at mamamayan sa rehiyong TK. Pinakatampok dito ang kanyang naging susing papel sa matagumpay na magkakasunod na reyd na isinagawa ng BHB laban sa armadong pwersa at ari-arian ng numero unong malaking burgesya kumprador na si Henry Sy sa Barangay Papaya, Nasugbo, Batangas at ang matagumpay na ambus ng BHB laban sa mga pwersa ng 202nd Brigade sa Luisiana, Laguna noong 2017. Walang takot na ginampanan ni Ka Laura ang kanyang tungkulin maging ang kumilos kalapit at nasa tungki ng ilong ng mga armadong pwersa ng kaaway na kanyang minamanmanan. Buo ang kanyang tiwala sa mga kasama at sa mga masang kumukupkup sa kanya at nagbibigay ng impormasyon laban sa kanilang kaaway.

Apat na taon, bago mamartir, si Ka Laura ay naging kagawad ng istap sa tauhan at pagsasanay ng panrehiyong kumand sa operasyon. Nagsilbi siyang guro ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa Timog Katagalugan at sa lahat ng mga yunit na kanyang sinasaniban. Sa ganito, naging bahagi siya sa konsolidasyon ng BHB at sa pagtataas ng kapasidad nito sa paglaban sa kaaway. Ilang mayor na panrehiyong pagsasanay ang pinangunahan ng yunit na kabilang si Ka Laura.

Habang at kasabay ng kanyang paggampan sa mayor na tungkulin at gawaing ibinigay sa kanya ng Partido masiglang nag-ambag si Ka Laura ng mga sulatin at ambag pampanitikan ng rebolusyonaryong dyaryo at literary journal ng rehiyong TK at ng mga probinsyang kanyang sinaniban. Mahusay siyang manunulat at ang kanyang mga obra ay puno ng damdaming nakakaantig sa damdamin at kamulatan ng mga kasama at masa.

Matiyaga, masipag at masinop sa gawain si Ka Laura. Iniaambag niya ang kanyang ganang kaya anumang gawain at tungkulin ang ibibigay sa kanya. Hindi siya naghahanap ng anumang pusisyon sa loob ng Partido at BHB. Masaya siya na maibigay ang anumang kanyang ganang kaya sa anumang tungkulin at o gawaing ibinibigay sa kanya ng Partido ito man ay gawaing masa o gawaing militar, gawaing teknikal o gawaing pagtuturo, maging pagbabantay at pagluluto. Sa kabila ng kanyang mga limitasyong pisikal bunga ng nakasanayang buhay sa kalunsuran at sentrong kabayanan, pinangibabawan niya ang kahirapan sa pag-angkop sa hirap at bigat ng pamumuhay sa kanayunan at sa loob ng yunit ng BHB. Hindi niya inalintana ang mga kahirapan at sakripisyo at wala siyang takot sa kamatayan. Buong sikap niyang hinubog ang sarili sa impluwensya ng pyudal at burgis na mga gawi, mapagpakumbabang nagpupuna sa sariling kamalian at tinanganan ang proletaryong prinsipyo, gawi, kaisipan at kultura.

Pumanaw man ang mga naging mártir na kasama, hindi nito masusupil ang paghahangad ng bayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Hinahamon nito ang sarili nating kapasyahan na tulad nila, ilaan ang ating talino, lakas, panahon at kakayahan hanggang sa pinakamataas na pag-aambag ng buhay para sa layuning mas dakila at marangal kaysa sa ating sarili.

Ibaling natin ang pagdadalamhati sa pagkawala ng mga mahal na kasama tungo sa matibay na kapasyahan at mulat na katapangan. Ang kanilang pag-aambag ay dapat na magbigay inspirasyon sa atin at lalong magpaalab sa apoy ng pakikibaka, magpataas ng ating kapasyahang lumaban at higit na pagpursige sa mga gawain anuman ang panganib at mga kahirapan. Taimtim nating bigyang pugay ang pag-aambag ng mga kasamang martir, hanguan ng aral ang kanilang buhay at pakikibaka at gamitin nating okasyon ito upang ipahayag ang sarili nating kapasyahang isulong ang digmang bayan. Suklian natin ang kanilang sakripisyo sa pamamagitan ng ating pag-aambag ayon sa kahandaan at kakayahan ng bawat isa sa atin para sa dakilang adhikain ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Ito lamang ang tanging solusyon sa paghihirap at kaapihan ng sambayanan sa kuko ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo at kamtin ang isang malaya, maunlad at demokratikong lipunan.

Ibaling ang pagdadalamhati sa higit na katapangan at kapasyahan sa paglaban!
Pangibabawin ang rebolusyonaryong optimismo sa gitna ng mga pinsala at kabiguan!
Tagumpay ng rebolusyon ang gagawad ng hustisya sa mga martir!
Isulong ang rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay!

Pinakamataas na pulang pagpupugay kina Ka Tagub, Ka Bundo, Ka MC, Ka Esang at K Adja, ang pinakahuling bayani ng Mindoro at sambayanan, mga tunay na inapo ni Gat Andres Bonifacio!