CPP Home Page   CPP Docs   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

IV. ANG REBOLUSYONARYONG PAKIKIBAKA, 1980-1991

Kaugnay ng panahon ng rebolusyonaryong pakikibaka mula 1980-1991, ang pinakabagong komprehensibo at mahalagang dokumento ng Partido Komunista ng Pilipinas na maaaring basahin at pag-aralan ay ang: Muling Pagtibayin ang ating mga Saligang Prinsipyo at Iwasto ang mga Pagkakamali, Pangkalahatang Balik-aral sa Mahahalagang Pangyayari at Pasya (1980-1991), at Manindigan para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo. Mariing pinagtitibay muli ng mga dokumentong ito na inaprubahan ng 1992 Plenum ng Komite Sentral, ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong bilang gabay sa rebolusyonaryong pagkilos sa pamumuno ng PKP, at gayundin sa kasalukuyang kilusang pagwawasto, ang ikalawang dakilang pagwawasto mula nang ilunsad ang una noong 1967-69, sa layuning mapangibabawan ang mga paglihis, kamalian at pagkukulang at muling mapalakas ang Partido at rebolusyonaryong kilusang masa.

Sa panahong 1980-83, sumulong ang rebolusyonaryong kilusan nang mabilis kaysa alinmang taon ng panahong 1976-79. Taunang lumaki ang kasapian ng Partido nang halos 4,000. Nagtayo ng mga batayang yunit ng Partido sa mga baryo, pagawaan, eskwelahan, komunidad, hukbong bayan at organisasyong masa. Noong 1982, may 34 na platun bilang mga sentro-de-grabidad ng mga larangang gerilya at mahigit 200 iskwad na nakakalat sa gawaing masa. Taunang nakakumpiska ng karaniwang bilang na 800-900 riple mula sa kaaway ang mga iskwad at platun. Sa pagtatapos ng 1983, 5,000 ripleng awtomatiko ang armadong lakas ng BHB. Hanggang ngayon, ipinakikita ng talaan na ang karamihan sa mga armas ng BHB ay naagaw sa kaaway ng mga iskwad at platun.

Noong 1982-83, sinaklaw ng mga larangang gerilya ang halos buu-buong probinsya at malalaking bahagi ng mga rehiyon. Sa Mindanao, Samar, Negros at Bicol mula dalawang-katlo hanggang tatlong-kapat ng kabuuang kalupaan at bilang ng mga baryo ang saklaw ng mga ito. Umabot hanggang sa matataong lugar ang lahat ng mga larangang gerilya sa buong bayan, kabilang ang paligid ng mga kabayanan, tabing-hiway, baybaying dagat, at kapatagan. Noong 1983, mayorya ng mga rehiyon ang may dalawa o tatlong malaki at relatibong matatag na larangang gerilya. Nagsagutan ang mga taktikal na opensiba ng BHB sa buong kapuluan. Masigla ang reporma sa lupa at iba pang kampanyang masa sa mga larangang gerilya.

Sa panahong 1980-83, tuluy-tuloy na umunlad ang ligal na demokratikong kilusan kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Pagkatapos, mabilis itong umunlad sa isang antas na wala pang kaparis sa buong kasaysayan ng kilusang rebolusyonaryo noong 1983, kasunod ng pagkakapaslang kay Benigno Aquino, at patuloy na dumaluyong hanggang sa maibagsak ang pasistang diktadurang Marcos noong 1986. Patuloy itong lumago hanggang 1987. Ang mga kontradiksyon sa loob ng naghaharing pangkatin ay humantong sa asasinasyon kay Aquino noong 1983, ang pinakamahigpit na karibal ni Marcos, at kalaunan, sa isplit ng reaksyunaryong armadong pwersa sa pagitan ng mga paksyong Marcos-Ver at Enrile-Ramos.

Ang mabilis na pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ligal na demokratikong kilusan at ang mabilis na paglaki ng armadong lakas ay resulta ng ilang salik: (1) ang matibay na pundasyon ng rebolusyonaryong kilusan na nailatag noong dekada '70; (2) ang pagpupunyagi ng mga rebolusyonaryong pwersa sa wastong linya sa karamihan ng mga rehiyon, alinsunod partikular sa mga dokumento sa pagtatatag ng Partido, ang Mga Partikular na Katangian ng Digmang Bayan sa Pilipinas, Ang Mahihigpit Nating mga Tungkulin, at ang Batayang Kurso ng Partido; at (3) ang mabilis na paglala ng krisis ng naghaharing sistema, na nagpatindi sa mga kontradiksyon hindi lamang sa hanay ng mga reaksyunaryo ngunit maging sa mga seksyon ng naghaharing pangkatin.

Sa buong panahon ng 1980-91, itinaguyod ng nakararaming mayorya ng mga kadre at kasapi ng Partido at ng karamihan ng mga komite at organisasyon ng Partido sa rehiyon, ang wastong linya. Ngunit ang ilang maling tunguhin na nagsimulang kumapit sa ilang elemento sa Komite Sentral at ilang sentral na organong istap noong huling bahagi ng dekada '70, ang nagkahugis at nagkapwersa sa pamamagitan ng ilang "Kaliwa" at Kanang oportunistang linya sa 1980 Plenum ng Komite Sentral upang hamunin, uk-ukin at baligtarin ang wastong linya. Sa plenum na ito, maraming oras ang naubos sa pagkukwestyon sa matagal nang nakatayong pagsusuri ng Partido na malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino, na ang layunin ay baguhin ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan, palakihin nang higit kaysa rati ang kahalagahan ng rebolusyonaryong gawain sa kalunsuran at kamtin ang igpaw mula sa maaga tungo sa abanteng subyugto ng estratehikong depensiba sa pamamagitan ng mga insureksyong urban. Iginiit na mas industriyalisado at mas urbanisado ang Pilipinas kaysa sa pre-1949 na Tsina, at kung gayon ay mas malaki ang magiging papel ng rebolusyonaryong pakikibakang lunsod sa Pilipinas kaysa sa Tsina sa nakaraan. Narating ang populasyong urban na 40% sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa populasyon ng mga syudad at poblasyon (sentrong bayan).

Sa pulong ng Kawanihang Pampulitika noong 1981, kapwa inilatag ang mga tungkulin sa pagtamo ng igpaw mula maaga tungo sa abanteng subyugto ng estratehikong depensiba at ang pagtungo sa "estratehikong kontra-opensiba" at "regularisasyon." Noong 1982, pinagtibay ng Komisyon sa Mindanao ang linya ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar sa inspirasyon ng pulong ng KP noong 1981. Sa pulong nito noong 1983, nagpalawig ang Kawanihang Pampulitika sa linya ng "estratehikong kontra-opensiba" at "regularisasyon." Ipinagpalagay nito na naabot na ang abanteng subyugto ng estratehikong depensiba, inilarawan ito bilang ikalawang subyugto at ipinanawagan ang pagsusulong ng "estratehikong kontra-opensiba" bilang ikatlo at pinal na subyugto. Kinategoryang mga eryang urban at panimulang target ng mga pag-aalsa ang ikatlo at ikaapat na klaseng munisipalidad.

Isang maling katawagan ang "estratehikong kontra-opensiba" na kumakatawan sa "Kaliwang" oportunistang pangarap na abutin ang higit kaysa sa kakayanin ng mga umiiral na pwersa ng rebolusyon. Labis nitong pinalaki ang papel ng mga armadong pag-aalsang urban kumpara sa estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan. Sa katunayan, maikakategoryang rural ang ikatlo at ikaapat na klase ng munisipalidad. Rural maging ang syudad ng Yenan relatibo sa syudad ng Sian o sa malayong Shanghai. Ang linya ng "regularisasyon" ay nangangahulugan ng paglikha ng mas maraming sapin sa burukrasya ng Partido at pagtatalaga rito ng mga kasapi ng Partido, nang hindi dumadaan sa mga kinakailangang edukasyong teoretikal at pulitikal. Para sa hukbong bayan, nangangahulugan rin ito ng dagdag na mga antas ng kumand at higit na pag-iistap, ng wala sa panahong pagbubuo ng mas malalaking yunit at pagtatarget sa pagpapatindi ng digma sa pamamagitan ng pakikidigmang makilos, anuman ang pangkalahatang antas ng pag-unlad. Ang terminong "pultaym na Pulang mandirigma" ay ipinakahulugan ng pag-iwan sa gawaing masa at pagkonsentra sa tungkuling militar.

Maging nang itinutulak na ng sentral na pamunuan ang maling linya, patuloy na itinaguyod ng nakararaming mayorya ng mga kadre at kasapi ng Partido ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, pinag-aralan ang mga dokumento sa pagtatatag ng Partido, ang batayang kurso ng Partido alinsunod sa linyang ito, pinag-aralan ang Mga Partikular na Katangian ng Digmang Bayan sa Pilipinas at ang Mahihigpit Nating mga Tungkulin. Noong 1982, ang depinitibong artikulong, Hinggil sa Moda ng Produksyon sa Pilipinas ay nanindigan laban sa maling konsepto sa katangian ng ekonomyang Pilipino. Noong 1983, isa pang artikulo, "Ang Patalong Landas ng Armadong Pwersa ng Pilipinas", ang pumusisyon laban sa wala sa panahong bertikalisasyon ng hukbong bayan at tumukoy sa potensyal nitong pinsala sa baseng masa. Ipinalaganap ang mga artikulong ito upang labanan ang maling linya.

Kumain ng panahon bago malawakang naipatupad ang maling linya mula sa sentral na pamunuan. Noong unang mga taon ng dekada '80, patuloy na ipinamalas ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Samar at Negros na posible ang pagpapatindi ng armadong pakikibaka samantalang inaasikaso ang gawaing masa. Kasalungat nito, nagtangkang magtayo ng batalyon sa Samar. Ngunit nagpasya ang sentral na pamunuan na lansagin ito at i-redeploy ang pinakamahuhusay na kadre sa ibang rehiyon. Dahil natuto mula sa mapapait na karanasan noong dekada '70, mahigpit na pinagtuunan ng pansin ng mga pwersa sa Hilagang Luson, Bicol, at Kanlurang Kabisayaan ang gawaing masa, at unti-unting pinaunlad ang kanilang armadong lakas sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga taktikal na opensiba ng mga platun at iskwad. Sa pangkalahatan, kahit ang mga pwersa sa Mindanao ay sumunod sa padron ng ibang rehiyon hanggang 1982. Liban sa dalawang platun, pinanatili ng mga pwersa sa Gitnang Luson ang mga iskwad at maliliit na pangkat sa pagpapatupad ng rebolusyonaryong gawain sa kapatagan.

Inengganyo ng linya ng "estratehikong kontra-opensiba" at "regularisasyon" ang pinakasagadsaring militaristang linya ng pagkukumbina ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar sa Mindanao, mula 1982 hanggang 1984. Pinalobo ng linyang ito ang urbanisasyon at industriyalisasyon ng Pilipinas sa kalakhan, at ng Mindanao sa partikular, at sa gayon ay maling pinuri ang rehimeng US-Marcos sa diumanong pagpapaunlad at pag-iindustriyalisa sa bayan. Mali rin nitong ipinalagay na kinaligtaan ng Partido ang rebolusyonaryong gawain sa urban, sa kabila ng katotohanang tuluy-tuloy na pinaunlad at pinamunuan ng Partido ang nakabase sa lunsod na ligal na demokratikong kilusan. Itinulak nito ang ideya na ang pinakamataas na anyo ng pampulitikang pakikibaka ay ang insureksyong lunsod na inihahanda ng armadong partisanong lunsod at ng pawalis na propaganda at ultimong iniluluwal ng ispontanyong masa, at isang lantay militar na pwersa raw ang hukbong bayan at segundaryo lamang sa armadong insureksyong urban. Labis rin nitong pinalaki ang gawaing internasyunal ng Partido bilang mapagpasyang salik sa tagumpay ng rebolusyon.

Agresibong ipinatupad sa Mindanao noong 1982-84, ang maling linyang nagkukumbina ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar. Sa mga eryang urban, ipinatupad ang pawalis na gawain sa pag-ugnay at propaganda, pinatindi ang pakikidigmang partisano at naglunsad ng mga welgang bayan sa pamamagitan ng paghahakot sa mga magsasaka o paggamit sa mga yunit ng BHB upang "mag-tsekpoynt". Kinaligtaan ang solidong pag-oorganisang masa at ang mga kadreng lihim na kumikilos sa makikitid at maliliit na lunsod sa probinsya ay naglantad ng sarili sa kaaway. Sa kanayunan, labinlimang kumpanya ng BHB na nasa absolutong konsentrasyon ang mabilisang itinayo mula 1983-85. Singkwenta porsyento ng Pulang mandirigma ang hinigop ng mga pangunahing yunit gerilya sa rehiyon (mga kumpanya) at isa pang malaking porsyento ang hinigop ng mga segundaryong yunit gerilya sa rehiyon (mga platun sa karaniwan). Iilang iskwad na lamang ang naiwan sa gawaing masa dahil naging mga suplay yunit sila ng mga pangunahing yunit. Pagdating ng 1984, nalagay sa pasibo at nahihiwalay na pusisyon ang mga wala-sa-panahon na itinayong kumpanya na absolutong nakakonsentra, resulta kapwa ng pataw-sa-sariling biglaang pagliit ng baseng masa at ng pinatinding mga opensibang estratehiko at taktikal ng kaaway. Kalakhan ng panahon, abala ang mga kumpanyang ito sa mga problemang lohistikal at bulnerable sa mga atake ng kaaway.

Resulta ng mga presisong reyd ng kaaway sa kilusang lihim sa urban at ng mga pagkabigong militar ng absolutong nakakonsentrang mga kumpanya ng BHB, ipinagpalagay ng mga "Kaliwang" oportunista na mga ahente sa loob mismo ng kilusan (DPA) ang may kagagawan ng mga kapinsalaan. Sa gayon, nagsimula ang isterya na tumungo sa Kampanyang Ahos noong 1985. Sinang-ayunan ng 1985 Komiteng Tagapagpaganap ng Komisyon sa Mindanao ang madugong witchhunt na ito at ipinatupad ng tinatawag na komiteng tagapangalaga. Pinahintulutan nito ang tortyur at pagpatay sa mga suspetsado nang walang sapat na ebidensya. Daan-daang kasapi ng Partido, Pulang mandirigma, aktibistang masa at alyado ang biniktima nito. Kailanman ay hindi nakapatay ang kaaway ng kasindaming kasapi ng Partido, Pulang mandirigma, aktibistang masa at alyado sa napakaigsing panahon at nakademoralisa ng napakarami pang iba. Bumagsak ang kasapian ng Partido sa Mindanao sa 3,000 mula 9,000, mahigit 50% ang iniliit ng baseng masa at ang armadong lakas ng hukbong bayan ay bumaba sa dalawang kumpanya at 17 platun mula sa 15 kumpanya at 30 platun.

Siguradong may ilang DPA dahil sa maluwag na patakaran sa pagrerekluta ayon sa maling linya ng pagkukumbina ng armadong insureksyong lunsod at adbenturismong militar. Pero hindi ang Kampanyang Ahos ang paraan ng pagtukoy sa kanila. Sa kabilang banda, ito ang paraan para higit na makapaminsala at makapagkubli ang mga tunay na ahente ng kaaway. Higit sa lahat, hindi mapahihintulutan ng Partido ang paglabag sa mga saligang karapatan ng mga kasapi ng Partido at Pulang mandirigma gaya ng isinasaad sa Konstitusyon ng Partido at sa mga Alituntunin ng BHB, gayundin sa mga batayang demokratikong karapatan ng mamamayan na ginagarantiyahan ng Talaan ng mga Karapatan sa Mga Tuntunin sa Pagtatayo ng Gubyernong Bayan.

Noong 1984, idinaos ang unang pambansang kumperensyang militar ng pambansang istap militar ng BHB. Pinagtibay nito ang linya ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar na nagdudulot na ng malalaking pinsala sa Mindanao. Ang linya ay pangunahing itinulak ng chief of staff, na kaaangat pa lamang mula sa pusisyon niya bilang kumander ng BHB sa Mindanao batay sa huwad na reputasyong nakapagtamo siya ng malalaking tagumpay militar. Pinagtibay ng Komiteng Tagapagpaganap at ng Komisyong Militar ang resulta ng kumperensyang militar nang walang anumang kapunahan.

Itinago ng chief of staff ng BHB at ng mga kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komisyon sa Mindanao, na mga kagawad rin ng Komite Sentral, sa 1985 Plenum ng Komite Sentral ang impormasyon tungkol sa maling linya, ang malalaking kabiguan noong 1984 at ang Kampanyang Ahos. Itinanghal nila ang kanilang sarili bilang mga kadre ng isang matagumpay na linya at aroganteng iginiit na iurong ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan kapalit ng linyang nagkukumbina ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar. Tinanggihan ito ng Komite Sentral sa pamamagitan ng pagpapaalala na nanatili sa Konstitusyon at Programa ng Partido ang estratehikong linya ng digmang bayan, pero hindi nito iniurong at iwinasto ang linya ng "estratehikong kontra-opensiba" na nagluwal ng mapaminsalang "Kaliwang" oportunistang linya sa Mindanao. Sa halip, inilatag ng Plenum ang tatlong-taong programa ng "pagpapaunlad" sa BHB bilang "regular na hukbo", pagbubuo ng mga salik ng regular na pakikidigmang makilos, pagmamaksimisa sa mga bentahe ng pakikidigmang gerilya at "pagpapatindi sa digma" tungo sa "estratehikong kontra-opensiba". Sa gayon, isinantabi ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan sa kabila ng pormal na pagkatig dito.

Sa kawalan ng isang makatotohanang pagtatasa at wastong ebalwasyon ng sitwasyon sa Mindanao, nanatili sa kanilang pusisyon ang pinakamatataas na upisyal ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komisyon sa Mindanao at naangat sa mas matataas na pusisyon sa sentral na pamunuan (Kawanihang Pampulitika, Komiteng Tagapagpaganap at Komisyong Militar). Sa gayon, umabot sila sa pusisyon na nagpahintulot sa kanilang higit na itulak ang mali at mapaminsala nilang linya sa pambansang saklaw, lalo na dahil ipinagyayabang nilang labis na matagumpay ang kanilang linya sa Mindanao. Obsesyon nilang makapagtayo sa buong bayan ng 36 kumpanyang nasa absolutong konsentrasyon at ilang batalyon pagdating ng taong 1987. Noong Hulyo-Agosto 1987, nilampasan ng Pangkalahatang Kumand ng BHB ang mga teritoryal na komite ng Partido at nag-utos ng tinawag na pambansang koordinadong opensiba. Kinapalooban ito ng 600 malalaki at maliliit na atake sa matitigas na pusisyon ng kaaway at nagsayang ng amunisyon at ibang rekurso.

Mula 1986 hanggang nitong 1990 lamang, sunud-sunod na organisasyon ng Partido sa rehiyon ang naitulak sa insureksyunismo o putsismo. Sa pagbubuo ng wala sa panahon at di-masustining mas malalaking pormasyong militar, radikal na lumiit ang baseng masa at naging lantay-militar ang sitwasyon nang maglunsad ang kaaway ng laking-brigadang mga opensiba at kasabay na nagpadala ng mga "special operation teams" (SOTs) para magsagawa ng mga operasyong psy-war at paniktik sa mga larangang gerilya. Epektibong naipatupad ng kaaway ang gera nitong mabilis na tinatapos at gradwal na konstriksyon dahil unang-una na, pasok sa iskema niya ang "Kaliwang" oportunistang linya. Makikita ang malubhang kamalian ng mga "Kaliwang" oportunista, sa kanilang pagpapaliit ng bilang ng mga iskwad at sandatahang yunit sa propaganda na lubog sa gawaing masa, na nagpapakitid sa baseng masa bilang maniobrahan ng hukbong bayan, samantalang ang kaaway naman ang nagdeploy ng mga "SOT" para likhain ang kanyang "baseng masa" sa tulong ng lokal na reaksyunaryong gubyerno, lokal na pulisya, pwersang paramilitar at mga kulto ng relihiyosong panatiko. Sapul pa 1984, briga-brigada na ang dine-deploy ng kaaway para tutukan ang mga kilalang moog ng BHB, para "linisin at hawakan" at pagkatapos ay "konsolidahin at paunlarin" ang mga ito sa pamamagitan ng mga operasyon ng maliit na yunit. Ngunit mas malalaking erya ng bayan ang hindi natututukan ng kaaway at kailanman ay hindi nito nakakamit ang pagkontrol nang walang mga patlang sa alinmang larangang gerilya.

Ang pagkawala ng baseng masa ay nangahulugan ng pagkawala ng pampulitika at materyal na suporta ng masa sa hukbong bayan gayundin ng pagkawala ng kakayahang mangulekta ng buwis sa relatibong naliliwanagang mga seksyon ng mga mapagsamantalang uri. Sa pagkawala ng kakayahang makatayo-sa-sarili, lumakas ang pag-iisip ng mga "Kaliwang" oportunista na maaaring tustusan ang rebolusyonaryong kilusan ng mga gawaing gangster sa kalunsuran at ng dayuhang ayudang militar at pinansyal. Habang kumander pa siya ng BHB sa Mindanao hanggang 1984, ang pinuno ng pambansang istap militar mula 1984-91 ay nagsagawa ng mga aktibidad na gangster, sa pamamagitan ng pagkukumbina ng mga partisanong lunsod ng BHB at mga elemento ng mga kriminal na sindikato para mang-hold-up at mangidnap. Ang mga ito ay hindi awtorisado ng Partido sa angkop na antas. Ikinalat niya ang maling ideya na hiwalay ang makinarya ng hukbong bayan sa Partido. Tiningnan din niya ang dayuhang ayudang militar bilang salik na mapagpasya sa kahihinatnan ng rebolusyonaryong kilusan at kung wala daw ito, maaagnas at uurong ang rebolusyonaryong kilusan.

Mula 1984 pasulong, bumase ang pambansang istap militar (na katagalan ay tinawag na "pangkalahatang kumand") ng hukbong bayan sa Manila alinsunod sa linyang nagkukumbina ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar. Nagpakalulong ang pinuno ng pambansang istap militar sa mga tinatawag na ispesyal na operasyon, kabilang ang mga aktibidad na gangster sa Manila at ibang eryang urban sa bayan, at sa pagahahabol ng dayuhang ayudang militar at pinansyal. Matapos maibagsak si Marcos noong 1986, binigyang-matwid niya ang kanyang patuloy na pagbabase sa Metro Manila sa pamamagitan ng pag-aastang laging nagbabantay sa anumang "biglang pagpihit ng sitwasyon" upang "masagpang ang pagkakataon" para sa insureksyong lunsod. Sa katunayan, pinangangasiwaan at nilalahukan niya ang mga aktibidad na gangster at ang korupsyon sa Bureau of Customs ng reaksyunaryong gubyerno. Tinangka niyang ihiwalay ang hukbong bayan mula sa absolutong pamumuno ng Partido at nagkunwaring kinukumand ang mga yunit ng hukbong bayan sa buong kapuluan sa pamamagitan ng mga transmisyon sa radyo mula sa Manila. Katagalan, pinarami pa niya ang mga aktibidad ng gangster nang nagsasarili o kakutsaba ang ilang mga elemento sa komite ng Partido sa Manila-Rizal at Komisyon sa Kabisayaan.

Pagdating ng 1985, may litaw nang antas ng pang-ideolohiyang pagkabulok sa hanay ng ilang kagawad ng Komite Sentral. Resulta ito ng malubhang pagkawala ng Marxista-Leninistang mga kurso sa pag-aaral at babasahing materyal, ng laganap na eklektisismo, ng pagmamaliit sa Kaisipang Mao Zedong, ng walang batayang pagkukwestyon sa Marxista-Leninistang pagsusuri sa lipunang Pilipino, ng mababang pagtingin sa rebolusyonaryong karanasang Pilipino sa digmang bayan at ng pagpapalaganap sa insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar. Mas minahalaga ng mga elementong hindi kailanman seryosong nag-aral at naglapat ng Kaisipang Mao Zedong, ang mga halimbawa ng mga kilusan sa dekolonisasyon at laban sa depotikong paghahari, kaysa sa napagtagumpayan nang dalawang-yugtong rebolusyong Tsino at mayaman nang karansan ng bagong demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba sa Pilipinas.

Mula 1982, itinulak na ang linya ng paghahabol sa dayuhang ayudang militar at pinansyal mula sa partidong Sobyet at mga alyadong partido nito. May "Kaliwang" oportunistang layunin na pabilisin ang tagumpay ng armadong rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng importasyon ng mabibigat na sandatang militar. Pero sa katunayan, Kanan ang nilalaman nito dahil nangahulugan ito ng paglihis mula sa anti-rebisyunistang linya ng Partido. Kasing-aga pa ng 1984, nagpapadala na ng mga kuryer ang "pangkalahatang kumand" ng BHB para umugnay sa mga partidong pro-Sobyet sa labas ng bayan at manghingi ng ayudang militar at pinansyal nang walang lubos na pagpapabatid sa Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral.

Noong 1985, may nagpanukala sa ika-9 na Plenum ng Komite Sentral na ituring na sosyalistang bayan ang Unyong Sobyet. Pero nagpasya ang Komite Sentral na higit pang pag-aralan ang panukala. Gayunman, may inilabas nang papel ang Kagawaran sa Ugnayang Internasyunal at isa pang pag-aaral na kinumisyon ng sentral na pamunuan na naglalarawan sa Unyong Sobyet bilang sosyalista at hindi sosyal-imperyalistang bayan at sa partidong Sobyet bilang Marxista-Leninista at hindi na rebisyunistang partido. Pinapurihan ang naghaharing pangkating Brezhnev bilang kampyon ng proletaryong internasyunalismo. Pinuri ito sa pagkamit ng pagkakapatas na militar sa US at sa pagbibigay ng tulong sa mga kilusan sa pambansang pagpapalaya at mga bayan sa ikatlong daigdig.

Ang mga "Kaliwang" oportunista sa sentral at pangrehiyong antas ng Partido na nagtulak ng linya na nagkukumbina ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar, ay bumase sa mga eryang urban sa kabila ng pag-unlad ng mga konsolidado at matatag na baseng erya at ng kanilang proklamadong pagnanais na magtayo ng mga kumpanya at batalyon. Ang pagbabaseng lunsod ay isang malinaw na manipestasyon ng mas malaking pagpapahalagang ibinibigay sa insureksyunismong lunsod; ito ang pinakamalinaw na punto ng pagsisimula sa paglabag sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan. Kung mas interesado ang mga "Kaliwang" oportunista sa pagbubuo ng mas malalaking pormasyong militar, kahit wala sa panahon, kaysa sa pangangarap ng armadong insureksyong urban, pumwesto sana sila sa kanayunan sa halip na sa mga syudad.

Habang dumaranas ng malalaking pag-urong noong 1984-1986 ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Mindanao, patuloy na umabante sa armadong rebolusyonaryong pakikibaka ang mga nasa Luson (lalo na Hilagang Luson) at mga rehiyon sa Kabisayaan hanggang 1987 at tinumbasan nila sa kalakhan ang malalaking kabiguan sa Mindanao. Gayunman, bumaba ang kabuuang tantos ng paglaki ng buong kilusan mula 1984-87. Bunga ng pambansang pagpapalaganap ng "Kaliwang" oportunistang linya na nagkukumbina ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar, nagrehistro ng negatibong paglaki ang mga rebolusyonaryong pwersa mula 1987-90. Kumpara sa 1986, bumaba ang kasapian ng Partido ng 15%, ang bilang ng mga baryong saklaw ng lokal na mga organo ng kapangyarihang pampulitika, ng 16%, at pinakamasahol sa lahat, ang kasapian ng mga organisasyong masa sa kanayunan, ng 60%, resulta kapwa ng mga kamalian at aksyon ng kaaway. Patuloy na lumaki ang lakas-riple ng BHB pero bumaba ang tantos ng paglaki sa antas ng 1976-78. Nangawala ang mga kadre sa antas probinsya, larangan at distrito. Nawala rin ang malaking porsyento ng mga konsolidadong baryo.

Mula 1986 pasulong, sunud-sunod na naitulak ang mga inter-rehiyon at pangrehiyong komite ng Partido na magbuo ng absolutong nakakonsentrang mga kumpanya at magpatupad ng anumang insureksyunista at putsistang plano. Pero sa kalaunan ay inireklamo ng karamihan sa mga inter-rehiyon na komisyon at pangrehiyong komite ng Partido ang di-makatwirang mga target na hinihingi sa kanila ng mga oportunista kaugnay ng pagbubuo ng mga kumpanya ng BHB at paglulunsad ng mga opensiba. Ang ilan sa kanila ay napwersa ng kalagayan na gumawa ng mga pag-aangkop sa mga taong 1988-91. Nito lamang 1987, inindorso ng Kawanihang Pampulitika ang mabilis na pagpaparami ng mga absolutong nakakonsentrang kumpanya at tiningnan ang mga pag-aalsang magsasaka sa loob ng dalawang taon bilang paraan sa pagsusulong ng kilusang magsasaka. Gayunman, noong 1988, napansin ng sentral na pamunuan ang pagkitid ng baseng masa at tumalima ito sa mga kahilingan ng ilang rehiyon na pahintulutan silang mag-redeploy ng mga mandirigma at magbigay-pansin sa gawaing masa. Sa gayon, nagkaroon ito ng matibay na batayan upang panimulang punahin ang mga disbalanse sa gawaing rebolusyonaryo at manawagan ng masikhay na gawaing masa at solidong pag-organisang masa.

Pinuna ng anibersaryong pahayag ng Partido noong 1988, na maigsing naglagom sa 20-taong kasaysayan ng Partido, ang mga disbalanse sa gawaing rebolusyonaryo. Noong 1989, nagdaos ng mga kumperensya sa gawaing masa sa antas rehiyon at inter-rehiyon at malaking bahagi ng mga pwersa ng BHB ang muling itinalaga sa gawaing masa, lalo na sa pagbawi at ekspansyon. Nanawagan ang anibersaryong pahayag ng Partido noong 1989 ng rektipikasyon, ng higit na pagpapalakas ng Partido at ng pagpapatindi ng rebolusyonaryong pakikibakang bayan. Katulad noong 1989, malinaw na tinukoy at pinuna ng anibersaryong pahayag ng Partido ng 1990 ang mga kamalian ng "regularisasyon" at bertikalisasyon ng mga pwersa, sa kapinsalaan ng yugtu-yugtong pagpapaunlad ng horisontal na mga pwersa, at nanawagan ng malawakan at masinsinang pakikidigmang gerilya batay sa papalapad at papalalim na baseng masa. Umigting ang tunggalian sa pagitan ng proletaryong rebolusyonaryong linya at burges na oportunistang linya sa loob ng mga sentral na organo ng Partido. Ang mga "Kaliwa" at Kanang oportunista ay nagtangka at nagtagumpay sa ilang rehiyon na barahan ang mga dokumento ng sentral na pamunuan na nagdadala ng wastong linya.

Noong 1990, pinawalambisa ng Kawanihang Pampulitika ang maling konsepto ng "estratehikong kontra-opensiba" at ipinatigil ang implementasyon nito; pero kasalungat namang inaprubahan nito ang resulta ng Pambansang Kumperensya ng Kumand Militar dala ng paggigiit ng mga "Kaliwang" oportunista. Gayunman, ang tunguhin na noong 1990 at 1991 ay ang paggapi ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa maling linya at ang walang kahihiyang pagmamaniobra ng mga "Kaliwang" oportunista. Bilang pagkilala sa mga problemang kinakaharap ng hukbong bayan, nagpanukala ang Komisyong Militar ng Komite Sentral at ang Kagawarang Pampulitika ng BHB na idaos ang Unang Pambansang Kumprensya sa Gawaing Pampulitika ng BHB ng Marso-Abril 1991, na sa saligan ay kumatig sa proletaryong rebolusyonaryong linya. Noong 1990 at 1991, napigil ang mabilis na pagkitid ng maraming larangang gerilya. Higit pang na-redeploy ang hukbong bayan sa gawaing masa. Nagkaroon ng makabuluhang pagbawi sa baseng masa.

Noong kalagitnaan ng 1991, nabigo na sa saligan ang "Kaliwang " oportunistang linya sa antas ng sentral na pamunuan, batay sa mga di-mapapasubaliang mga katotohanan sa mapaminsala nitong katangian at epekto, at resulta ng paggigiit sa proletaryong rebolusyonaryong linya. Ngunit ang pagbigo sa "Kaliwang" oportunistang linya ay nangangahulugan din ng pagbigo sa Kanang oportunistang linya noong 1990 at 1991, dahil ang pinakamasugid at pinakamalisyosong mga elemento ay nagtulak ng Kanang oportunistang linya ng kolaborasyon ng uri, repormismo at kapitulasyunismo, para sa matigas na layuning abutin ang "Kaliwang" oportunistang target ng armadong insureksyong urban anuman o wala mang pag-unlad sa digmang bayan.

Ang pagkukwestyon at pagtanggi, sapul pa 1978, sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino na nasa palagiang krisis, ay nagluluwal hindi lamang ng "Kaliwang" oportunistang linya ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar, ngunit maging ng Kanang oportunistang linya ng "regularisasyon", "estratehikong kontra-opensiba", repormismo, kapitulasyunismo, at likidasyunismo. Ang ilan sa mga punong oportunista ay maaaring magpabaling-baling mula sa isang tipo ng oportunistang pusisyon tungo sa kabila o kaya ay gumawa ng mga iskema na metapisikal na nagkukumbina sa dalawa, na karaniwang nagtutulak ng Kanang oportunistang linya sa praktika habang kasabay na nangangarap ng isang armadong insureksyong urban sa kapinsalaan ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan.

Katulad ng mga "Kaliwang" oportunista, binigyan ng mga Kanang oportunista ng pinakamalaking importansya ang ligal na mga pakikibaka at ang pagbabaseng-lunsod. Itinuring nila ang nakabaseng-lunsod na mga ligal na pakikibaka -- hindi ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka -- bilang pangunahing anyo ng pakikibaka. Kasing-aga ng 1978-79, isang grupo ng mga Kanang oportunista sa organisasyon ng Partido sa Manila-Rizal, ang nang-udyok ng pakikitunggali sa sentral na pamunuan, nang kanilang ipagpilitan na lumahok ang Partido Komunista ng Pilipinas sa huwad na eleksyong idinaos ng rehimeng US-Marcos.

Maling binalangkas ang debate bilang usapin ng pamimili sa pagitan ng partisipasyon o boykot. Nabigo ang sentral na pamunuan na resolbahin ang debate sa antas ng prinsipyo na mas mataas sa paghahating boykot-partisipasyon na nais idikta ng ilang elemento ng komite ng Partido sa Manila-Rizal. Maaari sanang idineklara ng Partido na isang komedya ang eleksyon ng 1978 at pinahintulutan pa rin ang mga ligal na progresibong pwersa na gamitin ang eleksyon bilang isang oportunidad para ilantad at labanan ang pasistang diktadura. Pinatawan ng mga aksyong pandisiplina ang mga elemento sa organisasyon ng Partido sa Manila-Rizal na nagpalaganap ng pagkahaling sa pakikitunggali at mga ultra-demokratikong aksyon, at nagbanta ng pisikal na pananakit.

Ginulo ng mga elementong ito ang organisasyon ng Partido sa Manila-Rizal. Sa pagkakadisiplina sa magugulong elementong ito, isa na namang grupo ng mga Kanang oportunista na responsable sa kilusang masa sa urban at sa nagkakaisang prente, ang sumunggab sa pagkakataon upang itulak ang sarili nitong linyang Kanan sa pambansang kapital na rehiyon (NCR). Pinalakas nila ang kanilang pusisyon sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga burges at relihiyosong ahensya sa pagpopondo sa Kanluran, at sa pamamagitan ng paggamit ng mga pondo nito upang magtayo ng mga upisinang nakabase sa lunsod at kanilang pinalaganap ang linya na, tanging ang ligal na pakikibakang urban at ang pagtatayo ng mga institusyon at koalisyon sa urban ang makapagsusulong ng rebolusyon.

Inengganyo ng Plenum ng Komite Sentral noong 1980 ang mga tagapagtaguyod ng "Kaliwa" at Kanang oportunismo na isulong ang insureksyunismong lunsod at parlamentarismo, ayon sa pagkakasunod, sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanila na magpalaganap ng pagdududa sa estratehikong linya ng digmang bayan. Lalo pang naitulak ng pulong ng Politburo noong 1981 ang dalawang tipo ng oportunismo. Hinayaan ang mga "Kaliwang" oportunista na pagsamahin sa iisang kategorya ang mga liberal demokrata (petiburges) at mga reaksyunaryong anti-Marcos (mga pulitikong malaking kumprador-panginoong maylupa) at kapwa sila itakwil bilang mga "repormistang burges" alinsunod sa linya ng pagmonopolisa sa tagumpay ng antipasistang pakikibaka na inaasahang mangyayari. Kasabay nito, hinayaan ang mga Kanang oportunista na magpakalat ng sariling ideya ng "malapad na ligal na alyansa" na may layuning alisan ng papel ang mga rebolusyonaryong pwersa at bumuntot sa mga reaksyunaryong anti-Marcos.

Noong 1981, nagpapanukala na ang mga Kanang oportunista na palitan ang talibang proletaryong partido ng isang talibang prente na tinawag na Bagong Katipunan. Ngunit tinanggihan ng Partido ang panukalang ito na tahasang likidasyunista. Sa anu't anuman, itinuloy ng mga Kanang oportunista ang pagsasakongkreto ng kanilang konsepto ng "malapad na ligal na alyansa" na nangangahulugan ng pagtatatwa o pagkukubli sa papel ng Partido sa anti-pasistang pakikibaka, paninikluhod at pagsisipsip sa mga reaksyunaryong anti-Marcos, at pagpapalabnaw sa programang pambansa-demokratiko. Nagpakalulong sila sa mga pulong sa matataas na antas at sa mga pawalis na panawagang pampropaganda. Humatak sila ng mga kadre mula kanayunan patungong syudad at nagrekluta ng tinatawag nilang mga "pambansang demokrata" upang tumao sa kanilang mga upisina.

Napakalalim ng naging pagtagos ng Kanang oportunistang linya kung kayat nakapasok sa loob ng Partido ang mga "pambansang demokrata" (iyong tumatanggap ng pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon) mula sa hanay ng mga aktibistang masa, nang walang anumang edukasyong Marxista-Leninista, at ilan lamang sa mga nareklutang ito ang ipinadala sa kanayunan mula sa syudad. Madalang ang pagrekluta at edukasyon sa Partido sa proseso ng ligal na demokratikong pagkilos sa panahong 1983-86, na inianak ng matagal nang kuyom na pagkamuhing popular laban sa pasistang diktadura at ng sustinidong galit ng publiko sa asasinasyon ni Aquino. Sa halip, ang mga kadre ay inengganyo at hinatak mula sa kanayunan tungong kalunsuran, at mula sa gawain sa batayang antas kapwa sa kalunsuran at kanayunan tungo sa mas mataas na antas, nang walang pagpupuno sa batayang antas.

Kasunod ng pagbagsak ng diktadurang Marcos, nagkasisihan sa loob ng Partido dahil sa patakarang boykot ng sentral na pamunuan, partikular ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral, sa presidensyal na eleksyong isnap noong 1986. Nagdesisyon ang Kawanihang Pampulitika na isang taktikal na pagkakamali ang patakarang boykot at inobliga ang tagapangulo ng Partido na magbitiw. Pero patuloy na naggumiit ang mga Kanang oportunista na estratehiko ang naging pagkakamali at naganap ito dahil sa paninindigan ng Partido sa estratehikong linya ng digmang bayan at hindi dahil sa "Kaliwang" oportunista at sektaryang ilusyon na makapagtatagumpay ang Partido sa pamamagitan ng boykot. Kakutsaba ang mga petiburges na grupong anti-partido at nagpoposturang progresibo, iginiit nilang dapat bawasan ng diin o itigil ng Partido ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka, at magdiin sa mga ligal na anyo ng pakikibaka sa loob ng bagong sitwasyon upang mas mahusay na makapusisyon para sa mas maagang pagtatamo ng kapangyarihan sa pamamagitan ng eleksyon o insureksyon.

Ganito rin ang ipinusisyon ng mga "Kaliwang" oportunista na nakagawa ng mabibigat na kamaliang nagbunga ng kapinsalaan sa Mindanao noong 1984-86. Ang kamaliang boykot ay kanilang itinanghal bilang pinakamalaking pagkakamali sa buong kasaysayan ng Partido para matakpan ang malayong mas malalaki nilang pagkakamali at krimen sa Mindanao. Umabot pa sila sa pagsasabing, naagaw sana ng Partido o nakakuha ng mayor na bahagi ng kapangyarihang pampulitika kung naging handa ito sa pag-aalsang Edsa at hindi ito nahaling sa estratehikong linya ng digmang bayan. Kalaunan, mula 1986 pasulong, ginamit nilang argumento ang pag-aalsang Edsa kapwa para sa parlamentarismo at insureksyunismong lunsod at bilang posibleng modelo sa pagsasakatuparan ng rebolusyong panlipunan.

Hindi nila maunawaan na ang pag-aalsang Edsa ay isa lamang pag-aalsang anti-awtoritaryan at hindi isang rebolusyong panlipunan. Isa itong pangyayayri na ang itinakbo at kinahinatnan ay pangunahing itinakda ng U.S. at ng mga reakyunaryong pwersa, kahit pa isinusuka na ng mga pwersa ng Kaliwa at ng ispontanyong masa ang tirano at lumahok sila sa pagpapabagsak sa kanya. Inilabas ng mga proletaryong rebolusyonaryo ang Krisis at Rebolusyong Pilipino at ang Nagpapatuloy na Rebolusyon sa Pilipinas, para ilantad ang kontrarebolusyonaryong katangian at mga kahinaan ng naghaharing pangkating US-Aquino at para linawin ang linya ng rebolusyonaryong pakikibaka sa gitna ng kalituhang pinapaypayan ng mga "Kaliwa't" Kanang oportunista. Inilabas din ang kurso kay Lenin para masangga ang mga oportunista at ikinumbina ito sa pag-aaral ng digmang bayan sa Tsina. Pero manaka-naka itong isinagawa at hindi nasundan ng mas komprehensibo at puspusang kampanya sa Marxista-Leninistang edukasyon.

Mula 1986 pasulong, ang mga Kanang oportunista na nagtataguyod ng lantay na parlamentarismo, gayundin ang mga nagkukumbina ng parlamentarismo at insureksyunismong lunsod, ay nakipagkutsaba sa mga tagapaglako ng anti-komunistang tunguhing petiburges sa labas ng Partido tulad ng mga Christian democrats, populistang burges, maka-imperyalistang liberal, lumang-tipong rebisyunista, at petiburges na sosyalistang Trotskyista, sa panlalait at pag-atake sa estratehiya ng digmang bayan ng Partido. Pagdating ng 1988, nagsimula nang lantarang bumaling sa rebisyunismong Gorbachov ang mga Kanang oportunista, at nagsimulang mag-ingay tungkol sa "pagliit ng halaga ng tunggalian ng mga uri" at pangangailangan na ibasura ang pamumuno ng uring manggagawa at ang mga rebolusyonaryong prinsipyo ng Marxismo-Leninismo upang maging "bukas" at "demokratiko".

Noong 1986 pasulong, malinaw na napatunayan ang hangganan ng mga usapang pangkapayapaan sa kaaway, ng elektoral na pulitika, ng parlamentaryong pakikibaka at ng mga NGO na pinopondohan ng mga dayuhan, nang ang mga petiburges na grupong nagpuposturang progresibo ay nanatiling walang-bisa at pipitsugin at nauwi sa pagiging mga buntot na lamang ng mga pulitikong malaking kumprador-panginoong maylupa. Pero naging mas agresibo sa taun-taon ang mga Kanang oportunista sa pagtutulak ng kanilang linyang repormista, pasipista at kapitulasyunista, at sa pagtatangkang isabotahe ang ligal na demokratikong kilusan kasama ng mga tagapaglako ng insureksyunismong lunsod, na kasabwat nila sa paghahatak ng tauhan at rekurso mula sa solidong pag-organisa sa hanay ng batayang masa at mula sa Marxista-Leninistang edukasyon.

Rumurok ang ligal na kilusang demokratiko noong 1986 at nagsimulang bumagal noong 1987, lalo na sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, maralitang lunsod, kababaihan at mga guro. Nagpakabihasa ang mga Kanang oportunista sa paglilihis ng mga tauhan at rekurso tungo sa pagtatayo ng mga institusyon na pinopondohan ng dayuhan at sa pagtatayo ng mga koalisyon mula sa pare-parehong kalipunan ng mga ligal na organisasyon at pag-akay sa kanila tungo sa parlamentarismo at repormismo. Ang mga pinakamahuhusay na kabataan ay inimpluwensyahan din nilang lumayo sa kilusang masa. Kasabay nito, iniwanan ng mga "Kaliwang" oportunista sa mga eryang urban ang solidong pag-oorganisa at nagkonsentra sa pagbubuo ng mga maliliit na grupo ng mga partisanong lunsod na kanilang dinirihe sa walang-pinipiling pamamaslang na nag-udyok sa kaaway na patayin ang mga aktibistang masa at supilin ang pinakamilitanteng mga organisasyong masa, laluna sa mga komunidad ng maralitang tagalunsod noong 1987 at 1988.

Gayunman, mula 1988 pasulong, dahil sa lalo pang pagkabigo at pagkabangkarote ng "Kaliwang" oportunistang linya na nagkukumbina ng insureksyunismong lunsod at adbenturismong militar, isang bloke ng mga konspiratoryal, paksyunalista at isplitistang Kanan at "Kaliwang" oportunista, ang mas agresibong naglako ng rebisyunistang linya ni Gorbachov sa ilang sentral na organong istap, mga rehiyon at grupo ng Partido sa ilang institusyon.

Noong 1990, tinangkang agawin ng mga Kanang oportunista ang awtoridad ng sentral na pamunuan at pinagsikapan nilang likidahin ang Partido at ang rebolusyonaryong kilusan sa isang serye ng mga maniobra. Sinubukan nilang gawing inutil ang Komiteng Tagapagpaganap ng Kawanihang Pampulitika bilang pang-araw-araw na kolektibong namumunong organo ng Partido. Tinangka nilang ipalit ang NDF sa Partido bilang sentro ng rebolusyon. Kaalinsabay, sinubukan nilang palitan ng isang programa ng burges na nasyunalismo, pluralismo at haluang-ekonomya ang programa ng NDF sa bagong demokratikong rebolusyon; at itransporma ang NDF mula sa isang nagkakaisang prente o alyansa tungo sa isang paghahalo ng mga myembrong organisasyon at indibidwal.

Inilako nila ang konsepto ng "anti-imperyalistang demokratikong prente" na ngangangahulugan ng pagsasama-sama ng Kaliwa, Panggitna at Kanan laban sa rehimeng U.S.-Aquino. Itinulak nila ang linya ng pagkambyo sa Kanan para diumano maabot ang target na insureksyong urban (planong medium-term) at itinaguyod ang linya ng kapitulasyon at pasipismo sa usapin ng kapayapaan. Pinagsikapan nilang bitagin ang mga ligal na progresibong pwersa sa kapitulasyunistang balangkas ng "multisektoral na tagapagtaguyod ng kapayapaan" at kawkus ng mamamayan, at itransporma sila sa isang "ikatlong pwersa" na namamagitan sa rebolusyonaryong kilusan at reaksyunaryong gubyerno. Tinangka nilang isantabi ang Komite Sentral bilang tagapaglathala ng Ang Bayan at ginamit ang ilang isyu para magtaguyod ng Kanan at "Kaliwang" oportunistang linya at aksyon at upang purihin si Gorbachov bilang "isang komunista na muling nagpapasigla sa sosyalismo", maging nang inilalantad na nito ang sarili bilang isang antikomunista na ganap na nagpapanumbalik sa kapitalismo.

Sa loob ng mga organo ng sentral na pamunuan, tinunggali ng mga proletaryong rebolusyonaryo ang mga ideya ng mga Kanan at "Kaliwang" oportunista na kadalasan ay nagsusuportahan. Taun-taon mula 1988, sa isang mayor na isyu o iba pa, natalo sa pangangatwiran ang mga oportunista batay sa realidad ng mapaminsalang resulta ng kanilang mga ideya. Noong 1990, sinamantala nila ang dislokasyon at mga kahirapan ng sentral na pamunuan bunga ng presyur ng kaaway at tinangkang magwala sa pangangamkam ng awtoridad at sa paglalako ng kanilang kontrarebolusyonaryong linyang maka-Kanan. Ngunit noong 1991, napaurong at natalo na sila sa saligan. Sa pagtatapos ng 1991, gumawa ng apat na mahahabang sulat sa pangkalahatang kasapian ang punong promotor ng parlamentarismo at insureksyong urban, na umaatake sa sentral na pamunuan na noon ay ligtas na sa kamay ng mga proletaryong rebolusyonaryo. Nagsagawa ang sentral na pamunuan ng isang serye ng mga pasya para igiit ang proletaryong rebolusyonaryong linya at nagpasyang maglunsad ng isang komprehensibo at obhetibong kilusang pagwawasto sa Partido.

Bilang reaksyon sa kilusang pagwawasto, tuluyang inilantad ng mga pasimuno ng mga "Kaliwa" at Kanang oportunista ang kanilang sarili bilang isang kontrarebolusyonaryong grupong Kanan, na gumagamit ng mga islogang kontra-komunista at kontra-Stalin at nagsisilbi bilang mga espesyal na ahente sa psywar at paniniktik ng rehimeng U.S.-Ramos, matapos mabigong pugutan, siraan, waratin at durugin ang Partido at ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng aktibidad na paksyunal, isplitista at mapangwasak. Kabilang sa pinakamababangis na kontrarebolusyonaryong maka-Kanan na umaatake sa kilusang pagwawasto iyong mga nakagawa hindi lamang ng mga seryosong kamaliang pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon, kundi ng seryoso ring mga pagkakasalang kriminal laban sa Partido at mamamayan. Lubusan na nilang inilantad ang kanilang sarili at target sila ngayon ng pamumuna at pagtatakwil ng buong kasapian ng Partido.

Sa kabila ng mga seryosong paglihis at pagkakamali ng mga "Kaliwa" at Kanang oportunista sa mahabang panahon na di maagap na naitutuwid at ngayon na lamang komprehensibo at puspusang iwinawasto, nananatiling di-magagapi ang lahatang-panig na lakas ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusan at sa iba't ibang aspeto ay kapantay ng antas ng 1983 o 1984. May ilampung libong kasapi ang Partido kapwa sa kalunsuran at kanayunan at malalim itong nakaugat sa hanay ng naghihirap na masang manggagawa at magsasaka. Milyun-milyon ang mamamayan sa armadong rebolusyonaryong kilusan at sa ligal na demokratikong kilusan na nasa pamumuno ng Partido. Karamihan sa mga mamamayang ito ang saklaw ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Nasa mga organisasyong masa sila ng manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, propesyunal, at iba pang mamamayan. Nasa mga sangay ng Partido sa mga pagawaan, bukirin, eskwelahan, at komunindad at sa mga grupo ng Partido sa mga institusyon at organisasyong masa.

Nasa absolutong pamumuno ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan. Ang lakas ng hukbong bayan ay binubuo ng ilang libong pultaym na Pulang mandirigma na may ripleng awtomatiko at iba pang mataas-na-kalibreng armas. Halos 100 porsyentong naagaw ang mga armas na ito mula sa kaaway sa mga taktikal na opensiba. Sinusuhayan ang mga Pulang mandirigma ng mga partaym na iskwad gerilya, milisya at yunit sa depensa. Ang Partido ang nasa ubod at namumuno sa mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa sa kanayunan. Pinamumunuan din ng Partido ang nagkakaisang prente. Saklaw nito ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika, ang Pambansa-Demokratikong Prente at mga ligal na alyansang nakabatay sa makauri at sektoral na mga interes at mayor na isyung pambansa.

Party History - Marxismo - Bottom Introduksyon
I II III IV V VI
Balik sa itaas

Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong Bilang Gabay sa Rebolusyong Pilipino NILALAMAN:

Introduksyon

I. Ang Pagsusuri sa Kasaysayan at Lipunang Pilipino

II. Ang Paghahanda sa Pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas, 1959-68

III. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1968-1979

IV. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1980-1991

V. Kilusang Pagwawasto sa Ilalim ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong: 1992 Hanggang sa Sumunod na mga Taon

VI. Ang Hinaharap ng Rebolusyong Pilipino sa Patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong


Download Pilipino | English

Basahin sa Ingles

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.