Konsultant ng NDFP at 4 na iba pa, iligal na inaresto
ILIGAL NA INARESTO ng militar at pulisya ang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Adelberto Silva, at apat na iba pa bandang alas-2 ng hapon sa Barangay Pagsawitan, Sta. Cruz, Laguna noong Oktubre 15.
Kasama ni Silva, 71, sina Hedda Calderon, 63, ng Gabriela Women’s Party; Ireneo Atadero, 55, ng Kilusang Mayo Uno; Ediciel Legazpi, 60, isang magsasaka; at ang drayber nilang si Julio Lusania, 53.
Matapos harangin ang kanilang sasakyan at pababain sila, nagtanim ang militar ng mga baril, granada at iba pang pampasabog bilang ebidensya. Kinabukasan, kinasuhan sila ng illegal possession of firearms and explosives. Napabasura ang kaso laban kina Calderon, Atadero at Legazpi at pansamantala silang pinalaya noong Oktubre 18.
Mariing kinundena ng NDFP ang pag-aresto kay Silva, na isa sa pangunahing kasapi ng NDFP Reciprocal Working Committee on Social and Economic Reforms. Pahayag ni Fidel Agcaoili, chief peace negotiator ng NDFP, si Silva at ang kanyang mga kasama ay nagsasagawa ng mga konsultasyon sa iba’t ibang sektor nang sila ay arestuhin. Bilang konsultant, nararapat sanang ligtas si Silva sa paniniktik, pag-aresto, at pananakot sa ilalim ng GRP-NDFP Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees.
Noon namang Oktubre 15, dinakip ng pulis sa Misamis Oriental si Alfredo Abao, kasapi ng Misamis Oriental Farmers’ Association. Si Abao ang pangatlong lider-magsasaka na inaresto sa nasabing prubinsya.
Iligal ding inaresto ng mga sundalo ng 7th ID at pulis ang apat na aktibista sa Sityo Bangkusay, Barangay Talabutab Norte, Natividad, Nueva Ecija noong Oktubre 13.
Kinilala ang mga dinakip na sina Yolanda Diamsay Ortiz, 46, ng Anakpawis; at Eulalia Ladesma, 44, ng Gabriela Women’s Party. Sumailalim sila sa interogasyon kung saan dalawa sa kanila ay may bakas ng tortyur sa mukha. Inaresto rin sina Rachel Galario, 20, at Edzcel Emocling, 23. Inakusahang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan ang apat, na noo’y nasa lugar para tumulong sa mga magsasakang nasalanta ng Bagyong Ompong. Binantaan din ng militar ang kanilang mga kamag-anak.
Nagsagawa ng kabi-kabilang kilos-protesta ang mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) bilang suporta sa kapwa nilang estudyanteng si Emocling at mga kasama niyang inaresto. Pansamantalang nakalaya sina Emocling at Galario noong Oktubre 16.
Noong Oktubre 17, dinakip naman ng siyam na di-nakilalang lalaki si Ceasar Carreon, kasapi ng Anakpawis, sa Mexico, Pampanga. Nito namang Oktubre 18, napag-alamang ilang linggo nang nawawala si Joey Torres Sr., panrehiyong organisador ng mga magsasaka ng Bayan Muna sa Nueva Ecija.