CPP Home Page   Publications  References  Organizations 

Features

  Multimedia  Utilities  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

5. ITAYO ANG REBOLUSYONARYONG KILUSANG MASA SA KALUNSURAN!

Itayo natin ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga unyon, organisasyon sa komunidad, organisasyon sa iskwelahan at iba pa, at pagpapalahok sa mga ito sa malawak na demokratikong kilusan na malinaw na anti-pasista at anti-imperyalista, isang kilusang sumisimpatya at sumusuporta sa malinaw na anti-pyudal na kilusan sa kanayunan.

Bigyan natin ng prinsipal na atensyon ang masang manggagawa at iba pang maralita ng lunsod. Kunin natin ang mga manggagawa pangunahin sa kanilang mga pinagtatrabahuhan at mga unyon at pati sa mga komunidad na nagkakaugnayan sila at ang iba pang maralita ng lunsod. Bigyan din natin ng atensyon ang petiburges ng lunsod, laluna ang masang istudyante at mga titser nila.

Sa pagsusulong ng hayag na kilusang demokratiko sa kalunsuran, pwede nating gamitin ang mga batas mismo ng reaksyonaryong estado na may mga ipokritong termino at konsesyong reporma para lamang maabot natin ang masa. Sa hanay ng masa pwede nating likhain ang rebolusyonaryong kilusang lihim, at itransporma ang mga ligal na organisasyon o itayo ang mga bagong organisasyon na militante pero ligal na makakapagsulong nang hakbang-hakbang sa linyang pambansa-demokratiko.

Sa pagkukumbinasyon ng mga ligal at iligal na paraan, pwede nating paunlarin ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran. Ang pangunahin nating taktika ay baligtarin ang sitwasyon laban sa kaaway o kung gagamitin ang isa pang metapora, agawin ang kuta ng kaaway mula sa loob nito sa pamamagitan ng panlalansi (pero matagalan ang preparasyon para dito at hindi pwedeng ihiwalay sa pag-unlad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan).

Hindi pwedeng maging matatag at masigla at hindi pwedeng pamunuan nang mahusay ang hayag at ligal na demokratikong kilusang masa kung wala sa ubod nito ang iligal na Partido. Ang Partido bilang pwersang lihim, ang dapat maging gulugod ng kilusang ito. Sa bawat hakbang, ang Partido ang dapat maging patnubay na magpapaunlad sa kilusan at titiyak na isasagawa ang susunod na hakbang kung hinog na ang kundisyon para dito.

Tulad sa kanayunan, hindi nakakapanghina ng loob ang kaliitan ng Partido sa gitna ng malawak na masa sa kalunsuran. Hanggat umuunlad ang kilusang masa, lilitaw at lilitaw ang mga aktibista na handang magparikrut sa Partido. Sa gayon, mapapalakas ang Partido para mas marami pa ang makamit at mas malalaki pang tungkulin ang magampanan.

Sa pamamagitan lamang ng pinasigla uling kilusang masa pwede nating palitawin ang mga bagong pwersa para harapin ang bagong sitwasyong nilikha ng pasistang paghaharing militar. Wala nang ibang paraan para lutasin ang mga problema tulad ng tendensyang magsabwatan sa loob ng makitid na kilusang lihim, at katusuhan ng kaaway sa pagmamanman sa Partido sa pamamagitan lamang ng pagbuntot sa mga aktibistang kilala noong bago pairalin ang paghaharing militar.

Sa panahong ito ng malubhang krisis sa ekonomya, nag-aalsa ang masang manggagawa at isinusulong nila ang kanilang pakikibakang pang-ekonomya. Pumaloob tayo sa ganitong pakikibakang pang-ekonomya at itaas natin ito sa antas ng pakikibakang pampulitika nang sa gayo'y hindi lamang epektibong maipaglaban ng buong uring manggagawa ang kanilang interes kundi makaugnay din sila sa iba pang mamamayan sa makapangyarihang agos ng demokratikong rebolusyong bayan.

May mga kagyat na kundisyon at isyu na nagpapadaling itransporma ang pakikibakang pang-ekonomya para maging pakikibakang pampulitika. Tulad ng nasabi na, pinananatiling napakababa ng sahod at antas ng pamumuhay ng mga manggagawa at binabawasan nang husto ng pasistang diktador ang mga benepisyong isinabatas bunga ng ilang dekadang pakikibaka ng mga manggagawa. Higit sa lahat, pinagbabawalang magwelga ang mga manggagawa sa karamihan sa mga empresa dahil lamang ikinategorya ng pasistang diktadura ang mga empresang ito na mga "mahahalagang industriya" at "industriyang pang-eksport". Karamihan sa mga empresang ito ay pag-aari ng mga monopolyong kapitalista ng EU at iba pang bayan at ng malalaking burges at malalaking panginoong maylupa.

Tuwing matutunugan ng kapitalista ang plano ng mga manggagawa na magpitisyon para mapabuti ang kanilang kalagayan, ipinapataw agad ng kapitalista ang preventive suspension at tinatawag ang mga tropa at pulis para takutin ang mga manggagawa. Syempre kapag nagwewelga na, nag-iislodawn, nagsisitdawn o isinasagawa ang anumang aksyon protestang masa, sumusulpot ang mga pasistang tauhang armado para mang-aresto at mag-ingay tungkol sa mga "subersibo", pananabotahe sa ekonomya at "pambansang disiplina."

Naranasan na ng masang manggagawa na magwelga noong mas mainam pa ang kundisyon kaysa ngayon. Hinding-hindi na nila matiis ang pinatinding pang-aapi at pagsasamantala na dinaranas nila ngayon. Kaya walang anumang pasistang pananakot na makakapigil sa kanila na magsagawa ng aksyong protestang masa. Ang mga ito ay naging magkakasabay na welga at demonstrasyon sa kalye.

Itaguyod natin ang kilusang welga at palaganapin at patindihin ito nang husto para ipakita sa buong bansa at sa mamamayan na napakaliit, napakahina at sagad sa buto ang kabulukan ng pasistang pangkating naghahari at ng malalaking burges. Itaguyod natin ang mga welgang pang-ekonomya at gawin itong mga welgang pampulitika at demonstrasyong pampulitika. Banatan natin nang husto ang malalaking burges (ang mga dayuhang monopolyong kapitalista at malalaking burges kumprador). Sa kanilang mga empresa pinakamatindi ang pagsasamantala.

Nasa yugto tayo ngayon ng lalo pang pagpapalaganap sa mga welgang pang-ekonomya. Kahit sa yugtong ito, tumatampok na ang pampulitikang aspeto ng ganitong mga welga. Gumawa tayo ng mga seryosong preparasyon para mapalahok ang napakaraming manggagawa sa mga demonstrasyong pampulitika sa mga kalye at mga plasa.

Sa ilalim ng pasistang paghaharing militar, lalo pang hindi pinaniniwalaan ang mga dilawang lider sa paggawa. Sa tinatawag na Trade Union Congress of the Philippines, lantarang inilagay ng mga nangungunang aristokrata sa paggawa ang kanilang pangalan sa peyrol ng pasistang diktadura. Ang iba naman ay masyadong natakot at nawalan ng loob dahil sa mga paghihigpit na anti-unyon at kaya nag-iba ng trabaho.

Higit kailanman ang kilusang unyon ay naging mas matabang lupa para sa rebolusyonaryong gawain ng Partido. Alam na ng masang manggagawa na kapag kasama nila ang Partido, nagiging matatag at militante ang kanilang pakikibakang pang-ekonomya at nagkakaroon sila ng malalim na pampulitikang pagkaintindi sa kanilang sitwasyon at natututo ng maraming taktika.

Nagkaepekto na rin ang ating propaganda. Karaniwan ay dapat nitong lampasan ang ating gawain sa organisasyon. Pero masyado nang nalampasan ng ating propaganda at prestihiyo ang anumang solidong resulta ng gawain natin sa organisasyon. Kailangan nating lutasin ang ganitong problema pero hindi sa pagbabawas ng ating propaganda. Sa katunayan kailangang patuloy natin itong dagdagan at palakasin. Kailangan nating pag-ibayuhin hindi lamang ang ating nakasulat na propaganda na may panlahatang katangian kundi pati ang lahat ng porma ng berbal at di berbal na ahitasyon na angkop sa mga napakapartikular na kundisyon. Pero dapat natin anihin ang bunga ng propaganda at ahitasyon.

Habang nagsasagawa tayo ng propaganda at ahitasyon sa mga manggagawa, mas masigla natin silang organisahin ngayon kaysa noong nakaraan. Matagal pa man bago umiral ang pasistang paghahari, plinano nang itayo ng Partido ang komiteng pang-organisa ng manggagawa bilang pwersang lihim para sa pagpapalawak sa organisasyon ng mga manggagawa. Pero dahil natuto tayo sa karanasan natin sa pag-oorganisa sa kanayunan, hindi natin agad binubuong komite, ang mga manggagawang una nating nakilala laluna kapag nag-oorganisa tayo ng unyon sa mga lugar na wala pa nito.

Pwede tayong dumaan sa prosesong tulad ng sa pag-oorganisa ng masang magsasaka. Dahil angkop sa ating pangangailangan, ang unang hakbang ay organisahin ang grupong tagapag-ugnay ng manggagawa mula sa mga manggagawang una nating makakaugnay. Ang ikalawang hakbang ay ipakilala tayo ng mga myembro ng lihim na grupong ito sa iba pang manggagawa, na mula sa bawat mahalagang parte ng empresa, para mabuo natin ang lihim na grupong pang-organisa sa bawat mahalagang parte ng empresang iyon.

Ang ikatlong hakbang ay kunin natin ang mga representante o ang pinakamahuhusay na elemento mula sa mga grupong pang-organisa para buuin ang komiteng pang-organisa ng manggagawa. Sa bawat hakbang palalimin natin ang ating imbistigasyong panlipunan, at bigyan ng pampulitikang pag-aaral at sapat na tagubilin ang mga manggagawang nakokontak at naoorganisa natin.

Pinapanatili ng komiteng pang-organisa ng manggagawa ang mga grupong pang-organisa bilang mga subsidyaryo nito at pinahuhusay ang mga bumubuo nito tuwing kinakailangan. Kapag naitatag na ang komite, handa na nitong ilista ang mga ipaglalaban na pasusuportahan sa mayorya ng manggagawa bago matunugan ito ng kapitalista at mga ahente nito. Isa lamang, dalawa o tatlong may kakayahang kadre ng Partido ang kailangan para makipagtulungan sa komiteng ito.

Pwedeng buuin muna ang komiteng pang-organisa ng manggagawa bago ang grupong pang-organisa sa mga kaso lamang na tiyak na natin agad na umpisa pa lamang ay mayroon nang mga myembrong maaasahan at may kakayahan para sa tunay na gawaing pang-unyon man lamang. Nangyayari ang ganitong mga kaso kung ang layunin man ay magbuo ng unyon kung wala pang nabubuo, itransporma ang nakatayo na o magtayo ng isang unyon na itatapat sa isang hinding-hindi na pinapaniwalaan.

Sa ano't anuman ang komiteng pang-organisa ng manggagawa at mga grupong pang-organisa nito ay mainam na instrumento para magpalitaw ng mga manggagawang aktibista sa loob at labas ng mga ito. Ang proseso ng paghimok sa mayorya ng manggagawa para suportahan ang mga ipinaglalaban ng unyon, paglikha ng militanteng pagkakaisa na kailangan para igiit ang ganoong mga ipinaglalaban at pagpapaunlad sa kamulatang pampulitika ng masang manggagawa ay mga kundisyon para lumitaw ang marami-raming manggagawang aktibista.

Kahit sa yugto pa lamang ng komiteng pang-organisa ng manggagawa at mga grupong pang-organisa, dapat ng ipasok sa Partido ng ating mga kadre ang mga abanteng elemento mula sa mga manggagawang aktibista. Ang mga nakatapos na ng kursong masa tungkol sa gawaing pang-unyon at pambansa-demokratikong rebolusyon ay pwede nang turuan agad ng Marxismo, ang kanila mismong makauring ideolohiya na madali nilang tanggapin.

Ang pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyong gawain ng sangay ng Partido, at ng mga nasa ilalim nitong grupo sa loob ng empresa, ang pinakamahusay na garantya na mangingibabaw ang rebolusyonaryong pulitika sa gawaing pang-unyon. Binubuo at ginagabayan ng sangay ng Partido ang mga grupo ng Partido na nasa liderato ng unyon.

Pwedeng lusawin ang komiteng pang-organisa ng manggagawa at mga grupong pang-organisa nito kapag naitatag na ang sangay at mga grupo ng Partido sa loob ng empresa at kapag naipaloob na sa istrukturang unyon ang lahat ng manggagawang aktibista. Pwedeng gawing mga grupong tagapamahala ang mga grupong pang-organisa at tiyak na marami sa mga myembro nito ang pwedeng maging myembro ng mga grupo ng Partido. Mas marami pang manggagawa ang pwedeng ilagay sa mga sirkulong inorganisa ng Partido.

Kailangang kumuha ng sweldo at alawans sa mga unyon ang ilang kadre ng Partido para maibuhos ang buong panahon nila sa gawaing pang-unyon, at pampulitika. Pero hindi dapat monopolisahin ng mga myembro ng Partido ang matataas na pwesto sa unyon; at hindi kailangang maging pinakamatataas na lider ng unyon ang mga myembro ng kalihiman ng sangay ng Partido. Pairalim natin ang malawak na demokrasya sa unyon; pwedeng magkaroon ng mahuhusay na lider ng unyon na hindi pa nakakatugon sa mga rikisito sa pagiging myembro ng partido. At isa pa, hindi natin gustong mapilay ng kaaway ang sangay ng Partido dahil lamang sa paghihigpit sa unyon o sa hayag na liderato nito.

Kung isasaalang-alang pa natin ang taktika laban sa pasistang kaaway, ang mga unyon na epektibong pinamumunuan ng Partido ay hindi dapat ilagay sa iisang piniling ligal na pederasyon sa paggawa. Hindi ito ginagawa nang sa gayo'y walang pugad na matutukoy ang kaaway para salakayin. Ang ating mga unyon ay pwedeng maging independyente o maging myembro ng iba't ibang pederasyon. Dapat nating itakda ang pinakamainam na katayuang pepwede sa bawat unyon.

Lihim na pinag-uugnay at kinokoordina ng Partido ang lahat ng unyon natin. Ang mga "independyenteng" unyon natin ay pwedeng magtabi ng mas malaking kita mula sa mga butaw ng mga myembro at kahit paano'y hindi nakokontrol ng mga reaksyonaryong lider ng unyon. Pero kung myembro ng iba't ibang pederasyon ang mga unyon natin, may bentahe ang mga ito na mahigpit na makaugnay ang ibang unyon na pwedeng unti-unting mapasok ng Partido.

Kailangang siguraduhin ng sangay ng Partido sa loob ng empresa na ang sistematikong rebolusyonaryong gawain sa mga komunidad ay tinutupad ng mga myembro ng Partido at iba pang manggagawang aktibista, sa tulong ng maraming kapwa nila manggagawa. Palawakin natin ang rebolusyonaryong kilusan ng manggagawa sa pamamagitan ng pagtaguyod ng ugnayan ng mga manggagawa ng iba't ibang empresa, hindi lamang sa loob ng mga pederasyon sa paggawa, sa mga linya ng industriya o sa mga lugar ng pabrika kundi pati sa mga komunidad.

Nakatira sa mga komunidad ang mga manggagawa mula sa lahat ng klase ng empresa. Ang mga manggagawang naorganisa at namulat na natin ay pwedeng magbuo ng mga lihim na sirkulo sa pag-aaral at mahigpit na makipagtulungan sa iba pang mga manggagawa sa gawaing pangkomunidad. Ang resulta nito ay matutulungan tayo ng mga inugnayang manggagawa na makapasok sa mas marami pang empresa. Dapat hawakang mabuti ng mga kadre ng Partido ang ganitong posibilidad na makapagpalawak.

Sa gawaing pangkomunidad, dapat pangunahin tayong umasa sa masang manggagawa at iba pang maralita ng lungsod. Sila ang mayorya ng mamamayan sa karamihan ng mga komunidad sa kalunsuran. Mas madaling mag-ugat sa komunidad at abutin ang mga kabataan, kababaihan at iba pang seksyon ng komunidad kung itutuon natin ang atensyon sa masang manggagawa at iba pang maralita ng lunsod kaugnay ng pagtatatag ng komiteng pang-organisa ng komunidad at pagtatransporma sa mga nakatatag nang organisasyong masa, sa mga lugar na ang mga ito ang mangingibabaw, o pagtatayo ng mga bagong organisasyong masa, laluna sa mga lugar ng hindi pa naitatayo ang mga ito.

Ilagay natin sa sekundaryong pusisyon ang dating gawi na ipinapadala ang mga kabataang aktibista, pangunahin ang mga istudyanteng aktibista, sa mga komunidad ng maralita ng lunsod at hinahayaan sila na pangunahing umugnay sa mga kabataan sa komunidad. Dapat na tayong sumulong mula sa sitwasyong umiral bago ipataw ang pasistang paghaharing militar, noong mas marami tayong pinamumunuang mga organisasyon ng kabataan at istudyante kaysa organisasyon ng manggagawa. Hindi natin gustong mabawasan ang pag-oorganisa sa kabataan at pigilang lumahok sa gawaing pangkomunidad, ang mga aktibista mula sa mga eskwelahan. Pero gusto nating patingkarin ang papel ng mga manggagawa, hindi lamang sa mga usaping pang-unyon kundi pati sa mga usaping pangkomunidad.

Pwedeng buuin agad ang komiteng pang-organisa ng komunidad kapag umasa tayo sa mga manggagawa o sa kumbinasyon ng mga manggagawa at kabataang nakatira mismo sa komunidad, at sa ibang lugar ay napurbahang mahusay na mga aktibista. Syempre, ipinapalagay natin na pinamumunuan sila ng mga kadre ng Partido. Pagkatapos, pwedeng buuin ang mga grupong pang-organisa ng komunidad na sasaklaw sa iba't ibang parte ng komunidad.

Kailangang patuloy na magsagawa ng imbistigasyong panlipunan at magparami ng kontak ang komiteng pang-organisa ng komunidad para mahusay nilang magampanan ang gawain sa bawat hakbang. Dahil may nakatayo nang mga organisasyon masa bago pa tayo magsagawa ng pag-oorganisa, pwedeng kunin ng komiteng pang-organisa ng komunidad mula sa mga organisasyong masa ang mga aktibistang bubuo sa mga grupong pang-organisa ng komunidad. Karaniwang kabilang sa mga organisasyong ito ang mga samahan ng magkakapit-bahay, klab ng kabataan samahan ng kababaihan, organisasyon ng iskwater, klab ng atletiko, grupo ng propesyonal, klab ng sibiko, grupong panrehiyon o pamprobinsya, at ang iba pang katulad nito.

Bentahe ang pagkuha ng mga aktibista sa mga nakatayo nang organisasyon dahil mahigpit silang nakaugnay sa mga mamamayan sa komunidad at epektibo nating masasaklaw hindi lamang ang bawat parte ng komunidad kundi pati ang mga nakatayo nang organisasyong masa. Kahit pwede tayong magbuo ng mga bagong organisasyon na may iba't ibang pangalan sa iba't ibang komunidad, walang dudang may bentahe, laluna sa kundisyong umiiral ang pasistang paghaharing militar, na gamitin ang ligalidad ng mga nakatayo nang organisasyong masa at lahukan agad ang mga aktibidad na magagamit natin para makapag-ugat tayo sa masa at unti-unti nating mapataas ang kanilang kamulatang pampulitika.

Dahil pangunahin tayong umaasa sa masang manggagawa at iba pang maralita ng lunsod at itinataguyod natin ang interes ng mayorya, hindi na masyadong mahirap baguhin ang ilang nakatayo nang organisasyong masa. Nagbubuo tayo ng grupo ng Partido sa bawat organisasyong masa at hakbang-hakbang na sumusulong sa pulitika. Sa ganitong batayan, pwede nating maniobrahin o pangibabawan kahit ang mga "kunseho ng baranggay" o kabataang baranggay" at iba pang reaksyonaryong organo o institusyon para maging porum o daluyan ng ating rebolusyonaryong propaganda.

Sa bawat yugto ng gawain ng komiteng pang-organisa ng komunidad at mga grupong pang-organisa nito, pwede nating ipasok sa Partido ang pinakaabanteng mga elemento mula sa mga rebolusyonaryong aktibista. Pagdating ng tamang panahon, pwedeng lusawin ang komiteng pang-organisa ng komunidad at mga grupong pang-organisa nito dahil naitatag na ang sangay ng Partido sa komunidad at naitatag na rin ang mga grupo ng Partido sa mga subteritoryo ng komunidad at sa mga ligal na organisasyong masa. Pwedeng umabante nang husto ang gawaing masa at gawaing pampartido sa mga komunidad kaya sa katagalan ay ibabase sa kalye-kalye ang sangay ng Partido.

Natural lamang na maging mapagmatyag ang Partido at pangalagaan nito ang sariling siguridad sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar, laluna sa kalunsuran na mas mahigpit ang kontrol at pagmamanman ng kaaway kaysa ginagawa nitong paghihigpit sa kanayunan. Pero kailangang bigyan ng ispesyal na atensyon ng Partido ang pag-iwas na mapasukan ng mga elementong anti-sosyal at lumpen proletaryo kahit saklaw sila ng ating gawaing pampulitika.

Isang saray sa lipunan ang petiburgesya ng lunsod na ang mga myembro ay kadalasang makasarili at nakakalat sa iba't ibang lugar. Pero ang kanilang mga anak ay nakakonsentra sa mga unibersidad at hayskul at dito ay bukas sila sa rebolusyonaryong propaganda. Kung gayon ang mga iskwelahan ay dapat bigyan ng masusing atensyon ng Partido. Sa importansya ay pumapangalawa ang mga ito sa mga pabrika at komunidad ng maralita ng lunsod.

Ang masang istudyante at mga titser nila ay importanteng pwersa para makuha sa panig ng rebolusyon ang intelihensya at lahat ng petiburges ng lunsod. Sila ang mga seksyon ng petiburgesya ng lunsod na may pinakamalaking potensyal sa rebolusyon. Ang katotohanang ito ay paulit-ulit nang napatunayan sa ating kasaysayan; at pinatutunayan ang katotohanang ito sa unang sigwa ng 1970 at sa mga sumunod na pangyayari. Patuloy na lumalahok ang mga istudyante sa mga pakikibaka ngayon ng manggagawa.

Marami-rami na ring istudyante at mga titser nila ang umabot sa puntong nagsisikap silang magbago ng pananaw, puspusang lumahok sa rebolusyonaryong gawain at magmyembro sa Partido. Hindi pa umabot sa puntong iyon ang iba pang mga istudyante pero tinatanggap nila ang pangkalahatang linya ng Partido at ipinapalaganap ito sa maliliit na prodyuser at mga propesyonal. Ganoon na lamang ang rebolusyonaryong alab ng masang istudyante kaya kahit ang ilang anak ng mapagsamantalang uri na kaiskwela nila ay naaakit sa rebolusyonaryong kilusan.

Habang sumusulong ang gawaing pangkomunidad, naaabot ng ating propaganda ang mga may-ari ng maliliit na tindahan at talyer, propesyonal at empleyado sa upisina. Kahit pwede silang magsilbi sa rebolusyonaryong kilusan, hindi sila kasing-importante ng masang istudyante at mga titser na maramihang nakakonsentra sa mga iskwelahan na kayang-kayang magpropaganda at magsagawa ng aksyong masa, at handang ikoordina ang kanilang mga aktibidad sa mga aktibidad ng masang mangggagawa.

Sa simulain ng rebolusyon ay malaki ang naitutulong ng mga pambansa-demokratikong organisasyon ng kabataan noong bago umiral ang pasistang paghaharing militar. Naging mabungang-mabunga ang kanilang gawain sa ilang iskwelahan at komunidad kaya sa mga lugar na ito ay mayroon ngayong mga sangay ng Partido na nagpapatuloy sa rebolusyonaryong gawaing lihim.

Sa mga eskwelahang wala pang sangay ng Partido at wala pang organisasyong masang pinamumunuan ng Partido, kailangang itatag ng mga kadre ng Partido ang mga komiteng pang-organisa at grupong pang-organisa ng iskwelahan para palitawin ang mga panimulang aktibista mula sa mga istudyante, titser at iba pang empleyado ng iskwelahan, igiit na maitatag ang mga tunay na gubyerno at publikasyon ng istudyante, itaguyod ang mga rebolusyonaryong ideya sa dati nang mga organisasyon ng istudyante o itayo ang mga bago para magtaguyod ng ganoong mga ideya, at tumulong sa pagtatayo ng mga unyon ng mga titser at iba pang empleyado ng iskwelahan.

Ang mga istudyanteng aktibista na napalitaw ng komiteng pang-organisa at mga grupong pang-organisa ng iskwelahan ay dapat atasan na likhain sa hanay ng kanilang mga kaibigan at kaklase ang pinakamaraming lihim na sirkulo sa pag-aaral na pwede nilang likhain, dapat din itong gawin ng mga aktibistang titser sa hanay ng kanilang kasamahan, istudyante at kaibigan. Pagdating ng tamang panahon, mga pampulitikang aksyong masa ang dapat maging resulta ng epekto nilang gawain sa ideolohiya at propaganda.

Ang mga isyu sa kampus ay dapat iugnay ng masang istudyante, mga titser at ng iba pang empleyado ng iskwelahan sa lumalalang kundisyon ng buong lipunan. Ipinapakita ng mga progresibong istudyante ng Unibersidad ng Pilipinas kung paano nilalabanan ang pasistang diktadura ni Marcos, kung paano tinututulan ang mga antinasyonal at anti-demokratikong patakaran at aksyon. Nagsimula na silang maglunsad ng sariling protestang masa at lumahok sa mga protestang masa ng mga manggagawa.

Kahit sa yugto pa lamang ng komiteng pang-organisa at mga grupong pang-organisa ng iskwelahan, pwede na nating simulang ipasok sa Partido ang pinakaabanteng mga elemento mula sa mga istudyanteng aktibista. Sa katagalan, dapat lumitaw sa iskwelahan ang sangay ng Partido at mga grupo ng Partido sa iba't ibang parte ng iskwelahan at pati sa organisasyong masa dito. Sa malaking unibersidad, posibleng pamunuan ng panseksyong komite ng Partido ang napakaraming sangay nito na nakabase sa mga kolehiyo.

Patuloy nating tuparin ang patakarang idiploy ang mga istudyanteng aktibista para magsagawa ng imbistigasyong panlipunan at lumahok sa mga gawaing masa sa mga pabrika at komunidad na malapit sa kanila. Itaguyod natin ang pinakamahigpit na ugnayan ng mga manggagawa at istudyanteng aktibista sa kalunsuran nang sa gayon mailunsad ang magkakasabay na aksyon masa ng mga manggagawa at istudyante.

Ang pag-unlad ng kilusang demokratiko sa Maynila-Rizal at iba pang lunsod ay makapangyarihang suportang pampulitika sa rebolusyong pakikibaka sa kanayunan. Napupukaw ang mga mamamayan sa buong bayan at nayayanig ang kaaway sa kanyang kuta.

Dapat malalaman ng mga mamamayan sa kalunsuran na ang matagalang pag-unlad ng kilusang lihim sa kalunsuran at ang unti-unti pero tiyak na paglaki ng mga pampulitikang aksyong masa ay paghahanda para sa huling araw ng pakikipagtuos ng mga naghaharing uri, kapag koordinado na ang pangkalahatang pag-aalsa ng mamamayan sa kalunsuran at ang pangkalahatang opensiba ng hukbong bayan. Dapat itaguyod ng Partido ang ganitong rebolusyonaryong pag-iisip at iwaksi ang mga ideya na kailangan na ngayong ipadala ng hukbong bayan sa kalunsuran ang maliit pero lumalaking pwersa nito para magbunsod ng ilang kagila-gilalas na aksyon.

May iba pang klase ng suporta mula sa kalunsuran para sa rebolusyonaryong pakikibaka sa kanayunan. Pwedeng sistematikong ipadala ng Partido sa kanayunan ang mga kadreng ligal pa ang katayuan o ang mga kadreng di na ligal, ang mga kadreng may katayuan na mangggagawa o ang mga kadreng na dating istudyante ay pwedeng ipadala sa kani-kanilang probinsya o kung saan sila kailangang-kailangan. Pwede ring mangulekta at magpadala ng mga pondo, gamot, gamit militar, gamit medikal, gamit sa komunikasyon, damit, rebolusyonaryong publikasyon at iba pang materyal na pwedeng pakinabangan.

Hindi maiwasan sa ngayon na dumaan sa ilang lunsod ang ating komunikasyon. Halimbawa, kailangang dumaan sa Maynila-Rizal ang komunikasyon sa pagitan ng Bisaya at Mindanaw at ng sentral na liderato ng Partido. Kailangang magkaroon ng mga mapagtitiwalaan kor ng kuryer na pwedeng ligal na bumyahe sa kalunsuran at kanayunan, at mula sa isang rehiyon tungo sa isa pa.

Kailangang may koordinasyon sa maraming bagay ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kalunsuran at kanayunan. Ang Partido ang nagkokoordina, at kailangang may mga ispesyal na organo ito na aasikaso sa pangangailangan ng ganitong koordinasyon.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >


Ang Mahigpit Nating Mga Tungkulin

ni Amado Guerrero



NILALAMAN:

Introduksyon

1. Isulong ang kilusang anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista!

2. Palakasin pa ang Partido at iwasto ang ating mga pagkakamali.

3. Itayo ang Rebolusyonaryong Kilusang Masa sa Kanayunan!

4. Higit pang Palakasin ang Hukbong Bayan at Isulong ang Rebolusyonaryong Armadong Pakikibaka!

5. Itayo ang Rebolusyonaryong Kilusang Masa sa Kalunsuran!

6. Buuin ang Malawak na Nagkakaisang Prenteng Antipasista, Antipyudal at Anti-imperyalista!

7. Iugnay ang Rebolusyong Pilipino sa Rebolusyong Pandaigdig!



 Download PDF file

 Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.