Pahayag

Pulang saludo kay Baltazar “Ka Patrick” Hapa, huwarang anak ng Sorsogon

Pinakamatikas na Pulang saludo ang iniaaalay ng Celso Minguez Command-NPA Sorsogon at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa probinsya kay Baltazar “Ka Patrick” Hapa, huwarang anak ng Sorsogon at magiting na Pulang kumander at mandirigma. Nabuwal si Ka Patrick sa gitna ng pakikipaglaban sa mga pasistang tropa ng 31st IB noong Enero 14 sa Barangay Togawe, Gubat—sa kanya mismong bayang tinubuan.

Marubdob na nakikiramay ang NPA-Sorsogon sa naulilang asawa at anak ni Ka Patrick.

Ipinanganak si Ka Patrick noong Enero 4, 1981 sa Barangay Sangat, Gubat sa isang pamilya ng maralitang magsasaka. Ikatlo siya sa apat na magkakapatid. Lumaki siya sa piling ng kanyang lola mula nang pumanaw ang ama noong 1986 at magtrabaho sa Maynila ang ina. Naging katuwang si Ka Patrick ng kanyang lola sa pagtataguyod sa kanyang mga kapatid sa araw-araw. Sa murang edad, natuto siyang magtinda ng balut sa Sorsogon City para may maipambaon pagdating ng pasukan.

Noong kanyang kabataan, nahimok si Ka Patrick na sumapi sa rebolusyonaryong grupo ng kabataan sa kanilang komunidad laluna at madalas nakikibase ang pulang Hukbo sa kanilang tahanan. Hindi naging mahirap sa kanya na unawain ang mga mithiin ng rebolusyon dahil na rin sa kanyang aktwal na karanasan sa araw-araw. Ang mga dahilang ito rin ang nag-udyok sa kanyang umanib sa New People’s Army makalipas ang ilang taon.

Ipinamalas ni Ka Patrick ang sigasig at tikas ng isang kabataan sa kanyang pagpasok sa Pulang hukbo. Dahil dito, ipinaloob siya sa isang yunit panlaban at gumanap ng gawaing medikal at militar. Tumangan siya ng mahahalagang tungkulin sa pag-aalaga sa mga pasyente at paggamot sa kanila. Pinatunayan niya na ang kabataan ay napupuspos ng bagong lakas at enerhiya sa loob ng hukbong bayan.

Pagtuntong sa edad na 21, pansamantalang lumisan sa NPA si Ka Patrick sa desisyong magbuo ng pamilya. Habang nasa komunidad, pumaloob siya sa sangay ng Partido sa lokalidad at tumuwang sa pag-oorganisa sa kanyang baryo. Nakatulong siya sa pagbibigay ng mga pag-aaral, at pana-panahong pinalalahok sa mga gawaing militar ng NPA. Kalaunan, itinalaga siyang pangalawang kalihim ng sangay.

Tulak ng krisis sa ekonomya, lumuwas sa Maynila si Ka Patrick at nagtrabaho bilang box-maker (tagagawa ng mga kahon para sa mga alahas, kwadro at mga journal na pang-eksport). Kapag naman nakababalik sa Sorsogon, madalas siyang tumungo sa piling ng mga kasamang Pulang mandirigma upang tumuwang sa kanilang mga gawain.

Muli siyang nagpultaym sa hukbong bayan noong Hunyo 2015. Kumilos at nag-organisa siya sa mga bayan ng Gubat, Casiguran, Bacon, Prieto Diaz, Barcelona, Bulusan, Sta. Magdalena, Matnog, Irosin at Bulan. Nagsilbi siyang iskwad lider, platun lider hanggang maging kumander ng isang larangang gerilya. Ipinaloob din siya sa yunit panlaban ng buong prubinsya.

Hindi maitatanggi ang naging papel ni Ka Patrik sa hindi na mabilang na taktikal na mga opensiba ng NPA na kanyang nilahukan. Dulot nito, hindi lamang siya kinilala at pinasalamatan ng masang Sorsoganon, kundi labis na kinamuhian ng pasistang pwersa ng reaksyunaryong estado.

Mahusay siyang gumampan ng gawaing propaganda, pag-oorganisa at medikal. Madali siyang nakakapalagayang-loob ng masa at ng mga kasama, at niyayakap siya bilang sarili nilang anak at kapatid. Nakatatak sa kanila ang mga biro, ngiti at kwento ni Ka Patrick. Hindi malilimutan ng mga kasama at ng masang buong-pusong pinagsilbihan ng kanyang kabaitan at katalinuhan.

Inspirasyon siya ng kapwa mga Pulang mandirigma at kumander sa mahigpit na pagpapatupad at pagtangan sa disiplinang bakal ng hukbong bayan. Kilala siya sa pagiging maalaga sa nasasakupang tropa.

Sa ipinamalas na dedikasyon at husay, itinalaga siyang kasapi ng Komiteng Probinsya ng Partido at ng Pamprubinsyang Kumand ng NPA sa Sorsogon noong 2020. Binalikat niya ang kinakailangang mga sakripisyo para gampanan ang mga tungkuling iniatang sa kanya.

Ipinagmamalaki ng Sorsogon ang sarili nitong anak—si Ka Patrick—na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanyang panahon, talino, lakas at buhay para sa kagalingan ng mamamayang Sorsoganon. Walang-kapantay ang buhay na kanyang inilaan sa pagtatanggol sa inaapi at pinagsasamantalahang magkokopra, magsasaka at masang anakpawis ng Sorsogon laban sa mga panginoong maylupa, malalaking burges kumprador at mga dayuhang nang-aapi sa bayan.

Maraming salamat Kasamang Patrick! Ipagpapatuloy namin at ng mga susunod na henerasyon ang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya. Taas-kamaong pagpupugay sa iyo at sa lahat ng mga bayani ng rebolusyon!

Pulang saludo kay Baltazar “Ka Patrick” Hapa, huwarang anak ng Sorsogon