CPP Home Page   CPP Docs   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

III. ANG REBOLUSYONARYONG PAKIKIBAKA, 1968-1979

Gustong ipilit ng mga taksil na rebisyunistang Lava ang kanilang linya ng walang-katapusang pakikibakang parlamentaryo sa mga proletaryong rebolusyonaryo at mamamayan. Ang kanilang linya ay inianak ng kanilang sariling burges na suhetibista at oportunistang pananaw sa daigdig at ng linya ng mga taksil na rebisyunistang Sobyet. Naging napakatindi ng dalawang-linyang tunggalian sa pagitan ng mga proletaryong rebolusyonaryo at taksil na rebisyunistang Lava hanggang magbanta ang huli ng pisikal na pananakit sa una. Kinailangang humiwalay ang mga proletaryong rebolusyonaryo mula sa mga rebisyunistang kontrarebolusyonaryo noong Abril 1967, para maglunsad ng masiglang kampanya ng pagpuna at pagtatakwil sa mga taksil na rebisyunistang Lava at muling itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas sa teoretikal na patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong.

Mahigit isang taong pinaghandaan ang muling pagtatatag ng Partido. Kabilang sa mga preparasyon ang mga pulong konsolidasyon ng mga proletaryong rebolusyonaryo, mga konsultasyon sa mga kasapi ng Partido at aktibistang masa at ang pagbabalangkas ng mga dokumento sa muling pagtatatag: Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itayo ang Partido at ang Konstitusyon at Programa ng PKP. May labindalawang delegado lamang ang Kongreso ng Muling Pagtatatag (isa ay hindi nakadalo) na kumatawan sa ilampung kasapi at kandidatong kasapi ng Partido sa mga unyon at kilusang kabataan. Suportado sila ng ilang daang abanteng aktibistang masa at ng baseng masang urban na halos 15 libong manggagawa at kabataan. Hindi nagluwat matapos muling itatag ang Partido noong 1968, nakipag-ugnayan ang mga proletaryong rebolusyonaryo sa mabuting bahagi ng nalalabing hukbong bayan na may baseng masang rural na 80 libong magsasaka sa ikalawang distrito ng Tarlac sa Gitnang Luson.

Noong Marso 29, 1969, sa ika-27 anibersaryo ng pagkakatatag ng hukbong bayan laban sa Hapon, itinatag ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan at idineklara ang mga Alituntunin ng BHB. Kaakibat nito ang pagpuna at pagtatakwil sa gangster na pangkating Taruc-Sumulong na sumira sa pangalan ng armadong rebolusyonaryong kilusan dahil sa mga aktibidad na di-prinsipyado at kriminal. Nagsimula ang BHB nang may 9 na ripleng awtomatiko at 25 mahihinang armas. Noong Pebrero-Mayo 1969, sinanay ang mga kadre para sa pagpapalawak sa Hilagang Luson, Timog Katagalugan at Kabisayaan. Ipinadala sa probinsya ng Isabela ang unang pangkat sa pagpapalawak. Noong Mayo 1969, nagdaos ng plenum ang Komite Sentral ng PKP upang higit pang mapag-aralan ang estratehiya at taktika ng digmang bayan at ang kilusang magsasaka, at upang mapabilang sa kanyang hanay ang mga kadreng magsasaka at subok-sa-laban na mga Pulang mandirigma. Ipinasya ng plenum na magsisilbing base ng rekurso ang Tarlac at buong Gitnang Luson para sa pambansang pagpapalawak.

Kapwa sa mga eryang urban at rural, minana ng muling-tatag na Partido ang mahusay na rebolusyonaryong tradisyon ng proletaryado, at maging ang mga nakatatanda at edad-medyang mga kadre ng may-katagalan nang kilusang manggagawa at magsasaka. Kinondena ng mga organisasyong masa ng manggagawa, magsasaka at kabataan kapwa ang rebisyunistang grupong Lava at ang gangster na pangkating Sumulong, at lubusang pinuna at itinakwil ang matagal nang di-naiwawastong malulubhang kamalian ng suhetibismo at oportunismo at ang lansakang pagkabulok ng mga taksil na ito. Nagtatatalak ang mga rebisyunista at taksil na Lava na pangunahing porma ng pakikibaka ang parlamentaryong pakikibaka, pero sa aktwal, ang mga proletaryong rebolusyonaryo ang patuloy na namuno sa ligal na demokratikong kilusan. Sa katunayan, napukaw at nabigyang lakas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang ligal na pakikibaka.

Mula't sapul, ang layunin ng mga proletaryong rebolusyonaryo ay itayo ang isang pambansang organisasyon ng Partido na may katangiang kadre at masa, na malalim na nakaugat sa masang anakpawis at nagbubuo ng isang hukbong bayan na naglulunsad ng matagalang digmang bayan at nagrerekluta ng karamihan ng kanyang mandirigma mula sa magsasaka. Nakita ng mga proletaryong rebolusyonaryo na mamemeligro ang hukbong bayan kung mananatili lamang ito sa isang maliit na bahagi o maski sa isang mas malaking bahagi ng kapatagan ng Gitnang Luson. Naunawaan nila ang pangangailangang paunlarin ang mga sonang gerilya sa iba't ibang estratehikong lugar sa kanayunan at kapuluan ng Pilipinas sa pinakamaagang panahon. Sa gayon, sa simula pa lamang ay binigyan na ang mga kagawad ng Komite Sentral ng Partido ng mga partikular na rehiyon na dapat tutukan at ang mga kadre para sa pambansang pagpapalawak ay binigyan ng pagsasanay pulitiko-militar.

Habang matama nitong muling inilulunsad ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, patuloy na pinamunuan ng Partido ang ligal na demokratikong kilusang masa sa mga eryang urban. Nagsulputan ang iba't ibang klase ng ligal na organisasyong masa sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, aktibistang pangkultura, guro at iba pang propesyunal. Noong abril 1969, pinamunuan ng Partido ang isang ligal na demonstrasyong masa sa Manila na bumibilang ng 15,000 at isa pang bumibilang ng 50,000 sa Tarlac. Noong unang kwarto ng 1970, nakapagdaos ito ng lingguhang mga nagtatagpong martsa at demonstrasyon laban sa rehimeng US-Marcos kaugnay ng isang komprehensibong hanay ng mga isyung lokal at internasyunal, kabilang ang digmang agresyon ng US sa Vietnam. Bumilang mula 50 libo hanggang 100 libo ang mga kabataan at manggagawang lumahok sa bawat aksyong masa. Ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 ay nagpalakas sa lahat ng makabayan at progresibong mga organisasyong masa, lalo na ng Kabataang Makabayan, sa pambansang saklaw. Binigyang direksyon ng napapanahong mga pahayag ng Partido, na kalauna'y tinipon sa librong Ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970, ang militanteng kilusang masa sa kalunsuran.

Sa buong kapuluan, nagsilbing makinarya sa pagpupunla ng pambansa-demokratikong rebolusyon ang nakabaseng-lunsod na Kabataang Makabayan. Naging pinakamahalagang balon ito ng mga kadre na kagyat na itinatalaga sa gawaing masa. Pinabilis ng Partido ang gawaing masa nito sa urban. Hinikayat nito ang pagbubuo ng mga bagong progresibong unyon at mga pederasyon ng mga unyon gaya ng KASAMA at PAKMAP at ang transpormasyon ng mga reaksyunaryong unyon sa mga progresibong unyon. Nagtayo ito ng mga organisasyong masa sa hanay ng mga maralitang taga-lunsod at mangingisda. Pinalaki nito ang mga balangay ng KM sa mga komunidad ng maralitang taga-lunsod gayundin sa mga kolehiyo at hayskul. Nagbuo ito ng iba't ibang tipo ng organisasyon sa hanay ng mga guro, malikhaing manunulat, artista, syentista at teknolohista, manggagawang pangkalusugan, abogado at iba pang propesyunal.

Kasabay ng militanteng mga aksyong masa sa Manila at ilampung iba pang syudad, pinatindi ng BHB ang armadong mga taktikal na opensiba sa ikalawang distrito ng Tarlac. Nagngitngit sa galit ang kaaway na nagpasagsag sa mga operasyong "hanapin-at-durugin" nang may lakas dibisyon at may malapad na lambat ng mga yunit na paramilitar laban sa di-aabot sa 200 mandirigma ng BHB. Pagdating ng Disyembre 1970, idineklara ng kaaway na ubos na ang BHB. Totoong nasa lubhang mahigpit na sitwasyon ang BHB sa Gitnang Luson dala ng matinding konsentrasyon ng lakas militar ng kaaway. Pero lingid sa kaalaman ng kaaway, ang gawaing pagpapalawak sa Cagayan Valley ay nagbunga na ng di hamak na mas malapad na baseng masa sa Isabela na abot hanggang Nueva Vizcaya at Quirino. Gayundin, nagsimula na ang gawaing rebolusyonaryo sa Kordilyera.

Sa gitna ng maigting na rebolusyonaryong pakikibaka, nakapagdaos ang Partido ng mga kurso sa pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at sa batayang mga dokumento ng Partido. Sa kalaunan ay nakapagparami ito ng pitong bolyum ng sariling mga seleksyon mula sa mga akda ni Mao Zedong, gayundin ng mga akda nina Marx, Engels, Lenin at Stalin. Nailabas nito ang Ang Bayan na naglathala ng mga ulat at pagsusuri hinggil sa nagaganap na rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas at sa labas ng bayan at gumawa ng mga kritika ng naghaharing sistema at imperyalismong US.

Pagkatapos ng muling pagtatatag ng Partido, ang pinakamaaga at pinakasuportadong akdang lumitaw mula sa rebolusyonaryong pakikibaka ay ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino (sa anyong mimyograp noong 1969). Sa tanglaw ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at gamit ang Marxista-Leninistang paninindigan, pananaw at pamamaraan, binaybay ng libro ang mga batayang hibla ng kasaysayan ng Pilipinas, tinukoy ang mga saligang problema ng mamamayang Pilipino at nilinaw ang makauring estratehiya at taktika ng bagong demokratikong rebolusyon.

Ang pang-ideolohiyang pakikibaka sa modernong rebisyunismo ay sinustini laban sa mga rebisyunistang taksil na Lava, sa Amerikanong rebisyunistang taksil na si William Pomeroy at laban sa kanilang mga rebisyunistang among taksil na Sobyet, sina Khrushchov at Brezhnev. Sa ngayon, isang mayor na bahagi ng kabang-yaman ng proletaryong rebolusyonaryong pakikibaka, ang malaki-laking koleksyon ng mga anti-rebisyunistang artikulo ng PKP.

Batay sa mga desisyon ng pulong ng Kawanihang Pampulitika sa kagubatan ng Isabela noong agosto 1970, binuo ang Gabay sa Organisasyon at Balangkas ng mga Ulat upang ipaliwanag ang mga prinsipyo at pamamaraan sa pagsasagawa ng panlipunang pagsisiyasat, pagbubuo ng Partido, hukbong bayan, mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ang paggawa ng mga ulat sa sitwasyon at mga aktibidad. Masiglang pinagsikapan ng Kagawaran sa Organisasyon ng Partido na magrekluta ng mga kasapi ng Partido mula sa hanay ng mga aktibistang masa na iniluwal ng Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 at mga sumunod na aksyong masa at manghikayat ng mga bagong rekrut sa Partido at mga aktibistang masa na tumungo sa kanayunan. Sa kalunsuran, ang pagrerekluta sa Partido at edukasyon sa hanay ng kabataan ay pangunahing idinaan sa mga paaralan sa pambansang demokrasya na idinaos ng mga pangkat sa organisasyon-edukasyon ng Kabataang Makabayan at iba pang mga organisasyon.

Noong Abril 1971, nagdaos ng Plenum ang Komite Sentral sa kagubatan ng Isabela. Ibinunga nito ang Mga Alituntunin sa Pagtatayo ng Gubyernong Bayan at ang Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa; at ang gawain sa pambansang pagpapalawak ng Partido at hukbong bayan ay higit pang napaunlad. Tumaas ang kasapian ng Partido sa mahigit 1,000 kasapi. Umabot sa 300,000 ang baseng masa sa Cagayan Valley. Sinimulan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa distrito ng Partido sa Camarines Sur. Pagdating ng 1972, ang mga kadre sa pagpapalawak ay nagtatayo na ng mga organisasyon ng Partido at sonang gerilya sa walong rehiyon ng bansa: Hilagang Luson, Gitnang Luson, Timog Katagalugan, Bicol, Silangang Kabisayaan, Gitnang Kabisayaan, Kanlurang Kabisayaan at Mindanao. Sinuportahan ng gawain sa nagkakaisang prente sa iba't ibang antas ang paglitaw at pag-unlad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Kasunod ng suspensyon ng writ ng habeas corpus noong 1971, ipinataw ng rehimeng US-Marcos ang batas militar sa Pilipinas noong 1972 at sinupil ang lahat ng mga hayag na progresibong organisasyong masa. Ipokritong inanunsyo ni Marcos na nais niyang "iligtas ang republika" at itayo ang isang "bagong lipunan" sa harap ng malubhang krisis ng naghaharing sistema at ng bagong-usbong na armadong rebolusyonaryong kilusan. Gayunman, sa panahong ito, 2,000 pa lamang ang kasapian ng Partido, 300 pa lamang ang mga pultaym na mandirigmang may ripleng awtomatiko, may ilang daang milisya, ilang libong partaym na gerilya at lokal na milisya at kulang sa 400 libong baseng masa sa kanayunan sa ilalim ng lokal na mga organo ng kapangyarihang pampulitika at may 50,000 baseng masa sa kalunsuran.

Sa pagbabawal sa mga progresibong organisasyong masa at pagtugis sa kanilang mga lider, nagpasya ang Partido na ipadala sa kanayunan ang mga kasapi ng Partido at aktibistang masa na pwersadong kumilos nang lihim. Gayunman, limitado ang kapasidad ng mga organisasyon ng Partido sa kanayunan at ng hukbong bayan na saluhin sila. Sa gayon, naengganyo ang malaki-laking bilang na higit pang paunlarin ang kilusang lihim sa urban o pasimulan ang gawaing lihim sa kani-kanilang mga probinsya, may pwersa man doon ang rebolusyon o wala. Noong 1973, pinagtibay ng Komisyon sa Paghahanda ng Pambansa-Demokratikong Prente (PDP) ang 10-puntong programa ng PDP at inilatag ang balangkas sa pag-iisa ng mga progresibong organisasyong masang pwersadong kumilos nang lihim gayundin ng iba pang posibleng mga alyado.

Minamaliit ng mga komentaristang petiburges, na may mababaw at hindi buong kaalaman sa kasaysayan ng PKP, ang digmang bayan na inilulunsad ng muling-tatag na Partido bilang dogmatikong kopya lamang ng digmang bayan na pinamunuan ni Mao Zedong. Hindi nila maunawaan na alinsunod sa mga turo ni Mao Zedong, inilalapat ng PKP ang teorya ng Marxismo-Leninismo sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas at resulta nito ay may naiibang katangian ang kongkretong pag-unlad ng rebolusyong Pilipino. Totoong may mga saligang pagkakatulad at parehong pagkatig sa mga batayang prinsipyo. Ang kalagayang panlipunan sa Pilipinas at pre-1949 na Tsina ay magkatulad sa saligan at kung gayon, ang katugong katangian ng rebolusyon ay magkatulad rin. May magkakaparehong batayang prinsipyo tulad ng pangangailangan sa masikhay na gawaing masa at pagkakamit ng popular na suporta bilang di-mauubos at di-magagaping base ng Partido at BHB, na kailangang umabante ang hukbong bayan mula maliit tungong malaki at mula mahina tungong malakas sa loob ng matagal na panahon.

Kaalinsabay, may mga matingkad na pagkakaiba sa pagitan ng digmang bayan ng Pilipinas at ng Tsina tulad ng: kinailangang magsimula ang BHB sa mga iskwad gerilya at hindi sa malalaking pwersang tumiwalag mula sa pambansang hukbo ng alyansang PKT-KMT; na ang pangunahing anyo ng pakikibaka sa estratehikong depensiba ay pakikidigmang gerilya at hindi regular na pakikidigmang makilos; na ipinatutupad ang minimum na programa sa reporma sa lupa, na pagpapababa sa upa at pagpawi sa usura, bago sa maksimum na programa ng kumpiskasyon sa lupa; na iisa ang imperyalistang kapangyarihan na labis ang pagkakabanat sa lahat ng dako ng mundo na nagdudomina sa Pilipinas at hindi ilang imperyalistang kapangyarihan na naglalaban-laban sa loob ng bayan sa pamamagitan ng kani-kanilang mga papet gaya ng sa Tsina; na isang napakalaking bayan ang Tsina na maaaring pangyarihan ng Long March habang ang Pilipinas ay isang katamtamang-laking bayang pulu-pulo, kung saan ang suma ng mga maiikling martsa ay maaaring makatumbas ng mahahabang martsa; at syempre, iba na ngayon ang kalagayang internasyunal.

Napapanahong pinuna ng PKP kapwa ang dogmatismo at empirisismo at ang adbenturismo at konserbatismo sa rebolusyonaryong pakikibaka. Pinuna nito ang pormalistiko at ritwalistikong paggamit ng Marxismo-Leninismong terminolohiya nang hindi nagbibigay ng kongkretong mga datos na nakabatay sa panlipunang pagsisiyasat at gawaing masa. Pinuna rin nito ang mga tunguhing adbenturista at ang tendensya ng ilang kadre na tingnan ang dayuhang ayudang militar na mapagpasyang salik sa pagtatagumpay, gayundin ang tendensya sa konserbatismo sa gawaing masa at armadong pakikibaka. Patuloy nitong ipinanawagan ang isang umaasa-sa-sariling rebolusyonaryong armadong pakikibaka, na nagsasanib ng armadong pakikibaka, reporma sa lupa at pagtatayo ng baseng masa at nagkokoordina ng gawaing urban at rural sa balangkas ng bagong demokratikong rebolusyon.

Noong 1974, malinaw na ang malaking pangkalahatang tagumpay ng Partido ay ang pagbubuo ng sarili at ng BHB sa pambansang saklaw. Tumaas sa 4,000 ang kasapian ng Partido. May matatag na konsolidadong mga sonang gerilya ang Partido sa napakaraming mga estratehikong lugar na paborable sa pakikidigmang gerilya sa pambansang saklaw. May mayaman itong karanasan sa digmang bayan sa punto ng positibo at negatibong mga karanasan at kabuuang tagumpay. Ang pagkakahiwalay ng pangunahing mga yunit militar ng BHB sa Isabela dala ng matinding konsentrasyon ng kaaway at ng malalang kamalian ng pagpapanatili sa mga yunit na ito sa kagubatan matapos ang sapilitang maramihang pagpapalikas ng kaaway sa mamamayan ay labis-labis na natumbasan ng pambansang paglawak ng Partido at ng hukbong bayan.

Batay sa panlipunang pananaliksik at mayamang karanasan sa armadong rebolusyon, isinulat noong 1974 ang Mga Partikular na Katangian ng Digmang Bayan sa Pilipinas. Ito'y isang komprehensibo at puspusang paglalapat sa Pilipinas, ng teorya at estratehikong linya ng matagalang digmang bayan ni Mao Zedong. Nakapaloob dito ang ilang proposisyon na naglilinaw ng landas sa paglulunsad ng armadong rebolusyon sa Pilipinas at nagpapataas sa kumpiyansang lumaban ng mga kasapi ng Partido at Pulang mandirigma sa isang bago at mas mataas na antas. Ilan sa mahahalagang paglilinaw ay, na bukod sa paggamit sa kanayunan at sa mabundok na kalupaan bilang malawak na erya sa maniobra, ang katangiang pulu-pulo ng bayan ay maisasalin mula sa pagiging disbentahe tungong pagiging bentahe para lalong mahati-hati ang pwersa ng kaaway basta't patuloy na ipinatutupad sa pakikibaka ang wastong rebolusyonaryong linya sa uri at ang gawaing masa. Itinaas ang islogang "mga mayor na isla muna, pagkatapos ang mga menor na isla". Itinaguyod ang prinsipyo ng sentralisadong pamumunong pang-ideolohiya at pampulitika at desentralisadong operasyon.

Mula 1969 hanggang 1972, sumigla ang hayag na gawaing masa at lihim na gawaing Partido sa kilusang unyon. Sa ilalim ng batas militar, sinupil ang mga progresibong pederasyon sa paggawa at unyon. Sa gayon, ang gawain sa unyon ay isinagawa nang lihim mula 1972 pasulong. Ngunit noong 1974, nabuhay ang kilusang welga ng mga manggagawa, na pinasimulan ng welga sa La Tondena at lumaganap sa 300 pagawaan sa buong bayan. Naging malinaw na ang kilusang manggagawa ang magiging pangunahing pwersa sa napipintong mga pakikibakang masa sa kalunsuran. Nagiging palaban na rin ang mga komunidad ng maralitang taga-lunsod na hindi natakot sa madalas na mga operasyon sa pagsosona o reyd ng kaaway.

Muling pumintig ang kilusang estudyante na humihingi ng mga demokratikong karapatan at ng panunumbalik ng mga konseho at lathalaing mag-aaral na sinupil ng batas militar. Kaalinsabay, makabuluhang lumaki ang kakayahan ng mga organisasyon ng Partido sa kanayunan na saluhin ang mga tauhan ng Partido at aktibistang masang pinaghahanap. Kayat noong 1974, mas marami sa kanila ang naipadala ng Partido sa kanayunan.

Sa pagtatapos ng 1975, lumaki na sa 5,000 ang kasapian ng Partido at ang BHB ay mayroon nang 1,000 pultaym na mandirigmang may mga ripleng awtomotiko at isang libo pang may mahihinang armas. Batay sa mga talakayan at desisyon ng plenum ng Komite Sentral noong Disyembre 1975, binalangkas noong 1976 at inilathala sa unang isyu ng Rebolusyon noong kalagitnaan ng taong iyon ang Ang Mahihigpit Nating mga Tungkulin na isang komprehensibo at malalim na paglalagom at dokumento sa pagwawasto. Sinistematisa nito ang mga prinsipyo, pamamaraan, at hakbang sa pagtatayo ng mga organisasyong masa, lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika, hukbong bayan, at lokal na sangay ng Partido. Kinatas ng dokumento ang pinakamatatagumpay na karanasan ng mga rebolusyonaryong kadre, at binaka ang mga maling ideya at maling pamamaraan sa pagsusulong ng armadong rebolusyon. Nagpatuloy ang mahigpit na sitwasyon sa buong bayan.

Pagdating ng 1976, malinaw na papalapit na ang BHB sa pambansang saklaw sa antas na darami ang mga larangang gerilya na ang sentro-de-grabidad ay mga platun at makapaglulunsad ng madalas at malawak na mga operasyong opensiba na laking-platun laban sa kaaway. Dati-rati, madalang ang mga ito at nakakayanan lamang sa iilang lugar. Nagkakahugis ang matatag-na-konsolidadong mga sonang gerilya at maging ang mga matatag na baseng gerilya kaiba sa mga sonang gerilya sa mga erya ng pagpapalawak. Dati, ang mga sonang gerilya ay kulumpon lamang ng iilang baryo. Ngayon, buu-buong munisipalidad ang bumubuo sa mga sonang gerilya. Ang mga sonang gerilyang ito o ilang munisipalidad ang bumubuo sa mga larangang gerilya.

Karaniwang sumasapat ang isang iskwad ng BHB upang makontrol ang isang munisipalidad at madalas itong naghahati sa mga sandatahang yunit sa propaganda para sa gawaing masa. Posible ito dahil karaniwang may sampu hanggang dalawampu't limang pulis lamang ang rural na munisipalidad at sadyang walang kakayahang magmantini ng superyor na presensya ang regular na tropa ng kaaway (konstabularya at army) sa bawat isa sa 1,500 munisipalidad at syudad ng Pilipinas. Batay sa paglawak at konsolidasyon ng baseng masa at sa pagdami ng mga iskwad gerilya ng BHB sa mahabang panahon, naging posible ang pagbubuo ng mga platun bilang sentro-de-grabidad at bilang mga pwersang pambira sa mga larangang gerilya.

Sapul sa pagsisimula ng armadong pakikibaka, ang pagtatayo ng mga bagong sonang gerilya o gawaing ekspansyon ang pinakamapanghamon at pinakamapanganib na gawain. Pinakamahusay lamang itong nagagawa kapag may konsolidadong sonang gerilyang mapagmumulan ng pagpapalawak, o sa isang ganap na bagong lugar, kapag walang di-napapanahong pagpapakita ng armas sa paggagawaing masa. Ang mga kamalian sa pagdadala o pagpapakita ng armas nang walang paunang gawaing masa ay pinagbayaran ng dugo ng mga kasama, tulad ng sa Zambales noong 1969-71, Negros noong 1969, Antique noong 1972 at Mindanao noong 1972, na ilan lamang sa mga pangyayari.

Mula 1970 pasulong, may mga kaso ng malulubhang kamalian na kinabibilangan ng wala sa panahong pagbubuo ng mga kumpanya na nasa absolutong konsentrasyon, ng pananaw lantay militar at kaisipang "kuta sa bundok". Ang kauna-unahan, ay ang kaso ng wala sa panahong laking-kumpanyang pormasyon noong 1970, sa manipis na kakahuyan ng Tarlac-Zambales na ganap na nalipol sa isang taktikal na pagkubkob ng kaaway na nagresulta sa pagkawala ng 60 matataas na kalibreng armas sa minimum. Noong 1973, nawasak ng mga bira ng kaaway ang isang pormasyong kumpanya sa Nueva Vizcaya na di mahusay na naaarmasan. Tumungo sa probinsya ng Quirino ang nalabing platun at pinalaki ang sarili sa isang ganap na kumpanya, sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga taktikal na opensiba ngunit hindi nagkonsolida at nagpalawak sa pamamagitan ng gawaing masa. Sa kalaunan, hindi natagalan ng kumpanya ang kontra-opensiba ng labis na superyor na mga pwersa ng kaaway noong 1975. Sa probinsya ng Sorsogon noong 1974, isa pa ring ganap na kumpanya na mabilis na lumaki mula sa mga taktikal na opensiba ngunit walang solidong pag-oorganisang masa, ang hindi nakatagal sa malakas na kontra-opensiba ng kaaway.

Kabilang sa pinakamalalalang kaso ng wala sa panahong pormasyong kumpanya na nakakonsentra, ay ang kaso ng dalawang mahusay-na-naaarmasang kumpanya sa kagubatan ng Isabela mula 1972-1976. Nagpumilit na manatili sa kagubatan ang komiteng rehiyon ng Partido at ang kumand ng hukbo (lalo na iyong kagawad ng Komite Sentral), sa kabila ng sapilitang maramihang pagpapapalikas sa mamamayan. Inilagay ng dalawang kumpanya ang kanilang sarili sa isang nahihiwalay at pasibong pusisyon, nahayaan ang kaaway na gamitin ang Ilog Cagayan para putulan sila ng ugnay sa masa, sa kabila ng instruksyon sa kanila ng Komite Sentral na sundan ang halimbawa ng platun ng BHB sa Tumauini, alpasan ang linya ng pagkubkob ng kaaway, mag-redeploy sa mas maliit na yunit at lumapit sa masa sa Probinsya ng Cagayan. Sa Kumperensya ng Partido sa Hilagang Luson noong 1977, isang puspusang pagpuna sa pagkakamali ang ginawa ng Komite Sentral at ng mga kumander ng rehiyon mismo.

Hanggang 1979, ipinakita ng organisasyon ng Partido sa rehiyon at ng hukbong bayan sa Silangang Kabisayaan (ng isla ng Samar sa partikular), ang landas sa pagtatayo ng malapad at malalim na baseng masa at pagbubuo ng mga rebolusyonaryong pwersa sa ganitong batayan: Bawat sonang gerilya ay may isang iskwad ng BHB; at sa antas ng larangang gerilya, mga taktikal na opensibang laking-platun ang madalas na inilunsad. Dinisarmahan ang mga pulis munisipal at yunit paramilitar at naging madalas ang paglipol sa maliliit na ditatsment ng mga regular na tropa. Sa gayon, ang Partido at hukbong bayan sa Isla ng Samar ang naging modelo ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa buong bayan.

Sa kabuuan, naging matagumpay ang PKP sa paglulunsad ng armadong rebolusyon noong 1968-1979. Ang paglaki ng mga rebolusyonaryong pwersa ay gradwal at pirmi ngunit paragdag nang paragdag. Naging pangunahing target ng mga operasyon ng BHB ang mga pulis munisipal, yunit paramilitar sa baryo at maliliit na ditatsment ng regular na tropa ng kaaway. Kailanman ay hindi nagkaroon ng kaso na naubos ang isang buong pangrehiyong organisasyon ng Partido o hukbo. Sa liku-likong landas ng armadong rebolusyon, may ilang kaso ng malulubhang pinsala sa mga namumunong organo sa iba't ibang antas at sa mga partikular na pwersa sa lokalidad. Ngunit sa pambansang saklaw, lumakas at sumulong ang rebolusyonaryong kilusan sa taun-taon. Maging noong napakahirap na panahon ng 1972-73, nang kapapataw pa lamang ng batas militar, nakapagpreserba ng sarili ang Partido at ang iba pang mga rebolusyonaryong pwersa at lumaki sa pambansang saklaw.

Samantalang ang dekada '70 ay kinatangian ng mga rebolusyonaryong tagumpay sa taun-taon, mayroon nang ilang di-malulusog na tunguhing lumitaw sa antas ng pambansang kumand sa operasyon ng BHB. Isa rito ay ang kaisipang ikinalat ng pinuno ng pambansang kumand sa operasyon ng BHB hanggang 1976, na hindi makapagtatayo ng matatag na baseng purok sa Pilipinas bago ang ganap na pagpapalaya sa bayan, at absolutong kinakailangan ang dayuhang ayudang militar para makapagtagumpay. Sa plenum ng Komite Sentral noong 1975, nagkaroon din ng isang maka-Kanang panukala mula sa isa pang kadre, na kailangang bawiin ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong mula sa masthead (ulong bahagi ng unang pahina ng dyaryo na nagpapakilala dito) ng Ang Bayan, gayundin ang kategorikal na terminong, reaksyunaryong anti-Marcos, na dating ginagamit patungkol sa mga pulitikong malalaking kumprador-panginoong maylupa tulad ni Benigno Aquino. Mula sa kanyang dating paggigiit noong 1976 na ang maliliit na pangkat ng tatlo hanggang limang mandirigma (animo patakarang "umurong-para-magtanggol" noong 1942) ang siyang dapat maging modelo ng gawaing masa at gawaing gerilya, isa pa ring kilalang kadre ng Gitnang Luson ang bumaling noong 1977 sa "Kaliwang" oportunismong linya, na kailangang ikonsentra sa iisang kumpanya ang kakarampot na bilang ng 105 na armadong tauhan sa buong rehiyon.

Noon ding 1977, nagsimula ang pagkukwestyon sa Marxistang pagsusuri na malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino. Napahanga ang ilang kadre sa mga programa ng rehimeng US-Marcos sa pagtatayo ng mga imprastruktura na pinakinabangan ng malalaking kumprador at sa huwad na reporma sa lupa, at ipinagkamali ito bilang pagtataguyod ng urbanisasyon at industriyalisasyon. Tiningnan rin nila ang pag-eksport sa Middle East ng murang paggawang Pilipino at kabihasaan sa inhinyeriya bilang isang pag-apaw ng pag-unlad ng ekonomya ng Pilipinas. Hindi makita ng mga kasamang ito na si Marcos ay hindi nagtatayo ng mga batayang industriya at hindi nagpapatupad ng reporma sa lupa ngunit nagpapalubha sa agraryo, malapyudal at pre-industriyal na katangian ng ekonomyang Pilipino.

Ang mga teknokratang US-Marcos na may sariling teorya ng pag-unlad; ang mga taksil na rebisyunistang Lava na may teorya ng di-kapitalistang pag-unlad; ang mga tagapagtaguyod ng dependyenteng kapitalismo; at ang mga benepisyaryo ng pondo mula sa mga Trotskyistang Australyano ay pawang aktibo sa pagkakalat ng ideya, na ang Pilipinas ay ginagawang isang baseng industriyal na pag-aari ng mga dayuhan ng mga kumpanyang multinasyunal at mga bangko. Inengganyo nito ang tendensya ng ilang kadre ng Partido na isiping lipas na ang pagsusuring malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino, sa kabila ng patuloy na paglalim at paglubha ng malapyudal na katangian ng ekonomya ng Pilipinas dala ng labis na dayuhang pangungutang para sa mga layuning anti-industriyal.

Noong 1978, ang layunin ng pagkukwestyon sa wastong paglalarawan ng Partido sa katangian ng lipunang Pilipino, ay ang pagpapalutang ng ideya ng pag-igpaw mula sa maagang subyugto ng estratehikong depensiba tungo sa abanteng subyugto, at pagpapabilis sa tagumpay ng rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng pagdedeploy ng mas maraming kadre para sa pakikidigmang partisano sa lunsod at sa posibleng insureksyong urban. Ang pag-aalsa ng 1945 at ang 1968 na opensibang Tet sa Vietnam, at ang pinal na opensiba sa rebolusyong Nicaragua noong 1979 ay inilabas sa kanilang istorikong konteksto at ginamit para maliitin ang teorya at estratehikong linya ng matagalang digmang bayan. Gayong halos 1,500 pa lamang ang pultaym na Pulang mandirigma ng BHB na may mga ripleng awtomatiko, idineklara ng Komite Sentral na kailangan nang paghandaan ang pag-igpaw mula sa maaga tungo sa abanteng subyugto ng estratehikong depensiba. Sa gayon, nagtakda ito ng mga "larangan ng digma", administratibong pinagsanib ang mga larangang gerilya, at nagbuo ng mga bagong antas sa kumand (kahit hindi kinakailangan). Sinagasaan ng ganitong linya ng pag-iisip ang pangangailangan na magparami ng mga platun bilang mga sentro-de-grabidad at ang pagpaparami sa bilang ng mga larangang gerilya.

Mula 1976 hanggang 1980, mabilis ang naging paglawak ng Partido, hukbong bayan at baseng masa sa pambansang saklaw resulta ng matibay na pundasyong nailatag sa patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at ng mga depinitibong dokumento gaya ng mga dokumento sa pagtatatag ng Partido at BHB, ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino, Mga Partikular na Katangian ng Digmang Bayan sa Pilipinas at Ang Mahihigpit Nating mga Tungkulin. Kaugnay ng BHB, lumaki ang bilang ng mga Pulang mandirigma na may ripleng awtomatiko hanggang sa 2,000 o ng 100 porsyento dahil sa mga taktikal na opensibang inilunsad ng mga platun at pinalaking platun. Nakinabang sila sa papalawak at konsolidadong baseng masa na nilunsaran ng reporma sa lupa at iba pang mga kampanyang masa para sa pakinabang ng mamamayan.

Sa ibayong dagat sa panahong ito, ang mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong ay pinawawalang-saysay at binabaligtad sa Tsina. Nakaimpluwensya sa ilang kadre ng Partido sa sentral na pamunuan ang pagmamaliit kay Mao Zedong sa sarili niyang bayan. Bagamat walang kagawad ng Komite Sentral ang kailanma'y nangahas na harapang umatake sa teorya at estratehikong linya ng digmang bayan, naging uso sa ilang kagawad ng Komite Sentral at ilang sentral na organong istap na magpanukala ng "pagpapaunlad" sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan sa pamamagitan ng pagpapanukala ng linya ng insureksyunismong lusod at ng wala sa panahong pagbubuo ng absolutong nakakonsentrang mga kumpanya ng BHB.

Kaalinsabay, sinulsulan ng Central Intelligence Agency ng US ang mga ahente nitong Pilipino sa Katipunan ng Demokratikong Pilipino sa US, upang ipakalat sa Pilipinas ang propaganda na ang pagbitiw sa teorya at estratehikong linya ng matagalang digmang bayan ni Mao ang landas tungong tagumpay sa Pilipinas. Upang maikubli ang kanilang koneksyon sa imperyalistang US, nagpanukala silang gawing mapagpasyang salik sa tagumpay ng rebolusyong Pilipino ang ayudang militar at pinansyal ng Unyong Sobyet.

Party History - Marxismo - Bottom Introduksyon
I II III IV V VI
Balik sa itaas

Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong Bilang Gabay sa Rebolusyong Pilipino NILALAMAN:

Introduksyon

I. Ang Pagsusuri sa Kasaysayan at Lipunang Pilipino

II. Ang Paghahanda sa Pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas, 1959-68

III. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1968-1979

IV. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1980-1991

V. Kilusang Pagwawasto sa Ilalim ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong: 1992 Hanggang sa Sumunod na mga Taon

VI. Ang Hinaharap ng Rebolusyong Pilipino sa Patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong


Download Pilipino | English

Basahin sa Ingles

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.