CPP Home Page   CPP Docs   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

II. ANG PAGHAHANDA SA PAGBUBUO NG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS, 1959-68

Napakadali para kaninumang may mataas na antas ng kaalamang aklat na magbasa ng Marxista-Leninistang mga akda; pero ibang usapin ang paggagap at paglalapat ng mga rebolusyonaryong ideyang ito sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas. Mula't sapul, sinikap ng mga proletaryong rebolusyonaryong kadreng nag-aral ng mga akdang Marxista-Leninista na pasimulan ang rebolusyonaryong kilusang masa. Alam nilang iyon ang tanging paraan upang maging materyal na pwersa sa Pilipinas ang mga rebolusyonaryong ideya.

Mailalarawan ang mga taong 1959-68 bilang panahon ng muling pag-aalab ng kilusang masang anti-imperyalista at anti-pyudal at paghahanda sa pagbubuo ng isang bagong partido komunista. Ang mga ito ay nawasak noong dekada '50. Dahil walang rebolusyonaryong kilusang masa, walang humamon sa imperyalistang US at lokal na mga reaksyunaryo sa pagtataguyod ng lahat ng tipo ng mga organisasyon para pigilan ang muli nitong pagsigla.

Ang solong pangyayaring bumasag sa mahabang panahon ng reaksyon at nagsimulang pumukaw sa muling pagsigla ng kilusang masa ay ang demonstrasyon ng 5,000 estudyante, karamihan mula sa unibersidad ng estado, para labanan at itigil ang anti-komunistang witchhunt noong 1961. Ang witchhunt ay isang pagtatangkang ipatupad ang batas anti-subersyon na pinagtibay noong 1957 para takutin ng parusang kamatayan ang sinumang mangahas na magpalaganap ng Marxismo-Leninismo at muling magpasimula ng anumang komunistang aktibidad. Sa kabalintunaan, nahamon at napukaw ng batas na magbalikwas ang kabataan at magkainteres sa kalaunan ay lumitaw na pambansa-demokratikong kilusan.

Pinasimulan ng mga batang proletaryong rebolusyonaryo ang protestang aksyong masa, nang walang pamamatnugot mula sa di-lantad na labi ng lumang pinagsanib na partidong PK-PS. Kasunod ng kanilang tagumpay, pinalawak nila ang mga aktibidad sa pag-aaral at pag-organisa sa ibang mga unibersidad sa Manila mula sa Pamantasan ng Pilipinas at tumungo sa paghawak sa pamunuan ng mga konseho ng estudyante at mga lathalaing kampus. Habang hayag na nagsusulong ng pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon, lihim din silang nag-organisa ng mga Marxista-Leninistang grupo sa pag-aaral.

Nang kanyang mapansin ang militanteng kilusang progresibo at ang panimulang mga pagsisikap ng militanteng kabataan na umugnay sa mga organisasyon ng progresibong manggagawa at magsasaka, inimbitahan ni Jesus Lava, pangkalahatang kalihim ng pinagsanib na partidong PK-PS, ang kinatawan ng militanteng kabataan at ang kinatawan ng progresibong mga unyon na sumapi sa lumang pinagsanib na partidong PK-PS, at umupo sa komiteng tagapagpaganap na binuo niya noong huling bahagi ng 1962. Alinsunod sa dinastikong tradisyon ng mga Lava, hinirang din niya sa lima-kataong komite ang dalawa sa kanyang mga pamangkin na walang anumang ugnayan sa anumang tipo ng kilusang masa.

Masigasig na umugnay ang mga batang proletaryong rebolusyonaryo sa beteranong mga kadre at masa sa mga progresibong unyon at asosasyong magsasaka. Tuluy-tuloy na lumaki ang kilusang masa ng mga kabataan, manggagawa at magsasaka. Itinatag ang Kabataang Makabayan noong 1964 bilang kumprehensibong organisasyong masa ng mga estudyante, kabataang manggagawa, kabataang magsasaka at kabataang propesyunal. Naging militante ang dalawang ligal na pederasyon sa paggawa at ilang unyon sa ilalim ng Partido ng Manggagawa noong 1963, (muling pinangalanang Partido Sosyalista noong 1964). Sa ilalim ng pangalang Masaka, muling nabuhay ang kilusang magsasaka noong 1963.

Pinakaaktibo ang mga batang kadreng proletaryong rebolusyonaryo sa pagtataguyod ng pag-aaral sa mga akda nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao at sa pagbubuo ng mga grupo ng Partido sa mga organisasyong masa at mga sangay ng Partido sa mga lokalidad upang magsilbing rebolusyonaryong ubod ng kilusang masa. Sila rin ang pinakamilitante sa paglulunsad ng mga welga ng manggagawa at aksyong masa para ilantad at labanan ang anti-nasyunal at anti-demokratikong mga patakaran ng reaksyunaryong gubyerno.

Sinimulang ilathala ang Progressive Review noong 1963 at may sirkulasyon lamang itong 1,000 hanggang 2,000 kopya; ngunit ito ang pinakamahalagang pamplet sa paglilinaw ng mga isyung pang-ekonomya, pampulitika at pangkultura, alinsunod sa pambansa-demokratikong linya. Bilang hiwa-hiwalay na mga talumpati sa anyong polyeto o sa 1967 na anyong-aklat, ang Makibaka Para sa Pambansang Demokrasya, na gumagamit ng Marxista-Leninistang paninindigan, pananaw at pamamaraan, ang naging pinakamahalagang materyal sa pagpapalaganap ng pambansa-demokratiko linya. Malaki rin ang kabuluhan ng mga polyeto at pamplet na inilabas para sa iba't ibang aksyong masa, sa pagsasalamin sa mga pakikibakang masa noong dekada '60. Kumprehensibong maipapakita ng tinipong mga polyeto, ang daloy ng mga progresibong pangyayari alinsunod sa pambansa-demokratikong linya.

Sa kabila ng pagkakahiwalay ng pangkating Lava ng lumang pinagsanib na partidong PK-PS sa mga labi ng hukbong bayan na sumuway sa patakaran ni Jesus Lava noong 1955 na likidahin ang hukbong bayan, nagpaunlad ng pakikipag-ugnayan ang mga batang proletaryong rebolusyonaryo, sa mga kadre at kumander ng labing hukbong bayan, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng rebolusyonaryong propaganda at mga akdang Marxista-Leninista, lalo na iyong kay Kasamang Mao Zedong. Nasa Gitnang Luson ang pinakamalakas na balangay ng Kabataang Makabayan sa labas ng Manila noong dekada '60. Sa gayon, naging posible para sa mga batang proletaryong rebolusyonaryo na tuluy-tuloy na makipag-ugnayan sa mga labi ng hukbong bayan, sa kabila ng pag-aalangan sa kanila ng mga Lava.

Sa lumang pinagsanib na partido, ang mga batang kadreng proletaryong rebolusyonaryo na nag-aral at kumilos ayon sa mga turo ni Kasamang Mao Zedong ay nanaig sa pagtangan ng pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyong inisyatiba. Nagbuo sila ng mga sangay ng Partido at ibinunsod ang muling pagsigla ng rebolusyonaryong kilusan. Sa ilang panahon, nagkunwaring nakikiisa sa rebolusyonaryong linya ang mga tagapagmana ng dinastiyang Lava. Ngunit noong Disyembre 1965, nagsimulang uminit ang tunggalian sa loob ng Partido kaugnay ng mga pundamental na isyu, nang ihapag ng kinatawan ng mga batang kadreng proletaryo ang pangkalahatang ulat na iniatas ng komiteng tagapagpaganap na kanyang balangkasin.

Tulad ng nararapat, sinikap ilahad at suriin ng pangkalahatang ulat ang kasaysayan ng lumang pinagsanib na partido at ipaliwanag ang mga mayor na pagkakamali at pagkukulang na nagresulta sa matinding pagkabigo ng rebolusyonaryong kilusan noong dekada '50. Ang pangunahing layunin nito ay iwasto ang mga pagkakamali at pagkukulang at idiin ang pangangailangang simulan muli ang armadong rebolusyon. Gayong bukas at matapat na inihapag ang ulat nang naaayon sa atas, minasama ito ng mga tagapagmana ng dinastiyang Lava at isa sa kanila ang nagpanukalang gawin na lamang isang memorandum ang ulat upang matulungan siya diumano, sa paggawa ng panibagong borador na kailanman ay di niya ginawa. Mas masahol pa, nagpakalat siya ng mga intriga laban sa gumawa ng ulat at laban sa rebolusyonaryong linya.

Ang panloob na tunggalian sa Partido ay uminog sa mga isyu ng suhetibismo at oportunismong Lava, at modernong rebisyunismong nakasentro sa Sobyet. Inspirado ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura, higit na mas matatag na nanindigan ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadre at pinanghawakan nila ang linya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Di maiiwasan sa gayon na magpasya ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadre noong Abril-Mayo 1967, na umalis sa lumang pinagsanib na partidong PK-PS at magsimulang maghanda para sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa ilalim ng teoretikal na patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong.

Sa bahaging ito, makatutulong na balik-aralan ang ilang mga punto sa kasaysayan ng orihinal na Partido Komunista na itinatag noong 1930, at naging pinagsanib na partidong PK-PS noong 1938. Mataas ang paggalang ng muling tatag na Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) kay Kasamang Crisanto Evangelista, ang tagapagtatag ng orihinal na PKP. Siya ang pinakamakapangyarihang lider ng kilusang unyon sa panahon niya. Kailangang kilanlin ang kanyang talino at tapang sa pagpapasimuno ng pormasyon ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado at pagsisikap na isanib ang teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas.

Gayunman, limitado ang kanyang naging oportunidad at sa gayon ay limitado rin ang naging tagumpay sa pagbubuo ng PKP sa ideolohiya, pulitika at organisayon. Hindi nagluwat pagkatatag nito, idineklarang iligal ang partido at dumanas ito ng matinding panunupil. Masaklaw na inilarawan ng propagandang isinulat ni Evangelista ang makauring tunggalian sa pagitan ng proletaryado at burgesya, ang papel ng mga paggawaan bilang mga punong himpilan ng rebolusyon, ang "komunistang paraiso" na darating; pero hindi niya malinaw na naitakda ang linya ng bagong demokratikong rebolusyon at hindi naitayo sa pambansang saklaw ang partido ng proletaryado. May tendensya siyang tanggapin na natutugunan na ng proseso ng dekolonisasyon ng US at mga lokal na reaksyunaryo ang pakikibaka para sa pambansang kasarinlan. Nakita niya ang pakikibakang magsasaka bilang isang pakikibaka para sa mga reporma pero di pa niya nakita ang masang magsasaka bilang pangunahing pwersa sa pagpapatupad ng isang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado.

Noong 1935, sumapi sa lihim na Partido Komunista si Dr. Vicente Lava na natuto ng kanyang Marxismo sa Browderistang Partido Komunista ng USA (CPUSA). Katunayan ay naging lider siya ng ikalawang linya ng liderato na ipinapalagay na papalit sa unang linyang pinamumunuan ni Crisanto Evangelista sakaling malipol ito ng kaaway. Napalakas ang ideyang maipagtatagumpay ang pakikibaka para sa pambansang kasarinlan sa pamamagitan ng parlamentaryong pakikibaka. Gayundin ang ideya na ang pakikibaka para sa demokrasya ay paghingi ng mga kalayaang sibil at wala o kakaunti ang kinalaman sa tunay na demokratikong usapin ng lupa.

Noong 1937, naging ligal ang PKP resulta ng mga panawagan sa lokal at internasyunal ng mga pwersang komunista at burges-demokratiko para sa isang Prente Popular laban sa pasismo, at resulta rin ng mapagkunwaring programa ng gubyernong Komonwelt sa hustisyang panlipunan sa gitna ng malubhang krisis pang-ekonomyang dulot ng Great Depression. Naging susi ang papel ng CPUSA sa paggigiit ng ligalisasyon ng PKP at sa paglaya ng mga lider nito mula sa lokal na pagkadistyero. Noong 1938, ang Partido Sosyalista ng Pilipinas na itinatag noong 1932 at patuloy na nanatiling ligal at ang PKP ay nagsanib bilang isang partido na agraryo sa saligan. Lipos ng problema ang pagsasanib na ito dahil awtomatiko nitong ipinaloob sa PKP ang maraming militanteng magsasaka na hindi dumaan sa anumang pag-aaral ng Marxismo-Leninismo.

Noong Pebrero 1942, naaresto sa Manila ng mga pasistang Hapones ang lahat ng mga lider ng PK-SP sa unang linya ng pamunuan. Lahat sila'y naging martir matapos tumangging manawagan sa mga kasapi ng Partido na sumuko at magparehistro sa kaaway. Sa gayon, Si Vicente Lava, ang una sa serye ng tatlong magkakapatid na naging pangkalahatang kalihim, ay umupo bilang pangkalahatang kalihim noong Marso 1942. Naisip niya ang pagbubuo ng nagkakaisang kwerpo ng depensa sa baryo (barrio united defense corps) at pinamahalaan ang pagbubuo ng hukbong bayan laban sa Hapon noong Marso 29, 1942.

Ngunit isang Kanang oportunista si Vicente Lava sa saligan. Pagkatapos ng pananalakay ng mga Hapones sa Bundok Arayat kung saan nakakonsentra sa paligid ang mga iskwadron (kumpanya) ng hukbong bayan, ipinatupad niya ang patakarang "umurong-para-magtanggol," na sa kongkreto ay labis na nagwatak-watak sa mga iskwadrong Huk sa maliliit na pangkat ng tatlo hanggang limang armadong myembro at isang pag-uulit lamang ng patakarang "maghintay-at-magmasid", na idinikta ng US sa mga gerilyang Pilipinong pro-US upang magsilbi sila bilang mata at tainga ng paniktik ng militarya ng US at hindi upang aktibong maglunsad ng armadong pakikibaka nang malayong nauuna bago sa pagbalik ng mga pwersang militar ng US.

Hanggang Setyembre 1944, ang pinakamatagumpay na mga panlabang yunit ng Huk ay ang mga platung hindi sumunod sa patakarang "umurong- para-magtanggol." Itinuwid ng Komite Sentral ng pinagsanib na partidong PK-PS ang maling patakarang ito pero noong papadaong na lamang ang mga pwersa militar ng US sa Pilipinas. Muling binuo ang mga iskwadrong Huk upang masamantala ang pag-atras ng mga tropang Hapones sa mga bundok probinsya ng Hilagang Luson at upang agawin ang kapangyarihan sa antas munisipyo at probinsya sa Gitnang Luson kagyat bago sa pagdating ng mga tropang US.

Inamin ni Lava ang kanyang pagkakamali at pumayag na ituwid ito. Pero itinulak niya ang isa pang Kanang oportunistang patakaran -- ang pagsalubong sa mga pwersang militar ng US, ang pormal na pagkakaloob ng pambansang kasarinlan, ang pagpupwesto ng isang papet na neokolonyal na republika, at ang paghahanda sa kumbersyon ng hukbong bayan at ng armadong kilusang magsasaka, sa isang organisasyon ng mga beterano at isang ligal na organisasyong magsasaka sa layuning maglunsad ng parlamentaryong pakikibaka.

Itinulak ni Lava ang linya ng "kapayapaan at demokrasya" at tumakbo para sa pusisyon sa kongreso ng malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa, sa ilalim ng bandila ng Demokratikong Alyansa noong 1946 ang mga Kanang oportunistang pinuno ng pinagsanib na partidong PK-PS at Hukbalahap, nang ang US ay bumaling mula sa tuwirang kolonyal tungong malakolonyal na paghahari. Pero kahit tunay nilang napanalunan ang mga pwesto nila sa Kongreso, ang mga kilalang lider na ito ng pinagsanib na partidong PK-PS at ang kanilang mga alyado ay pinatalsik mula sa Kongreso batay sa gawa-gawang mga akusasyon ng pandaraya at terorismo.

Sa kanayunan, nangmasaker ang Counterintelligence Corps ng US, ang Konstabularya ng Pilipinas at ang mga gwardya sibil, para bawiin ang kapangyarihang pampulitika at ibalik ang lupa sa kontrol ng mga panginoong maylupa sa Gitnang Luson. Ang mga Kanang oportunista na mas masahol pa kay Lava (sina Pedro Castro at Jorge Frianeza) ay nakapangibabaw sa liderato ng pinagsanib na partidong PK-PS , itinulak ang linya ng pakikipagsabwatan sa papet na rehimeng Roxas at sumang-ayon sa pagpaparehistro ng mga mandirigmang Hukbalahap.

Sa ganitong kalagayan, si Jose Lava, ang ikalawa sa magkakapatid na Lavang naging pangkalahatang kalihim ng pinagsanib na partidong PK-PS ay nag-inisyatibang labanan ang mga Kanang oportunista at nanawagan ng muling paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka noong 1948. Pero hindi siya naglinaw ng estratehiya at taktika. Taliwas sa naging panawagan, hinayaan ang punong-kumander ng Huk na si Luis Taruc na makipagnegosasyon para sa pangkalahatang amnestiya noong 1948 at 1949. Nang madiskubre ang pakana ng reaksyunaryong rehimen na patayin ang mga lider ng kilusang lihim na lumantad sa ilalim ng kasunduang amnestiya, itinulak ni Jose Lava ang linya ng "todo-todong armadong pakikibaka" laban sa papet na rehimeng Quirino noong 1950. Inilatag niya ang kanyang linya ng pagkakamit ng tagumpay militar sa loob ng dalawang taon sa pag-aakalang magkakaroon ng tuluy-tuloy na paglaki ng ispontanyong suportang popular at pagsalig sa mga armadong pag-aalsang ipinangako ng mga pulitiko ng Partido Nasyunalista ng dating papet na presidente ng mga Hapones, si Jose Laurel, at ni Eulogio Rodriguez.

Noong 1950, binigyan ng bagong pangalang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan ang mga batalyon at kumpanya ng hukbong bayan. Umabot sa 3,000 mandirigmang may riple ang kabuuan ng mga ito. Dalawang libo sa kanila ang konsentrado sa mga kampo militar sa walang-taong kagubatan ng Kabundukang Sierra Madre. Noong Agosto 1950, naglunsad sila ng koordinadong mga atake sa mga pwersa ng kaaway sa malawak na saklaw. Ngunit noong Oktubre 1950, nahuli sa Manila ang buong Kawanihang Pampulitikang pinamumunuan ni Jose Lava. Hindi na naipatupad ang ikalawang koordinadong opensibang binalak para sa Nobyembre 1950. Sa halip, ang 30 batalyon ng army na bagong inarmasan at sinanay ng US, ay naglunsad kapwa ng mga estratehiko at taktikal na opensiba laban sa mga kampo ng hukbong bayan sa kagubatan, sa isang lantay na militar na sitwasyong paborable sa kaaway.

Hindi kailanman nag-abala ang "Kaliwang" oportunistang pamunuan ni Jose Lava na pag-aralan ang linya ng bagong demokratikong rebolusyon at ang pagsasanib ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, reporma sa lupa at masikhay na gawaing masa para sa matagalang digmang bayan. Pagkatapos ng mapait na pagkatalo ng 1950, naging pangkalahatang kalihim ng Partido si Jesus Lava (kapatid nina Vicente at Jose). Hindi rin niya isinaalang-alang at nasapol ang mga rekisito ng matagalang digmang bayan. Si Jose at Jesus Lava ay parehong kinapitan ng petiburges na mentalidad ng pangangarap ng madaliang pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika, nang hindi buo at seryosong pinag-aaralan ang mga realidad at tinitimbang ang mga kinakailangang salik sa rebolusyonaryong pakikibaka.

Sa kaso ni Jesus Lava, saglit niyang hinangad na ipagpatuloy ang armadong pakikibaka at makalipas ay kumambyo sa Kanang oportunistang linya at lumarga sa pagtataguyod ng mga patakaran na naglalayong likidahin ang hukbong bayan at kalaunan, ang pinagsanib na partidong PK-PS. Tinangka niyang likidahin ang labi ng lumang hukbong bayan noong 1955, sa pamamagitan ng pananawagan sa kanila na buuin ang sarili bilang mga brigadang "pang-organisasyon" para sa parlamentaryong pakikibaka at kasunod, mismong ang Partido, sa pamamagitan ng paglalabas noong 1957 ng tinatawag niyang patakarang "iisang pila" na lumusaw sa bawat kolektiba ng Partido at nag-utos sa mga kasapi ng Partido na magbuo ng paisa-isang pila at tumanggap ng kanyang mga transmisyong pulitikal mula sa nakahiwalay niyang taguan sa Manila.

Sa praktika, tumigil sa pag-iral ang lumang pinagsanib na partido noong huling bahagi ng dekada '50. Wala ni isang sangay ng Partido ang nakatayo noong huling bahagi ng 1962. Ganap na nahiwalay ang pangkalahatang kalihim na si Jesus Lava mula sa anumang kilusang masa. Mula 1955 hanggang 1962, ibinatay niya ang kanyang mga isinusulat na transmisyong pulitikal sa mga napupulot mula sa burges na pahayagan. Wala siyang makabuluhang ugnayan sa anumang kilusang masa o sa mga labi ng hukbong bayan na patuloy na umiral bilang mga pangkat ng rebeldeng lagalag sa kapatagan ng ilang probinsya sa Gitnang Luson.

Samantala, sa hanay ng mga labi ng hukbong bayan, may mga kadre at kumander na nagpunyagi sa paglilingkod sa masang magsasaka at may iba ring nauwi sa pangungulimbat at pagpapatakbo ng mga proteksyon raket sa Angeles City, na kanugnog ng US Clark Air Force Base, at sa pakikipagkompromiso sa mga panginoong maylupa, sa makauring tunggalian sa pagitan ng mga panginoong maylupa at magsasaka. Ang huling tipong ito ng mga labi ng hukbong bayan, na pangunahing kinakatawan ng pangkating gangster ni Taruc-Sumulong ay naging target din ng pamumuna at pagtatakwil ng mga proletaryong rebolusyonaryo at ng Bagong Hukbong Bayan.

May naghuhumiyaw na pangangailangan na muling itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang hukbong bayan. Maisasakatuparan lamang ito dahil naunawaan na ng mga proletaryong rebolusyonaryo ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, na kanilang magagamit sa wastong pagsusuri ng kasaysayan at lipunang Pilipino, at sa pagpuna at pagtatakwil sa nakaraang malulubhang pagkakamali ng magkakapatid na Lava at ng gangster na pangkating Taruc-Sumulong, at sa paglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon.

Party History - Marxismo - Bottom Introduksyon
I II III IV V VI
Balik sa itaas

Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong Bilang Gabay sa Rebolusyong Pilipino NILALAMAN:

Introduksyon

I. Ang Pagsusuri sa Kasaysayan at Lipunang Pilipino

II. Ang Paghahanda sa Pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas, 1959-68

III. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1968-1979

IV. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1980-1991

V. Kilusang Pagwawasto sa Ilalim ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong: 1992 Hanggang sa Sumunod na mga Taon

VI. Ang Hinaharap ng Rebolusyong Pilipino sa Patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong


Download Pilipino | English

Basahin sa Ingles

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.