Ikalat ang apoy ng digmang bayan sa Lambak Cagayan!
Hindi maaapulang apoy na kakalat sa kaparangan at kabundukan ng Cagayan Valley ang diwa at pamanang iniwan ni Kasamang Ariel “Ka Karl” Arbitrario, isang magiting na komunista at upisyal pampulitika ng Bagong Hukbong Bayan. Ang dumadagundong na boses ni Ka Karl para sa bawat masang magsasaka ang yumugyog sa paghahari-harian ng mga abusado at mapagsamantalang panginoong maylupa at mga usurero-komersyante. Tinik siya sa lalamunan ng mga pasista at uhaw-sa-dugong AFP-PNP na nagpapakawala ng teroristang lagim sa kanayunan. Ang bawat katagang ipinatagos niya sa puso ng mga masa’t kasama ay diklap na magliliyab at tutupok sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Sagisag ang naging buhay at pakikibaka ni Ka Karl sa tunay na paglilingkod sa sambayanan. Isinabuhay niya ang Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang gabay sa pagbago sa mundo.
Kahit ano pang pagmamalaki ng kaaway, sa huli ay talo sila sa pulitika. Ang bawat latay sa katawan ni Ka Karl ay tanda ng labis na pagkamuhi ng naghaharing-uri sa kanyang mga isulong at ipinaglaban. Malinaw sa mata ng mamamayan ang makauring katangian ng estado na tutol sa tunay na pambansa at panlipunang paglaya.
Maaaring nakitil ang buhay ni Ka Karl ngunit hindi malalabag ang batas ng kasaysayan. Hanggat niyayakap ng masa ang mga teorya at paninindigang itinaguyod niya, magpapatuloy ang rebolusyon. At lalo itong isusulong sa bawat pamamalaslang at pagdanak ng dugo.
Wala na ang katawan ni Ka Karl. Ngunit ang kanyang diwa at mga turo ay mabilis na yumayabong sa mga eskwelahan, organisasyong masa, grupo ng magsasaka, bukid, bundok, tabing-dagat, at mga larangang gerilya sa lambak. Malayang naglalakbay at dumadapo ang kanyang rebolusyonaryong kasigasigan at optimismo sa bawat mga pagtitipon, pulong-pag-aaral, at pagpapatupad ng mga atas. Kasama siya sa bawat pagkalabit sa gatilyo at pagsamsam ng armas, sa bawat daluyong ng pakikibakang masa, at sa bawat ipinupunlang binhi ng Pulang kapangyarihan.
Di hamak na malayong mas mabigat ang kabuluhan at kahulugan ng pagkamatay ni Ka Karl sa timbang ng bundok Sierra Madre na kanyang binagtas. Ang lupang pinapula ng kanyang dugo ang magdidilig sa laksang binhi ng rebolusyon. Mula sa mga kabundukan hanggang sa mga kapatagan, sisibol ang mga bagong Ka Karl taglay ang ibayong sigla at kasigasigang kanyang iniwan. Ang kanyang kamatayan ang magbibigay ng panibagong buhay sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan.
Ngayon higit kailanman, lipos ng determinasyon ng BHB-Cagayan Valley na buong-tatag na bagtasin ang landas na hinawan na Ka Karl, ang landas ng wasto at tapat na rebolusyonaryong praktika. Ang kanyang diwa na isang walang-kamatayang apoy ang magbibigay liwanag sa panahon ng kadiliman.
Mabuhay si Ka Karl!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!