CPP Home Page   Publications  References  Organizations 

Features

  Multimedia  Utilities  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

2. PALAKASIN PA ANG PARTIDO AT IWASTO ANG ATING MGA PAGKAKAMALI!

Palakasin pa natin ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. May natamo na tayong ilang tagumpay na pwedeng gawaing batayan para makasulong pa tayo. Pero nagkaroon din tayo ng ilang kamalian at kahinaan na dapat nating iwasto para hindi ito makabagahe at makapagpabagal sa atin, at para matamo natin ang mas marami't malalaking tagumpay.

Ang muling pagtatatag sa Partido Komunista ng Pilipinas sa teoretikong pundasyon ng Marxismo-Leninismo Kaisipang Mao Zedong ay tagumpay na may malalim at masaklaw ang kabuluhan sa rebolusyong Pilipino. Naitakda at nailinaw na natin ang tamang linya ng Partido sa ideolohiya at pulitika.

Para mailagay sa tamang daan ang rebolusyong Pilipino, pinag-aralan at sinaliksik natin ang kasaysayan at kalagayan ng sambayanang Pilipino at ng Partido, at inilabas ang mga dokumento't sulatin na kailangan para matuto ang lahat ng rebolusyonaryong Pilipino. Sa pagsasagawa sa mga ito matagumpay nating pinuna at itinakwil ang kay tagal nang umiiral ng rebisyonistang linya ng mga Lava at Taruc na lumason at bumansot sa lumang partido ng pagsasanib.

Ipinamahagi natin ang mga sulatin at pinalaganap ang mga syentipikong rebolusyonaryong aral nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao, at matagumpay nating pinuna't itinakwil ang modernong rebisyonismo at sosyal-imperyalismong Sobyet. Pinalaganap natin ang mga sulatin ni Tagapangulong Mao hindi lamang dahil tama at ditalyado nitong hinharap ang mga problema ng demokratikong rebolusyong bayan sa bayang malakolonyal at malapyudal, kundi dahil tinataglay din nito ang pinakahuli't pinakakomprehensibong paglalagom ng karanasan ng proletaryado't mamamayan ng daigdig.

Para palaganapin ang Marxista-Leninistang paninindigan, pananaw at paraan, isinagawa natin ang mga kurso sa pag-aaral, inilabas ang mga pagsusuri sa kasulukuyang mga pangyayari sa Pilipinas at sa daigdig, itinaguyod ang ibayo pang pananaliksik na may pambansa't panrehiyong saklaw, at itinakda ang imbistigasyong panlipunan at ang punahan at pagpuna sa sarili bilang paraan para itaas ang antas ng ating ideolohiya at pahusayin ang ating praktikal na gawain.

Sa pagbubuo uli natin sa ideolohiya, kinailangan nating magdiin sa pag-aaral ng mga saligang prinsipyong Marxista-Leninista at sa paglaban sa modernong rebisyonismo ng mga Sobyet at lokal na taksil. Kinailangan nating umasa nang malaki sa mga libro tungkol sa matagumpay na mga rebolusyong pinamunuan ng mga kapatid na Partido sa ibang bayan. Kinailangan natin mismo dumaan sa mas marami pang rebolusyonaryong praktika kaysa sa pinag-umpisahan natin para mapalalim ang sapol natin sa Marxismo-Leninismo. At marami-rami rin sa ating mga kadre ang nagmula sa petiburgesya na talaga namang mas maraming natutuhan sa libro kaysa karanasan.

Sa ganitong kalagayan, mas tampok ang tendensyang dogmatista kaysa empirisista sa mga nagkakamali sa ideolohiya. Imbis na gumawa ng kongkretong imbistigasyon at pagsusuri habang nakikipag-ugnayan sa masa, may ilan sa ating kuntento na sa mga paralelismo, analohiya, siniping pangungusap at pag-iimbento ng walang katuturang mga salita. May ideya pa nga riyan na hindi tayo karapat-dapat tawaging mga rebolusyonaryo kung hindi natin kayang kopyahin ang isang matagumpay na rebolusyon sa ibang bayan.

Mayroon din diyan na akala mo'y nasasapol ang mga saligang prinsipyo't aral na nakuha sa pagpuna't pagtatakwil natin sa mga Lava at Taruc, pero hindi naman nila masapol ang sarili nating pag-unlad at naiibang kongkretong kalagayan natin. Hindi nila maintindihan na pwede lamang tayong sumulong nang hakbang-hakbang, at hindi pwedeng hingin sa atin na mag-isip at umaksyon na kapareho ng hiningi sa mga Lava at Taruc batay sa pwersang pwede nilang mapakilos noon at sakalagayang umiiral noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Habang ang tendensyang dogmatista ang nangingibabaw sa mga nagkakamali, may mga nanatili ring nakakulong sa sarili nilang makitid at limitadong karanasan dahil hindi sila nabibigyan ng pagkakataong umunlad sa ideolohiya o nasisindak lamang sila, o kaya naman ay sistematiko silang lumalayo sa tendensyang dogmatista sa pamamagitan ng pag-iwas sa teoretikong pag-aaral.

Pagkaraan ng mahigit pitong taon, nagkaroon na ng sapat na karanasan ang ating muling tatag na Partido kaya umabot na ito sa bagong yugtong malinaw na pagkaalam sa partikular na mga katangian at partikular na mga pangangailangan ng ating rebolusyonaryong pakikibaka sa buong Pilipinas at isa iba't ibang lokalidad. Sa ganitong diwa tayo nanawagan para iwasto ang mga pagkakamali sa ideolohiya.

Ang mga kasamang mas marami ang natutuhan sa libro ay dapat umugnay ng mahigpit at matuto sa masang anakpawis na manggagawa't magsasaka, at sa mga kasama nating mas marami ang karanasan. Kasabay nito, ang mga kasamang may katayuang manggagawa't magsasaka ay hindi dapat umiwas sa responsibilidad na iugnay sa teorya ang kanilang karanasan, at dapat nilang hingin na ipaliwanag ang teorya sa lenggwaheng madaling maintindihan.

Kulang ang palitan ng kapakipakinabang na mga karanasan sa loob ng Partido, laluna sa pagitan ng panrehiyong organisasyon ng Partido. Para maitaguyod ang ganitong palitan, inilalabas ng Komite Sentral ang Rebolusyon bilang panloob at teoretikong bulitin na para lamang sa mga myembro ng Partido. Bukod sa mga pahayag at direktiba ng Komite Sentral, ang pangunahin naming balak ilathala sa Rebolusyon ay ang mga dokumentong mula sa mga panrehiyong kumperensya ng Partido, at mga artikulong resulta ng paggamit ng teoryang Marxista sa kongkretong rebolusyonaryong praktika, imibistigasyong panlipunan, kurso sa pag-aaral, at punahan at pagpuna sa sarili.

Balak din naming magdaos ng mga kumperensya ng mga representante ng iba't ibang panrehiyong organisasyon ng Partido, at hikayating dumalo sa mga panrehiyong kumperensya ng Partido ang mga representante ng ibang panrehiyong organisasyon ng Partido. Sa ganitong paraan ay pwede ng gawin ang pinakaditalyado pero ligtas na palitan ng karanasan.

Hinihikayat namin ang lahat ng myembro ng Partido na mag-ambag sa pangkalahatang pagsisikap na bigyan ng pambansang porma ang Marxismo-Leninismo. Kailangan nating burahin sa ating isipan ang ideya na ilang teoretisyan lamang ang nakakaalam ng teorya at paggamit nito. Pwede lamang tayong magtagumpay kung patuloy na gagamitin ng buong Partido ang teorya Marxista-Leninista sa kongkretong kundisyon ng rebolusyong Pilipino.

Naitatag ng Partido ang pampulitikang pamumuno ng proletaryado sa rebolusyon sa pamamagitan ng pagtatakda, paglilinaw at pagsasagawa sa pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan. Malaking tagumpay ito. Nailinaw na natin ang katangian, pwersang pampakilos, ang mga target at perspektiba ng rebolusyong ito.

Ang katangian ng rebolusyon ay itinatakda ng esensyal na tungkulin nito: palayain ang sambayanan sa paghaharing dayuhan at pyudal, at itatag ang independiyente't demokratikong Pilipinas. Magagawa lamang ang tungkuling ito sa pamamagitan ng pagsusulong sa armadong pakikibaka bilang pangunahing porma ng rebolusyonaryong pakikibaka, at pagbubuo ng pinakamalawak na nagkakaisang prente ng mga pwersang pampakilos para ihiwalay at durugin ang target o kaaway.

Nangunguna sa mga pwersang pampakilos ang proletaryado. Kinukuha nitong pangunahing alyado ang uring magsasaka na ang hangaring magkaroon ng lupa ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa uring magsasaka pwedeng kunin ang karamihan sa mga mandirigma ng hukbong bayan. Ang saligang alyansa ng masang anakpawis na manggagawa't magsasaka ang solidong pundasyon ng nagkakaisang prente na may tungkuling kunin sa panig ng rebolusyon, una, ang petiburgesya ng lunsod at pangalawa, ang pambansang burgesya.

Ang mga target ng rebolusyon ay ang malaking burgesyang kumprador at ang uring panginoong maylupa. Ang kasalukuyang rebolusyonaryong pakikibaka natin sa pasistang diktadura ni Marcos ay hindi lamang pakikibaka sa naghaharing pangkatin. Habang nilalabanan natin ang pangkating ito, dapat nating paunlarin ang lakas na magpapahina sa buong naghaharing sistema at magbabagsak dito balang araw.

Sosyalismo ang perspektiba ng demokratikong rebolusyong bayan. Dapat umpisahan ang rebolusyong sosyalista kapag naipagtagumpay na ang demokratikong rebolusyong bayan. Kahit handa tayong magbigay ng konsesyon sa petiburgesya at pambansang burgesya sa panahon ng transisyon, hindi na tayo dadaan sa yugto ng ganap na kapitalismo tulad ng sa lumang demokratikong rebolusyong proletaryo.

Alinsunod sa demokratikong rebolusyong bayan, itinatag natin ang Bagong Hukbong Bayan at inilunsad ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Ang istratehikong linya natin ay kubkubin ang kalunsuran mula sa kanayunan, at sa matagal na panaho'y magpaunlad ng mga baseng bukid at mula dito'y sumulong para agawin ang kapangyarihang pampulitika.

Tulad ng Partido, nag-umpisa sa halos wala ang hukbong bayan at agad itong naglunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Hakbang-hakbang na lumakas ang hukbong bayan, nagkamit ng tagumpay militar sa kabila ng malalaking disbentahe, at nakuha ng hukbong bayan ang puso't isip ng milyun-milyong mamamayan dahil sa magigiting niyang gawa.

Ang hukbong bayan ang naging pangunahing instrumento ng Partido sa pag-oorganisa sa masang magsasaka. Daan-daang libong taumbaryo ang direkta nang saklaw ng mga komiteng pang-organisa ng baryo na itinayo na ating mga iskwad gerilya at armadong pangkat pampropaganda. Nakapagtatag na tayo ng maliliit na baseng gerilya at mas malawak na sonang gerilya, nagsulong ng mga kilusang masa, at nagbunsod ng reporma sa lupa.

Kahit kinakaharap natin ang pasistang kaaway, patuloy nating inoorganisa't pinamumunuan ang malaking bilang ng mamamayan. Kahit dumadapa ang ating mga komiteng pang-organisa ng baryo sa isang lugar dahil sa malakihan at matagalang kampanya ng kaaway, dumadami naman ang mga komiteng pang-organisa ng baryo sa ibang lugar, kaya sobra pa nga ang bawi natin. At kahit tayo mawawalan pansamantala lamang iyon at pwede pang mabawi.

Bilang suporta sa kilusang masa at armadong pakikibaka sa kanayunan, inilunsad din ng Partido ang malalaking kilusang masa sa kalunsuran. Ang sigwa ng unang kwarto ng 1970 at ang sumunod na mga aksyong masa sa Maynila-Rizal at iba pang lungsod ay nagpalaganap ng ating rebolusyonaryong propaganda sa buong Pilipinas at nagbigay sa atin ng marami-rami ring aktibistang myembro at di myembro ng Partido. Inilipat na sila sa kanayunan o kaya'y patuloy nilang pinauunlad ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran.

Kailangan talagang magpalawak nang mabilis-bilis sa kanayunan para magkaroon ng malawak na maniobrahan ang ating pwersang gerilya. Sa layuning ito, itinatayo natin ang mga komiteng pang-organisa ng baryo. Samantalang itinakda natin na ang pag-oorganisa sa mga ito ay dapat umayon sa patakaran ng nagkakaisang prenteng anti-pyudal, marami sa mga komiteng ito ang padaskul-daskol na inorganisa. Dahil dito, nakakapuslit sa loob ng komite ang mga di mapagtitiwalaang elemento at nadadaig nila ang mga maralita't panggitnang magsasaka, at naipagyayabang ang kanilang tungkulin habang wala pa ang kaaway.

Ang kawalan o kakulangan ng imbestigasyong panlipunan at ang pagpapasapi sa komiteng pang-organisa ng baryo sa sinumang unang kontak sa baryo ay madalas maging katangian ng padaskul-daskol na pag-oorganisa. At ang pagkakamaling ito ay humahantong sa isa pang pagkakamali: hindi naasikaso ang konsolidasyon. Ang mga batayang organisasyong masa para sa magsasaka, manggagawa, kababaihan, kabataan, bata, at aktibista sa kultura ay hindi naorganisa't namobilisa para siguraduhin ang patuloy at lahatang-panig na suportang masa sa rebolusyon. Kaya malawak man ang dagat ay mababaw naman ito.

Kapag hindi natin nagagamit ang prinsipyong ikumbinasyon sa maraming lokal na aktibista ang ilang kadreng mula sa labas, mas malamang pa nga na makitid ang saklaw ng ating gawaing pampulitika. Kaya dapat nating hawakang mabuti ang relasyon ng pagpapalawak at pagkokonsolida, ang relasyon ng pagpapaunlad sa sonang gerilya at baseng gerilya bilang larangan natin sa labanan.

Sa mga pagkakamaling naging kapaha-pahamak, ang naging prinsipal na tendensya ay adbenturismo o "kaliwang" oportunismo. Malawak man o makitid pero mababaw ang suportang masa, may mga naglulunsad ng aksyong militar laban sa kaaway; at kapag tumitindi ang reaksyon ng kaaway, hindi nila malaman kung saan susuot o kaya nama'y inaabutan sila ng kaaway. Hindi nila nakikita na kailangan ang matiyagang gawaing masa para suportahan at siguraduhing magiging matagumpay ang anumang importanteng aksyon, militar man o hindi.

May mga elementong petiburges na hindi pa rin nagbabago ng pananaw, akala nila'y sapat nang mag-ingay, magpropaganda nang masaklaw pero kalimutan ang solidong pag-oorganisa sa masa-at akala rin nila'y kailangan munang maglunsad ng aksyong militar ng ilang matapang na tao bago asikasuhin ang solidong pag-oorganisa sa masa.

Nag-anak din ng kumandismo ang pag-asa sa isang komite lamang na dominado ng ilang personaheng di mapagtitiwalaan pero may prestihiyo. Kadalasan ay hindi tinitiyak ng tagapangulo at ng pinuno sa depensa ng komiteng pang-organisa ng baryo ang pag-iral ng kolektibong buhay sa loob ng komite. At dahil walang mga militanteng organisasyong masa, ang nagiging tunguhin ay pag-uutusan ang mga tao at pagawin sila ng mga bagay ng lampas sa kanilang antas ng kamulatan at organisasyon.

Habang nilalabanan natin ang "Kaliwang" oportunismo bilang prinsipal na tendensya ng mga nagkakamali sa hanay natin, dapat din nating pag-ingatan ang Kanang oportunismo. Ang paggigiit natin na sundin ang linyang masa, itatag ang mga batayang organisasyong masa, at ilatag ang pundasyon ng tunay na digmang bayan ay hindi dapat baluktutin at ipakahulugan na ipagpapaliban nang walang taning ang mga taktikal na opensibang militar kahit hinog na ang kundisyon para sa mga ito.

Sa kanayunan, may mga manipestasyon na ng tendensyang Kanang oportunista. Ang isa ay ang sadyang magpapasok ng mga di mapagtitiwalaang elemento sa mga komiteng pang-organisa ng baryo at magkasya na lamang sa mga pansamantalang bentaheng naibibigay nila. Ang isa pa ay magpasarap sa isang baryo at hindi magpunta sa ibang baryo para asikasuhin dito ang gawaing masa. At ang isa pa ay ang malulong sa paghabol sa lokal na masasamang elemento at hindi isulong ang reporma sa lupa at armadong pakikibaka.

Sa kalunsuran, naririyan ang "Kaliwang" oportunistang ideyang laganap sa mga nagkakamali sa hanay natin na hindi pwedeng magkaroon ng rebolusyonaryong pakikibaka kapag walang mga welga, demonstrasyon, at iba pang hayag na aksyong protesta ng masa. Hindi nila nakikita na rebolusyonaryong pakikibaka na nga ang paglalatag ng pundasyon para sa mas matataas na pormang ito ng aksyong pampulitika sa pamamagitan ng solidong pag-oorganisa sa masa.

Naririyan din ang ideya ng mga nagkakamali sa hanay natin na sapat na ang masaklaw na gawaing pampropaganda para mamobilisa ang mamamayan. Naririyan ang isa pang ideya na pwedeng hindi asikasuhin ang pakikibakang pang-ekonomya ng manggagawa, samantalang dapat natin itong sapulin sa sarili nitong antas at tiyaking matataas sa antas ng pakikibakang pampulitika.

May mga kaso na rin ng Kanang oportunismo sa isang rehiyon. Ang isa ay ang panukalang pangibabawin ang islogang humihingi ng pangkalahatang eleksyon pambansa sa ibang mga islogang naggigiit sa mga demokratikong karapatan at interes ng batayang masa. Ang isa pa ay ang paghahanap ng napakaliit na mga kahilingan para iwasang igiit kahit ang mga saligang ipinaglalaban ng unyon at iwasang gawin ang mga preparasyong kailangan para maisulong ang mga ito.

Kahit sinabi natin na sa rebolusyonaryong gawain ay hindi sapat ang masaklaw na pagpopropaganda lamang, kinikilala natin na napakaimportante nito, at kung wala ito'y walang abiso at wala ring direksyon ang pag-oorganisa sa masa. Kailangang pag-ibayuhin ang gawain sa propaganda kung gusto nating pahusayin ang lahatang-panig na rebolusyonaryong gawain. Tiyak na lalaki ang kapasidad natin sa propaganda at ahitasyon habang mahusay na inoorganisa ang masa at dumadami ang aktibista sa hanay nila.

Ang mga pagwawasto na kailangan nating isabalikat sa ating gawaing pampulitika ay mas puspusang tatalakayin sa mga sumusunod na seksyon ng pahayag na ito.

Ang karamihan sa mga myembro ng partido ay kinukuha sa mga aktibista ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Malinaw na ang kasapian natin ay mahigpit na nakaugnay sa masa at nakalubog sa rebolusyonaryong kilusang masa. Pero hanggang ngayon, halos puro kadre ang ating Partido. Kaya naman maliit pa rin ang ating Partido.

Nag-umpisa ang Partido noong huling parte ng 1968 sa hindi aabot ng dalawampung myembro mula sa lumang partido ng pagsasanib at pitumpu't limang pwedeng maging myembro. Dumami ang mga myembro at naging ilampu noong 1969, ilandaan noong 1970, at halos isang libo noong 1971. Mula noong 1972, naging ilanlibo na ang ating mga myembro. Pero mula noong 1973, naging mas mabagal na ang paglaki natin.

Sumasaklaw na sa buong Pilipinas ang ating Partido. Noong 1969 at 1970, may mga myembro ng Partido sa Maynila-Rizal, Gitnang Luzon, Lambak ng Cagayan (Cagayan Valley), at Timog Luzon na direktang nakapailalim sa Komite Sentral at nasa Maynila-Rizal at Gitnang Luzon ang karamihan ng mga myembro. Pagkatapos ng Ikalawang Plenum ng Komite Sentral noong 1971, inumpisahan nating itayo ang panrehiyong komite at organisasyon ng Partido. Mayroon na tayo ngayong siyam na panrehiyong organisasyon na sumasaklaw sa buong Pilipinas.

Ang mayorya ng mga myembro ng Partido ay nakapailalim ngayon sa mga panrehiyong organisasyon ng Partido sa labas ng Maynila-Rizal. At ang mayorya naman ng mga myembro ng mga ito ay nasa kanayunan at nagpapaunlad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Pero ang pinakamalaki pa rin sa mga organisasyon ng Partido ay ang sa Maynila-Rizal. Patuloy na lumalaki ang panrehiyong organisasyong ito ng Partido kahit patuloy na nagbibigay ng mga kadre sa ibang rehiyon.

Makikita natin na may kabagalan ang paglaki ng Partido kung iuugnay natin ito sa malaking bilang ng masang pinamumunuan ng Partido. Sa unang tingin, parang nakakapagpataba ng puso na kayang pamunuan ng iilan ang napakarami at mataas na istandard sa pagririkrut. Pero may mga di kanais-nais na rason sa mabagal na paglaki ng Partido.

Ang sektaryanismo, di mahusay na pag-aatras at pagsubaybay, di regular at mabigat na mga kurso sa pag-aaral, at kawalan ng plano sa pagririkrut ay mga problemang pumipigil sa paglaki ng organisasyon ng Partido sa kalunsuran at kanayunan. Dapat nating lutasin ang mga ito.

Ang tampok na rason kaya hindi malampasan ng ibang panrehiyong organisasyon ng Partido ang laki ng kasapian ng organisasyon ng Partido sa Maynila-Rizal ay ang di pagtatayo sa mga organisasyong masa at kilusang masa sa mga lokalidad. Kung wala ang mga ito, hindi pwedeng magkaroon ng matibay na batayan para itatag ang mga lokal na sangay ng Partido. Bukod sa hukbong bayan, ang mga organisasyong masa ang dapat maging malalim na balong pagkukunan ng mga rebolusyonaryong aktibista at myembro ng Partido.

Hindi dapat pumalakpak ang tenga ng mga kasama sa organisasyong ng Partido sa Maynila-Rizal, at hindi sila dapat manatiling kampante ngayo't sila ang pinakamalaki sa mga organisasyon ng Partido. Nitong nakaraang dalawang taon, nagkaroon na ng tendensyang tumigil sa pagdami at mabawasan pa nga ang kasapian sa Maynila-Rizal. Kung hinihingi nating itayo ang mga lokal na sangay ng Partido sa hanay ng magsasaka sa kanayunan, hinihingi din nating itayo ang mga lokal na sangay ng Partido sa hanay ng manggagawa.

Hindi pwedeng gawing pangunahing rason ang pasistang pagharing militar kaya mabagal ang paglaki ng Partido. Ang mga paghihigpit na ipinapataw ng tiranikong paghaharing ito ay bale nawalan na ng saysay dahil sa tumitinding galit at nag-iibayong paglaban ng malawak na masa ng mamamayan. Nitong nakaraang mga taon, hindi kailanman lumampas sa limang porsyento ng kasapian ng Partido ang napasakamay ng kaaway. Dapat mahigpit na sapulin ng Partido na kailangan at importanteng magkaroon ito ng maraming myembro ang Partido mula sa mga manggagawa at magsasaka.

Mula noong 1971 hanggang 1973, ang mga pambansang kawanihan na nakabase sa Maynila-Rizal ay hindi lamang epektibong nagsilbi bilang administrador ng mga pambansang organisasyong masa na nakabase sa syudad kundi bilang sanayan din ng marami-raming bagong rikrut sa Partido. Noong unang taon ng paghaharing militar, epektibo ring nangasiwa ang mga kawanihang ito sa maayos na pag-atras ng organisasyong masa na biglang napilitang kumilos ng lihim. Pero noong 1974, naging napakalinaw na wala ng silbi ang nasabing mga pambansang kawanihan.

Ang panahon pagkatapos ng unang taon ng paghaharing militar at bago lusawin ang mga pambansang kawanihan noong Hulyo 1974 ay totoong malaking pagkabalam na masyadong pumigil sa pagtatalaga sa mahuhusay na kadre sa iba't ibang pangrehiyong organisasyon ng Partido na sabik at handang kumuha sa kanila.

Patakaran pa rin natin na mapangahas na palawakin ang Partido batay sa rebolusyonaryong kilusang masa nang hindi nagpapapasok ng kahit isang di kanais-nais na elemento. Dapat nating sundin ang mga makatwirang istandard na itinakda ng konstitusyon ng Partido at paramihin ang mga myembro ng Partido na may katayuang manggagawa at magsasaka. Kaugnay nito, dapat nating tandaan na ayaw nating maging Partidong puro kadre.

Gusto nating magkaroon ng maraming myembro ng Partido na may katayuang manggagawa at magsasaka dahil sukatan ito ng bisa ng ating rebolusyonaryong gawain, dahil gusto nating tuparin ang naglalakihang tungkulin na pangunahi'y may kinalaman sa kanila't kinasasangkutan nila, at dahil gusto nating kontrahin at pahinain ang negatibong impluwensya na maaaring dalhin sa Partido ng mga myembro mula sa ibang uri.

Itinataguyod ng Partido ang demokratikong sentralismo bilang saligang prinsipyo sa organisasyon. Ito ay sentralisadong pamumunong nakabatay sa demokrasya, at demokrasyang pinapatnubayan ng sentralisadong pamumuno. Sa pamamagitan ng prinsipyong ito, pwede tayong manindigan at kumilos nang nagkakaisa at maalam sa anumang importanteng usapin. Lagi nating gamitin ang prinsipyong ito.

Ang sistemang komite sa bawat antas ng liderato, mula sa Komite Sentral hanggang sa komiteng tagapagpaganap ng sangay, ang pinakaimportanteng kasangkapan ng prinsipyong demokratikong sentralismo. Ang namumunong komite sa isang antas ang sentro ng buong organisasyon ng Partido sa ganoong antas at sentro rin ng mga nakakababang organo at organisasyon; at sa pagiging kolektibo ng komite, nadadala ang demokrasya mula sa mga nakakababang antas.

Sa kalagayang kakaunti ang mga myembro ng Partido na gumaganap ng napakaraming tungkulin, nagkakaroon ng tendesya na gumanap ng napakaraming tungkulin ang mas kakaunti pang mga lider ng Partido. Kapag madalas na abala sa napakaraming tungkulin sa iba't ibang lugar ang mga lider ng Partido at nahihirapan silang magkita nang madalas, laging may piligro na disisyunan ng iisang lider ng Partido ang mga usaping kailangan iharap sa isang komite.

Dahil dito nagkakaroon ng kundisyon para sumulpot ang penomenon na minomonopolyo ng isang tao ang pagdidisisyon sa mga usapin. Ang totoo'y sumulpot na ito sa Partido at matagal na nga nating nilalabanan. Hanggang ngayon, nananatili ito dahil naririyan pa ang kundisyon para lagi itong sumulpot.

Ang istandard na solusyong pang-organisasyon sa problemang ito ay ang magkaroon ng mas maliit na pamalagiang komite, na mas madaling pulungin kaysa buo at malaking komite, para aksyunan at disisyunan ang mga usapin sa patnubay ng mga itinakdang patakaran. Halimbawa, naririyan ang kawanihang Pampulitika ng ating Komite Sentral; pagkatapos ay ang Komiteng Tagapagpaganap, at kasunod nito'y ang Pangkalahatang Kalihiman. Naririyan din ang komiteng tagapagapanap ng komite ng rehiyon, at pagkatapos ay ang kalihiman.

Kailangan ang mahusay na paghusga batay sa karanasan at ganap na pagsapol sa mga patakaran para mabilis na makapagdisisyon ang isang lider ng Partido sa isang usaping kailangang disisyunan agad. Pwede siyang maging kapareho ng isang kumander ng hukbo na nasa gipit na sitwasyong militar. Pero tuwina'y dapat niyang iharap agad sa kolektibo ang kanyang disisyon at aksyon.

Pwedeng magpasimula o magharap ng burador o anuman, ang sinumang lider ng Partido bagamat ang tagapangulo o ang kalihim ang inaasahang gumanap ng ganitong tungkulin sa pamumuno. Pero dapat munang magpulong ang mas maliit na komite para makapaghanda ito bago iharap ang mga usapin sa plenum ng mas malaking komite. Sa ganitong paraan, magiging lubos ang preparasyon at ang buong proseso ng pagdidisisyon.

Ang burukratismo ay pagkakamali ring kumokontra sa diwa ng demokratikong sentralismo. Hindi dapat magkasya ang mga kadre natin sa pagtanggap na lamang ng mga ulat. Dapat din silang magpunta sa nakakababang antas at sa masa sa loob ng kapaki-pakinabang na haba ng panahon para maimbistiga nila mismo ang batayan sa pagbubuo ng patakaran, maberipika ang mga ulat, at mapag-aralan kung tama o mali ang mga patakaran.

Ang pagpunta sa masa ay mainam para sa pagpapanibagong hubog ng mga kadre ng Partido na nasa nakakataas na at panggitnang antas. Hindi natin sinasabi na iwan nila ang kanilang mga tungkulin sa namumunong organo kundi paghusayin pa ang pagganap sa mga ito. At hindi natin sinasabi na mag-aksaya sila ng pagod sa pagpaparoot parito sa napakaraming lugar. Pero dapat silang magpunta sa masa para imbistigahin ang tipikal o kritikal na mga sitwasyon (anuman ang pangunahing tungkulin o pangunahing problema na kailangan bigyan ng masusing pansin) at dapat silang mahigpit na makipag-ugnayan sa masa.

Ang sentral na liderato mismo ay nagsagawa ng ilang ispesyal na proyekto na nangangailangan ng mga ispesyal na tauhan, malaki't pirmihang puhunan, at ispesyal na paraan ng paggawa na hindi siguradong bibigyan ng epektibo o sapat na suporta ng masa sa lugar na pinaglulunsaran ng operasyon. Hindi na dapat isagawa ang mga ito dahil madaling mabigo at masyado nitong itinatali ang liderato sa mga bagay na sekundaryo ang importansya sa isang rebolusyonaryong kilusan na umasa sa sarili.

Sa mga nakakababang antas ng Partido, nagkaroon na rin ng tendesya na mapalayo ang pansin ng mga lider ng Partido sa mga pundamental nilang tungkulin dahil sa negosyo at iba pang proyekto. Kung may pakinabang sa rebolusyon ang mga proyektong ito, dapat ito isagawa ng mga mapagtitiwalaang tauhan, pero hindi dapat maaksaya ang panahon ng mga lider ng Partido at hindi dapat isapalaran ang pondi ng Partido na kailangang-kailangan sa ibang gawain.

Dapat nating masigasig at matipid ang lahat ng lider at myembro ng Partido. Dapat samantalahin ang bawat sandali para isulong ang rebolusyon. Dapat mahusay na gastusin ang bawat sentimo. Sa pagsisigasig at pagtitipid, matagumpay nating maisasagawa ang patakarang umasa sa sarili.

Sa panahong ito ng pasistang paghaharing militar, hindi lamang dapat maging mapagmatyag ang Partido kundi dapat pang maging mas mapagmatyag. Sa istratehiya ay dapat nating hamakin ang kaaway; pero sa taktika, dapat ay seryoso't puspusan natin silang isaalang-alang. Mula pa noong umpisa, kumikilos na ng lihim ang Partido at lumalahok na sa armadong pakikibaka; at ipinapakita ng kalagayang ito na laging handa ang Partido at kaya nitong harapin ang pinakagrabeng pwedeng mangyari. Pero may mga kahinaang dapat nating malaman para mapag-ingatan natin.

Sa kalunsuran, dapat nating malaman na ang mga lantad na aktibista ng mga legal na progresibong organisasyon noong bago itatag ang pasistang paghaharing militar ay binubuntutan ng kaaway nang hindi namamalayan ng mga iyon para matunton ang kilusang lihim ng Partido. Nadakip na ang marami sa mga aktibistang ito at ang ilan sa kanila'y napatunayan o napagsususpetsahan lamang na myembro ng Partido. Dapat ilipat sa ibang lugar o gawain ang mga myembro ng Partido na hindi na epektibong makakaganap sa kasalukuyan nilang gawain sa lunsod.

Sa kanayunan, ang mga myembro ng Partido na wanted ng kaaway ay kailangang umangkop sa pagiging makilos ng aktibidad natin bilang gerilya. Malaki rin ang piligro sa kanayunan dahil mayroon lamang tayong mga iskwad gerilya, at mga platung gerilya pa lamang ang pinakamalaking pormasyon natin. Pero kung ikukumpara sa kalunsuran, sa kanayunan ay tiyak na makakaasa tayo sa mga malaking suportang masa sa mas malawak at dugtung-dugtong na mga lugar. Mas maluwag na makakakilos dito ang mga myembro ng Partido na hindi na makakilos nang maluwag sa kalunsuran.

Sa kalunsuran at kanayunan, marami nang kasama ang nagbuwis ng buhay o napasakamay ng kaaway, at dinanas nila ang pinakamasakit na tortyur at ang hirap ng pagkabilanggo. Kabilang sa kanila ang ilang myembro ng Komite Sentral at ng iba't ibang panrehiyong komite ng Partido.

Pinararangalan at tinutularan natin ang ating mga martir at bayani. At ipinapaabot natin sa mga kasamang nakabilanggo na lalo pa silang magpakatatag habang nasa bilanguan at gawin nila itong paaralan. Dapat tayong matuto sa kanilang karanasan. Hanggat patuloy na lumalaki ang mga panrehiyong organisasyon ng Partido sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pakikibaka, laging may batayan para lumitaw ang mga kadre na pupuno at magpapalakas sa Komite Sentral at sa mga panrehiyong organisasyon ng Partido.

Kakarampot lamang sa mga napasakamay ng kaaway ang nagtraydor o nagkanulo. May ilan ding hindi nakatagal sa hirap ng pakikibaka at tumigil sa pagkilos o sumurender sa kaaway. Ang lahat ng taksil na ito ay sasandakot lamang at hindi aabot ng kahit dalawang porsyento ng mga napasakamay ng kaaway. Dapat tayong matuto sa negatibo nilang halimbawa.

Sinasalamin ng Partido ang napakasamang lipunan. Kaya mayroon tayong mga kamalian at kahinaan. At may ilang tuluyang bumaligtad at nagiging traydor. Walang duda na umiiral sa loob ng Partido ang batas ng kontradiksyon at ang batas ng tunggalian ng mga uri. Pero sa kabuuan ay talagang mahusay ang mga myembro ng Partido. Nagkakaisa ang Partido na lalo pang magpalakas.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >


Ang Mahigpit Nating Mga Tungkulin

ni Amado Guerrero



NILALAMAN:

Introduksyon

1. Isulong ang kilusang anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista!

2. Palakasin pa ang Partido at iwasto ang ating mga pagkakamali.

3. Itayo ang Rebolusyonaryong Kilusang Masa sa Kanayunan!

4. Higit pang Palakasin ang Hukbong Bayan at Isulong ang Rebolusyonaryong Armadong Pakikibaka!

5. Itayo ang Rebolusyonaryong Kilusang Masa sa Kalunsuran!

6. Buuin ang Malawak na Nagkakaisang Prenteng Antipasista, Antipyudal at Anti-imperyalista!

7. Iugnay ang Rebolusyong Pilipino sa Rebolusyong Pandaigdig!



 Download PDF file

 Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.