Labanan ang malawakang pasistang terorismo at Memo Order 32 ng rehimeng US-Duterte


Pormal nang ipinaiilalim ng rehimeng US-Duterte sa militarisasyon at paghaharing militar ang kalakhan ng bansa nang inilabas nito ang Memorandum Order (MO) 32. Gamit ito, direktang nagtalaga si Rodrigo Duterte ng dagdag na mga batalyon sa Eastern Visayas, Isla ng Negros at Bicol para apulain diumano ang “karahasan at terorismo” sa naturang mga rehiyon.
Sa aktwal, pinasasaklaw ng MO 32 ang batas militar sa apat pang rehiyon habang pinalalawig sa pangatlong pagkakataon ang nakapataw na sa Mindanao sa kabuuan ng 2019. Maikling panahon at kaunting dahilan na lamang, tahasan at pormal nang ipaiilalim ni Duterte sa walang taning na paghaharing militar ang natitira pang mga rehiyon. Sa aktwal, rumaragasa na sa buong kapuluan ang paghaharing teror ng kanyang rehimen.
Habang ibayo nitong pinatitindi ang militarisasyon at mga opensibang militar laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB), ang kagyat na pokus ng MO 32 ay ang lalong pagpapahigpit ng kontrol at pagmanipula ng AFP at pulis sa eleksyong Mayo 2019 sa mga lugar na ito. Nirigodon ni Duterte ang AFP at ipinwesto ang kanyang pinagkakatiwalaang mga upisyal para tiyakin ang pagkapanalo ng mga kandidatong pabor sa kanya at kanyang pangkatin sa militar. Layunin ng pangkating Duterte na monopolisahin ang eleksyon, kakutsaba ang mga kaalyado nitong warlord at dinastiya sa mga rehiyon at prubinsya. Pinapaypayan nito ang pasistang panatisismo ng AFP at PNP at ipinamamayani ang walang hadlang na pamamayagpag ng dahas ng estado upang patahimikin sa sindak ang mamamayan, paralisahin ang mga tumututol, at brutal na supilin ang lahat na lumalaban.
Lubusang inilalantad ni Duterte ang kanyang katangiang sagadsaring pasista, papet, reaksyunaryo, at lulong sa kapangyarihan at kurakot. Malawakan at garapalan niyang isinasagawa ang ekstrahudisyal na pamamaslang, pag-abuso sa kapangyarihan, pagpapalaganap ng mga kasinungalingan at maruruming panggagantso. Dapat lamang siyang kamuhian, lubusang ihiwalay at ubos-kayang labanan ng lahat ng rebolusyonaryo, progresibo at demokratikong pwersa.
Ang walang habas na militarisasyon at pasistang terorismo ng rehimeng US-Duterte ay dapat matatag na sagutin ng ibayong pagpapalawak at pagpapaigting ng digmang bayan. Ang marahas na pagsupil sa mga demokratikong karapatan ay magtutulak sa mas malawak pang hanay ng mamamayan sa armadong paglaban. Gayunman, kailangang patuloy na igiit at ipagtanggol ng mga demokratikong sektor at pwersa ang kanilang mga demokratikong karapatan at pagkilos laban sa pasistang pananakot at paninikil. Alalahanin at panghawakan ang mga leksyon ng mahabang pakikibaka sa pasistang diktadurang US-Marcos.
Magpursigi sa mapangahas, pinakamalawak at pinakalahatang-panig na pagsusulong ng armadong pakikibaka, ligal na demokratikong kilusan, kilusang lihim, pagbubuo ng pinakamalapad na nagkakaisang prenteng antipasista, antipyudal at anti-imperyalista, pagpapalakas ng Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, at pagkabig ng pinakamalawak na suporta mula sa mga kababayan at mga progresibo at demokratikong organisasyon at pwersa sa ibayong-dagat.
Dapat ubos-kayang isulong at paigtingin ng Partido ang pakikidigmang gerilya. Mapangahas na ilunsad ang mga batayang taktikal na opensiba. Ilunsad sa lahat ng antas ng hukbo sa lahat ng larangan ang mga operasyong anihilatibo, kasabay na pinalalawak ang mga aksyong atritibo sa pamamagitan ng malawakang pagpapakilos sa milisyang bayan at masa at masaklaw na paggamit ng mga pasabog at iba pang mga sandata.
Buuin at palakasin ang mga platun at kumpanya ng BHB na tumatahi sa mga larangang gerilya. Palakasin ang kumand sa at koordinasyon ng mga yunit gerilya at panghawakan ang inisyatiba sa militar at pulitika. Mahigpit na subaybayan ang kilos ng kaaway at tukuyin ang papel ng iba’t ibang erya at yunit sa paglaban at pagtutulungan. Pursigidong iangat ang kaalaman at kakayahang militar ng mga kumander at mandirigma sa pamamagitan ng mga edukasyon, pagsasanay, ehersisyo, pagtatasa, paglalagom at mga kumperensyang pulitiko-militar sa iba’t ibang antas.
Bigyang-prayoridad ang mga aksyong militar gaya ng pagbira sa pinakakinamumuhiang pasistang upisyal at yunit, mga mapandambong na mga malaking korporasyon at mga nagdudulot ng malubhang kahirapan at pinsala sa malaking bilang ng mamamayan. Lalong kailangan ito sa harap ng banta ni Duterte na gamitin ang kanyang death squad laban sa kanyang mga kalaban at kritiko. Dapat ding sabotahehin ang mga pasilidad na ginagamit sa mga pasistang opensiba sa kanayunan at pasistang panunupil sa mamamayan. Labanan nang punto-por-punto ang mga paninira at pambabaluktot ng AFP at rehimen kaugnay ng mga taktikal na opensiba at labanan.
Palawakin at paigtingin ang kilusan at pakikibakang antipyudal bilang susi sa pagpukaw at pagpapakilos sa masang magsasaka at manggagawang bukid at pagtupad sa mga pangunahing tungkulin. Kabilang dito ang mga kampanya at pakikibakang masa at ang mga taktika at gawaing alyansa laban sa mga operasyong “peace and development” at iba pang tipo ng pasistang terorismo at pang-aabuso. Pabulaanan at labanan ang kampanyang pagpapasurender ng mga sibilyan at sapilitang pagpapasapi sa kanila sa reaksyunaryong hukbo. Bigyan-pansin ang malawakan at matinding korapsyon sa hanay ng militar, mula sa pinakamataas na antas hanggang sa ibaba.
Pag-ukulan ng pansin ang mga tampok na problema ng pinakamalaking bilang ng masa sa kanilang saklaw at ang kanilang mga saloobin. Pukawin at sama-sama silang pakilusin upang harapin at lutasin ang mga problemang ito. Ang paglawak at konsolidasyon ng organisasyon ng masa ay dapat mangahulugan higit sa lahat ng paglawak at paglakas ng mga kampanya at mobilisasyong masa. Pasiglahin ang mga kampanya sa produksyon at pagpapaunlad ng kabuhayan para pabutihin ang kalagayan ng masa at matustusan ang mga pangangailangan ng hukbong bayan at pakikidigma.
Palawakin at pasiglahin ang kampanya at mobilisasyong masa sa edukasyon at propaganda upang itaas ang kamulatang pampulitika at palabang diwa ng masang anakpawis. Palawakin at pasiglahin ang iba pang kampanyang masa sa kultura, kalusugan at iba pa para panatilihing buhay ang militansya, pagkakaisa at kanilang sama-samang pakikibaka.
Palawakin at paigtingin ang mga aksyong protesta at iba pang pakikibakang masa laban sa iligal na pang-aaresto at iba pang pasistang paninikil sa mga demokratikong karapatan at mga ligal na demokratikong organisasyon.
Palawakin at paigtingin ang mga pakikibakang unyon at pangkabuhayan ng mga manggagawa, maralitang lunsod at ng iba’t ibang sektor para sa kabuhayan at serbisyong panlipunan. Labanan ang patakarang neoliberal na bumubusabos sa mga anakpawis at labis na pumapabor sa malaking negosyong lokal at dayuhan. Ilantad at labanan ang mga neoliberal na pagbabawal, pagsikil at pagkakait sa mga unyon at karapatang unyon, gayundin sa iba pang mga kalayaang indibidwal at kolektibo sa mga pabrika, upisina at paaralan, para sa interes ng malalaking korporasyong dayuhan at lokal.
Dapat igiit at ipaglaban ng mga ligal na progresibong organisasyon, partido at alyansa ang kanilang ligalidad. Dapat patuloy na magpalawak at magpalakas ang mga ito habang malawakang pinupukaw at pinakikilos ang mga tradisyunal at di-tradisyunal na mga organisasyon at alyansa ng mga demokratikong sektor.
Buuin ang pinakamalawak na mga alyansang antipasista. Makipagkaisa sa pinakamalawak na hanay ng mga demokratiko at antipasistang pwersa at tunguhin para ipagtanggol ang mga demokratikong karapatan at kalayaang sibil laban sa pasistang panunupil.
Ilantad at labanan ang pakana ng pasistang pangkating Duterte na manipulahin ang eleksyon. Ang malawak at iba’t ibang antas ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga partido at kandidato ang tiyak na maghihiwalay at tatalo sa mga kandidatong sagadsaring pro-Duterte at sagadsaring kontrarebolusyonaryo.
Malawakang pakilusin ang lahat ng rebolusyonaryo at progresibong pwersa at masa sa kanayunan at kalunsuran para aktibong labanan ang mga kasinungalingan, pambabaluktot at kontrarebolusyonaryong saywar ng pasistang rehimen at AFP.
Tuluy-tuloy na ilantad at kundenahin ang mga pasistang krimen at pang-aabuso, ang mga pangangamkam at pandarambong, ang pagsasamantala at pambubusabos sa mga anakpawis, ang talamak na katiwalian at korapsyon, at iba pang kabulukan ng rehimen at naghaharing sistema. Masigasig na ipalaganap at itaguyod ang mga rebolusyonaryong panawagan at pakikibaka.
Dapat palawakin at palakasin ang Partido sa lahat ng antas. Mapangahas na isulong at paigtingin ang pakikidigmang gerilya at mga pakikibakang antipasista, antipyudal at anti-imperyalista laban sa pasistang rehimeng US-Duterte. Patuloy na palakasin ang pamumuno sa pulitika at militar ng Partido sa pinakamalawak na masa. Paunlarin ang kakayahang magbunsod at magsulong ng mga malawakang kampanya at pakikibakang masa sa pulitika, ekonomya, militar, produksyon, edukasyon, kalusugan, kultura at iba pa.
Kailangang malawakang ilantad, ihiwalay at labanan ang pasista at papet na rehimeng Duterte sa ibayong-dagat at internasyunal na upinyong publiko. Pursigidong palawakin ang pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga migrante. Palawakin ang ugnay at pakikipagtulungan sa mga pwersang rebolusyonaryo at progresibo sa ibayong-dagat.