CPP Home Page   CPP Docs   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

V. KILUSANG PAGWAWASTO SA ILALIM NG MARXISMO-LENINISMO-KAISIPANG MAO ZEDONG: 1992 HANGGANG SA SUMUNOD NA MGA TAON

Ipinakita ng paghahambing ng panahong 1968-77 sa sumunod na panahong 1978-91 na sa naunang panahon, ang mga paglihis, pagkakamali at pagkukulang ay maagap at masinop na napupuna at naiwawaksi sa patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong; habang sa sumunod na panahon, ang pinakagrabeng mga paglihis at pagkakamali ay lumitaw, naipon at tumigas sa loob ng mga sentral na namumunong organo at istap nang hindi maagap na napupuna at naiwawasto, kaya lalong nauuk-ok at nalalabag ang teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Lumaganap ang suhetibismo at oportunismo sa loob ng Partido bunga ng pagluluwag sa pang-ideolohiyang pagmamatyag at militansya alinsunod sa proletaryong rebolusyonaryong linya.

Nasa ugat ng lahat ng pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyong mga paglihis, pagkakamali at pagkukulang sa loob ng Partido ang pagbawas, at sa ilang erya, ang mismong pagkawala ng pag-aaral at mulat na aplikasyon ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Kapag ang linyang pang-ideolohiya ay hindi wasto at hindi malinaw na naitatakda at nasusunod, yayabong ang lahat ng klase ng mga paglihis, pagkakamali at pagkukulang. Ang pagkakalubog sa gawaing praktikal sa araw-araw, kapag walang patnubay ng teorya ay tumutungo sa di-malusog na mga tunguhin, pagkabulok at malulubhang pinsala.

Sa pagtatapos ng 1991, kinilala ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre at ng buong kasapian ng Partido ang mahigpit na pangangailangan sa isang komprehensibo at puspusang kilusang pagwawasto. Binalangkas ang una at pangunahing dokumento ng pagwawasto, Muling Pagtibayin ang Ating mga Saligang Prinsipyo at Iwasto ang mga Pagkakamali at kasama ng iba pang mga dokumento ng pagwawasto, ay isa-isang sinuri at prinoseso ng Komiteng Tagapagpaganap, ng Kawanihang Pampulitika at ng Komite Sentral noong 1992. Nakabatay ito sa ilampung mga pangunahing dokumento at daan-daang iba pang dokumento ng nakaraang ilang taon at sumasalamin sa demokratikong interaksyon ng sentral na pamunuan sa nakabababang mga organo at organisasyon ng Partido sa pamamagitan ng mga tuwirang imbestigasyon, konsultasyon, ulat at katitikan ng mga kumperensya at pulong sa iba't ibang antas ng Partido.

Ang pinakamahalagang tungkulin sa kilusang pagwawasto ay ang edukasyong teoretikal sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Ang kilusang pagwawasto sa pangunahin at sa esensya ay isang kilusang edukasyon. Makaraan ang mahabang panahon ng pagpapabaya sa edukasyong teoretikal, kinailangan ng Partido na magsimula uli alinsunod sa prinsipyong walang rebolusyonaryong kilusan kung walang rebolusyonaryong teorya. Ngunit sa pagkakataong ito, ang Partido ay naaarmasan ng malayong mas mayamang rebolusyonaryong karanasan, kapwa ng positibo at negatibo, kaysa sa mga proletaryong rebolusyonaryo noong 1967 hanggang 1969, sa panahon ng unang dakilang kilusang pagwawasto. Mas malaki rin ang kumpyansa dahil malayong mas malaki ngayon ang bilang ng mga kadre at kasapi ng Partido at determinado silang pangibabawan ang mga paglihis, pagkakamali at pagkukulang.

Sa kilusang edukasyong ito, ang pinakamahahalagang materyal sa pag-aaral ay ang Muling Pagtibayin ang Ating mga Saligang Prinsipyo at Iwasto ang mga Pagkakamali, ang pansuportang dokumentong Pangkalahatang Balik-aral sa Mahahalagang Pangyayari at Pasya mula 1980 hanggang 1991, at Manindigan para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo. Nakatuon ang unang dalawang dokumento sa mga paglihis, pagkakamali at pagkukulang sa rebolusyonaryong pakikibakang Pilipino at ang ikatlong dokumento sa rebisyunistang paglihis, inililinaw ang penomenon ng modernong rebisyunismo at panunumbalik ng kapitalismo, nagpapatibay sa kapasyahang ipagwagi ang pambansa-demokratiko at sosyalistang mga yugto ng rebolusyong Pilipino, binabaka ang opensiba sa ideolohiya ng mga imperyalista at ng kanilang antikomunistang petiburges na tagasunod at pinatatanaw ang maaliwalas na sosyalista at komunistang hinaharap ng sangkatauhan.

Habang ang mga dokumentong ito ay resulta ng pag-aaral at pagsusuri sa mga naganap na pangyayari at nakabatay sa demokratikong talakayan sa loob ng Partido, bukas at nakasalang ang mga ito sa walang katapusang dialektikal na proseso ng pag-aaral at praktika. Kaya, ang nakabababang mga organo at organisasyon ng Partido ay hinihikayat na higit pang lagumin at suriin ang kanilang karanasan sa konteksto ng mga dokumentong ito, na binalangkas ng sentral na pamunuan bilang pagtupad sa tungkulin nito na magbigay ng pamumunong pang-ideolohiya at pampulitika sa buong organisasyon ng Partido at sa rebolusyonaryong kilusan. Sa pagbibigay-buhay sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo, sinusunod ng Partido ang turo ng Kaisipang Mao Zedong, "mula sa masa tungo sa masa" ng kasapian ng Partido sa pamamagitan ng mga angkop na organo at yunit ng Partido.

Dahil sa napakahabang panahon na nabawasan o napabayaan ang edukasyong teoretikal sa loob ng Partido, mayroon ngayong kampanya upang paramihin ang mga klasikong akda ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at ang mga saligang dokumento ng Partido alinsunod sa proletaryong rebolusyonaryong linya sa loob ng Partido, agad pasiglahin ang pagbabasa at pag-aaral sa mga ito ng lahat ng kolektiba ng partido, at magpatupad ng tatlong-antas na programa sa pag-aaral: batayan, intermedya at abante. Sa nakaraan, salat na salat o di kaya'y walang ganitong mga Marxista-Leninistang materyales sa pag-aaral. Kasabay nito, saanman at kailanman may ilang pag-aaral, manaka-naka ang mga ito at kundi man dikumpleto ay di naman balansyado. Para iwasto ang ganitong kalagayan, ang mga kadreng namamahala sa edukasyon ay inaatasang isulong ang tatlong-antas ng programa sa pag-aaral.

Ang batayang kurso ng Partido ay naglalayong ikintal ang diwa ng paglilingkod sa sambayanan, pagsasakripisyo, pagbaka sa liberalismo, at proletaryong intenasyunalismo at makapagbigay ng panimulang pag-unawa sa materyalismong dialektiko at istoriko, ng isang komprehensibong pagsapol sa kasaysayan ng Pilipinas, sa suliranin ng lipunang Pilipino, sa bagong demokratikong rebolusyon at sa kasalukuyang kilusang pagwawasto.

Ang kursong intermedya ng Partido ay naglalayong paunlarin ang kakayahan ng mga kadre at kasapi ng Partido na magsuri ng sariling karanasan at ng karanasan ng partikular nilang kolektiba at ng buong organisasyon ng Partido, sa aktwal na rebolusyonaryong pakikibaka -- sa pagbubuo ng Partido, pagbubuo ng hukbo at pagbubuo ng nagkakaisang prente, sa gawaing pang-ekonomya at pangkultura, sa diwa ng mga batayang dokumento sa pagwawasto ng sentro at mga rehiyon at higit sa lahat, sa diwa ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Gumagawa rin ng mga kumparatibong pag-aaral sa balangkas ng pambansa-demokratikong pakikibaka at ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo, alinsunod sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Ang pangunahing layunin ay pag-aralan ang mga karanasan ng Partido at ang mga esensyal at makabuluhang sulatin ni Kasamang Mao Zedong.

Ang abanteng kurso ng Partido ay naglalayong magbigay ng masinop, komprehensibo at malalim na pag-unawa sa tatlong yugto ng Marxismo, Leninismo at Kaisipang Mao Zedong sa materyalistang pilosopiya, sa kritika ng kapitalismo at rebisyunismo, sa pagsapol sa sosyalistang ekonomyang pampulitika, at sa estratehiya at taktika ng proletaryado sa bagong demokratiko at sosyalistang mga yugto ng rebolusyon at sa pagpapatuloy ng rebolusyon sa ilalim ng proletaryong diktadura sa lipunang sosyalista hanggang sa pagbungad ng komunismo. Layunin ng abanteng kurso ng Partido ang pagbubuo ng isang kwerpo ng mga nakatataas at gitnang-antas na kadre na may kakayahang pamunuan ang rebolusyong Pilipino ngayon at sa malayong hinaharap.

Hindi pormalistiko ang teoretikal na pag-aaral sa PKP. Isinasanib ito sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino. May kabang-yaman ng karanasan at naipong mga suliraning lulutasin sa kasalukuyang rebolusyonaryong praktika ng mga kadre at kasapi ng Partido. Pinakamasidhi ang buhay na pag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong kapag hinaharap ang matagal nang di-naiwawasto at malalim na mga paglihis at pagkakamali sa nakaraan at ang kasalukuyang mabibigat na mga suliranin. Lubos na kinakailangan ang kilusang pagwawasto. Kung hindi, hindi mapangingibabawan ng Partido ang matagal nang nagpatung-patong na mga suliranin at ang kampanya ng mga imperyalista at anti-komunistang petiburges na durugin ito sa pamamagitan ng gerang ideolohikal at sikolohikal kakumbina ng pinakabrutal na paraang militar.

Napakainam ng kasalukuyang mga sirkunstansya para isulong ang Marxista-Leninistang edukasyong teoretikal. Una, ang suhetibista at oportunistang mga tunguhing itinulak ng mga hindi nakapagpanibagong-hubog na petiburges na elemento sa loob ng Partido ay nabigo sa aktwal na rebolusyonaryong praktika at natalo sa saligan ng sentral na pamunuan sa pamamagitan ng mga batayang dokumento nito sa pagwawasto, at ng kabuuang kasapian ng Partido sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral at pagsusuri ng kanilang karanasan. Ikalawa, ang pagkakawatak-watak at pagbagsak ng mga naghaharing rebisyunistang partido ay naghawan ng landas para sa pagsulong ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadre na armado ng Kaisipang Mao Zedong. Ikatlo, ang krisis ng sistemang kapitalista sa daigdig ay mabilis na lumulubha at ang mga imperyalista at ang kanilang mga tagasunod na antikomunistang petiburges ay nanliliit ngayon sa kanilang mapanuyang propaganda ng "tagumpay laban sa sosyalismo". Ang inuupatan nilang sosyalismo sa katunayan ay modernong rebisyunismo at burukrata kapitalismo na nagpupusturang sosyalismo.

Ang luma at bagong mga rebisyunistang Pilipino (mga Gorbachovista), populistang burges, mga liberal at neo-liberal, sosyalistang petiburges, Kristyanong-demokrata, sosyal-demokrata, Trotskyista, insureksyunista at militarista na nakisakay sa anti-komunistang opensibang ideolohikal at pulitikal ng mga imperyalista at magkakahiwalay at sama-samang lumilibak sa Marxismo-Leninismo at sa PKP ay dramatikong naglantad ng kanilang sarili bilang isang pipitsuging pangkat ng mga antikomunistang kontrarebolusyonaryo sa bisa ng sarili nilang mga proklamasyon at aksyon. Hinahango nila ang kanilang mga islogan mula sa kinakalawang na arsenal ng Cold War sa kanilang pagdedeklara ng sarili bilang isang alyansang kontra-Stalin at ng kanilang tuwiran at dituwirang pagkilos bilang kasabwat at mga alalay ng rehimeng US-Ramos.

Mula noong huling bahagi ng dekada '70, ang pinakatahasang pag-atake sa linya ng PKP ay sa pagsusuri nito sa lipunang Pilipino bilang malakolonyal at malapyudal. Nagkaanyo ito sa walang-humpay na pagkukwestyon nang walang pagsasaalang-alang sa mga datos. Sinundan ito ng panukalang palitan ang estratehiya at taktika ng bagong demokratikong rebolusyon, laluna sa larangan ng armadong pakikibaka, sa tabing ng pagpapaunlad, pagpipino at pag-aangkop ng estratehiya at taktika. Sa gayon, naitulak ang "Kaliwang" oportunistang linyang "regularisasyon" at "estratehikong kontra-opensiba" gayundin ang kumbinasyon ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar; at ang kanang oportunistang linya ng likidasyunismo, repormismo, kapitulasyunismo at pasipismo.

Bilang pagwawasto sa larangan ng edukasyong pampulitika, ang mga sulating gaya ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino, Mga Partikular na Katangian ng Digmang Bayan sa Pilipinas, Ang Mahihigpit Nating mga Tungkulin, Hinggil sa Moda ng Produksyon sa Pilipinas, Krisis at Rebolusyong Pilipino, Nagpapatuloy na Pakikibaka sa Pilipinas, ay inihahapag bilang mga materyal sa pag-aaral kaugnay ng katangian ng lipunang Pilipino, katangian ng kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino, mga motibong pwersa, mga target, mga tungkulin, ang sosyalistang perspektiba ng rebolusyong Pilipino.

Para maiwasto ang malubhang kamalian sa militarismo, mayroon ngayong malawak na pagkilala sa pangangailangang paunlarin ang malawak at masinsing pakikidigmang gerilya na may papalapad at papalalim na baseng masa sa buong yugto ng estratehikong depensiba ng digmang bayan. Mayroon ngayong malinaw na pagkilala na ang pagmamadali sa pagbubuo ng mga kumpanya at batalyon ng BHB ay nakahadlang at pumigil sa ganap na pag-unlad ng mga pwersa at operasyong laking-platun at sa pagdami at konsolidasyon ng mga larangang gerilya; di-nararapat na nakabawas sa bilang ng iskwad gerilya at armadong yunit sa propaganda bilang horisontal na pwersa para sa gawaing masa at sa mga nasusustining mga platun at kumpanyang gerilya bilang mga sentro-de-grabidad ng mga larangang gerilya at mga rehiyon, ayon sa pagkakasunud-sunod; pinababaw at pinakitid ang baseng masa; at nagresulta sa napakabigat na pasaning lohistikal sa masa dahil sa mabigat-sa-itaas na istruktura ng BHB.

Kaya isang mayor na usapin sa kilusang pagwawasto ang pagbabago ng deployment sa mga pwersa ng BHB. Pangunahing layunin ang pagkakaroon lamang ng 25 hanggang 30 porsyento ng tauhan ng BHB sa mga platun at kumpanya na magsisilbing mga sentro-de-grabidad (mga sentrong tipunan at pwersang pang-atake) sa antas ng larangang gerilya pataas; at 70 hanggang 75 porsyento ng tauhan na nakatalaga sa mga lokal na iskwad gerilya, na mahahati pa sa mga sandatahang yunit sa propaganda para sa gawaing masa sa mga kondisyong paborable (kung saan di-konsentrado ang pwersa ng kaaway). Napananatili ng BHB ang kakayahang maglunsad ng mga opensibang iba't iba ang laki (maliliit na pangkat, iskwad, platun, kumpanya at pataas) ayon sa antas ng pag-unlad at kongkretong mga sirkunstansya.

Kailangang nasa relatibong konsentrasyon maging ang mga sentro-de- grabidad kapag wala sa opensibong moda, para makalahok sila sa gawaing masa at iba pang gawaing hindi militar. Absolutong nagkokonsentra ang sentro-de-grabidad kapag nagsasagawa lamang ng mga taktikal na opensiba, pagsasanay na pulitiko-militar, tungkulin sa seguridad, nagpapatupad ng pagbubuwis, at iba pang katulad na operasyon. Malaking bilang ng mga iskwad gerilya ang sadyang ikinalat ngayon para makapagpalawak at makapagkonsolida ng umiiral na mga larangang gerilya, mabawi ang mga teritoryong nabitiwan, at magbukas at magpaunlad ng mga bagong erya ng gawain. Kasabay nito, maaaring hilahing parang lambat ng mga sentro-de-grabidad ang mga iskwad gerilyang ito para makaipon ng mas superyor na lakas sa pagdurog o pagdisarma sa target na kaaway.

Ang kampanya sa pagbubuo ng wala sa panahong mga kumpanya at batalyon ng BHB na labag sa linya ng malawak at masinsing pakikidigmang gerilya ay nagresulta sa malulubhang pinsala. May pagbalik kung gayon sa panahon bago naudlot ang ganap na pag-unlad ng laking-platung mga pwersa at operasyon at ang pagdami at konsolidasyon ng mga larangang gerilya. Mali ang magbuo ng mas malalaking yunit nang wala sa panahon, lumaban sa paraang nais ng kaaway at sa gayon ay mahulog tayo sa kanyang bitag. Kaya pinuna at itinakwil ang linya ng "estratehikong kontra-opensiba" at "regularisasyon" at ang pinakagrabeng aplikasyon nito sa linya na nagkukumbina ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar.

Walang anumang hiwaga sa likod ng litaw na pananagumpay ng kaaway sa paggamit nito ng opensibong estratehiya o gerang mabilisang tinatapos at ng taktika ng gradwal na konstriksyon. Dahil sa kanyang superyor na pwersang militar, angkop sa kanya ang pagdedeploy ng mga brigada para ikonsentra sa isang larangang gerilya o isang probinsya at pagkatapos ay magtangkang gawing bentaheng taktikal ang kanyang bentaheng estratehiko, sa paggamit ng mga espesyal na pangkat sa operasyon para sa layuning paniniktik at psywar, gayundin ng mga platun, kumpanya at batalyon na mahusay ang paniktik at armas para sa mga ispesipikong operasyong opensiba. Magtatagumpay siya kung sa simula pa lamang ay isinuko na ng mga pwersa ng BHB sa kanyang target na erya ang estratehiya at taktika ng pakikidigmang gerilya na malaganap at malalim na nakaugat sa masa sa isang matagalang digmang bayan. Ang gaya-gayang mga ispesyal na pangkat sa operasyon ay magtatagumpay lamang kung nauna nang binitiwan ng BHB ang gawaing masa at ang pagpapalawak at konsolidasyon ng baseng masa.

Sa pamamagitan ng wastong deployment at gawaing masa, makababalik ang BHB sa estratehiya at taktika na nakapagpalitaw ng pinakamaraming armas sa pamamagitan ng paglulunsad lamang ng mga opensibang kaya nitong ipagwagi. Madidisarmahan nito ang mga pwersang paramilitar at ang lokal na pulisya at malilipol ang maliliit na yunit ng mga regular na pwersa ng kaaway. Maiiwasan nito ang superyor na mga pwersa ng kaaway na hindi pa nito magagapi. Sa halip na tangkaing birahin ang malalaking pwersa o matitigas na pusisyon ng kaaway, makapaghihintay ito para tambangan o painan ang maliit na bahagi ng pwersa ng kaaway na kaya nitong gapiin. Matatalo lamang ng BHB ang reaksyunaryong armadong pwersa nang pira-piraso at sa gayon, makakapag-ipon ito ng lakas sa paglipas ng panahon.

Paulit-ulit na pinatunayan ng rebolusyonaryong karanasan ng PKP na hindi mapapaunlad ang digmang bayan nang wala ang ganap at malawak na pagsasakatuparan ng minimum na programa ng reporma sa lupa, na binubuo ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi ng usura, pagtataas ng sahod sa bukid, pagsasauli ng kinamkam na lupa, pagpapaunlad sa presyo ng mga produktong bukid, pagtataas ng produksyong agrikultural at pagtataguyod ng mga dagdag na pagkakakitaan at simpleng kooperasyon sa pamamagitan ng palitan ng lakas-paggawa, hayop-pansaka at kagamitan. Ipinatutupad ang reporma sa lupa alinsunod sa linyang antipyudal, kung saan pangunahing umaasa ang mga proletaryong kadre sa maralita at mababang-panggitnang magsasaka at manggagawang bukid upang makabig ang panggitnang magsasaka, manyutralisa ang mayayamang magsasaka, at masamantala ang mga alitan sa pagitan ng naliliwanagan at despotikong panginoong maylupa para ihiwalay at durugin ang kapangyarihan ng huli. Nakapaloob sa balangkas ng kabuuang bagong demokratikong rebolusyon ang linyang antipyudal.

Mahalagang balik-aralan at paunlarin ang Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa batay sa mayamang karanasan sa pakikibakang antipyudal. Ang pangunahing nilalaman ng bagong demokratikong rebolusyon ay ang paglutas ng suliranin sa lupa, hanggang sa kumpiskasyon ng ari-arian ng panginoong maylupa at libreng pamamahagi ng lupa sa maksimum na programa ng reporma sa lupa. Ngunit pinakamahusay na maisasakatuparan ang programang ito matapos maisakatuparan ang minimum na programa ng reporma sa lupa sa napakalawak na saklaw para ang potensyal na pagkakaisa ng uring panginoong maylupa at ng tropa ng kaaway ay hindi na epektibong makakakontra sa kumpiskasyon ng lupa sa pamamagitan ng pagmasaker sa mga lider at masang magsasaka. Walang dudang ang pinakamahusay na tyempo para isakatuparan ang maksimum na programa ng reporma sa lupa ay sa panahong nagapi na ang kaaway sa malalawak na pinalayang purok o kung ang buong bayan ay napalaya na.

Kung walang baseng masang komprehensibong naorganisa, hindi lalago at makasusulong ang Partido at ang hukbong bayan. Kaya itinatayo ang mga mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Suportado ang mga ito ng mga organisasyong masa ng manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, aktibistang pangkultura at mga bata. Mula sa mga organisasyong ito, binubuo ang mga komite na tutulong sa mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ipinamamahala sa kanila ang edukasyong publiko, pag-oorganisang masa, sariling-depensa, reporma sa lupa, produksyon, pinansya, kalusugan, mga aktibidad sa kultura, arbitrasyon, at iba pa. Kung saan mayroong malakas na baseng masa, magkakaroon ng malakas na Partido at malalim na reserba para sa hukbong bayan sa pamamagitan ng mga pansuhay na pwersang tulad ng yunit sa depensa, milisya at lokal na pwersang gerilya.

May dalawahang kapangyarihang pampulitika sa Pilipinas ngayon. Ang isa ay ang rebolusyonaryong gubyerno sa mga larangang gerilya, at ang isa pa ay ang reaksyunaryong gubyerno na nakaluklok sa kalunsuran. Mapalalawak at makokonsolida lamang ang rebolusyonaryong gubyerno sa pamamagitan ng mga di mapaghihiwalay na salik ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, reporma sa lupa at pagtatayo ng baseng masa. Kung bibitiwan ng Partido ang alinman sa mga salik na ito, magsisimulang lumiit at humina ang rebolusyonaryong gubyerno. Kapag lumalaki ang teritoryo ng rebolusyonaryong gubyerno, kumukitid naman iyong sa reaksyunaryong gubyerno.

Para maiwasang maulit ang mga penomenang gaya ng Kampanyang Ahos at iba pang isteryang anti-impormer, ang sistema ng batas at hustisya ng kilusang rebolusyonaryo ay pinaunlad nang may naaangkop na kodigo ligal at hudisyal at mga sinanay na tauhan para ipatupad ang mga ito. Mula't sapul ay desidido na ang Partido at ang rebolusyonaryong kilusan na magpaunlad ng isang demokratikong sistema ng batas at hustisya. May akumulasyon na ng mga desisyon at tuntunin sa mga ito. Mula pa 1972, ang mga Regulasyon sa Pagtatatag ng Rebolusyonaryong Gubyerno ng Bayan ay naglatag na ng talaan ng mga karapatan na gumagarantiya sa mga kamalayang sibil at pulitikal ng mamamayan.

May mahigpit na pangangailangan para sa mga proletaryong rebolusyonaryong kadre sa kanayunan dahil sa mahabang panahon, may pabaligtad na agos ng mga kadre at kasapi ng Partido (laluna ng mga makaranasan) mula sa kanayunan tungo sa kalunsuran, na udyok na "Kaliwang" oportunistang linya na nagkukumbina ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar at ng Kanang oportunistang linya ng repormismo at parlamentarismo. Muling idinidiin ng Partido ang kahalagahan ng rebolusyonaryong gawain sa kanayunan dahil dito iniipon at pinauunlad ang armadong lakas para ibagsak ang naghaharing sistema at dahil mahigpit ang pangangailangan ng mga larangang gerilya sa may-kakayahang mga tauhan na ang kalunsuran lamang ang makapagbibigay.

Ang pagbabase sa kalunsuran at paulit-ulit na pagkakadakip noong 1988 hanggang 1991 ng dating "pangkalahatang kumand" ng BHB sa Metro Manila at ilang pangrehiyong kumand ay negatibong mga halimbawa sa buong Partido at hukbong bayan. Itinatakwil ng kilusang pagwawasto ang dating gawi ng "pangkalahatang kumand" at ilang pangrehiyong kumand militar na bumase sa kalunsuran sa ilalim ng mga pangangatwirang gaya ng pag-oopereyt ng radyo, kompyuter at iba pang kagamitang hi-tech, pamumuno kapwa sa hukbong bayan na nakabase sa kanayunan at sa armadong partisanong lunsod o paghihintay sa biglang pihit ng mga pangyayari sa kalunsuran. Ang ilang tinawag na espesyal na operasyon, na nauwi sa gangsterismo ay isang di-mapapahintulutang dahilan para bumase sa kalunsuran. Ang pagkontrol sa mga sentrong bayan at probinsya sa hinaharap, ay ibubunga ng paalun na pagsulong ng mga rebolusyonaryong pwersa.

May karampatang organisasyon ang Partido na nasa kalunsuran. Mula sa kilusang lihim, pinamumunuan nito ang ligal na demokratikong kilusang masa na may katangiang depensibo. Itinatakwil ng buong Partido ang nakaraang pagkakamali na matangay ng "Kaliwang" oportunistang ilusyon na nagtuturing sa pakikidigmang partisano at armadong insureksyon sa urban bilang mapagpasyang salik sa pagsusulong o pagwawagi ng rebolusyon o ng Kanang oportunistang ilusyon na nagtuturing sa repormismo at parlamentarismo o anumang kumbinasyon ng Kanan at "Kaliwang" oportunismo o ang pagbaling sa isa mula sa kabila, bilang mapagpasyang salik din sa pagsusulong o pagwawagi ng rebolusyon. Anumang kalituhan sa bagay na ito ay hindi mapahihintulutan dahil napatunayan nang pinagbabayaran ito nang mahal.

Sa matagal na panahon, ang ligal na demokratikong kilusang masa ay gaganap ng mahalagang papel sa pag-unlad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka pero isa itong papel na pumapangalawa sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka na inilulunsad sa kanayunan. Ito ay nangangahulugan na sa kanilang sarili, hindi kakayanin ng mga ligal demokratikong pwersa sa kalunsuran na ibagsak o radikal na baguhin ang naghaharing sistema, kahit na sa ilang okasyon ang di-armadong pag-aalsa ng mamamayan tulad noong 1986, ay may kakayahang pabagsakin ang isang reaksyunaryong naghaharing pangkatin at palitan ito ng isa pang reaksyunaryong naghaharing pangkatin. Sa isang bayang gaya ng Pilipinas, higit sa isang armado o di-armadong pag-aalsa ang tatalo sa buong reaksyunaryong armadong pwersa, magpapabagsak sa buong naghaharing sistema at magsasagawa ng rebolusyong panlipunan. Sa proseso ng matagalang digmang bayan, nag-iipon ng lakas ang mga rebolusyonaryong pwersa hindi lamang para pabagsakin ang buong naghaharing sistema kundi para kumpletuhin sa batayan ang bagong demokratikong rebolusyon at simulan ang sosyalistang rebolusyon.

Ang hila kapwa ng "Kaliwang" oportunistang linya ng insureksyunismong lunsod at Kanang oportunistang linya ng repormismo, sa mga kadre at kasapi ng Partido na nagsusumiksik sa kalunsuran kahit hindi na sila epektibong makakilos rito ay seryosong nakapinsala kapwa sa nakabase sa lunsod na kilusang lihim ng Partido at ligal na demokratikong kilusan at maging sa armadong kilusang rebolusyonaryo sa kanayunan. Sistematikong nagpapadala ang Partido ng mga kadre at kasapi at mga rebolusyonaryong aktibista sa kanayunan upang tulungang maitaas ang antas ng rebolusyonaryong gawain sa kanayunan at hindi lamang para ipwesto sa relatibong mas ligtas na kalagayan sa kanayunan ang hindi na epektibong makakilos sa kalunsuran. Malaki ang kailangang habulin sa pagdideploy ng sariwang mga rebolusyonaryong kadre at aktibista sa kanayunan para tugunan ang naghuhumiyaw na pangangailangan sa kanila doon.

May ilang mga elementong antikomunista na naghahangad na engganyuhin ang Partido sa landas ng kontrarebolusyonaryong repormismo. Ipinangangalandakan nila na pagod na ang mamamayan sa paglulunsad ng armadong paglaban sa mga nang-aapi at nagsasamantala sa kanila at pinalalabas na mas gusto nilang tahimik na tiisin ang dahas ng pang-aapi at pagsasamantala nang walang katapusan. Nagsasasatsat sila tungkol sa pagbabawas ng diin sa digmang bayan o tahasan pa ngang pagtalikod dito. Pinakamalinaw na patunay ng kasinungalingan at kalokohan ng kontrarebolusyonaryong linyang ito ang pananatiling pipitsugin, nasasantabi at walang bisa ng mga petiburges na grupong nagpuposturang progresibo gaya ng mga rebisyunista, burges na populista, petiburges na sosyalista, mga liberal at neo-liberal, Kristiyanong demokrata at mga kahalintulad. Nagmimistula lamang silang mas malaki kaysa aktwal kapag ginagamit sila sa mga anti-komunistang propaganda ng naghaharing sistema at ng dayuhang mga ahensyang anti-komunista. Ang ligal na kilusang masa na may pambansa-demokratikong katangian ay nasa pamumuno pa rin ng proletaryong Partido. Kung ititigil o pahuhupain ng PKP ang digmang bayan, ito ay makakapon at maisasantabi tulad ng mga anti-komunistang grupong petiburges na ito.

Ang mga tagapaglako ng kontrarebolusyonaryong linyang repormista ay nag-eengganyo ng kahilingan para sa kapayapaan anuman ang pinsala sa mamamayan at sa rebolusyonaryong simulain. Gusto nilang malukuban ng pasipismo ang mga rebolusyonaryong pwersa at sa gayon ay malikida sila. Gustong angkinin ng mga repormistang elementong ito ang pangalan ng mamamayan para sa mga layunin nilang kontrarebolusyonaryo sa pamamagitan ng pagpupostura bilang "ikatlong pwersa" sa pagitan ng reaksyunaryong gubyerno at ng NDF, pero ganap na nilang inilantad ang kanilang sarili nang manganyupapa sila hanggang sa antas ng pagbibigay ng mga intelligence briefing at suportang psywar sa rehimeng U.S.-Ramos at sa pakikikutsaba sa mga ahente ng rehimen sa pagdaraos ng mga raling anti-komunista.

Sistematikong dinudurog ng Partido at ng buong rebolusyonaryong kilusang masa ang kontrarebolusyonaryong linyang inilalako ng alyansa ng mga antikomunistang petiburges na nag-uulit ng mga islogang kontra-Stalin ng mga imperyalistang US at aktibong tumutulong sa rehimeng US-Ramos, laluna sa paniniktik at psywar. Sa paglalantad sa mga elementong ito, maitataas ng lahat ng kasapi ng Partido at aktibistang masa ang antas ng kanilang kamulatan at militansya. Ipinasok na sa kanilang hanay ng mga grupong ito ng mga antikomunistang petiburges ang mga nabigong pasimuno ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar at mga kriminal na salarin ng madudugong witchhunt, mga aktibidad na gangster, at pagseserbisyo sa paniktik ng kaaway.

Para higit na paunlarin ang ligal na demokratikong kilusang masa sa kalunsuran, patuloy ang matiyagang gawaing masa ng Partido sa hanay ng mga manggagawa, maralitang-lunsod, maralitang mangingisda, estudyante, kabataan, kababaihan, mga propesyunal, at maliliit at gitnang negosyante. Ang gawain sa mga unyon, mga komunidad ng maralitang-lunsod, kilusang estudyante, mga institusyon at iba pa, ay nagbubunga ng mga organisasyong masa at lihim na mga sangay at grupo ng Partido. At napupukaw, naoorganisa at namomobilisa ang masa alinsunod sa pambansa-demokratikong linya sa mga isyu na nakakaapekto nang husto sa kanilang buhay.

Binabaka at itinatakwil ng kilusang pagwawasto ang mapaminsalang panukala ng iba't ibang mga huwad na rebolusyonaryong grupo, na dapat isuko ng uring manggagawa ang talibang papel nito o dapat likidahin ang Partido para magbigay daan sa isang nagkakaisang prente na sa umpisa ay dominado ng mga grupong petiburges pero sa bandang huli ay magsisilbi sa mga imperyalista, malalaking kumprador at panginoong maylupa. Wala na sana ngayong kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas kundi dahil sa pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng abanteng destakamento nito, ang Partido Komunista ng Pilipinas. Ang mga nagsasabi ng kabaligtaran ay walang ibang intensyon kundi mauk-ok, masabotahe at mawasak ang kilusang rebolusyonaryo.

Nagpapatuloy na tagumpay ng Partido na pambansa ang saklaw ng organisasyon nito at malalim na nakaugat sa masa ng mga manggagawa at magsasaka. Partido ito na may katangiang kadre at masa. Sinusuri ang kantidad at kalidad ng kasapian ng Partido. Ang kalidad sa ideolohiya at pulitika ang sinusuri nang una sa lahat. Binibigyan ng espesyal na atensyon ang mga hindi umaabot sa pamantayan para maging tunay na kwalipikado bilang mga kasapi ng Partido. Ang mga ayaw magtaas ng antas ng kanilang kwalipikasyon sa pamamagitan ng mga pag-aaral sa ideolohiya at pulitika at gawaing praktikal ay hinahayaang umalis sa Partido.

May bagong kapasyahang dagdagan ang proporsyon ng mga kasapi ng Partido mula sa manggagawa at magsasaka sa nobenta porsyento sa pinakamenos at bawasan ang proporsyon ng mga galing sa intelihensyang petiburges, hindi sa pagtataboy sa mga handang magpanibagong-hubog kundi sa pamamagitan ng pagpapabilis ng pagrekluta ng mga kasapi mula sa masang anakpawis. Ang lahatang-panig na lakas ng kasapian ng Partido ay nagmumula at sinusubok sa rebolusyonaryong kilusang masa. Iniimbitahang maging mga kandidatong-kasapi ang mga abanteng elemento ng rebolusyonaryong kilusang masa. Ang diin ay sa pagrerekluta ng mga abanteng elemento mula sa kilusan ng uring manggagawa, mula sa hukbong bayan at sa kilusang magsasaka at mula sa intelihensya.

Responsibilidad at pinaplano ng mga namumunong organo at yunit ng Partido ang sistematikong pagrerekluta sa mga kandidatong-kasapi at ang pagpapaunlad sa kanila para maging ganap na kasapi ng Partido sa loob ng takdang panahon ng kandidatura. Matagal nang natutukoy na kakulangan ng Partido na ang mga aktibistang masa ng kilusang pambansa-demokratiko ay kinikilala pero hindi sila iniimbitahang maging kandidatong-kasapi at sa kaso ng mga naiimbitahang kandidatong-kasapi, hindi sila napauunlad para maging ganap na kasapi ng Partido sa loob ng takdang panahon. Ang indibidwal na kasapi ng Partido ay maaaring magrekomenda para maging kandidatong-kasapi ang isang aktibistang masa. Kasunod na responsibilidad ng yunit ng Partidong tumatanggap ng rekomendasyon na tiyaking may kadreng magpapatunay sa katauhan at rekord ng rekomendado at tiyaking magiging ganap itong kasapi ng Partido sa pamamagitan ng pagkuha ng batayang kurso ng Partido at pagganap sa pagsubok na gawain.

Muling pinasisigla at hinihikayat ang praktika ng pagtatasa at ebalwasyon ng gawain at ang pagpuna at pagpuna-sa-sarili sa lahat ng namumunong organo at lahat ng yunit. Obligado ang namumunong mga organo na pamahalaan at pangunahan ang pagsusulong ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili kahit pagkaraan ng matagumpay na pagtatapos ng kasalukuyang kilusang pagwawasto.

Naitataguyod ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Ibig sabihin, ang sentralisadong pamumuno ay nakabatay sa demokrasya at ang huli ay pinapatnubayan ng una alinsunod sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Binabaka kapwa ang burukratismo at ultra-demokrasya. May demokrasya sa loob ng Partido pero kaakibat nito ay may disiplina ng Partido. Kamakailan, inilantad na ng mga tagapagtaguyod ng ultra-demokrasya ang kanilang sarili bilang mga masusugid na likidasyunista at antikomunista.

Para mabantayan ang burukratismo, binubuo ang mga namumunong organo ng mga halal na kinatawan ng nakabababang mga organo at organisasyon ng Partido at hindi sila nakahiwalay kundi patuloy na nakikisalamuha sa kanila upang mangalap ng mga datos at rekomendasyon mula sa baba, sa pamamagitan ng tuwirang pagsisiyasat, mga ulat, konsultasyon, at mga kumperensya sa pag-aaral at gawain. Obligado ang lahat ng namumunong organo hanggang sa Pambansang Kongreso ng Partido na regular na magpulong sa abot ng makakaya, alinsunod sa mga probisyon ng Konstitusyon ng Partido. Sa gayon, maagap na nalalagom ang karanasan ng Partido at naitatakda ang mga tungkulin.

Kasabay nito, puspusang binabaka ang penomenon ng mga nagsasariling kaharian, paksyunalismo o awtonomismo. Tinangka ng mga sagadsaring kalaban ng kilusang pagwawasto na wasakin ang Partido sa pamamagitan ng pagpapaypay sa ultra-demokrasya o anarkiya. Nais nilang pugutan ng ulo at pagwatak-watakin ang Partido at sa gayon, malusutan ang kanilang malulubhang pananagutan. Itinatakwil ang tinatawag na "kalayaan sa pagpuna" na matagal nang pinuna ng dakilang si Lenin. Nawawala ang proletaryong rebolusyonaryong katangian ng alinmang partido komunista, nasa poder man o wala, kapag ipinapasok nito sa kanyang hanay ang mga di kanais-nais na elemento at hinahayaan silang maghasik ng petiburges at iba pang antiproletaryong mga ideya at aksyon sa loob ng Partido.

Habang pormal pang nasa loob ng Partido ang mga "Kaliwa't" Kanang oportunistang pasimuno, tinangka nilang likidahin ang pamumuno ng uring manggagawa at ng Partido. Gustong alisin ng mga "Kaliwang" oportunista ang absolutong pamumuno ng Partido sa Bagong Hukbong Bayan. Iginiit nilang magkaroon ng hiwalay na makinarya ang BHB na independyente sa Partido para malaya nilang maitulak ang linya ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar at maisagawa ang mga "ispesyal na operasyon", kabilang ang mga aktibidad na gangster. Gustong likidahin ng mga Kanang oportunista ang Partido bilang taliba at sentro ng rebolusyon, palitan ito ng bogus na nagkakaisang prente at ibaba ang Partido sa pagiging myembrong organisasyon, isuko ang kanyang kasarinlan at inisyatiba at ipailalim ito sa isang mayorya ng mga grupo at indibidwal na petiburges na naglalarawan sa Partido bilang isang di-katanggap-tanggap na "awtoritaryong" entidad. Dinurog na ng Partido ang dalawang tipo ng mga oportunista sa pamamagitan ng paglalabas ng direktiba sa Relasyon ng Partido sa BHB at sa Nagkakaisang Prente.

Naging kumplikado at mas mabigat ang problema ng seguridad para sa Partido, lalo na sa kilusang lihim sa urban, dahil sa pagtatraydor ng sandakot na mga oportunistang "Kaliwa" at Kanan na naging tahasang ahente ng kaaway, naglunsad hindi lamang ng kampanya sa paninira at kasinungalingan laban sa Partido kundi pati ng pagtulong sa kaaway sa tinatawag na mga operasyong panunubok. Kaya nirereorganisa ng Partido ang tauhan nito, inililipat ang marami sa kanayunan, at pinakaimportante sa lahat, nagrerekluta ng mas maraming kasapi ng Partido para mawalan ng silbi ang dating antas ng impormasyon na alam ng mga taksil.

Bunga ng kasalukuyang kilusang pagwawasto, maaasahang mas lalakas ang Partido Komunista ng Pilipinas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ang kilusang pagwawasto ay pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Layunin nitong mapalakas ang pundasyon ng Partido, madagdagan ang natamo nang mga tagumpay, maigpawan ang mga paglihis, pagkakamali at pagkukulang at maiangat sa bago at mas mataas na antas ang kapasyahan at kakayahang lumaban ng Partido at ng mamamayan laban sa kaaway. Pamamaraan itong natutunan kay Mao Zedong sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado. Isang sangkap ito ng Kaisipang Mao Zedong.

Party History - Marxismo - Bottom Introduksyon
I II III IV V VI
Balik sa itaas

Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong Bilang Gabay sa Rebolusyong Pilipino NILALAMAN:

Introduksyon

I. Ang Pagsusuri sa Kasaysayan at Lipunang Pilipino

II. Ang Paghahanda sa Pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas, 1959-68

III. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1968-1979

IV. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1980-1991

V. Kilusang Pagwawasto sa Ilalim ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong: 1992 Hanggang sa Sumunod na mga Taon

VI. Ang Hinaharap ng Rebolusyong Pilipino sa Patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong


Download Pilipino | English

Basahin sa Ingles

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.