CPP Home Page   CPP Docs   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

I. ANG PAGSUSURI SA KASAYSAYAN AT LIPUNANG PILIPINO

Noong 1959, may ilang kabataang lalaki at babae, na labas sa lumang pinagsanib na partido ng mga Partido Komunista at Sosyalista, ang nagsimulang magbuo ng mga sirkulo sa pag-aaral para magbasa at mag-aral ng mga akda nina Marx, Engels, Stalin at Mao Zedong, na nakukuha sa mga lihim na koleksyon. Sa simula, ginawa nila ito sa gitna ng mga hayag at ligal na pag-aaral hinggil sa mga suliranin ng pambansang kasarinlan at demokrasya. Ang mga Marxista-Leninistang akdang binasa nila ay kinabibilangan ng Manipesto ng Partido Komunista, Sosyalismo: Utopyan at Syentipiko, Sahod, Presyo at Tubo, Ang Tatlong Pinagmulan at Tatlong Bahaging Sangkap ng Marxismo, Imperyalismo: Ang Pinakamataas na Yugto ng Kapitalismo, Dalawang Taktika ng Sosyal Demokrasya, Estado at Rebolusyon, Mga Pundasyon ng Leninismo, Pagsusuri ng mga Uri sa Lipunang Tsino, at Mga Talumpati sa Porum sa Yenan Hinggil sa Sining at Literatura.

Binasa at pinag-aralan ng mga pinakamasugid na mag-aaral ng Marxismo-Leninismo ang Das Kapital, Ang Dialektika ng Kalikasan, Materyalismo at Empiryo-Kritisismo, Kasaysayan ng Partido Komunista ng Unyong Sobyet (Bolsheviks), Maikling Kurso; unang edisyon ng limbag-Sobyet na Mga Pundamental ng Marxismo-Leninismo at ang Mga Piling Akda ni Mao Zedong. Noong 1962, nagsimulang umabot sa Pilipinas ang mga bolyum ng mga piling akda ng mga dakilang komunista. Noong 1959-62, ang makakuha ka lamang ng babasahing Marxista ay maituturing nang isang tagumpay, sa kalagayang may anti-komunistang isterya at mga mapanupil na hakbang sapul pa sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Layon ng mga nagsisimulang mag-aral ng Marxismo-Leninismo na makahanap ng kalutasan sa nakikita nilang mga saligang suliranin ng sambayanang Pilipino, gamitin ang Marxismo-Leninismo upang bigyang-linaw ang kasaysayan at kongkretong sirkunstansya ng mamamayang Pilipino at makatukoy ng mga pamamaraan upang muling mailunsad ang rebolusyong Pilipino at maisulong ito hanggang tagumpay. Sa pag-aaral sa Marxismo-Leninismo, nang may ispesyal na atensyon sa rebolusyong Pilipino, sinikap nilang masapol ang tatlong sangkap ng Marxismo na, materyalistang pilosopiya, ekonomyang pampulitika at syentipikong sosyalismo na inilatag nina Marx at Engels, pinaunlad nina Lenin at Stalin at higit pang pinaunlad ni Mao Zedong.

Bukas na bukas ang mga nagsisimulang mag-aral ng proletaryong rebolusyonaryong teorya sa mga turo ni Mao dahil naipamalas na ang katumpakan at tagumpay ng mga ito sa napakalaking bayang kalapit ng Pilipinas, at nakita ang kaangkupan nito sa Pilipinas. Ang naging pinakamalaganap na mga akda ni Mao Zedong ay ang Hinggil sa Kontradiksyon, Hinggil sa Praktika, Pagsusuri ng mga Uri sa Lipunang Tsino, Ang Papel ng Partido Komunista ng Tsina sa Pambansang Digma, Mga Problema ng Estratehiya sa Digmang Gerilya laban sa Hapon, Hinggil sa Matagalang Digmang Bayan at Hinggil sa Bagong Demokrasya.

Sa tanglaw ng mga turo ni Mao, malinaw na natukoy ng mga proletaryong rebolusyonaryong Pilipino ang mga yugto ng kasaysayan ng Pilipinas; ang mga komunidad na pre-kolonyal hanggang ika-16 na siglo; ang lipunang kolonyal at pyudal hanggang sa pagwawakas ng kolonyalismong Espanyol; ang lipunang kolonyal at malapyudal sa ilalim ng imperyalismong US hanggang 1946; at ang lipunang malakolonyal at malapyudal na nagpapatuloy hanggang ngayon sapul pa noong 1946.

Ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng kasalukuyang lipunang Pilipino ay kapareho sa saligan ng lipunang Tsino bago 1949. Ito'y isang lipunang pinaghaharian ng magkasanib na makauring diktadura ng malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa na naninilbihan sa dayuhang burgesyang monopolyo. Ang mga batayang uring api ay ang uring manggagawa at magsasaka na pangunahing lumilikha ng surplas na produktong inaangkin ng mga batayang mapagsamantalang uri. Ang mga panggitnang saray panlipunan ay ang petiburgesyang lunsod at ang panggitna o pambansang burgesya.

Sa kalakhan ay agraryo, malapyudal at di-industriyal ang ekonomyang panlipunan. May ilang manupakturang umaasa-sa-import na hawak ng mga imperyalista at malalaking kumprador ngunit walang mga batayang industriyang lumilikha ng mga batayang metal, batayang kemikal, kasangkapang pangmakina at mga presisong instrumento para ikategoryang isang "bagong nag-iindustriyalisang bayan" ang Pilipinas. Pangunahing umaasa ang ekonomya sa agrikultural na produksyon para sa lokal na pagkain at sa eksport; at segundaryo sa produksyon ng hilaw na materyal para sa eksport. Kahit ngayon, isang magarbo ngunit di makabuluhang bahagi ng ekonomya ang umaasa-sa-import at mababang halagang-dagdag na manupaktura para sa reeksport, na kakaunti o walang ibinibigay na netong kita sa bayan dahil sa transfer-pricing.

Katugon ng malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino, kailangan ang isang pambansa-demokratikong rebolusyon para palayain ang sambayanang Pilipino sa dominasyong dayuhan at pyudal. Ito ay bagong-tipong demokratikong rebolusyon dahil hindi na ito pinamumunuan ng burgesya kundi ng proletaryado sa istorikong konteksto ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon o ng pandaigdigang proletaryo-sosyalistang rebolusyon; at makasusulong sa sosyalistang rebolusyon mula sa demokratikong rebolusyon sa ilalim ng makauring pamumuno ng proletaryado.

Mga motibong pwersa ng rebolusyon ang uring manggagawa na umaabot sa 15% ng populasyon; mga magsasaka, na 75% sa pinakamenos; ang petiburgesyang lunsod, na may 8%; at ang panggitnang burgesya, na mga 1%. Ito ang mga motibong pwersa ng rebolusyon na lumalaban upang ibagsak ang mga kaaway sa uring tulad ng malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa na bumubuo ng mga bahagi ng isang porsyento ng populasyon.

Ang uring manggagawa ang namumunong uri dahil ito ang pinakaabanteng pwersa sa produksyon at sa pulitika. Para magampanan ng uring ito ang kanyang makasaysayang misyon, kailangan nito ang isang abanteng destakamento tulad ng Partido Komunista ng Pilipinas, na armado ng rebolusyonaryong teorya ng proletaryado at nagpapatupad ng pangkalahatang linyang pampulitika na makapupukaw, makapag-oorganisa at makapagmomobilisa sa malawak na masa ng sambayanan laban sa mga kaaway ng pambansa at panlipunang pagpapalaya.

Sa pamamagitan ng Partido, pinangingibabawan ng proletaryado ang pagiging minorya sa populasyon at dinadala ang nakararaming mayorya ng mamamayan sa rebolusyonaryong simulain, sa pamamagitan ng pakikiisa sa masang magsasaka upang mapaunlad sila bilang kalakhang pwersa ng rebolusyon at mabuo ang batayang alyansang manggagawa-magsasaka na sumasaklaw sa 90% ng mamamayan sa pinakamenos. Pangunahing umaasa ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadreng nakatalaga sa kanayunan sa maralitang magsasaka, mababang-panggitnang magsasaka at manggagawang-bukid, kinakabig ang panggitnang magsasaka, ninunyutralisa ang mayamang magsasaka at sinasamantala ang pagkakahati sa pagitan ng naliliwanagan at despotikong panginoong maylupa upang ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng huli.

Sa pagpapatupad ng anti-pyudal na linya sa uri, kailangang tugunan ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre at masang magsasaka ang pangunahing nilalaman ng bagong demokratikong rebolusyon, ibig sabihin, ang paglutas ng problema sa lupa. Para magawa ito, kailangang isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, reporma sa lupa at ang pagbubuo ng baseng masa bilang mga di-mapaghihiwalay na sangkap ng matagalang digmang bayan sa bagong demokratikong rebolusyon.

Nasa palagiang krisis ang lipunang malakolonyal at malapyudal. Batay sa ganitong kongkretong katotohanan, maaari at dapat ilunsad ang armadong rebolusyon. Isang di-matutuyuang balon ng suporta ang masang magsasaka para sa digmang bayan na pinamumunuan ng proletaryado sa pamamagitan ng abanteng destakamento nito, ang Partido Komunista. Ang kanayunan ay nagsisilbing malawak na larangan ng maniobra ng mga rebolusyonaryong pwersa, para sa paglaki nang yugto-yugto at pag-iipon ng lakas hanggang maging posible ang pag-agaw sa mga syudad. Kahit matatag pang nakatrensera ang kaaway sa kalunsuran, maaari nang itayo ang Pulang kapangyarihang pampulitika sa kanayunan.

Mas maliit na minorya ng populasyon ang petiburgesyang lunsod kaysa sa proletaryado. Ngunit napakalaki ng papel ng saray na ito ng burgesya sa pag-ayuda sa mga mapagsamantalang uri upang maghari sa lipunan. Napakaimpluwensyal nito sa lipunan. Absolutong kinakailangan sa gayon, na kabigin ang mga seksyon nito kundi man ang kabuuan nito, upang kumiling ang timbangan pabor sa rebolusyonaryong kilusan. Relatibong pinakapinagsasamantalahang saray ng burgesya ang petiburgesyang lunsod. Sa pagpanig sa rebolusyon, maaari maging batayang pwersa ito ng rebolusyon.

Isa pang saray ng burgesya ang panggitna o pambansang burgesya, na malayong mas maliit kaysa sa petiburgesyang lunsod. Ito ay mahina sa ekonomya at pulitika, partikular sa Pilipinas dahil sa kawalan ng mga batayang industriya. May dalawa itong katangian. Sa paghahabol nito sa lehitimo pero pansariling mga interes, may kakayahan itong lumaban sa imperyalismo at pyudalismo. Pero kasabay nito, lumalahok ito sa pagsasamantala sa mga uring anakpawis, naghahangad na humawak ng kapangyarihan para sa sarili at hindi nagtitiwala sa masa. Gayunman, maaari pa rin itong mahikayat na maging positibong pwersa ng rebolusyon kung, una, matagumpay na mabubuo ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang batayang alyansang manggagawa-magsasaka at, ikalawa, makakabig ang petiburgesyang lunsod.

Bahagi rin ng rebolusyonaryong linya sa uri sa armadong pakikibaka at nagkakaisang prente, na samantalahin ang pagkakahati sa paksyon ng mga reaksyunaryong uring malaking kumprador at panginoong maylupa. Pinahihina ng panloob na kontradiksyon ng mga mapagsamantalang uri ang kanilang makauring paghahari at di-tuwirang nakatutulong sa pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan. Sa pagsulpot ng mapaminsalang labanan sa pagitan ng mga reaksyunaryo, nagiging posible ang higit pang paghihiwalay at ang pinakamalawak na paghahanay ng mga pwersa laban sa naghaharing pangkatin, na karaniwang pinakareaksyunaryo at pinakatuta sa mga dayuhang monopolyo kapitalista.

Sa madaling salita, programa ng bagong demokratikong rebolusyon na pabagsakin ang dominasyong dayuhan at pyudal at ipatupad ang pambansang pagpapalaya at demokrasya. Kapag naagaw na ang kapangyarihang pampulitika sa pambansang saklaw, nakukumpleto sa saligan ang bagong demokratikong rebolusyon at masisimulan ang sosyalistang rebolusyon. Sa gayon, sinasabi nating may dalawang yugto ang kasalukuyang rebolusyong Pilipino: pambansa-demokratiko at sosyalista. Tuluy-tuloy ngunit magkaiba ang mga yugtong ito.

Sa proseso ng pagtamo ng kapangyarihan sa pamamagitan ng bagong demokratikong rebolusyon, inihahanda at pinauunlad ang mga rekisito sa paglulunsad ng kasunod na rebolusyong sosyalista. Ang estadong itatayo pagkatapos ng pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika sa pambansang saklaw ay nasa anyo ng demokrasyang bayan na nakabatay sa saligang alyansa ng manggagawa at magsasaka. Ngunit nakapailalim sa pamumuno ng proletaryado ang bagong estado at nasa ubod nito ang diktadurang proletaryo.

Ang kapital at pag-aaring lupa ng mga imperyalista at lokal na reaksyunaryong uri ay isasabansa o ilalagay sa sektor publiko. Gayundin, ilalagay sa sektor publiko o sa ilalim ng pag-aaring estado ang lahat ng estratehikong empresa, pangunahing pinagkukunan ng hilaw na materyal at mga pangunahing linya ng distribusyon. Kukumpletuhin ang rebolusyong agraryo at ipatutupad nang yugtu-yugto ang kooperatibisasyon. Itatayo ang mga industriyang sosyalista at isasakatuparan ang sosyalistang edukasyon. Sa loob ng ilang panahon, bibigyan ng mga konsesyon ang petiburgesya at panggitnang burgesya ngunit ang pirmi at tuluy-tuloy na layunin ay ang pagsasakatuparan ng sosyalistang transpormasyon.

Sa kalakhan ng dekada '60, natutunan ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre ang mga prinsipyo ng bagong demokratikong rebolusyon mula sa mga aral at matagumpay na karanasan ng rebolusyong Tsino na pinamunuan ni Kasamang Mao Zedong. Saklaw ng mga ito ang katangian ng lipunang Pilipino at ang kasalukuyang yugto ng rebolusyon, ang mga motibong pwersa at target, mga tungkulin, at ang sosyalistang perspektiba ng rebolusyon.

Party History - Marxismo - Bottom Introduksyon
I II III IV V VI
Balik sa itaas

Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong Bilang Gabay sa Rebolusyong Pilipino NILALAMAN:

Introduksyon

I. Ang Pagsusuri sa Kasaysayan at Lipunang Pilipino

II. Ang Paghahanda sa Pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas, 1959-68

III. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1968-1979

IV. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1980-1991

V. Kilusang Pagwawasto sa Ilalim ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong: 1992 Hanggang sa Sumunod na mga Taon

VI. Ang Hinaharap ng Rebolusyong Pilipino sa Patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong


Download Pilipino | English

Basahin sa Ingles

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.