Pahayag

UP Sierra Madre Land Grant, kinakamkam para sa mga proyektong enerhiya

Araw-araw nangangamba ang mga magsasaka sa saklaw ng UP Land Grant sa Sierra Madre para sa kanilang hanapbuhay. Malaon nang ipinagkakait ng estado sa mamamayan ang malalawak na lupaing sana’y pinagyayaman para sa kanilang ikabubuhay. Sa halip ay ibinubukas nito ang mga lupain upang dambungin ng mga burgesya kumprador gaya nina Lucio Tan, Atong Ang at kumpanyang Aboitiz.

Ipinangasiwa sa Unibersidad ng Pilipinas ang mga bahagi ng lupang publiko sa hangganan ng mga lalawigan ng Quezon at Laguna noong 1930 at 1964 sa ilalim ng RA 3608 at RA 3990. Ang 3,435 ektarya sa Paete, Laguna ay tinaguriang Laguna Land Grant (LLG), habang ang 6,765 ektarya sa Siniloan, Laguna at Real, Quezon ay naging bahagi ng Laguna-Quezon Land Grant (LQLG). Layunin diumano nitong magsilbing biodiversity reserve at central experiment station ng mga kolehiyo sa unibersidad.

Sa aktwal, ginagamit ang UP Sierra Madre Land Grant bilang reserbang lupa na inilalako sa mga korporasyon. Isa sa nakinabang ang Sierra Madre Water Corporation na may kaugnayan sa kumpanyang Aboitiz at siyang nasa likod ng pagtatayo ng Sierra Madre Dam noong 2014. Taon ding ito nang simulan ng kumpanya ang pagpapasabog at pagbubutas sa mga bundok ng Pangil at Pakil, Laguna para sa konstruksyon ng daan patungo sa dam. Itatayo rin dito ang 35 MW multi-river hydropower cum bulk water project na nakakontrata sa Repower Energy Development Corporation. Kabaligtaran ito ng mga nakasaad na layunin ng land grant na ipreserba ang mga kagubatan ng Sierra Madre.

Ang mga proyektong ito ang dahilan sa likod ng mahigpit na pagbabantay at pandarahas ng mga security guard ng UP Land Grant, PNP Regional Public Safety Battalion at 1st IBPA. Habang hinahayaan ang malalaking korporasyon na butasin ang mga bundok, kinukumpiskahan ng kagamitan at hinuhuli ng mga guwardiya ang mga sibilyang naghahawan para makapagtanim. Sinisira rin nila ang mga halaman at pananim ng mga magsasaka, at sinusunog ang kanilang mga bahay. Pinoprotektahan ng mga armadong pwersa ng estado ang mga lupaing ito para sa interes ng mga naglalaway na burukrata kapitalista at malalaking burgesya komprador, samantalang pinagkakaitan at pinarurusahan ang mga magsasakang ilang henerasyon nang nanirahan doon, mapayapang naghahanapbuhay at tunay na mga nangangalaga sa malalawak na lupain.

Ang UP Sierra Madre Land Grant ay bahagi ng public domain na dapat na pakinabangan ng mamamayan at hindi ng ilang naghaharing uri. Dapat buuin ang pagkakaisa ng mamamayan at labanan ang pangigipit at kawalan ng tunay na reporma sa lupa at papanagutin ang mga mersenaryo at pasistang pwersang nandarahas sa mamamayan sa lugar. Samantala, laging handa ang Cesar Batralo Command na itaguyod at ipagtanggol ang mga magsasaka at kanilang lehitimong interes sa lupa at hanapbuhay.###

UP Sierra Madre Land Grant, kinakamkam para sa mga proyektong enerhiya