Pahayag

Singilin at pagbayarin ang mga Marcos! Paigtingin ang rebolusyonaryong armadong paikibaka!

Ngayong araw ng 21 Setyembre, 52 taon na ang lumipas nang saklutin ng lansakang paghaharing militar ni Ferdinand Marcos Sr. ang bansa. Batas Militar ang ginamit ni Marcos Sr. upang isakatuparan ang hibang na pangangarap para sa walang taning na diktaduryang paghahari ng kanyang kampo at angkan.

Sa pagkopo ng kapangyarihang ehekutibo, lehislatura at galamay sa hudikatura, lubos na nagpayaman ang pamilyang Marcos at kanilang mga kroni sa pera ng taumbayan. Naging bantog ang mga Marcos sa pandarambong at paglulustay ng pera ng bayan sa maluhong pamumuhay na kinatangian ng maya’t mayang engrandeng piging, mamahaling mga damit at sapatos, paglamyerda sa ibang bansa at iba pang kapritsong pawang insulto sa kalam ng sikmura ng masang Pilipinong sinadlak nila sa kahirapan.

Kapalit ng suporta mula sa imperyalismong US, sinubasta ni Marcos Sr. ang mga sakahan, kabundukan, kagubatan at katubigan ng Pilipinas. Inilako rin sa murang halaga ang likas yaman at lakas paggawa ng mga magsasaka at manggawa sa mga dayuhan. Nawalan ng lupa ang mga magsasaka. Bumaba ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa. Bumaba rin ang halaga ng piso. Lalong nabansot ang ekonomya ng Pilipinas at natali sa kalakalang nakatuon sa pag-eksport ng murang hilaw na materyales at nakaasa sa pag-import ng mahal na mga produkto.

Kapalit ng pagpapakatuta ni Marcos Sr. sa US at pagsubasta sa soberanya at kayamanan ng bansa, sinuhayan ito ng direktang mga pautang at pamumuhunan at sa pamamagitan ng imperyalistang institusyon gaya ng World Bank at International Monetary Fund sa Pilipinas. Ang dayuhang kapital na ito ay di kailanman napakinabangan ng mamamayan. Bahagi ng perang ito ay agad na binulsa ng mga Marcos at kanilang mga kroni habang ang natira ay inilaan sa mga proyektong pangkaunlaran na ang bulto ay mga pang-imprastrukturang haligi ng ilusyon ng pag-unlad ng bansa sa ilalim ng Bagong Lipunan at bakang gatasan ng pandarambong!

Bigo ang ilusyon na ito sa panlilinlang sa sambayanan. Utay-utay na naipon ang pagkamuhi ng mamamayan sa korapsyon, kabulukan at pagpapakatuta sa US ng rehimen ni Marcos Sr. Kasabay nito, nakapagpanibagong lakas ang mga pwersa ng rebolusyon mula huling bahagi ng dekada ’60. Sa tindi ng takot sa nagbabangon na mamamayan, pinakawalan ng rehimeng US-Marcos I ang kagimbal-gimbal na pasismong gumuhit sa kasaysayan dahil sa kahayupan ng mga pamamaraan at dami ng biniktima nito.

Naging instrumento ang mga sundalo at pulis sa madugong paghahari ng rehimeng US-Marcos I. Walang pagpapabango o pagpapalit ng pangalan ng kanilang mga institusyon ang makapagbubura sa madugong tala ng kanilang mga krimen sa mamamayan. Pilit mang ibaon sa limot, tandang tanda pa rin ng masa ang mga dinukot at di na nakita muli, ang mga pinagmalupitan at pinahirapan sa mga kampo at lihim na safehouse, ang mga piniit sa bisa ng gawa-gawang kaso, ang mga ginahasa, ang mga pinatay nang walang kalaban-laban bago itinapon nang basta na lang ang kanilang katawan. Sa pag-alala sa mga biktima ng Batas Militar, dapat ding isadlak at singilin ang imperyalismong US na sumuporta, nagpondo, nag-armas at gumabay sa terorismo ng rehimen ni Marcos Sr.

Saligang batas ng kasaysayan na iniluluwal ng pinakamatinding kahirapan at pang-aapi ang pinakamasiglang pakikibaka rito ng masa. Sa gitna ng lagim ng Batas Militar, sumulong at lumakas ang noo’y bagong tatag pa lamang na Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sinuong ng Partido, ng masa at kanilang tunay na hukbo ang pagpapalakas sa armadong pakikibaka habang pinag-ibayo naman ng rehimeng US-Marcos I ang mga operasyong pangwawasak upang kitlin sa usbong ang rebolusyon. Bigung-bigo ang mga operasyong ito. Sa katindihan ng pasismo sa ilalim ni Marcos Sr., nailatag ang mga larangan at sonang gerilya sa Mindoro at sa iba pang prubinsya sa buong bansa. Tangan ang determinasyong lumaban, noong dekada 70, pinangunahan ni Kasamang Rey Andal kasama ang iba pa mula sa kabataang estudyante mula sa Kalipunan ng Kristiyanong Kabataan ang pagbubukas ng larangang gerilya sa Mindoro. Kasunod nito pumakat sa isla ang mas marami pang kadreng kabataang namulat sa tindi ng pasismo noong Martial Law, ng rehimeng US Aquino 1, at ng mga kasunod pang rehimen.

Rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang naging sagot ng mamamayan sa pang-aapi at pagpapahirap sa kanila ng rehimeng US-Marcos I. Nagsilbing rekruter ang Martial Law sa pagdaluyong at paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro kapwa sa armado at ligal na pakikibaka. Pangita ito sa pagdami ng sampa sa hukbong bayan na pangunahi’y nagmula sa magsasaka, mga estudyante, at iba pang uri. Lumakas ang paglaban ng mga magsasaka para sa lupa at maging ng mga empleyado ng gubyerno at iba pang panggitnang uri.

Tagumpay ng masa ang pagpapabagsak sa diktaduryang Marcos. Maski ang US ay napilitang bitawan si Marcos Sr. nang makita nitong patuloy na lumalakas ang kilusang masang anti-Marcos at ang armadong pakikibaka.

Napatalsik man si Marcos Sr., nagpatuloy pa rin ang malakolonyal at malapyudal na sistemang naghatid sa kanya sa kapangyarihan. Kahit na hinayaan ng US na mapatalsik si Marcos Sr. ng pag-aalsang EDSA, kinanlong pa rin nito ang mga Marcos at pinagtanggol ito sa patong-patong na kaso ng pandarambong, korapsyon at paglabag sa karapatang tao na sinampa sa kanila ng mamamayan.

Tanda ng lubhang pagkabulok ng malakolonyal, malapyudal na lipunang Pilipinong pinaghaharian ng imperyalismong US at pinakamalalaking kumprador-panginoong maylupa ang paghawak muli ng angkang Marcos sa kapangyarihang pampulitika. Impreyalistang US ang nasa likod ng pagkapanalo ni Ferdinand Marcos Jr. noong 2022. Sa harap ng gumegewang, batbat sa krisis at buhos ang pagbatikos sa rehimen ni Marcos Jr., patuloy na sinusuportahan ito ng US hanggang kapaki-pakinabang si Marcos Jr. sa kanilang interes. Ipagtatanggol nito ang gubyernong Marcos mula sa galit ng sambayanan at sa pagmamaniobra ng karibal na paksyon ng naghaharing uri na pinangungunahan ngayon ng mga Duterte.

Batid ito ni Marcos Jr. Kaya naman ubos kaya ang kanyang paglilingkod sa US. Binuyangyang lalo ni Marcos Jr. ang ekonomya ng Pilipinas sa mga dayuhan dahilan para lumobo ang utang ng bansa, tumaas ang presyo ng mga bilihin, malugi ang mga magsasaka at malumpo lalo ang lokal na produksyon. Ang Mindoro, bilang tinaguriang food basket ng MIMAROPA na pangunahing nagsusuplay di lang sa rehiyon kundi sa buong bansa ng malaking bulto ng bigas, prutas, saging, niyog, sibuyas, mais, monggo, at iba pa. Subalit nanganganib na mawala laluna ang produksyon ng palay dahil sa rice tarrification law, napakalaking gastos sa produksyon habang napakamurang presyo nito na humahantong sa pagkalugi ng mga magsasaka.

Binigyang laya na rin ang militar ng US na gamitin ang kalupaan, katubigan at himpapawid ng Pilipinas sa digmang hinahanda nito laban sa Tsina. Ipinwesto na sa mga susing lugar sa Pilipinas ang mga misayl, barko, kagamitan at base militar ng US. Sa Mindoro, nakaposisyon ang Brahmos missile na nasa bayan ng Lubang, Occidental Mindoro bahagi ng paghahanda ng US sa ikinakasang gyera laban sa China. Makailang ulit ding ginamit ng AFP at sundalo ng US ngayong taon ang teritoryo ng Mindoro sa mga inilunsad na Maritime Cooperative Activity at iba pang ehersisyong militar ng AFP at US. Inihahanda na rin ng mga tropang Amerikano ang Pilipinas bilang lunsaran ng labanan sa mga war games na inilulunsad halos kada dalawang araw.

Utos din ng US ang pinatinding digma kontra-insurhensya ng reaksyunaryong gubyerno. Desperado ang US na durugin na ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Pilipinas bago ganap na iputok ang digma laban sa Tsina. Natuto na ang imperyalismo mula sa paglakas at tagumpay ng rebolusyong Ruso at Tsino sa panahon ng mga pandaigdigang digma at pinangangambahan ng US na maulit ito sa Pilipinas kung saan may rebolusyonaryong kilusang napanday na ng 55 taon ng pakikibaka. Ang pagsisikap ngayon ng rehimeng US-Marcos II na tapusin na ang rebolusyon sa Pilipinas ay nagluluwal ng pasismong kasingsahol noong Batas Militar ng unang rehimeng Marcos.

Higit na kinakailangan kung gayon ang pagpapaigting ng anti-pasistang pakikibaka sa lahat ng porma nito. Dapat magbalik-aral kasama ang masa sa matagumpay na pagpapabagsak sa unang rehimeng Marcos. Dapat puspusang ilantad ang lahat ng krimen ng mga Marcos sa sambayanan at ang papel ng imperyalismong US sa malagim na kalagayan ng karapatang tao sa bansa. Dapat patambulin mula kanayunan hanggang kalunsuran ang panawagan ng masa para sa hustisya sa harap ng panyuyurak sa kanilang mga batayang karapatan. Kinakailangang mailantad din ang batayan ng pag-usbong ng mga pasistang rehimen. Kailangan maging malinaw na ang krisis na bunga ng atrasadong ekonomya ng bansa at pangingibabaw ng US sa lipunang Pilipino ang nagluluwal sa pasismo. Hanggat nagdarahop ang mga magsasaka dahil sa kawalan ng lupa, walang nagsasariling industriya ang bansa at walang tunay na kalayaan mula sa dayuhang pang-aapi, uusbong at uusbong ang mga uhaw sa dugo at kapangyarihan na katulad ng mga Marcos.

Nananatiling ang pinaka-epektibong paglaban sa pasismo ay ang rebolusyonarong armadong pakikibaka. Ang pagdurog sa AFP-PNP-CAFGU na susing kasangkapan ng naghaharing uri upang makapagsamantala at makapang-api ang pagsasakatuparan ng Hukbo sa pagtatanggol sa masa. Ang pagkalugmok naman sa konserbatismo at kawalan ng kapasyahang durugin ang kaaway ay katumbas ng pagbitiw sa saligang tungkulin ng isang hukbong bayan at pag-iwan sa masa. Dapat mahigpit na panghawakan ng BHB ang tungkulin nito bilang tunay na hukbo ng masang api. Dapat parusahan ang mga sagad-sagaring kaaway ng masa. Dapat gawin ng mga Pulang kumander at mandirigma ang lahat ng makakaya upang pasiglahin muli ang paglulunsad ng atritibo at anihilatibong mga taktikal na opensiba. Dapat nating tandaan: Kung wala ang hukbong bayan, walang anuman ang mamamayan. Patunay dito ang inabot natin sa Mindoro, dahil sa mahigpit na pagsusulong sa tatlong sangkap ng digmang bayan, ang rebolusyong agraryo (RA), pagtatayo ng baseng masa, at pagsusulong ng armadong pakikibaka nagkaroon ng lupang mabubungkal ang masang Mindoreño kapwa sa kapatagan at kabundukan. Pinakikinabangan ngayon ang libu- libong ektaryang dating mga asyenda’t pastuhang pagmamay ari ng mga malalaking PML subalit nilansag, pinetisyon, pinosisyunan, at kinumpiska ng magkatuwang na hukbo at masang lumalaban.

Tanging sa paglakas at pagtatagumpay ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka maibabagsak mula sa kapangyarihan ang mga naghaharing uri, mabibigyang hustisya ang lahat ng kanilang biktima at maitatayo ang lipunang malaya sa pang-aapi.

Singilin at pagbayarin ang mga Marcos! Paigtingin ang rebolusyonaryong armadong paikibaka!