CPP Home Page   CPP Docs   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

VI. ANG HINAHARAP NG REBOLUSYONG PILIPINO SA PATNUBAY NG MARXISMO-LENINISMO-KAISIPANG MAO ZEDONG

Hangga't nananatiling malakolonyal at malapyudal ang naghaharing sistema sa Pilipinas, may mahigpit na pangangailangan para sa bagong demokratikong rebolusyon at mayroong matabang lupa para sa paglakas at pagsulong ng armadong rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan. Dahil sa palagiang krisis ng sistema, posible at kailangan ang matagalang digmang bayan. At patuloy na lumulubha ang krisis na ito.

Nananatili ang mga pundamental na problemang nagluwal sa pasistang diktadurang Marcos. Ang paglipat ng paghaharing Marcos kay Aquino at pagkatapos kay Ramos, ay may kakabit na paglala at paglalim ng krisis mula sa isang antas tungo sa panibagong antas. Nakakubabaw pa sa mamamayan ang dayuhang monopolyo kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo at lalong titindi ang pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayan.

Inudyukan ng mga imperyalistang US si Marcos na pakawalan ang lantarang teroristang paghahari para puksain ang muling sinimulang armadong rebolusyon at para malayang makapagpataw ng neokolonyal na mga patakarang pang-ekonomya sa mamamayan. Nagbunga ito ng pambansang paglawak ng armadong rebolusyonaryong kilusan at ng paglala ng agraryong pagkaatrasado ng Pilipinas at ng walang sawang pagkagumon sa mga dayuhang utang para sa mga layuning anti-industriyal.

Para maunahan ang papatinding galit ng mamamayan at ang pagdaluyong ng armadong rebolusyonaryong kilusan, kinailangan ng mga imperyalistang US na mang-udyok ng malalaking pagkakahati ng mga reaksyunaryong armadong pwersa para maibagsak ang kanyang papet. Sa ilalim ng rehimeng Aquino, naganap ang higit pang pagkakahati sa loob ng reaksyunaryong armadong pwersa at lalong dumausdos ang ekonomya pagkatapos ng maigsing inaakalang pagbangon. Sa ilalim ng rehimeng Ramos, naluklok ang bagong pinuno ng mga reaksyunaryo batay sa 23.5 porsyento lamang ng mga boto at desperadong nagkukumahog para matugunan ang kasakiman ng kanyang mga imperyalistang amo at sariling pangkatin at para payapain ang mga karibal niya sa pulitika sa loob ng mapagsamantalang sistema. Walang ibang paraang alam ang rehimen para imantini ang kanyang paghahari kundi ang mamalimos ng dayuhang pamumuhunan at pautang at patindihin ang total war na nagkukumbina ng sukdulang brutalidad at gerang sikolohikal.

Siguradong patitindihin ng internal na mga batas ng paggalaw ng naghaharing sistema ang palagiang krisis na sosyo-ekonomiko at pulitikal. Nangangahulugan ito ng walang habas na pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayan ng mga mapagsamantalang uring malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa, ng walang katapusang kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryong paksyon at ng di-mapipigilang paglaban ng mamamayan. Ang ultimong pagbagsak ng naghaharing sistema ay tinitiyak ng pagpupunyagi ng mamamayan sa kanilang armadong rebolusyonaryong kilusan.

Tuliro ang kasalukuyang rehimen kung paano pa makakakuha mula sa loob at labas ng bayan ng rekurso para imantini ang sarili. Piniga na nang husto ang dugo't pawis ng mamamayan para sa pakinabang ng mga imperyalista at lokal na reaksyunaryong uri. Kahangalan na para sa mga imperyalista na patuloy pang magpautang na tiyak namang hindi mababayaran. Hanggang ngayon, panibagong utang pa rin ang inaasahan para punuan ang patuloy na depisit at papalaking serbisyo sa utang.

Matapos mamayagpag tungkol sa pananagumpay ng neokolonyalismo at sa tagumpay ng kapitalismo sa rebisyunistang burukratang kapitalismo, ang mismong tatlong sentro ng sistemang kapitalista sa daigdig (US, Japan, Kanlurang Europa) ay malinaw na binabayo ng krisis ng labis na produksyon. Ang walang kaparis na pag-unlad ng mataas ng teknolohiya at pang-aabuso sa kapital sa pinansya kaugnay ng ispekulasyon ng mga korporasyon at ng neokolonyalismo pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay lalong nagpalalim at nagpalala sa pangkalahatang krisis ng kapitalismo, kabilang ang pang-ekonomya at pampinansyang pagkawasak ng ikatlong daigdig at mga bayan sa dating blokeng Sobyet. Kumitid ang larangan para sa pagmamaksimisa ng tubo bunga ng pagkawasak ng mga bayang baon sa kumunoy ng dayuhang utang. Isang tampok na halimbawa ang Pilipinas ng naghihingalong kliyente sa pangungutang.

Patuloy na itinutulak ng mga batas ng kapitalismo ang nagwawaging mga monopolyo sa mga kapitalistang industriya na gumamit ng mataas na teknolohiya na nagpapalaki sa kabuuang tantos ng produktibidad pero pumapatay sa mga trabaho kapwa ng mga manggagawa at empleyado at nagpapababa sa tubo at tantos ng produktibidad ng kanilang pambansang ekonomya. Ang pang-abuso sa kapital sa pinansya mula pa noong dekada '60 ay nagluwal ng mga supermonopolyo at nanalanta sa mga neokolonya. Ngayon, nangangapa sa dilim ang monopolyo kapitalismo kung papaano ididispatsa ang mga sarplas na produkto at serbisyong napapalitaw nito sa gitna ng tigang na disyerto ng neokolonyalismo, bangkaroteng burukrata kapitalismo at kasalukuyang malakihang disempleyo maging sa mga sentro ng pandaigdigang sistemang kapitalista.

Abala ngayon ang lahat ng mayor na kapitalistang bayang industriyal sa muling pagkokonsolida ng kanilang mga pusisyong pambansa at rehiyunal at sa muling paghahati ng pamilihang pandaigdig, mga pinagkukunan ng hilaw na materyal at mga larangan ng pamumuhunan. Ang tunguhin sa hanay ng mga supermonopolyo ay magtimpi sa produktibong pamumuhunan, pati ng pautang na kapital para sa mga layuning diproduktibo sa mga bayang tulad ng Pilipinas. Batay sa ganitong mga sirkunstansya, panaginip lamang ang pangako ng rehimeng Ramos na gawing bagong nag-iindustriyalisang bayan ang Pilipinas. Nararamdaman ngayon maging ng mga "tigre" ng Silangang Asya, kabilang ang mga baybaying probinsya ng Tsina, ang masasamang epekto ng pagkitid ng pamilihan ng Amerika para sa mga konsumo at ng nakaambang paglipat sa Mexico ng mababang-halagang-dagdag na pagmanupaktura-para-sa-reeksport sa ilalim ng North American Free Trade Agreement (NAFTA).

Makikita ang grabidad ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista hindi lamang sa mga kundisyon ng depresyon ng ekonomya sa mga kapitalistang bayang industriyal at sa nauna pang matagalang pananalantang pang-ekonomya at pampinansya ng neokolonyalismo sa ikatlong daigdig at sa dating mga bayan ng blokeng-Sobyet kundi maging sa mga papatindi at malawakang pagragasa ng nasyunalismo, pasismo, rasismo, etnosentrismo, pundamentalismong relihiyoso at iba pang nagdudumilat na sakit ng krisis pampulitikang kakabit ng pandaigdig na krisis pang-ekonomya.

Ang palalang krisis ng sistemang kapitalista sa daigdig at lokal na naghaharing sistema ay nagtatagpo, nag-iimpluwensyahan at nagsusuhayan sa paglikha ng krisis na walang katulad sa Pilipinas at tumitiyak ng paborableng mga kondisyon para sa matagalang digmang bayan. May tunguhin ngayon ang pandaigdigang krisis ng kapitalismo na magkasabay na hilahin ang atensyon ng mga pwersang imperyalista sa napakaraming "sentro ng kaguluhan" (ang dating Yugoslavia, Gitnang Asya, Somalia, Angola, Haiti, Kampuchea, at iba pa) na kagagawan rin nila, habang nais nilang magtuon sa at tapusin ang natitirang mga anti-imperyalistang estado tulad ng Demokratikong Republikang Bayan ng Korea at Cuba at ang mga armadong rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng mga partidong Marxista-Leninista.

May 25 taon nang tuwiran at di-tuwirang nagbubuhos ng rekurso ang Amerika, Hapon at Kanlurang Europa sa armadong kontrarebolusyon sa Pilipinas. Pero wala itong saysay. Nananatiling buhay at umuunlad ang armadong rebolusyon. Lalong lumalaki ang hangarin ng mga kapangyarihang imperyalista na puksain ang armadong rebolusyong Pilipino pero may hangganan din ang kanilang kapabilidad na gawin ito.

Natatanaw na ng Partido Komunista ng Pilipinas ang muling pagdaluyong ng mga kilusang anti-imperyalista at sosyalista bilang resulta ng walang kaparis na krisis ng sistemang kapitalista sa daigdig. Internasyunalistang tungkulin ng PKP na itaas ang sulo ng armadong rebolusyon at ilunsad ang matagalang digmang bayan nang umaasa-sa-sarili para makatulong sa paglikha ng gayong pagdaluyong sa antas na walang kapantay sa nakaraan. Ito ang pinakamahusay na paraan upang maipatupad ng Partido Komunista ng Pilipinas ang prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay nagtatayo ng bilateral na relasyon sa mga partido, organisasyon at kilusan sa ibayong-dagat batay sa ideolohikal-pulitikal na pag-unawa sa Marxismo-Leninismo at gayundin batay sa anti-imperyalistang pagkakaisang pampulitika. Lumalahok din ang Partido sa mga seminar at kumperensyang multilateral na maaaring maglabas ng mga kasunduan, resolusyon o deklarasyon na bunga ng konsensus at pagkakaisa.

Sa relasyong panlabas, itinataguyod ng Partido ang mga prinsipyo ng mutwal na paggalang sa kasarinlan, pagkapantay-pantay, di-panghihimasok, kooperasyon at mutwal na benepisyo. Interesado ang Partido sa internasyunal na pagpapalaganap ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong sa pamamagitan ng mga palitang ideolohikal-pulitikal. Interesado rin ito sa malawak na anti-imperyalistang pagkakaisa anuman ang paninindigang pang-ideolohiya ng mga kalahok.

Sosyalista ang perspektiba ng bagong demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Unang-una, maipagwawagi lamang ang bagong demokratikong rebolusyon dahil ang uring manggagawa ang namumunong pwersa, magsasaka ang kalakhang pwersa at dagdag na batayang pwersang rebolusyonaryo ang petiburgesyang lunsod. Ang mga rebolusyonaryong pwersa ay naglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon, puspusang nagtatrabaho, masidhing nakikibaka at nagsasakripisyo dahil nais nilang tumungo sa sosyalismo, sa halip na sa kapitalismo.

Pinapatnubayan ng teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang mamamayang Pilipino sa pakikibaka para matamo ang bagong demokratiko at sosyalistang yugto ng rebolusyong Pilipino. Dagdag pa, itinuturo ng teoryang ito ang mga saligang prinsipyo at malayong pananaw sa nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadurang proletaryo upang makonsolida ang sosyalismo, mabaka ang modernong rebisyunismo at mapigilan ang panunumbalik ng kapitalismo sa sosyalistang lipunan hanggang ang imperyalismo ay magapi sa pandaigdigang saklaw at maging posible ang komunismo.

Pinagtitibay ng pagkakawatak-watak ng mga naghaharing partidong rebisyunista at mga sistema ng lipunan na pinaghaharian ng mga rebisyunista at ng palalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, ang kabuuang saklaw ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, pati na ang matagumpay na praktika ni Mao sa bagong demokratiko at sosyalistang rebolusyon, ang kanyang kritika sa imperyalismo, modernong rebisyunismo at neokolonyalismo, at ang kanyang teorya at nagbukas ng landas na praktika sa paglalapat ng teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadurang proletaryo sa pamamagitan ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura. Kapag may komprehensibo at malalim na pag-unawa sa Kaisipang Mao Zedong, ang mga proletaryong rebolusyonaryo ng daigdig ay hindi malilito ng anumang pagdududa sa kinabukasan ng sosyalismo at komunismo at hindi sila malilinlang ng alinmang klase ng rebisyunismo.

Panahon na para agawin ng mga proletaryong rebolusyonaryong nagtataguyod sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, ang rebolusyonaryong inisyatiba. Makapagpapalakas sila at makasusulong sa matabang lupang dulot ng papalubhang krisis ng sistemang kapitalista sa daigdig at ng napatunayan nang pagkabangkarote ng modernong rebisyunismo.

Habang nagpapatuloy ang matagalang digmang bayan, ang Partido, hukbong bayan, at mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ay maaaring umiral at lumakas hanggang maagaw nila ang mga syudad sa pambansang saklaw. Sa landas tungong ganap na tagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon, ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ay makatatamo ng tiyak at mapanghahawakang mga tagumpay at makakatamasa ng mga tiyak na pakinabang. Oras na sumuko ang mga rebolusyonaryong pwersa, agad silang mauuwi sa malilit at walang kabuluhang mga entidad, sa harap ng mga imperyalista at ng mga uring mapagsamantala; maglalaho ang naitayo nang mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Ang mamamayan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas ay hindi maaaring maging mas mahina kaysa mga ninuno nilang lumaban sa mga kolonyalista nang higit sa 300 taon para maabot lamang ang lumang demokratikong rebolusyon.

Isang malaking tagumpay para sa rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas na sa loob ng mas maigsing panahon ay nakamit ang antas ng lakas at saklaw na malayong mas malaki kaysa naabot ng alinmang naunang rebolusyonaryong kilusan sa buong kasaysayan ng Pilipinas. Ang naipong lakas at karanasan ng kasalukuyang rebolusyonaryong kilusan ay nararapat lamang sumulong sa bago at mas mataas na antas.

Napakasagana at napakayaman ng naipong mga tagumpay at karanasan ng Partido sa bagong demokratikong rebolusyon. Lalo pa itong sasagana at yayaman sa bagong demokratikong rebolusyon at sa pagsisimula ng sosyalistang rebolusyon. Ang pagiging matagalan ng digmang bayan ay nagbibigay ng maraming oportunidad para sa mas malapad at mas malalim na pag-unlad ng mga rebolusyonaryong pwersa at para sa mas mainam na kalagayan sa daigdig.

Nakapagwawagi ng maniningning na tagumpay sa rebolusyon ang mamamayang Pilipino dahil sa pinamumunuan sila ng Partido Komunista ng Pilipinas sa patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Wala ng kredibilidad ang modernong rebisyunismo at gumuho na ang karamihan sa mga rebisyunistang rehimen kabilang ang Unyong Sobyet. Naglaho na ang mga rehimeng lumitaw mula sa mga kudeta noong dekada '70. Gayundin ang mga rehimeng itinatag ng insureksyong may pamumunong petiburges. Ang mga anti-kolonyal na kilusang nakasalig sa sosyal-imperyalismong Sobyet ay pumasok na sa mga kompromisong neokolonyal, na nakakapagpapaalala ng mga taong 1935 at 1946 sa Pilipinas. Sa kabilang banda, ang rebolusyong Pilipino ay nananatiling haligi ng matatag na armadong rebolusyon laban sa imperyalismo at lokal na mga reaksyunaryo.

Pero hindi dapat maging mayabang at kampante ang mga komunistang Pilipino dahil sa kanilang kasalukuyang pusisyon sa proletaryong rebolusyon sa daigdig. Wala silang mapagpipilian kundi ang mas pagbutihin ang trabaho, lumaban nang mas masidhi at maging handa sa higit pang mga sakripisyo dahil lalong nagsisikap ang mga imperyalista at mga reaksyunaryo na gapiin at wasakin ang rebolusyong Pilipino sa lahat ng buktot na paraan. Kasabay nito mayroon namang pag-asa na ang malaganap na ligalig ay magluluwal ng pagdaluyong ng kilusang anti-imperyalista at sosyalista sa pandaigdigang saklaw.

Sa pamumuno sa rebolusyong Pilipino, mulat na pinagsasanib ng Partido Komunista ng Pilipinas ang teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Kapag sinusunod nito ang proletaryong rebolusyonaryong linya, nagmamartsa ang Partido mula sa isang tagumpay tungong ibayong tagumpay. Pero saanman at kailanman nilalabag ang linyang ito, dumaranas ng mga pag-urong ang kilusang rebolusyonaryo. Bunga ng kilusang pagwawasto na isinasakatuparan ngayon, pinayayabong ng Partido ang lakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, iniigpawan ang mga paglihis, pagkakamali at kahinaan at iniaangat sa bago at mas mataas na antas ang kapasyahan at kakayahang lumaban ng lahat ng pwersang rebolusyonaryo at ng malawak na masa ng sambayanan laban sa imperyalismo at mga reaksyunaryo.

Party History - Marxismo - Bottom Introduksyon
I II III IV V VI
Balik sa itaas

Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong Bilang Gabay sa Rebolusyong Pilipino NILALAMAN:

Introduksyon

I. Ang Pagsusuri sa Kasaysayan at Lipunang Pilipino

II. Ang Paghahanda sa Pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas, 1959-68

III. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1968-1979

IV. Ang Rebolusyonaryong Pakikibaka, 1980-1991

V. Kilusang Pagwawasto sa Ilalim ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong: 1992 Hanggang sa Sumunod na mga Taon

VI. Ang Hinaharap ng Rebolusyong Pilipino sa Patnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong


Download Pilipino | English

Basahin sa Ingles

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.