Reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas, tagapagtanggol ng pinakamasasahol na terorista’t kriminal
Isang positibong bagay para sa mga pamilya at kaanak ng humigit-kumulang 35,000 biktima ng madugo at brutal na kampanyang kontra-droga ni Duterte ang plano ng International Criminal Court (ICC) na imbestigahan muli ang sistematikong krimen ng nagdaang rehimen laban sa sibilyang populasyon. At totoo sa pagiging pasista at kontra-mamamayan nito, hindi nakapagtatakang agad itong inalmahan ng reaksyunaryong gubyerno. Pinagbantaan pa nitong huhulihin ang mga kasapi ng ICC na papasok sa bansa para mag-imbestiga.
Ang pagtanggi ng reaksyunaryong gubyerno na imbestigahan ng ICC ang tiranong si Duterte at kanyang mga alagad ay patunay ng pagpanig nito sa mga tunay na terorista at malalaking kriminal at ang garapalang pagtalilis sa pananagutan sa mamamayang naghahangad ng katarungan. Napaka-agresibo ng gubyerno kapag ipinagtatanggol ang mga tiranong tulad ni Duterte at dinedepensahan ang kawalan ng hustisya at sistematikong pasismo sa bansa, ngunit bahag naman ang buntot kapag kinakailangan ng ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas at kapakanan ng taumbayan nito.
Napakasahol ng sistema ng batas at hustisya sa bansa. Hindi lamang walang maaasahan mula rito, tuwirang kasangkapan pa ito sa pasismo ng kasalukuyang reaksyunaryong estado. Makatwiran lamang kung gayon na magkaroon ng interbensyon ang isang mas malaking tribuna tulad ng ICC upang kahit sa isang antas ay magkamit ng katarungan ang lahat ng biktima ng sistematikong terorismo at pasismo ng estado.
Nakikiisa ang LUMABAN-Bikol sa panawagan ng lahat ng mga naging biktima, kanilang mga pamilya at kamag-anak, masang Pilipino at internasyunal na komunidad na ituloy at tiyaking may kahihinatnan ang imbestigasyon ng ICC sa mga krimen ni Duterte at lahat ng mga berdugong tulad niya. Sa huli, dapat tandaan ng mga kriminal na tulad nina Duterte, Marcos at iba pang mga sagadsaring pasista’t terorista na makaligtas man sila mula sa korte ng reaksyunaryong gubyerno, sa internasyunal na tribuna at sa iba pang mga hukuman, hindi kailanman sila makaliligtas mula sa hukumang bayan ng demokratikong gubyernong bayan ng mamamayang Pilipino. Silang mga kaaway ng sambayanan ay tiyak na papanagutin ng rebolusyonaryong kilusan at ng malawak na hanay ng nagbabalikwas na masang dati’y kanilang dinahas, sinupil at inapi.