CPP Home Page   Publications  References  Organizations 

Features

  Multimedia  Utilities  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

6. BUUIN ANG MALAWAK NA NAGKAKAISANG PRENTENG ANTIPASISTA, ANTIPYUDAL AT ANTI-IMPERYALISTA!

Buuin natin ang malawak na nagkakaisang prenteng anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista na pinamumunuan ng uring manggagawa sa pamamagitan ng partidong pampulitika nito. Tulad ng nasabi na, ang pundasyon ng patakarang ito sa nagkakaisang prente ay ang saligang alyansa ng uring manggagawa't uring magsasaka.

Sa pundasyong ito'y prinsipal nating hinihimok ang petiburgesya ng lunsod at sekundaryo ang pambansang burgesya bilang mga karagdagang alyado. Kasabay nito'y tinatandaan nating mabuti at sinasamantala ang hidwaan ng mga reaksyonaryo - ang malaking burgesya na kumprador at mga panginoong maylupa na hati ngayon sa mga panig na maka-Marcos at anti-Marcos.

Ang masang anakpawis na manggagawa't magsasaka ang higit na nakakarami sa populasyon ng bansa, at sila ang pinakainteresado sa komprehensibong kilusang antipasista, antipyudal at anti-imperyalista dahil sila ang dumadanan ng pinakagrabeng pang-aapi't pagsasamantala. Sila ang pangunahing pwersa ng nagkakaisang prente. Sa pagkakaroon lamang ng ganitong pwersa magagawa nating tuparin ang patakarang pagkaisahin ang marami para labanan ang iilan at ihiwalay at durugin ang kaaway.

Malalim na umuugat ang Partido sa mga manggagawa at pati sa mga magsasaka, at sa gayo'y pinag-uugnay at kinokoordina ng Partido ang dalawang uri para sa nagkakaisang rebolusyong pakikibaka. Sa yugto ng rebolusyong pambansa-demokratiko, na armadong pakikibaka ang pangunahing porma ng pakikibaka, ang pinakaimportante ay matiyagang asikasuhin ng Partidong kumakatawan sa uring manggagawa ang gawaing masa sa hanay ng magsasaka at buuin ang hukbong magsasaka.

Hindi sapat na sabihing ang uring magsasaka ang pinakamalapit at pinakamapatitiwalaang alyado ng uring manggagawa. Kailangan ang higit pang pagsusuri para kongkretong maipatupad ang patakaran sa nagkakaisang prente sa kanayunan. Nahahati ang uring magsasaka sa tatlong saray na magkakaiba ang pampulitikang aktitud batay sa katayuan nila sa ekonomya.

Paunlarin natin ang nagkakaisang prenteng anti-pyudal sa kanayunan. Pangunahin nating asahan ang maralitang magsasaka, himukin ang panggitnang magsasaka at nyutralisahin ang mayamang magsasaka para labanan ang mga sukdol-samang panginoong maylupa. Kapag sinasabi nating ang uring magsasaka ang pinakamalapit na alyado ng uring manggagawa, ang esensyal nating tinutukoy ay ang maralita at panggitnang magsasaka.

Ang orihinal na plano para sa komiteng pang-organisa ng baryo ay gawin itong organo sa pagpapalawak at binhi ng lokal na gubyeryong bayan alinsunod sa linya sa nagkakaisang prente. Ngayong isinasa-isantabi natin ang komiteng pang-organisa ng baryo, hindi ibig sabihin nito ay binabalewala natin ang pakikipagkaisang-prente sa baryo. Gusto lamang nating lumakas nang magkasama ang mga maralita at nakakababang panggitnang magsasaka sa sarili nilang organisasyong masa at hindi basta na lamang sila mapabilang sa isang komite na kahalo ang mga mayamang magsasaka at iba pang mabuway na elemento.

Habang ipinapatupad ang patakaran sa nagkakaisang prente at ginagamit ang mga taktika nito, dapat nating pakitunguhan nang wasto ang lahat ng entidad sa labas ng kilusang magsasaka. Hakbang-hakbang nating kunin sa panig ng samahan ng magsasaka ang lahat ng panggitnang magsasaka. Kahit hindi natin pinasasali sa samahan ang mga mayamang magsasaka, dapat namang pakitunguhan natin sila ng wasto bilang mga indibidwal o grupo, at sikapin pa ring makakuha sa kanila ng kaunting tulong at kooperasyon.

Hindi masyadong interesado sa kilusang anti-pyudal ang mga mayamang magsasaka. Pero galit sila dahil sa krisis se ekonomya, sa pagkaarbitraryo ng pasistang diktadura at sa lumalaking buwis, at mayroon din naman silang damdaming makabayan. Kapag malakas ang rebolusyonaryong kilusang magsasaka at nasa paligid ang mga mandirigma ng hukbong bayan, nagiging mapag-asikaso sila at nagpiprisinta pa ngang magmyembro sa samahan ng magsasaka. Kapag tumitindi ang reaksyon saka tumitingkad ang kanilang reaksyonaryong aspeto.

Karaniwa'y may mga tradisyonal at ligal na organisasyong magkakahalo ang mga magsasakang mula sa lahat ng saray. Hindi pwedeng basta na lamang natin ipagbawal o ipagwalambahala ang mga ito. Dapat nating maingat na pag-aralan ang mga ito at gamitan ng patakaran sa nagkakaisang prente para maging tunay na kapaki-pakinabang sa mga maralita at nakababang panggitnang magsasaka o makatulong sa rebolusyonaryong pakikibaka.

May samahan o grupo tulad ng kunseho ng matatanda, grupo sa pagtutulungan at palitan ng paggawa na karaniwa'y impormal, samahan sa patubig, grupo ng manggagawang bukid, kooperatiba, samahan ng kabataan, kupunang atletiko, grupo ng karpintero, samahan ng titser at magulang , 4-H club, samahan ng kababaihan, sekta ng relihiyon at kung anu-ano pa.

Depende sa kalagayan, pwedeng nyutralisahin, baguhin o lansagin kahit ang mga kasangkapan ng reaksyonaryong gubyerno, tulad ng kunseho ng "baranggay" o baryo, "kabataang baranggay", "samahang nayon", at sa ilang pagkakataon, ang pulisya sa nayon, ronda o yunit ng "home defense". Kadalasan ay pwedeng gamitin ang pangalan ng mga samahang ito para sa rebolusyonaryong dalawahang taktika, laluna para ikubli ang anumang bagay na rebolusyonaryo.

Sa kanayunan, marami pang iba't ibang pwedeng makaalyado. Nariyan ang mga titser at iba pang propesyonal, ang maliit at panggitnang mga negosyante, ilang malaki-laking bisnesman at ilang naliliwanagang panginoong maylupa. Mahuhusay na didyum ang mga titser at propesyonal para palaganapin ang propaganda sa kabayanan. Ang mga doktor at nars ay pwedeng magbigay ng mga serbisyong medikal at gamot na kailangang-kailangan. Ang mga bisnesman at naliliwanagang panginoong maylupa ay nagbabayad ng buwis o nagkokontribusyon sa paminsan-minsa'y nagbibigay at nagpapagamit sa atin ng mga pasilidad.

Kapag hinog na ang kundisyon, dapat nating itatag ang organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika alinsunod sa linya sa nagkakaisang prente. Sinabi na natin na kailangang ganap nang nakatatag ang lahat ng batayang organisasyong masa sa baryo bago itatag ang rebolusyonaryong komite ng baryo. Kapag hindi pa naitatatag ang rebolusyonaryong komite ng baryo, ang mga tungkulin sa pamamahala sa baryo ay pwedeng gampanan ng komiteng pang-organisa ng magsasaka o ng namumunong komite ng ganap na organisadong samahan ng magsasaka na sumusunod sa patakaran ng Partido tungkol sa nagkakaisang prente.

Sa mga syudad, ipagpatuloy natin ang patakarang kunin ang suporta ng masang istudyante at mga titser nila para maabot at makuha sa panig ng rebolusyon ang buong petiburgesya ng lunsod. Kapag nagtagumpay ang patakarang ito, pwede rin nating makuha sa panig ng rebolusyon ang pambansang burgesya dahil nalalaman nila na itinataguyod ng malakas na kilusang anti-imperyalista ang independensya at pambansang industriyalisasyon.

Nagbibigay ng suporta sa atin ang mga elemento ng pambansang burgesya sa mga lugar na saklaw ng hukbong bayan. Sa mga syudad ay may mga myembro rin ng pambansang burgesya na nagbibigay ng suporta sa atin, laluna sa kilusan ng istudyante't kabataan.

Sa mga prinsipal na organisasyong konserbatibo't reaksyonaryo dito sa ating bayan - na ang pinakatampok na halimbawa'y ang mga partidong pampulitika tulad ng di aktibong Partido Nacionalista at Partido Liberal -- ang petiburgesya ng lunsod at pambansang burgesya ay mga buntot lamang ng mga naghaharing uri, ang malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa.

Ganito rin ang sitwasyon kahit sa mga organisasyong propesyonal at sibiko sa antas ng munisipalidad, probinsya at bansa. Sa mga kamara ng komersyo at industriya, ang pambansang burgesya ay nagiging buntot din ng malalaking burges at mga panginoong maylupa. Dapat tayong magbuo ng mga grupo sa loob ng mga asosasyong ito para konsolidahin ang mga pambansang burges at itaguyod ang pambansa-demokratikong linya.

Ang patakaran natin sa nagkakaisang prente ay ihinaharap at pinalalaganap ng Komisyon sa Paghahanda ng Pambansang-Demokratikong Prente at ng mga panrehiyong komisyon sa nagkakaisang prente. Nakukuha ng mga ito sa panig ng rebolusyon ang mga grupo't personahe na ang paninindigan ay tulad ng sa petiburgesya ng lunsod at pambansang burgesya. At sa loob ng pinakareaksyonaryong mga institusyon at organisasyon, ang nasabing mga komisyon ay nakapagtatag ng mga progresibong grupong lihim na tinatawag na pambansa-demokratikong sel. Ang ilan sa mga sel na ito ay tumutulong sa atin na abutin ang batayang masa na mahirap sana nating maabot.

Ang nasabing mga komisyon ay may ispesyal na tungkuling kunin sa panig ng rebolusyon ang panggitnang pwersa at bigyan ang pangunahing organisasyon ng Partido ng kongkretong tulong sa pag-abot sa batayang pwersa ng rebolusyon. Kailangang asikasuhing mabuti ang mga ligal na pangmasang organisasyon at aktibidad na may katangiang pambansa-demokratiko. Dapat bigyan ng masusing atensyon ang mahigpit na tungkuling ito.

Handang-handa pa rin tayong makipagkooperasyon sa mga tumututol sa pasistang diktadura ni Marcos, na pwedeng magakakaiba ang antas ng pagiging anti-imperyalista at anti-pyudal. Makipagkaisa tayo sa kanila pero imantini natin ang ating independensya't inisyatiba. Nakikipagtunggali tayo sa kanila sa makatwirang batayan at nang buong timpi dahil layunin nating makuha ang puso't diwa ng sambayanan at isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka.

Matagal nang humiwalay sa nagkakaisang prente ang mga taksil na rebisyonistang Lava. Hinding hindi na pinaniniwalaan ang sandakot na rebisyonista't pasistang mga kriminal na ito kahit sa iilang maliliit na lagar na dati'y pinagyayabang nilang balwarte, dahil sa pagsurender nila sa pasistang diktadura ni Marcos at sa aktibong paglahok nila sa mababagis na aksyong kontrarebolusyonaryo. Nahihiwalay na rin sa nagkakaisang prente ang grupo nina Manglapus, na nag-aakalang sila'y partidong sosyal-demokrata, dahil kasangkapan sila ng Sentral na Ahensya na Paniniktik (Central Intelligence Agency o CIA).

Makikita sa mga nangyayari na ang pangunahing hidwaan ng mga reaksyonaryo ay ang hidwaan ng pasistang gang nina Marcos at ng alyansang pinamumunuan daw ni Macapagal. Kahit marami-rami ring ahente si Marcos sa loob ng pansamantalang pambansang asembleya at nililimitahan niya ang awtoridad nito, laluna't umiiral ang pasistang paghaharing militar, ayaw niyang pulungin ang asembleyang ito at plano niyang lantaran itong buwagin dahil natatakot siyang maging porum ito ng malawak na pagtutol.

Alam ni Macapagal ang pakana ni Marcos, laluna ngayong si Imelda ay lumilitaw na panglawang pinuno at tagapagpatuloy ng pasistang paghahari ni Marcos. Kaya naman nananawagan si Macapagal sa mga upisyal ng reaksyonaryong armadong pwersa na gumawa ng ganting kudeta at maghari sa loob ng maikling panahon para ihanda ang pagpupulong ng pansamantalang pambansang asembleya. Malinaw na makikitang sinigurado na ng imperyalismong EU kay Macapagal na pwede niyang pamunuan nang hayagan ang oposisyong tapat sa naghaharing sistema. Mahalaga ring subaybayan ang pagtatanggal sa ilang tauhan ng CIA na dati'y nakapaloob sa rehimen ni Marcos.

Plano ng imperyalismong EU na makinabang saan man bumaling ang mga pangyayari sa tunggalian ng paksyon nina Marcos at paksyon nina Macapagal. Gusto ng kapangyarihang ito, na solong naghahari sa Pilipinas, na magbangayan ang dalawang tuta para sa iisang reaksyonaryong layunin. Ang pagkakaiba lamang ng bangayang ito sa mga reaksyonaryong kumpitisyon bago itatag anghaharing militar ay ang lalong tumitingkad na papel ng reaksyonaryong armadong pwersa.

Sa sitwasyong pinag-aagawan ng dalawang reaksyonaryong paksyon ang pabor ng imperyalismong EU, malinaw na nagiging mas determinado tayo na isulong ang pambansa-demokratikong linya laban sa pasismo, pyudalismo at imperyalismo, at walang tigil na isagawa ang armadong pakikibaka. Bilang mga rebolusyonaryo, ayaw nating malubog sa mga debate tungkol sa kung ang itataguyod ba ay ang konstitusyon ni Marcos o ang konstitusyon ng 1935. Ang importante ay buong husay na labanan ang pasistang adura ni Marcos at ang pwersang nagtataguyod dito, at sa gayo'y isulong ang rebolusyon.

Pwedeng maging kasinsama o mas masama pa ang mangyari kaysa kasalukuyang nangyayari sa ilalim ng pasistang diktadura ni Marcos kung magkakaroon ng kudetang pinamumunuan ng mga reaksyonaryong upisyal militar, kahit ipangako pa ng mga ito na hahawanin nila ang daan para sa pansamantalang pambansang asembleya. Gayunman, posible rin na sa pamamagitan ng kudeta ay mapwesto sa poder ang isang paksyong sibilyan, na talagang papayagang gapang pasistang pagmamalabis ni Marcos. Dapat tayong maging handa sa lahat ng posibilidad.

Tandaan nating lagi na ang pakikipagkaisang-prente natin ay sumusuporta sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Dapat tayong magkaroon ng mga alyadong mapagtitiwalaan at pangmatagalan, gayundin ng mga alyadong di mapagtitiwalaan at panandalian lamang. Ang pinakaimportante ay may mga alyado tayo upang maabot, mapukaw, maorganisa at mamobilisa para imulain ng rebolusyon ang milyun-milyong mamamayan nakailalim sa iba't ibang impluwensya.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >


Ang Mahigpit Nating Mga Tungkulin

ni Amado Guerrero



NILALAMAN:

Introduksyon

1. Isulong ang kilusang anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista!

2. Palakasin pa ang Partido at iwasto ang ating mga pagkakamali.

3. Itayo ang Rebolusyonaryong Kilusang Masa sa Kanayunan!

4. Higit pang Palakasin ang Hukbong Bayan at Isulong ang Rebolusyonaryong Armadong Pakikibaka!

5. Itayo ang Rebolusyonaryong Kilusang Masa sa Kalunsuran!

6. Buuin ang Malawak na Nagkakaisang Prenteng Antipasista, Antipyudal at Anti-imperyalista!

7. Iugnay ang Rebolusyong Pilipino sa Rebolusyong Pandaigdig!



 Download PDF file

 Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.