CPP Home Page   Publications  References  Organizations 

Features

  Multimedia  Utilities  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

3. ITAYO ANG REBOLUSYONARYONG KILUSANG MASA SA KANAYUNAN!

Itayo natin ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan; at para malikha ito, itayo natin ang mga batayang organisasyong masa ng magsasaka, kabataan, kababaihan, bata, at aktibista sa kultura. Walang gaanong makakamit sa pagmomobilisa sa malawak na masa kung magkakasya na lamang ang ating mga pangkat pampropaganda at iskwad gerilya sa pag-oorganisa ng mga komiteng pang-organisa ng baryo at maliit na lokal na armadong grupo.

Ang susi sa ating gawaing masa sa kanayunan ay ang pagpukaw at pag-oorganisa sa masang magsasaka sa pinakamaikling panahong kakayanin, at ang hakbang na pagsulong ng kilusan para sa reporma sa lupa. Habang pinagtutuunan ng atensyon ang pag-oorganisa ng samahang magsasaka sa isang tipikal na baryo ng mga magsasaka, pwede ring organisahin ang iba pang batayang organisasyong masa. Madaling mapapakilos ng mga aktibistang magsasaka ang kauri nilang kabataan, kababaihan, bata at aktibista sa kultura para magtayo ng sariling organisasyon.

Mga batayang organisasyong masa rin ang samahan ng manggagawang bukid, unyon ng manggagawang di pang-agrikultura at samahan ng mangingisda na kailangang organisahin saan may may batayan para gawin ito. Kung mayroon nang mga organisasyong masa na talagang kumikilos para sa interes ng mamamayan, ang gagawin na lamang ay pamunuan ang mga ito, at gawing mga rebolusyonaryong organisasyon.

Wala naman talagang dahilan para manghinayang na kulang ang mga kadre ng Partido na aasikaso sa gawaing masa sa kanayunan. Ang pangkat pampropaganda at iskwad gerilya ay pwedeng umaasa sa mga lokal na aktibistang masa at pwedeng sumaklaw sa maraming baryo, kahit pa dalawampu sa loob ng anim na buwan. Posible pa nga na ang isa, dalawa o tatlong kadreng maraming karanasan mula sa labas ay makipagtulungan muna sa mga lokal na aktibistang masa at sumaklaw sa ilang baryo sa loob ng maikli-ikling panahon.

Pwedeng irikrut sa Partido ang mga lokal na aktibidad na lumitaw mismo sa bawat yugto ng proseso ng rebolusyonaryong kilusang masa. Sa ganitong proseso, patuloy na lilitaw ang mga bagong myembro ng Partido at pwedeng itatag ang mga lokal na sangay ng Partido.

Dapat tayong umasa't magtiwala sa masa. Hanggang sapol natin ang kanilang interes, mga kailangan at hangarin-na nalalaman natin sa pamamagitan ng imbistigasyong panlipunan at mahigpit na ugnay sa kanila -- pwede natin silang pukawin at gabayan para kumilos. Kayang-kaya nilang organisahin at mobilisahin ang kanilang sarili sa tamang landas. Laging may sapat na dami ng mga aktibistang lilitaw mula sa kanila mismo para tiyakin ang rebolusyonaryong direksyon ng kanilang kilusan.

Kailanga ng sunud-sunod at maingat na mga hakbang sa pag-oorganisa sa mga taumbaryo laluna't mahigpit ang kundisyon ngayong umiiral ang pasistang paghaharing militar. May apat na ganitong hakbang na hahantong sa ganap na pagkaka-organisa ng mga batayang organisasyong masa.

Ang unang hakbang ay ang pagkuha sa mga mapagtitiwalaang kontak o taga pag-ugnay mula sa baryong gusto nating organisahin. Pwedeng kumuha ng tatlo hanggang sampung kontak o tagapag-ugnay. Sa pinakamaikling panahong kakayanin, dapat natin silang buuin sa matatawag nating grupong tagapag-ugnay sa baryo. Tinatawag "grupong pang-organisa ng baryo" sa Gitnang Luzon, at "organisadong grupo ng kontak" naman sa Timog Katagalugan.

Kadalasan ay nakukuha natin ang mga kontak sa isang baryo dahil sa nauna nating gawaing masa sa kalapit na baryo. Ganito ang pagsulong nang parang mga alon. Ang mga naninirahan sa isang baryo ay tiyak na may mga kamag-anak at kaibigan sa kalapit na baryo. Kung minsan naman, nakakarating tayo sa isang baryong dapat kilusan at nakukuha natin ang mga kontak o tagapag-ugnay dahil may mga kamag-anak o kaibigan doon ang isang myembro ng Partido, Pulang mandirigma, o aktibista o sinumang mapagtitiwalaan.

Pwedeng gawin sa isa o ilang araw ang panimulang imbistigasyong panlipunan depende sa kung maaasahan at nakakaalam ang panimula nating mga kontak. Ang mga pagkukulang ng ilan sa mga kontak na ito ay pwedeng punuan ng iba pang kontak. Dapat nating ipunin ang lahat ng pangkalahatan at partikular na impormasyong kailangan natin para maumpisahan ang gawaing pampulitika sa baryo.

Angkop sa ating pangangailangan na buuin ang grupong tagapag-ugnay sa baryo mula sa mga kontak na una nating nakilala sa tulong ng mga mapagtitiwalaang tagapamagitan. Kahit sinisikap nating ipaloob agad sa grupo ang mga pinakamahuhusay sa mga kontak, hindi natin laging makukuha ang pinakamahuhusay sa kumakatawan sa mga taumbaryo. Kung sa bagay, matagal-tagal din naman bago makapagpaunlad ng mga rebolusyonaryong aktibista. Kung minsan, pwedeng manggaling ang lahat ng kontak sa isang parte o isang sityo lamang ng baryo, o sa isang seksyon lamang ng populasyon ng baryo.

Pero dapat nating siguraduhin na ang mga myembro ng grupong tagapag-ugnay sa baryo ay gustong magrebolusyon; kabilang sa uring pinagsasamantalahan, kilalang tapat at mabuti, maraming kakilala sa baryo at marunong mapamaraan at masigasig sa pagganap sa mga tungkuling ibinibigay natin sa kanila. Kabilang sa mga tungkulin ng grupong tagapag-ugnay sa baryo ay tulungan tayo sa imbestigasyong panlipunan isagawa ang panimulang propaganda sa mga taumbaryo, unti-unti at palihim tayong iugnay sa mga positibong pwersa't elemento sa baryo, at siguraduhing ligtas ang ating pagpasok, pagtigil at paglabas sa baryo. Ang lahat ng tungkuling ito ay may kinalaman sa pagpapahusay ng panimulang relasyon natinsa mga taumbaryo.

Ang grupong tagapag-ugnay sa baryo ang kapalit ng komiteng pang-organisa ng baryo. Malinaw ang ilang pagkakapareha ng dalawa. Pero may saligang pagkakaiba ang mga ito.

Ang grupong tagapag-ugnay sa baryo ay hindi na awtorisado o inaasahang magsilbing binhi ng gobyernong bayan sa baryo. Hindi na bibigyan ang mga myembro ng grupong ito ng nakagawiang pribilehiyo na awtomatikong maging pangunahing pwersang pampakilos ng itatatag na mga organisasyon masa. Binibitiwan natin ang dating mapaminsalang kalakaran na bigyan ng gaanong pribilehiyo ang mga panimulang kontak. Sa gayon, inaalis natin o binabawasan ng malaki ang kundisyon para makasingit sa mga organisasyong masa ang mga elementong di mapagtitiwalaan.

Mahigpit ding pinapayuhan ang grupong ito na huwag magpabisto na sila ang mga tagapag-organisa ng mga pulong masa. Kasabay nito sinisigurado natin na ang nalalaman ng grupo ay hindi lumalampas sa dapat nilang malaman tungkol sa aktwal na paglawak at paglalim ng pang-organisasyon at pampulitikang gawain sa baryo. Syempre ang mga myembro ng grupo ay tatanggap sa atin ng pampulitikang pag-aaral at susubukin sa mga gawain; at ang ilan man lamang sa kanila ay makakaunlad mula sa pagiging mga kontak. Pero ang buong grupo ay walang awtomatikong pribelihiyo na malaman ang mga detalyeng labas na sa kanilang gawain bilang tagapag-ugnay.

Ang ikalawang hakbang ay ang pagligid ng ating iskwad gerilya, pangkat pampropaganda o mga kadre sa iba't ibang parte ng baryo, o ang pagkalat nila sa ilang parte ng baryo para gumawa ng mas malalim na imbestigasyong panlipunan at magdaos ng mga pulong pag-aaral sa hanay ng mga taumbaryo, laluna sa hanay ng mga maralitng magsasaka, manggagawang bukid at nakakababang-panggitnang magsasaka. Kailangang nating gawin ang lahat ng magagawa para mahigpit tayong makaugnay sa masang pinagsasamantalahan.

Sa umpisa, ang dapat maging resulta ng ating gawaing masa ay ang pagkabuo ng mga grupong pang-organisa ng mamamayan. Kabilang sa mga ito ang grupong pang-organisa ng magsasaka para sa maralit't nakakababang-panggitnang magsasaka, ang grupong pang-organisa ng kabataan, ang grupong pang-organisa ng kababaihan, at iba pang grupong pang-organisa na may batayan para mabuo. Nakabatay ang mga grupong ito sa paghahati-hati sa gawain, at sa paghahati-hati sa teritoryo (sityo at mga parte ng sentro ng baryo kung mas malaki kaysa sityo).

Kailangang makuha ang mga grupong pang-organisa ang mayorya sa bawat sektor na kanilang kinikilusan, at pasimulan ang mga aktibidad na pupukaw at magmomobilisa sa mga taumbaro. Sa yugtong ito, dapat ng mag-umpisang lumitaw ang mga lokal na aktibista mula sa loob at labas ng mga grupong pang-organisa. Sa pamamagitan ng propaganda at pulong pag-aaral tungkol sa pambansa-demokratikong rebolusyon, dapat siguraduhin ng mga kadere ng Partido na pulitika ang nangingibabaw sa lahat ng pagkilos.

Dapat nating sapulin ang makauring pakikibakang antipyudal bilang susing kawing ng ating gawaing masa sa kanayunan; at dapat nating itaguyod ang mga maralitang magsasaka, manggagawang bukid at nakakababang panggitnang magsasaka bilang pinakamaaasahan at pinakamatatag na pwersang rebolusyonaryo sa tipikal na baryo ng mga magsasaka. Pero hindi malayo ang mararating natin sa pakikibakang anti-pyudal kung hindi natin ito maikakawing nang mahigpit sa pakikibakang anti-pasista at anti-imperyalista, na hindi lamang manggagawa natin sa pamamagitan ng pagbigay sa batayang pwersang anti-pyudal ng pinakakomprehensibong pampulitikang pananaw kundi sa pamamagitan din ng pagmomobilisa sa lahat ng ibang positibong pwersa sa kanayunan para sa simulain ng rebolusyon.

Ang ikatlong hakbang ay pwedeng isunod agad pagkatapos maitatag ang mga grupong pang-organisa sa lahat o halos lahat ng parte ng baryo. May malawak at malalim nang batayan para maitatag ang komiteng pang-organisa ng mamamayan sa buong baryo.

Alam na natin kung sino-sino ang bagay sa iba't ibang tungkulin sa bawat komite. Ang mga saligang tungkuling paghahati-hatian ay ang mga nauukol sa organisasyon, edukasyon, ekonomya, depensa at kalusugan. Sa patnubay natin, kailangang mapagpasyahang mabuti ng mga myembro ng mga komite ang paghahati-hati sa mga tungkulin. Kailangang mapatingkad ng mga komite ang kasiglahan sa pagrerebolusyon ng mayorya sa bawat sektor na kanilang kinikilusan. At kailangan ding makipagkoordina ang mga komite sa pakikibakang inilulunsad sa saklaw ng ilang baryo.

Ang mga komiteng pang-organisa ng mamamayan ay dapat ding maging pwersang lihim tulad ng mga grupong pang-organisa na nakabase sa iba't ibang parte ng baryo at dapat panatilihing suporta ng mga komiteng pang-organisa. Dapat malaman ng mga komite kung paano itatago ang kanilang mga aktibidad sa pamamagitan ng anumang ligal o tradisyonal na organisasyon sa baryo; at dapat din nilang malaman kung paano magdidi-simula, gagamit ng rebolusyonaryong dalawahang taktika, sa harap ng kaaway o di mapagtitiwalaang mga elemento.

Oras na maitatag ang mga komiteng pang-organisa ng magsasaka sa malaking parte ng kanayunan, kahit sa ilampung baryo lamang, pwede nang gawin ang kay dali't kay simpleng unang hakbang sa reporma sa lupa, ang pagbabawi ng upa sa lupa sa pamamagitan ng sistematikong pagkuha sa ilang parti ng ani nang di nalalaman ng panginoong maylupa. Pwede ring isulong ang mga kampanyang ibaba ang interes sa pautang at pawiin ang usura; makipag-ayos sa mga komersyante tungkol sa makatwirang presyo; itaguyod ang pag-iimpok, pagtutulungan at simpleng palitan ng paggawa, at di pagbabayad ng utang sa Masagana 99; itaas ang produksyon at kakayahan sa produksyon; at iba pang tulad nito.

May mga kasong hindi na sinusunod ng mga tusong panginoong maylupa ang dating sistemang partihan batay sa aktwal na ani, at ang sinusunod na'y ang sistemang "buwisan" (ang sistema ng pagbabayad ng mataas na takdang upa sa lupa) na inilalako ng pasistang diktadura ni Marcos at ng mga taksil na rebisyonistang Lava. Sa ganitong mga kaso, parte lamang ng ani ang dapat ibigay ng mga magsasaka sa panginoong maylupa, at pwede nilang sabihin na masama ang ani o pwede silang magbigay ng kahit anong kapani-paniwalang rason kay di mabayaran nang buo ang upa sa lupa. Kung pare-pareho ang rason ng lahat ng magsasaka, walang magagawa ang panginoong maylupa. Hindi nila kayang takutin ang napakaramaing magsasaka na palayasin ang mga ito sa kanilang lupa, kayt ililista na lamang nilang "utang" ang parteng hindi maibibigay ng mga magsasaka.

Tuwing anihan, pwedeng mapayapang isahan ang mga panginoong maylupa hanggang makipag-ayos sila sa magsasaka. Ang panankot ng panginoong may lupa na hindi niya pauutangin ang mga kasama ng gagastusin sa pang-araw-araw na bilihin o sa produksyon ay mababalewala ng mga tagumpay ng mga magsasakasa reporma sa lupa; ng kanilang pagtitipid, pagtutulungan at simpleng palitan sa paggawa; at ng pakikipag-alyansa nila sa mga nakakariwasang magsasaka na nakukumbinsing huwag mangusura.

Sinumang despotikong panginoong maylupa na nang-aabuso sa kanyang mga kasama ay parurusahan ng hukbong bayan o ng mga lihim na grupo ng magsasaka. Walang mapapala ang panginoong maylupa kung tatanggi siyang makipag-ayos sa mga magsasaka. Ang mga katiwala niya at iskirol ay mahihirapang magpakita ng mukha sa masang magsasaka.

Ang di pagbibigay sa mga panginoong maylupa ng ilang parte ng upa sa lupa at ang paggigiit sa mga komersyante at nagpapautang na gawing makatuwiran ang kundisyon ay magagawa lamang kung ang masang magsasaka ay organisado, nagkakaisa at may mataas na kamulatang pampulitika.

Sa isang tipikal na baryo ng mga magsasaka, ang mayorya ng populasyon ay mga maralita't nakakababang-panggitnang magsasaka (kabilang sa saray na ito ang karamihan sa mga kasama). Sa batayang ito, magagawa ng komiteng pang-organisa ng magsasaka at iba pang komiteng pang-organisa ng mamamayan ang kanilang gusto sa pamamagitan ng mga kunseho sa baryo ng reaksyonaryong gubyerno. Sa paggamit ng taktika ng nagakaka-isang prente lalo pang makakapagpalakas ang mga komiteng pang-organisa ng magsasaka.

Pwedeng aktwal na kontrolin ng mga komiteng pang-organisa ng magsasaka ang mga kunseho ng barangay o anumang ligal na organisasyon para makapagdaos ng mga pulong publiko na paborable sa mga magsasaka at para magamit ang rebolusyonaryong dalawahang taktika sa harap ng kaaway. Sa katunayan, ang mga komiteng pang-organisa ng magsasaka ay pwedeng magsilbing binhi ng awtoridad ng gobyernong bayan batay sa sarili nilang lakas, na lalo pang nag-iibayo dahil sa kooperasyon ng kanilang alyado na kadalasan ay malapit nilang kamag-anak at personal na kaibigan.

Ang ikaapat na hakbang sa pag-organisa sa mga taumbaryo ay ang ganap na pag-oorganisa sa mga batayang organisasyong masa. Masasabi nating parang kalansay na nagkakalaman ang mga komite't grupong pang-organisa. Inililista ang pangalan ng mga myembro at inihahalal nila ang mga namumunong komite ng kanilang organisasyong masa, kabilang sa samahan ng magsasaka at mga maralita't panggitnang magsasaka.

Syempre, ang mga batayang organisasyong masa, tulad ng mga nauna ritong komiteng pang-organisa ay hindi ganap na ma-oorganisa nang sabay-sabay, halimbawa'y sa loob ng isang araw o isang gabi. Naririyan ang batas ng di pantay na pag-unlad at pagkakaiba-iba ng kundisyon. Pero dapat nating sikapin na sa loob ng isang takdang panahon ay ganap nang maorganisa ang lahat ng batayang organisasyong masa sa isang baryo o grupo ng baryo. Kailangan sa pagsisikap na ito ang pagpaplano at tuloy-tuloly na paggawa.

Mas mahigpit na binabantayan at ipinagbabawal ng pasistang kaaway ang samahan ng magsasaka kaysa ibang organisasyong masa. Dapat tayong maging pleksible sa paggamit ng mga ligal na porma ng samahan ng magsasaka. Dapat tayong gumamit ng iba't ibang pangalan para sa mga samahan ng magsasaka sa iba't ibang baryo. Sa pangangasiwa sa mga ito para sa layunin ng rebolusyon, dapat mahusay nating pagkumbinasyunin ang mga paraang iligal at ligal. Dapat magkaroon ng lantad na ligal na aktibidad at mga lihim na iligal na aktibidad.

Kailangang alam na alam nating kung gaano tayo kalakas at huwag nating lampasan ang kakayahan natin. Madali nating maintindihan kung ang kaya lamang gawin ng kilusang anti-pyudal sa isang grupo ng baryo sa loob na mahaba-habang panahon ay ang pagbababa sa upa at iba pang repormang agraryo sa mga paraang tulad ng inilahad natin sa ikatlong hakbang.

Samantalang ipinapakita ng karanasan na hindi gaanong pinagsuspetsahan at hindi gaanong sinisiil ng kaaway ang ibang organisasyong masa kung ikukumpara sa samahan ng magsasaka, dapat din tayong mag-ingat tulad ng ginawa ng kaaway na pinamumunuan ng Partido ang isang organisasyong masa, buong lupit itong sasalakayin ng kaaway.

Kahit nasa ikalawang hakbang pa lamang tayo ng pag-oorganisa sa mamamayan ng isang baryo, kailangan na nating umpisahan ang pagbibigay ng instruksyon tungkol sa ideolohiyang Marxista at irikrut sa Partido ang pinakasulong na mga elemento sa mga aktibistang masa. Sa gayon, pagdating natin sa ikatlo o ikapat na hakbang ay naitatag na natin sa baryo ang lokal na sangay ng Partido na may grupo sa bawat sityo at sa bawat malaking parte ng sentro ng baryo. Sa ikaapat na hakbang, mayroon na rin tayong mga grupo ng Partido sa loob ng mga batayang organisasyong masa.

Kapag naitatag na ang mga batayang organisasyong masa at ang lokal na sangay ng Partido, posible nang itatag ang komiteng rebolusyonaryo ng baryo bilang organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika. Usapin na lamang ito ng pagbubuklod sa mga representante ng Partido, ng batayang masa, at ng mga alyadong pwersa.

Sa dati nating mga lugar na ang mga komiteng pang-organisa ng baryo ay maaasahan at maayos, kailangan nating lusawin agad ang mga ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga batayang organisasyong masa, ng lokal na sangay ng Partido, at ng mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika. Pwedeng sabihin na mabilis nating magagawa ang noon sa dating mga lugar, mas mabilis man lamang kaysa roon sa mga bagong lugar, dahil kilala na natin ang mga tao at matagal na rin naman natin silang kasama sa pagkilos.

Kapag umunlad ang mga batayang organisasyon masa, pwedeng humakbang nang malaki ang rebolusyonaryong kilusang masa. Mas lumalaganap at mas sumisigla kaysa sa dati ang rebolusyonaryong pag-aaral at propaganda. Tumatatag ang reporma sa lupa. Ang mga boluntaryong malusog ang pangangatawan mula sa bawat organisasyong masa ay pwedeng buuing lokal na milisya, at pwedeng bigyan na pagsasanay at tungkulin sa gawaing militar. Nagiging epektibo ang kampanyang itaas ang produksyon. May ispesyal na loteng pang-agrikultura o maliit na negosyong pambahay ang bawat organisasyong masa para suportahan ang rebolusyon. Namumukadkad ang mga aktibidad sa kultura na nagpapataas sa mapanlabang diwa ng mamamayan laban sa kaaway. Naaasikaso din nang malawakan ang gawaing pangkalusugan.

Sa ganitong kalagayan, nailalatag ang pundasyon para makamit ng bagong Hukbong Bayan ang higit na malalaking tagumpay militar. Patuloy na tumataas ang mapanlabang diwa ng mamamayan. Masagana ang suportang materyal sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka dahil sa reporma sa lupa, mas mataas na produksyon at ispesyal na produksyon. Ang lokal na milisya ay malakas na reserba't pantulong na pwersa sa hukbong bayan. Malalim na nakakaugat ang Partido sa mga lokalidad sa pamamagitan ng pagririkrut rito sa mga pinakasulong na lokal na aktibista.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >


Ang Mahigpit Nating Mga Tungkulin

ni Amado Guerrero



NILALAMAN:

Introduksyon

1. Isulong ang kilusang anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista!

2. Palakasin pa ang Partido at iwasto ang ating mga pagkakamali.

3. Itayo ang Rebolusyonaryong Kilusang Masa sa Kanayunan!

4. Higit pang Palakasin ang Hukbong Bayan at Isulong ang Rebolusyonaryong Armadong Pakikibaka!

5. Itayo ang Rebolusyonaryong Kilusang Masa sa Kalunsuran!

6. Buuin ang Malawak na Nagkakaisang Prenteng Antipasista, Antipyudal at Anti-imperyalista!

7. Iugnay ang Rebolusyong Pilipino sa Rebolusyong Pandaigdig!



 Download PDF file

 Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.