Mga protesta sa Buwan ng mga Magsasaka

,

Nagmartsa tungong Mendiola ang iba’t ibang grupo at organisasyon, sa pangunguna ng mga magsasaka noong Oktubre 19, bilang bahagi ng komemorasyon ng “Buwan ng mga Magsasaka.”

Bitbit ang isang myural na binansagang “Death-erte,” tangan ng mga magsasaka ang mga panawagan laban sa kahirapan, kagutuman at pasismo.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), tila walang katapusan ang mga paraan ni Rodrigo Duterte para patayin ang mga Pilipino mula sa Oplan Tokhang at Oplan Kapayapaan, hanggang sa pagpatay sa hirap at gutom bunsod ng kanyang mga pahirap na patakaran. Pinakamatindi dito ang walang-awat na pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa TRAIN Law, habang nananatiling kakarampot ang sahod ng masang anakpawis.

Idiniin ng KMP kung gaano kabagal at tila walang pakialam ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa ilalim ng bago nitong kalihim na si John Castriones, laluna sa pagresolba sa mahigit 10,000 kaso sa lupa at kanselasyon ng mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ng libu-libong magsasaka na patuloy na itinataboy sa kanilang lupang sinasaka. Mas tinututukan pa ng DAR ang pagpapalit-gamit sa lupa at hinahayaang manalasa ang Oplan Kapayapaan sa maraming komunidad ng mga magsasaka.

Inalmahan din ng mga magsasaka ang nakaambang paglalabas ng rehimeng Duterte ng isang bagong kautusan na magpapalawig sa huwad at kontra-magsasakang Comprehensive Agrarian Reform Program.

Kabilang sa mga nagmartsa ang mga magsasaka ng Central Luzon na una nang dinahas noong Oktubre 18 sa harap ng DAR, kung saan nagtayo sila ng kampuhan. (Basahin ang kaugnay na artikulo sa pahina 5.)

Nagsagawa rin ng katulad na kilos-protesta para sa libreng pamamahagi ng lupa, hustisya, at pagtigil sa militarisasyon ng mga komunidad ng mga magsasaka sa mga sentrong lungsod mula Luzon hanggang Mindanao.

Sa Camarines Norte, nagtipon ang maliliit na magsasaka ng niyog upang muling igiit ang pagbalik ng sa pondong coco levy, at itaas ang presyo ng kopra. Sa Kabisayaan, nagdaos ng Lakbayan Kontra Kagutuman, Kahirapan at Pasismo ang mga magsasaka at mangingisda. Simula Oktubre 18, naglakbay ang mga organisasyong magsasaka mula Cebu, Negros Oriental, at Bohol para magtipon sa harap ng kapitolyo ng Cebu noong Oktubre 19 at ihayag ang kanilang mga panawagan. Sa Negros, naglunsad ng mga bungkalan ang mga magsasaka at manggagawang bukid sa higit 30 asyenda sa rehiyon.

Sa Eastern Visayas, nagsagawa ng dayalogo ang mga grupo ng mga magsasaka sa kanilang mga lokal na pamahalaan upang ipanawagan ang pag-alis ng mga tropa ng AFP na nakahimpil sa kanilang mga komunidad.

Sa Mindanao, samutsaring aktibidad at mga caravan ang inilunsad ng mga magsasaka, manggagawang bukid at manggagawa ng plantasyon.

Kalampagan kontra kagutuman
Noong Oktubre 16, nagsagawa ng mga protesta sa Metro Manila ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan at Gabriela kasabay ng komemorasyon ng United Nations World Food Day. Anila, dapat tawagin itong “World Foodless Day” sa harap ng pagsirit ng mga presyo ng bilihin.

Bitbit ang mga kaldero at kawaling walang laman, nagsagawa ng mga “kalampagan” ang mga grupo sa mga palengke ng Nepa-Q Mart sa Quezon City, Bagong Silang Market sa Caloocan City, Marikina Clock Tower, Pasig City Public Market, at Alabang Market sa Muntinlupa City.

Ayon sa Gabriela, hindi nakapagtataka na wala nang makain ang kalakhan ng mga Pilipino sapagkat hindi tumitigil ang pagsirit ng presyo ng bilihin, lalo at pumalo na ang tantos ng implasyon sa 6.7% noong Setyembre. Pinakaapektado nito ang mahigit 2.2 milyong pinakamahihirap na pamilya sa bansa.

Bagaman sinabi ng rehimeng Duterte na isususpinde nito ang dagdag na buwis sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng batas na TRAIN, hindi bilib ang mga raliyista dahil wala o maliit lamang ang magiging epekto nito sa presyo ng mga bilihin.

Samantala, sa pangunguna ng mga progresibong grupong kabataan, nagsagawa rin ng kabi-kabilang protesta laban sa pag-apruba sa P2 taas-singil sa minimum na pasahe sa dyip. Noong Oktubre 18, nagsagawa ng mga protesta sa iba’t ibang mga unibersidad at sakayan ng dyip sa Kamaynilaan.

Ayon sa Anakbayan, ang paghihirap ng mga drayber at opereytor ng dyip ay bunsod ng pagtaas nang 40% o mahigit P14 kada litro sa presyo ng diesel simula Enero. Sa halip na tugunan ng rehimen ang nasabing problema, ipinasa lamang sa mga pasahero ang bigat sa pamamagitan ng taas-singil sa pasahe.

Mga protesta sa Buwan ng mga Magsasaka