Pahayag

Tumitinding sigalot at demoralisasyon sa loob ng AFP-PNP-CAFGU dulot ng bigong kampanya ni Marcos Jr na durugin ang NPA

Hindi na makatiis sa dinaranas na diskriminasyon at pagmamaltrato, pinatay ng isang elemento ng CAFGU ang kanyang upisyal na militar na kilala sa palayaw na Asyong, dating Press Relations Officer ng 2nd Infantry Battalion-Phil. Army, sa Barangay Dapdap, bayan ng Uson noong Setyembre 25, 2024. May ilan ding impormasyong natanggap ang NPA-Masbate na ginatungan ng ilang militar ang galit ng naturang CAFGU sa kanyang superior upang ipapatay ang kanilang kasamahan.

Pinatitindi ng atas ni Marcos Jr na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan ang kabulukan, terorismo at katiwalian ng AFP-PNP-CAFGU. Dahil sa kurakot at desperasyong kaakibat ng umano’y pagdurog sa NPA, sila-silang mga militar ang nag-oonsehan, nag-aalipustahan, nagtatrayduran at nagpapatayan.

Pinakanakararanas ng pagmamalupit ang mga CAFGU. Ginagawa silang mga tuta at alipin ng kanilang mga upisyal na militar. Kinukurakot din ng Army ang katiting na honorarium na tinatanggap ng CAFGU. Dahil sa kawalang tiwala, pinagbabawalan ng militar ang mga CAFGU na ito na magdala ng armas kung may mga personal na lakad.
Isa sa mga naging epekto ng kampanya ni Marcos Jr at ng AFP na durugin ang rebolusyonaryong kilusan ay ang matinding demoralisasyon sa loob ng reaksyunaryong armadong pwersa. Unti-unting napagtatanto ng mga karaniwang sundalo at CAFGU na ito na pambala lamang sila sa kanyon.

Sa Masbate, takot at pangamba ang nararamdaman ng mga karaniwang kawal at CAFGU sa pagsabay sa tuluy-tuloy na mga operasyong militar sa pangambang maambus o mapasabugan ng command-detonated explosive ng NPA.

Malamang ding walang napakinabangan ang mga ordinaryong sundalo na ito sa limpak-limpak na kurakot na nakukubra ng kanilang upisyal sa mga kampanya ng pekeng pasurender, engkwentro at pekeng kabuhayan sa ilalim ng Barangay Development Program.

Subalit sa kabila ng pagod ng mga karaniwang pambala sa kanyon, bigo ang AFP sa Masbate na wasakin ang Pulang Hukbo sa prubinsya.

Upang palabasing may nakakamit sa kampanyang kontrainsurhensya, pinatitindi ng militar ang pandarahas sa mga sibilyan. Hinuhulma ang mga demoralisadong CAFGU, pulis at Army na maging mga ulol na hayop sa pamamagitan ng malulupit na pagsasanay at pagpapagamit ng droga upang walang konsensyang pumatay at maghasik ng teror.

Sa katunayan, para pagtakpan ang malaking kahihiyang dulot ng patayan sa pagitan ng CAFGU at militar, pinatay ng mga elemento ng 2nd IBPA ang dalawang magkokopra na sina Roger Clores at Ronnel Abril sa Barangay Simawa sa parehong bayan noong 5:40 ng umaga at pinalabas na engkwentro.

Ang likas na katiwalian at kabulukan ng AFP-PNP-CAFGU ay isang patunay na mabibigo ang rehimeng Marcos Jr sa kampanyang pagdurog sa NPA at buong rebolusyonaryong kilusan.

Ito ang dapat mabatid ng mga CAFGU at mga karaniwang sundalo at pulis: hindi nila matatalo ang NPA. Hindi nila kailanman makukuha ang suporta ng nga Masbatenyo. Mamamatay kayong burado sa kasaysayan bilang mga taksil sa kapwa ninyo masang anakpawis.

Sa halip, nananawagan ang Jose Rapsing Command-BHB Masbate sa mga elemento ng AFP-PNP-CAFGu na nasusuklam sa kanilang mga upisyal na ibuhos ang kanilang galit sa pakikipagtulungan sa rebolusyonaryong kilusan o pagtiwalag sa kanilang pinasukang institusyon. Gawin nila ito habang maaga pa at may puwang pa para mabuhay sila nang matiwasay bilang mga ordinaryong sibilyan.

Tumitinding sigalot at demoralisasyon sa loob ng AFP-PNP-CAFGU dulot ng bigong kampanya ni Marcos Jr na durugin ang NPA