CPP Home Page   Publications  References  Organizations 

Features

  Multimedia  Utilities  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

1. ISULONG ANG KILUSANG ANTI-PASISTA, ANTI-PYUDAL AT ANTI-IMPERYALISTA!

Matatag nating isulong ang kilusang anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista. Ito ang kasalukuyang mapanlabang pagpapahayag ng ating pangkalahatang linya sa demokratikong rebolusyong bayan laban sa imperyalismong EU, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Ang pasistang diktadura ni Marcos ang pangunahing pwersa ng armadong kontrarebolusyon, at buong lupit itong nagsasagawa ng gerang sibil. Kaya dapat nating ipauna ang kilusang anti-pasista. Dapat nating gawin ang lahat ng makakaya para isulong ang armadong rebolusyong demokratiko laban sa armadong kontra-rebolusyong pasista.

Sa lahat ng dako ng Pilipinas, dapat nating konsentrahan ang mga pang-aabuso ng pasistang diktadura ni Marcos. Sa buong kasaysayan ng Pilipinas bilang bayang malapyudal at malakolonyal, wala nang rehimeng mas kilala pa sa kasamaan kaysa rehimen ni Marcos dahil sa tiranya sa pulitika at krisis sa ekonomya na pinakawalan nito sa malawak na masa ng mamamayan.

Ang "bagong lipunan na iba't iba ang tawag sa sarili ("awtoritaryanismong konstitusyonal", "gubyernong pangkrisis", at kamakaila'y "bagong demokrasya") ay walang iba kundi ang lumang lipunang lalo pang malala't di mapagtiisan. Hinubad na ng reaksyonaryong estado ang lahat ng kanyang adornong burges-demokratiko, at lantaran itong kumikilos bilang mapamwersang instrumento ng kumprador-panginoong maylupa-burukratang pangkatin ni Marcos at ng imperyalismong EU.

Ang pasistang diktadura ni Marcos ang pinakamakitid at pinakamahinang target na pagkokonsentrahan ng pinakamalawak at pinakamatinding pagsalakay ng mamamayan. Ngunit para matamo ang pinakamakabuluhan, pinakamasaklaw at pinakasulong na mga resulta sa kilusang anti-pasista, dapat ay sadya at malinaw natin itong ikawing sa mga kilusang anti-pyudal at anti-imperyalista. Sa gayon lamang natin epektibong mabibira ang mismong esensya at pangunahing parte ng reaksyonaryong estado.

Kung hindi, mananawagan lamang tayo na ibalik ang pormal na mga demokratikong karapatan at ang gasgas nang mga kaparaanan ng naghaharing sistema. Tulad ng mga demokratikong burges at hindi bilang mga rebolusyonaryong proletaryo, maghahabol tayo sa mga porma at hindi natin matatamo ang nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan.

Para mapalalim ang kilusang anti-pasista, dapat nating isulong nang buong sigla ang kilusang anti-pyudal. Ganoon natin napapaunlad ang kalakhang pwersa na magbabagsak o magpapabagsak sa pasistang diktadura. Natutugunan natin ang pangunahing ipinaglalaban mismo ng demokratikong rebolusyong bayan, at nagagawa nating magkaroon ng walang maliw na interes sa armadong rebolusyon ang pinakamalaking uri, ang uring magsasaka.

Para mapataas ang antas ng kilusang anti-pasista, dapat nating isulong nang buong sigla ang kilusang anti-imperyalista. Dapat nating pagbayarin nang todo-todo ang imperyalismong EU dahil ito ang utak sa pagtatayo ng pasistang diktadura ni Marcos, at siyang nakikinabang dito nang husto. Habang nagtatagal sa kapangyarihan si Marcos, dapat lalong lumakas ang kilusang anti-imperyalista.

Basta komprehensibo nating inaasikaso ang kilusang anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista, ang imperyalismong EU at ang mga lokal na reaksyonaryo ay hindi magkakaroon ng pagkakataon na lituhin ang mamamayan at ilihis ang rebolusyon sa pagpapalit lamang sa kasalukuyang diktador.

Ang pasistang diktadura ni Marcos ay tanda ng kahinaan at kawalan ng pag-asa ng buong naghaharing sistema at hindi ng kalakasan at katatagan nito. Ang lantarang teroristang paghaharing ito ang ganap na patunay na ang mga naghaharing uri ay hindi na makapaghari sa dating paraan.

Patuloy na lumalala ang krisis sa pulitika. Patuloy na lumalaki at lalong bumabagsik ang hidwaan ng mga reaksyunaryo. Napatunayang matibay ang rebolusyonaryong kilusang masa na pinamumunuan ng rebolusyonaryong proletaryado at lumawak pa nga ito at lumakas, imbis na madurog ng kontrarebolusyong pasista.

Kahit nabigla noong una ang mga karibal ni Marcos sa pulitika dahil sa kudeta na sobrang kanan, patuloy silang nagpapalaganap ng propagandang anti-Marcos sa mga balwarte raw nila. Nagmamaniobra pa rin sila para impluwensyahan ang reaksyonaryong armadong pwersa mismo na minamanipula at ginagamit ni Marcos sa mga layunin niyang pasista at awtokratiko. Sa darating na mga taon, magiging mas importante pa ang baril sa labanan ng mga reaksyonaryo.

Hindi tutunga-tunganga ang alyansa ng mga grupo nina Macapagal, Aquino, Lopez at Manglapus. Kahit patuloy na nakukuha ng imperyalismong EU ang gusto nito sa pasistang diktadura ni Marcos, sinigurado na ng imperyalismong EU sa nasabing alyansa na dapat nilang gawin ang magagawa para maging reserba sa kalagayang napakabaho na ni Marcos. Kinikilala ng opinyong publiko sa EU at ng ilang grupo ng mga negosyante sa EU ang katotohanan na kahit may panandaliang pakinabang ang imperyalismong EU sa pasistang diktadura ni Marcos ay pabigat naman ito sa katagalan.

Walang ibinibigay na puwang ang pasistang diktadura ni Marcos sa mga karibal nito sa pulitika. Taglay ng sobrang kanang kudeta ng ehekutibong sangay ang pinakabenggatibong mga hakbang laban sa kapantay na mga sangay ng reaksyonaryong gubyerno, sa kumbensyong konstitusyonal, at sa lahat ng klase ng oposisyon. Hinuhuthot ang mga ari-arian para sa personal na pakinabang ni Marcos at ng mga bataan niya. Nakaw ang karamihan sa mga dyaryong monopolyo ni Marcos at ang iba pa niyang pag-aari sa mas malalaki pang empresa.

Pinagtibay lamang nang pinagtibay ng sunod-sunod na huwad na reperendum ang walang katwirang proklamasyon ng batas militar at awtokratikong paghahari ni Marcos. Ang bawat mapayapang landas sa kapangyarihang pampulitika para sa mga karibal ni Marcos ay sinasaraduhan ng bago raw na konstitusyon, walang takdang pagpapaliban sa pagdaraos ng halalan para sa pansamantalang pambansang asembleya, pagnonombrang ginagawa ng presidente kapalit ng pagdaraos ng mga eleksyong pambansa at lokal, at pagtatampok kay Imelda bilang pangalawa sa kapangyarihan at tagapagpatuloy sa paghahari ng pasistang diktador.

Ang malawak na masa ng mamamayan ang nahihirapan nang husto sa kontrarebolusyong pasista. Mga karaniwang tao ang siyamnapu't limang porsyento sa mga biktima ng iligal na malawakang pang-aaresto at detensyon, pagmamasaker, asasinasyon, tortyur, pwersahan at maramihang ebakwasyon, iligal na paghahalughog at pandarambong, panghahalay, pambobomba, pangingikil, at iba pa. Daan-daang libong tao ang naging biktima ng direktang pananakit ng mga pasista.

Dahil sa pasistang pananakot, di kukulangin sa tatlong milyong tao ang pinaalis sa kanilang tirahan, laluna sa kanayunan. Pinwersa ang mga tao na iwan ang kanilang mga bahay, tanim at maliit na lupain dahil sa kampanyang "kontra-insureksyon" ng kaaway, pagpapalawak sa mga korporadong sakahan, mga proyekto sa "imprastruktura", at ispekulasyon sa mga lupa.

Ang todo-todong pag-aalis sa mga karapatan at oportunidad sa pulitika at ekonomya o ang pag-aalis sa halos lahat ng ito ay nagiging dahilan ng katakut-takot na paghihirap ng malawak na masa ng mamamayan. Sa ganitong sitwasyon, marami pang mamamayan ang malamang na dumanas ng pinakadirekta at pinakabrutal na pang-aapi.

Ipinagbabawal ang mga organisasyong masa na may katangiang pambansa demokratiko at ang mga dyaryong bumabatikos sa gubyerno. Ipinagkakait sa mga manggagawa ang karapatan nilang magwelga at ang epektibong paggamit nila sa mga karapatan ng unyon. Ang karapatan ng mga magsasaka na magbuo ng sariling organisasyon. Ang karapatan ng mga magsasaka na magbuo ng sariling organisasyon ay sinasabotahe ng mga operasyong militar at ng pwersahang pagpapaanib sa "samahang nayon". Mahigpit na binabantayan ang mga istudyante at ang kanilang mga titser, at ipinagbabawal kahit ang mga gubyerno't publikasyon ng istudyante.

Sarado ang lahat ng daan sa demokratikong pagpapahayag. Hayagang ipinagbabawal ang lahat ng porma ng aksyong masa laban sa pang-aabusong pasista, pyudal at imperyalista. Kahit ang pribadong mga pag-uusap ay maaaring ituring na "pagkakalat ng tsismis". Hinihigpitan nang husto kahit ang pagmamay-ari at paggamit ng mimyograp at iba pang maliit na kasangkapang pang-imprenta. Bukod sa mga parusang nasa batas, mayroon ding mas malupit pang parusang ginagawa ng mga pasistang tortyurer, mamamatay-tao at mangingikil.

Sa mapaniil na pasistang paghaharing militar, walang patutunguhan ang malawak na masa ng mamamayan kundi ang lumaban. Araw-araw silang natututong lumaban sa kaaway. Pinakamahusay na titser ang pasistang diktadura ni Marcos dahil sa negatibong halimbawang ipinapakita nito. Napakalalim ng pagkakatuto ng mamamayan kaya lalo di lamang ang pasistang diktadura ni Marcos ang kanilang kinasusuklaman kundi ang kabuuan na nga ng naghaharing sistema.

Sa halip na pairalin ang "kapayapaan at kaayusan", pinagliyab pa nga ng pasistang diktadura ni Marcos ang apoy ng armadong paglaban. Sa kabila ng mga pasistang pang-aabuso at kahayupan, lalo lamang nakapagpalakas at nakapagpalawak ang Bagong Hukbong Bayan na pinamumunuan ng Partido. Ang hukbong bayan ay mayroon na ngayong subok na pwersang gerilya sa lahat ng rehiyon sa labas ng Maynila-Rizal.

Ang armadong paglaban ng mamamayan sa timog-kanlurang Mindanaw para sa karapatang magpasya sa sarili ay pinasiklab at pinagliyab ng mga pang-aabuso ng pasistang diktadura ni Marcos. Ang paglaban nilang ito ay malaking suporta, kahit di direkta, sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan.

Sa buong Pilipinas, lumalago ang rebolusyonaryong kilusang lihim. Ang malaking parte nito ay batayang pwersang rebolusyonaryo na pinamumunuan ng Partido. May kani-kanila ring lihim na aktibidad ang mga pwersang alyado at iba pang pwersang anti-pasista. Sa darating na panahon, wawasakin ng isang makapangyarihang daluyong ang pasistang diktadura ni Marcos.

Masyadong nahihiwalay ang pasistang diktadura ni Marcos, at binabanatan ito mula sa lahat ng direksyon. Kontra sa hangarin nito, hindi ito pwedeng sumentro at manimbang sa pagitan ng kaliwa at kanan. Nasa kadulu-duluhang kanan ng diktadura, at naging target ito ng napakalawak na kilusang anti-pasista.

Mabilis na lumalala ang krisis sa ekonomya, kaya araw-araw ay lalo ng nabubulok ang kaloob-looban ng tiranya sa pulitika. Ang krisis na ito ay nililikha ng pasistang diktadura ni Marcos dahil sa sariling kabulagsakan at korapsyon, at dahil sa pagpapaalipin nito sa imperyalismong EU na nagpapasa naman ng sarili nitong krisis sa mga dependyenteng malakolonya tulad ng Pilipinas.

Dapat malamang mabuti ng lahat ng kadre at myembro ng Partido ang mabilis na nagbabagong datos sa ekonomya ng buong Pilipinas at ng mga lokalidad na kinaroroonan nila para maging malinaw at kongkreto ang kanilang propaganda at ahitasyon.

Mula pa noong 1970 ay nagtataasan na ang mga presyo, pero mas mabilis pang nagtaasan ang mga ito mula noong ipataw ang pasistang paghaharing militar. Mula noong 1972, ilandaan nang porsyento ang itinaas ng presyo. Nangunguna rito ang mga kalakal na iniimport sa mga bayang kapitalista. Ito na lamang pagtataas ng presyo ng langis na paulit-ulit na nakuha ng mga kumpanya ng langis ng EU ay malaking salik na sa pagtaas ng mga presyo sa Pilipinas.

Nagtataasan ang mga presyo dahil kulang na kulang ang mga kalakal na gawa dito sa Pilipinas. Nangyayari naman ito dahil pangunahing inaatupag ng pasistang diktadura ay pasiglahin ang produksyon ng hilaw na matiryales na pang-eksport at ang pagtatayo ng "imprastruktura" para dito. Sa Pilipinas, napakabilis ng pagtaas ng presyo ng mga kalakal na pwedeng i-eksport dahil patuloy na pangangailangan. Kulang na kulang din ang produksyon ng pagkain, at sa pag-iimport umaasa para matugunan ang pangangailangan sa pagkain.

Pinananatiling mababa ang kita ng masang anakpawis para makakuha ng malaking ganansya ang mga monopolista ng EU, iba pang dayuhang monopolista, at ang mga lokal na uring mapagsamantala. Kung ikukumpara sa presyo ng mga pangunahing kalakal, mababang-mababa na ang antas ng sahod. Ang mga dagdag sa sahod na inianunsyo kamakailan ng pasistang rehimen hindi sumasabay sa implasyon mula noong 1970 at pwedeng lubusang balewalain sa pamamagitan ng mga kalabuan sa mga batas ng pasistang rehimen laban sa manggagawa.

Sa dinoktor na istatistiks ng reaksyonaryong gubyerno, hayagang inaamin na mula noong 1965 hanggang 1970 ay bumaba sa pitumpu't apat na sentimo ang halaga ng mabibili sa piso, at mula noong 1970 hanggang nitong 1975 ay mas mabilis itong bumaba at naging tatlumpu't tatlong sentimo. Napakasama na nito. Pero ang totoo'y tiyak na mas mababa pa sa dalawampung sentimo ang halaga ng mabibili sa piso.

Ayon mismo sa Pambansang Awtoridad sa Pagpapaunlad ng Ekonomya (National Economic Development Authority o NEDA), ang pinakamataas na ahensya sa ekonomya ng rehimeng pasista, kailangang kumita ng P45.00 araw-araw ang isang manggagawa para mabuhay ang kanyang pamilya. Mataas-taas namang halaga P46.00 -- ang kalkulasyon ng isa pang ahensya, ang Private Development Corporation of the Philippines. Kahit ibigay pa ng buong-buo, ang mga bagong minimum na sahod -- P10.00 para sa manggagawang di pang-agrikultura sa Kamaynilaan, P9.00 para sa manggagawang di pang-agrikultura sa mga probinsya, at P7.00 para sa regular na manggagawang bukid--hindi pa rin ito makakatugon sa mga pangangailangan nila para mabuhay.

Mas laganap pa ngayon ang kawalan ng trabaho. Sa mga pwedeng magtrabaho, apatnapung porsyento ang walang trabaho. Lampas ito sa palagiang antas na dalawampu't limang porsyento na naitala noong 1970. Nasa kanayunan ang karamihan sa mga walang trabaho; sila ang di regular na mga manggagawang bukid. Marami sa mga walang trabaho ang patuloy na dumadagsa sa mga syudad para maghanap ng trabahong hindi naman matatagpuan.

Walang kahit anong reporma sa lupa. Noon pa mang umpisa, malinaw nang isa itong malaking panloloko. Inaalok lamang ang mga kasama na bilhin ang lupa sa kanilang panginoong maylupa sa presyong napakataas. Ginagawang dahilan ang huwad na reporma sa lupa para agawan ng pwesto ang mga kasama, itaas ang upa sa lupa at palaganapin ang usura, palawakin ang korporadong pagsasaka, at tumiba ang mga korporasyong kontrolado ni Marcos sa pakikipagkontrata ng mga ito sa reaksyonaryong gubyerno kaugnay ng pagbebenta ng abono, pestisidyo at kagamitang pansaka.

Ang mga mamumuhunan ng EU at iba pang bayan ay iniingganyong manghuthot ng sobra-sobrang ganansya sa pamamagitan ng kanilang direktang pamumuhunan, pautang at pangangalakal. Ang mga restriksyon na dapat sana'y ipinataw sa pamumuhunan ng EU noong magtapos ang Susog Pariti at Kasunduang Laurel-Langley ay inalisan ng bisa ng kasuklam-suklam na anti-nasyonal na mga probisyon ng konstitusyon at mga dikreto ni Marcos. Dinagdagan ng mga probisyong ito ang mga pribilehiyong ibinibigay ng mga batas na pang-ingganyo sa dayuhang pamumuhunan noong bago itatag ang pasistang paghaharing militar.

Sobra-sobra sa balitang-balitang tatlong bilyong dolyar hanggang apat na bilyong dolyar ang pamumuhunan at pag-aari ng EU, at binubuo nito ang walumpu't limang porsyento ng lahat ng dayuhang pamumuhunan. Kadalasan ay naitatago ang tunay na nagmamay-ari dahil iba-iba ang nasyonalidad ng mga multinasyonal na korporasyon ng EU.

Pinalaki ng mga monopolyong kapitalista ng EU, gayundin ng Hapon, ang kanilang direktang pamumuhunan laluna sa pagbabangko, bahay pamumuhunan, pagmimina, paghahanap ng langis, pangangalakal na dayuhan at lokal, plantasyon, pagriripaking at pagririasembol, sa lupa at iba pang tulad ng mga ito. Pinalaki nila ang kanilang direktang pamumuhunan ayon sa pakana nilang makaganansya agad at ihulma ang ekonomya ng Pilipinas batay sa kanilang interes. Tulad ng dati, malapyudal pa rin ang saligang katangian ng ekonomya -- limitado pa rin sa pagiging prodyuser ng hilaw na matiryales at konsyumer ng yaring produktong galing sa ibang bayan.

Mabilis na itinatambak sa Pilipinas ng mga imperyalista ang kanilang mga pautang na may mapang-usurang interes at iba pang mabibigat na kundisyon. Samantalang ang utang ng Pilipinas sa mga dayuhan noong katapusan ng 1972 ay umabot ng dalawang bilyon, dalawang daang milyong dolyar -- na inutang sa loob ng pitong taon ng maling pamamahala ni Marcos -- ngayon ay mahigit nang limang bilyong dolyar ang utang ng Pilipinas sa mga dayuhan pagkaraan lamang ng tatlong taon ng pasistang paghahari.

Lampas na lampas na ito sa katayuang piligroso. Para mabayaran ang dating mga utang, kinailangan ang bago at mas malalaking utang; kaya walang itigil ang paglaki ng mga utang. Ang pinakamasaklap nito, ang nakikinabang nang husto sa mga pautang ay ang mga dayuhang mamumuhunan at ang pangkatin ni Marcos na puro malalaking kumprador at malalaking panginoong maylupa.

Lampas na sa isang bilyong dolyar ang depisit sa balanse ng kalakalan samantalang iilan daang milyong dolyar ito tatlong taon pa lamang ang nakakaraan. Lumalaki pa ang depisit na ito. Mas maraming inieeksport na mababa ang presyo, samantalang mas maraming iniimport na mataas ang presyo. Dahil sa mahigpit ang kontrol ng mga dayuhang monopolyong kapitalista sa lokal na sistema sa pinansya, higit kailanma'y buong kasibaan nilang nagagamit ngayon ang kalakalang panlabas ng Pilipinas para maikubli ang paglalabas ng sobra-sobrang ganansya.

Patuloy na lumalaki ang depisit sa balanse ng bayaran. Lumampas na ito sa limangdaang milyong dolyar noong katapusan ng 1975, at ngayo'y malapit nang umabot sa isang bilyong dolyar. Tulad ng dati, kailangan na namang umutang nang mas malaki sa mga dayuhan para punuan ang depisit. Kung hindi isasama ang pribadong deposito ng dayuhang salapi sa mga bangkong komersyal, halos puro utang sa dayuhan ang internasyonal na pondong reserba ng Pilipinas, na mabilis din namang naagasta at mabilis ding pinapalitan sa pamamagitan ng panibagong pangungutang.

Malaking parte ng mga inutang sa dayuhan ng pasistang diktadura ni Marcos ang ginamit sa mga proyekto sa "imprastruktura" na masama ang pagkaplano at nagiging dahilan ng implasyon. Sa esensya, ang nakikinabang sa mga proyektong iyon ay ang mga dayuhang mamumuhunan at mga lokal na uring mapagsamantala. Ang layunin sa pagsasagawa ng mga proyektong iyon ay hindi lamang para gamiting propaganda ang magagarbong obras publikas kundi para tumibay rin ang pasistang diktador at mga bataan niya sa pamamagitan ng pandaraya sa kontrata, kikbak, at ispekulasyon sa mga lupa. Ngayo'y may sapat nang sosyo si Marcos sa malalaking lokal na korporasyon sa konstruksyon at kaugnay na mga kumpanya kaya nakokontrol niya ang mga ito.

Ang manipulasyon sa obras publikas ay luma nang paraan ng mga burukratang kapitalista para magpayaman, at ang ganito'y todo-todong ginagawa ngayon ni Marcos sa paraang wala pang katulad. Ang mga proyekto sa "imprastruktura" ay laging pinepresyuhan nang mas mataas kaysa aktwal na tunguhin ng implasyon. Malaking parte ng "gastos" sa bawat konstruksyon ang kurakot ng pasistang diktador at ng mga pangunahin niyang bataan. Ang kabulagsakan at korupsyon ng pasistang diktadura ay laging ipinapapasan sa mamamayan sa pamamagitan ng mas mataas na buwis at mas mataas na singil sa tol at serbisyo.

Maraming beses nang biglaang tumaas ang pasaning buwis. Mula aninm na bilyon, anim na raang milyong piso noong 1972, tumaas ang pasaning buwis at naging labing-apat na bilyon, tatlong daang milyong piso noong 1974. Patuloy pa itong tumataas. Gayunpaman, mas malaki pa rin ang ginagastos ng reaksyonaryong gubyerno kaysa kinikita nito. Ang depisit sa badyet noong taong-piskal 1974-75 ay limang bilyong piso, halos kasinlaki ng buong badyet ilang taon pa lamang ang nakakaraan. Bukod sa pangungutang sa labas ng Pilipinas, kinailangan ng pasistang diktadura na mangutang nang malaki sa loob mismo ng Pilipinas. Noong taong-piskal 1974-75, dalawampung bilyon, pitong daang milyong piso ang inutang ng gubyerno sa loob ng Pilipinas, pero mabilis itong umaabot ngayon sa tatlumpung bilyong piso, malayung-malayo na sa siyam na bilyon, pitong daang milyong piso noong 1972.

Ang bagong pangyayari sa pagbabadyet ng reaksyonaryong gubyerno sa panahon ng pasismo ay ang mabilis na paglaki ng apropriyasyon para sa militar at ang numero unong pwesto ng ginagastos para sa militar. Bago itatag ang pasistang paghaharing militar, laging nag-aagawan sa unang pwesto ang gastos para sa edukasyong publiko at obras publikas, at pumapangatlo lamang ang sa militar. Sa kabuuang gastos na labinwalong bilyon, limang daang milyong piso noong 1974-75, ang napunta sa militar ay mahigit apat na bilyong piso, kabilang ang may isang bilyong piso para sa paniniktik.

Sa kabuuan, ang malaking parte ng ginastos ng reaksyonaryong gubyerno ay ginamit para dagdagan ang tauhan at kagamitan ng reaksyonaryong armadong pwersa, palakihin ang sahod at pribilehiyo ng mga upisyal militar, bilhin ang mga matiryales at sasakyang pang-upisina at mga kagamitan para sa obras publikas, bayaran ang mga pribadong kontratista, imantini ang pangkalahatang peyrol, hulugan ang mga inutang ng gubyerno, at iba pa. Sa bawat transaksyon ng pasistang diktadura na may kinalaman sa kwarta, laging may gastos na kinukurakot ng mga bulok na upisyal.

Walang kahit anong pag-unlad sa ekonomya. Mas eksakto pa ngang sabihin na bumubulusok ang ekonomya. Hindi sukatan ng pag-unlad ng ekonomya ang kabuuang produktong pambansa (gross national product o GNP). Ang kalakhan ng kabuuang produktong pambansang ito ay mga transaksyon ng reaksyonaryong gubyerno, malalaking monopolyong kapitalistang dayuhan at lokal na mga uring mapagsamantala. Hindi rin iyon batayan ng kita ng bawat tao. Mahigit siyamnapung porsyento ng mamamayan ay mga manggagawa't magsasakang pinagsasamantalahan.

Dinaranas ng malawak na masa ng mamamayan ang pinakamasahol na klase ng pamumuhay mula noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Iginiit nila ang kanilang mapabuti ang kanilang kabuhayan. Dahil gumagamit ang pasistang diktadura ni Marcos ng makahayop na mga paraan para takasan ang responsibilidad, walang mapagpipilian ang malawak na masa ng mamamayan kundi ang lumaban sa iba't ibang paraan.

Iginigiit ng mga manggagawa ang mas mataas na sahod at ang karapatan nilang magwelga. Kailangan nilang makaahon sa miserableng buhay na resulta ng napakababang sahod at ng napakabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing kalakal. Napawi o nabawasan nang malaki ang mga benepisyong pinaghirapang makuha ng mga manggagawa sa loob ng ilang dekadang pakikibaka. Habang kinokontra ng rehimeng pasista ang interes ng mga manggagawa, kinukuha nito sa sweldo ng manggagawa ang withholding tax at kung anu-ano pang ispesyal na kuleksyon. Wala nang iba pang magagawa kundi ilunsad ang kilusang welga.

Sa kabila ng mga pasistang pagbabawal, nagpatuloy ang masang manggagawa sa pagwewelga, pag-iislodawn, pagsitdawn, pagdedelegasyon, pagdagsa sa upisina, pagdedemonstrasyon at iba pang porma ng protestang masa. Ang mahigit pitumpung welga ng manggagawa at apat na demonstrasyon na nangyari sa pagitan ng Oktubre noong isang taon at Hunyo ng taong ito ay sinyal na may darating na mas malalaki pang unos sa Maynila-Rizal at iba pang lugar. Napatunayan na ng mga manggagawa na kaya nilang maging matatag laban sa pasistang pananakot, at sa maraming kaso nga'y nakamit nila ang ilan sa kanilang mga ipinaglalaban.

Tinututulan ng masang magsasaka ang mabilis na paglaki ng gastos sa kabuhayan nila't produksyon, ang mga operasyong militar laban sa kanila't sa hukbong bayan, ang mas mataas na upa sa lupa at ang pagkawala ng pwesto ng mga kasama dahil sa huwad na reporma sa lupa, ang mabibigat na kundisyon ng superbisadong sistema sa pagpapautang (Masagana 99), ang mabibigat na kuleksyong sinisingil ng "samahang nayon" at "baranggay", ang pagliit ng totoo nilang kita, ang pagkawala ng karapatan nilang maghomisted, at ang pagpapalawak sa korporadong pagsasaka.

Higit kailanma'y mas mataba ngayon ang lupa para sa rebolusyonaryong kilusang anti-pyudal at armadong pakikibaka sa kanayunan. Kahit saan mapunta ang hukbong bayan ay malugod silang tinatanggap ng masang magsasaka. Kung wala ang kundisyong ito, hindi sana lumaki't lumakas ang maliit at mahinang hukbong bayan kundi nadurog pa nga ng kaaway. Kahit kailangang iwanan ng mga Pulang mandirigma ang isang lugar dahil tinambakan ito ng napakalalaking pwersa ng kaaway, agad natatagpuan ng mga Pulang mandirigma ang paborableng sitwasyon sa lugar na kanilang nililipatan.

Gipit na gipit din ang petiburgesyang lunsod dahil sa krisis sa ekonomya, at ang pakiramdam nila'y inaabuso sila ng mga anti-demokratikong patakaran ng pasistang diktadura. Pinipinsala ng implasyon ang kanilang limitado at karaniwa'y nakapako nilang kita. Galit sa patuloy na pagtaas ng buwis ang mga may-ari ng maliliiit na negosyo at ang mga propesyonal. Galit ang intelihensya sa pagmomonopolyo ni Marcos sa mga dyaryo, at unti-unti silang nagkakalakas-loob na sabihin ang gusto nila at kumilos ayon dito.

Nagiging aktibo na rin ang masang istudyante at ilan sa kanilang mga titser. Dahil sila ang pinakakonsentradong seksyon ng intelihensya, bukod sa mga nasa gubyerno na kailangang maging mas maingat ang kilos, hindi lamang ang mapanupil na kundisyon sa mga kampus ang unti-unti nilang pinagpoprotestahan kundi ang laganap na kasamaan na rin ng pasistang diktadurang papet sa buong lipunan. Ang mga istudyante't titser ay epektibong kawaing ng petiburgesya ng lunsod at ng masang anakpawis.

Inaagrabyado ang pambansang burgesya at pinapaburan ang mga dayuhang monopolyong kapitalista. Nababangkrap ang mga pambansang burges o kaya'y nilalamon sila ng mga monopolyong dayuhan na nakabalik na kahit sa pagtitingi. Patuloy na pinabibigat ng pasistang diktadura ang kanilang pasaning buwis. Ikinagagalit nila ang kawalan ng epektibong representasyon ng kanilang interes samantalang kinukulektahan sila ng buwis.

May iba't ibang grupo ng mga pambansang burges na tutol sa pasistang diktadura ni Marcos. Unti-unti na nilang nasasabi ang kanilang gusto sa mga ligal na organisasyon, porum at pamplet. Lihim ang ilan sa mga grupong ito at naghahangad ng kung anong solusyon tulad ng asasinasyon kay Marcos at pagdaraos ng pansamantalang pambansang asembleya. Sa gayo'y pwede silang manipulahin ng iba pang grupo ng mga papet ng imperyalismong EU.

Kahit itinayo ang pasistang diktadura ni Marcos para nga sa interes ng malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa, grabeng-grabe na ang krisis sa ekonomya kaya pakaunti nang pakaunti ang kurakot na pwede nilang paghati-hatian. May lumalaking hidwaan ang mga kuntento sa pasistang diktadura ni Marcos at ang mga hindi kuntento dito. Matabang lupa ito para sa mga maniobra ng mga karibal ni Marcos sa pulitika. Isang halimbawa ang diskuntento ng bloke ng mga asendero sa asukal nang alisin ang direktang kontrol nila sa pag-eeksport at kitang dolyar.

Higit kailanma'y napakaganda ngayon ng obhetibong kundisyon para magrebolusyon. Umiigting ang mga saligang kontradiksyon sa lipunang Pilipino. Sa halip na mailigtas ang naghaharing sistema, lalo pang nalalagay sa piligro ang mismong pag-iral nito dahil sa pasistang diktadura ni Marcos. Ang kailangan na lamang ay determinadong palakasin ang suhetibong pwersa ng rebolusyon, tulad ng Partido, Bagong Hukbong Bayan, mga organisasyong masa, at mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >


Ang Mahigpit Nating Mga Tungkulin

ni Amado Guerrero



NILALAMAN:

Introduksyon

1. Isulong ang kilusang anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista!

2. Palakasin pa ang Partido at iwasto ang ating mga pagkakamali.

3. Itayo ang Rebolusyonaryong Kilusang Masa sa Kanayunan!

4. Higit pang Palakasin ang Hukbong Bayan at Isulong ang Rebolusyonaryong Armadong Pakikibaka!

5. Itayo ang Rebolusyonaryong Kilusang Masa sa Kalunsuran!

6. Buuin ang Malawak na Nagkakaisang Prenteng Antipasista, Antipyudal at Anti-imperyalista!

7. Iugnay ang Rebolusyong Pilipino sa Rebolusyong Pandaigdig!



 Download PDF file

 Basahin sa Pilipino


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.