Ang pagpapanday ng Partido sa FX

 

Ang artikulong ito ay ambag ng mga myembro ng Partido sa rehiyon ng Bicol sa serye ng Ang Bayan (AB) tungkol sa mga tampok na karanasan sa pagbubuo ng mga sangay ng Partido sa ibaít ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain. Nananawagan ang patnugutan ng AB sa iba pang komite ng Partido na mag-ambag sa seryeng ito sa pamamagitan ng pagsumite ng inyong tampok na mga kwento.

Ang pagbubuo sa Partido ay una sa lahat ang pagbubuo sa ideolohiyaóito ang pinatunayan ng sangay ng Partido sa FX. Sa pagbubuo ng kumpyansa ng Partido sa pamumuno sa komprehensibong gawain, susi ang masiglang edukasyong teoretikal at pagsisikap na ilapat ito sa pang-araw-araw na gawain sa rebolusyon ng sangay.

Taong 1974 unang naorganisa sa pambansa-demokratikong rebolusyon ang mga residente ng baryong FX. Mga rebolusyonaryong galing sa Sorsogon ang unang nakarating sa lugar. Sa sumunod na mga taon, nabuo ang Komiteng Pang-organisa, ang sangay ng Partido sa lokalidad (SPL) at ang yunit ng milisyang bayan. Ang baryo ng FX ang isa sa mga konsolidadong baryo na unang naipundar ng mga kasama sa prubinsya. Ang sangay sa FX ay dumaan na sa ilang bagyo at sigwa dulot ng iba’t ibang kampanyang “kontra-insurhensya” ng reaksyunaryong estado.

Katulad sa karanasan ng ibang naitayong SPL, dumanas ang sangay sa FX sa mga pagsulong at pag-atras. Sa pamamagitan ng pagtangan sa mayor na mga aral sa kasaysayan, sumulong at lumakas ang Partido sa FX. Isa sa mga aral na ito ang kahalagahan ng pagpapasigla sa gawaing edukasyon sa pagbubuo ng sangay.

Banggit ni Ka Liz, kalihim ng SPL sa FX, sa liham niya sa kasama na “…sa ngayon ay nakatakda kaming magbuo ng komiteng rebolusyonaryo sa baryo. Dapat matagal nang nakapagbuo nito, kaya lang ay naging mabagal ang pagtataas ng antas ng mga organisasyong masa sa kabila ng matagal nang mayroong sangay ng Partido at mga ganap na samahang masa. Ang naging salik ay ang mabagal na pagbibigay ng pag-aaral sa nakaraan. Bunga rin ito ng kakulangan sa mga sinanay na mga instruktor.”

Dahil sa pagkilala sa mayor na mga salik na kahinaan sa nakaraan, pinagtulungan ng sangay at ng komite ng Partido sa rehiyon ang gawaing edukasyon sa lokalidad. Dulot nito, inabot dito ang relatibong mataas na porsyento ng mga nakapagtapos sa Batayan at Intermedyang kurso ng Partido (BKP at IKP). Nakapagtapos ng IKP ang lahat ng mga kagawad ng komiteng tagapagpaganap o KT ng SPL sa FX. Samantala, 48% naman sa buong kasapian ng sangay ay nakapagtapos din nito. Nasa 92% ng buong kasapian ng Partido sa lokalidad ang nakatapos ng BKP.

Naabot ng sangay ang mga tagumpay na ito dahil sa paggana ng makinarya sa instruksyon ng SPL. Sampung instruktor ang nasa kwerpo ng mga instruksyon ng BKP at dalawa ang para sa IKP. Naging patakaran ng komite ng Partido sa prubinsya na pangunahing hikayatin ang mga kalihim ng SPL na tumayong mga instruktor nang sa gayon ay maging mulat sila na pangunahan ang gawaing edukasyon sa sangay. Habang may kapasidad ang SPL sa FX na paganahin ang sariling makinarya sa BKP, inihahanda na rin nito ang mga rekisito para sa pagtatayo ng sariling makinarya para sa IKP.

Ayon kay Ka Jing, isa sa mga namumunong instruktor sa FX, dati ay nahihirapan silang ilunsad ang mga kampanya sa edukasyon ng Partido laluna ang BKP, pero mula nang masanay sila ay naging madali na ang pagbibigay ng pag-aaral.

“Una, nakikipagkonsultahan kami sa KT ng SPL para sa paghahanda ng pag-aaral. Samantala, ang milisyang bayan ang nag-aasikaso ng seguridad. Sa mga kabahayan ng baryo inilulunsad ang pag-aaral para mas madali para sa mga residenteng instruktor. Dahil nasa baryo lamang ito, pleksible ang nagiging iskedyul ng pag-aaral. Pwedeng seminar o istagard, depende sa mga mag-aaral,” ayon kay Ka Jing.

Madalas na hinahati sa dalawang sesyong tig-tatlong araw ang BKP. Nalutas nito ang dating suliranin na hindi nakadadalo ang kababaihang ina dahil may maliliit pa silang anak na hindi pwedeng iwan kung matagal at malayo ang pag-aaral. Kahit ang mga kabataan na pumapasok sa eskwela ay nagkakaroon din ng pagkakataong makapag-aral ng BKP dahil maaari itong ilunsad tuwing Sabado at Linggo.

Dahil sa sistematiko at pleksibleng paglulunsad ng pag-aaral, naiiwasan ang maraming baklag ng mga hindi nakapagtapos na kasapi ng Partido ng pormal na mga kurso. Ang badyet sa pagkain para sa pag-aaral ay kaya ring suportahan ng pondo ng SPL mula sa mga kontribusyon at mula rin sa naiipong pondo galing sa ambag ng mga benepisyaryo ng rebolusyong agraryo. Mahalaga ring natitiyak ang mga kasangkapan sa gawaing edukasyon, tulad ng aklatan ng kinakailangang mga teksto at mga hand-out sa pag-aaral. Para sa mahusay at mabilis na pagbibigay ng edukasyon, gumamit ang sangay ng kompyuter at projector.

Dahil sa relatibong inabot na antas ng konsolidasyon sa ideolohiya, nalagpasan ng sangay ang dating kinaharap na mga suliranin. Kabilang dito ang pagkapasibo ng sangay at pagkaantala ng maraming gawain kapag malayo ang yunit ng hukbong bayan na kumikilos sa erya. Napatunayan sa karanasan ng SPL sa FX na ang kumpyansa ng mga kasama sa paggampan ng gawain sa pulitika at organisasyon ay dahil sa masiglang gawain sa ideolohiya. Liban sa pagpapatapos sa mga pormal na kurso, masigla rin ang kolektibong pagpaplano, pagtatasa, at pagpuna at pagpuna-sa-sarili (PPS) sa loob ng sangay.

Ayon pa kay ka Liz, “dahil sa mahusay at masiglang kolektibong pagkilos, mahusay din naming nagagampanan ang mga gawaing pang-organisasyon. Kapag mayroong gawain, nagpupulong ang KT at nailalatag nang mahusay sa buong sangay ang gawain na nakabatay sa programa sa tatlong laranganósa ideolohiya, pulitika at organisasyon. At syempre, para magkaroon ng direksyon at mahusay na dumaloy ang pulong, kailangang itakda ang layunin at adyenda nito.

Isa pa sa napakahalagang sangkap sa atin ay ang regular na PPS. Walang perpektong tao, at tayo’y nagkakamali kahit sa paggampan ng gawaing pang-organisasyon. Kaya matuto tayong tumanggap ng puna at ituwid natin ang mga mali. Ito ang pupukaw sa ating sarili at kolektibo hinggil sa bawat pagkukulang.”

Dahil sa matitinding operasyon ng kaaway, may mga panahong nabuwag ang mga naitayong mga samahang masa sa FX. Subalit dahil may inabot na tatag ang SPL, kinakaya nitong muling itayo ang mga organisasyon. Isang halimbawa ang panahon ng Oplan Bantay Laya I at II ng rehimeng Arroyo kung saan isinailalim sa matinding militarisasyon ang lugar. Matapos ang ilang panahon, muling naitayo ng sangay ang mga samahan ng tatlong sektorómagsasaka, kabataan at kababaihan. May kakayahan din ang SPL sa pangangasiwa ng eleksyon ng mga samahan. Dahil sa tatag na inabot at pagkumpleto ng mga rekisito, itinayo na ang komiteng rebolusyonaryo sa baryo ng FX.

Sa pamumuno ng sangay, masiglang nailulunsad ang mga kampanyang masa sa FX. Maraming pagkakataon na namomobilisa ng Partido ang mga residente nito para manindigan hindi lamang sa lokal na mga isyu kundi maging sa mga isyung pambansa.

Nang itayo ang lokal na yunit gerilya ng BHB, isa ang SPL sa FX sa agad na nakapagbigay ng tao na mula sa kanilang yunit ng milisyang bayan. Mulat ang SPL ng FX sa tungkulin nito para sa rekrutment ng mga pultaym sa hukbo. Dahil napanday ng matagal na pakikibaka, hindi na rin iniinda ng FX ang mga operasyong militar, at hindi rin agad nasisindak sa mga saywar ng kaaway. Ang mga kadreng lokal ng FX ay may masaklaw na pag-ugat hindi lamang sa gawain sa sariling baryo. Alam nilang may tungkulin sila sa iba pang mga kalapit baryo na relatibong nahuhuli. Ilan sa mga kadre ng FX ay nasa mga komiteng subseksyon na sumasaklaw sa baryong nakapaloob sa klaster.

Patunay ang karanasan ng FX sa kahalagahan ng gawain sa ideolohiya ng Partido sa lahat ng antas. Nagbigay ang partikular na karanasang ito ng direksyon sa iba pang panteritoryong organo ng Partido sa paghawak sa mayor na gawain sa konsolidasyon sa batayang antas.

Ang pagpapanday ng Partido sa FX