NPA50: Digmang bayan, hanggang sa tagumpay
Pinakamataas na pagpupugay ang ipinaaabot ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mga Pulang kumander at mandirigma sa ika-50 taon ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Sa pahayag nito, binati ng PKP ang mga tagumpay ng BHB sa nagdaang limang dekada ng paglulunsad nito ng digmang bayan. Pinarangalan din ng Komite Sentral ang lahat ng bayani at nag-alay ng buhay sa paglulunsad ng rebolusyon. Kinilala nito ang mga beteranong Pulang mandirigma na naglingkod at patuloy na sumusuporta sa armadong pakikibaka.
Kasabay nito naglabas din ng pahayag ang iba’t ibang panrehiyong yunit ng BHB at mga lihim na organisasyong masa bilang pagpupugay at panawagan na higit pang isulong ang digmang bayan sa buong bansa.
Binigyan-diin ni Ka Ariel Montero ng BHB-North Eastern Mindanao Region ang matatagumpay na aksyong militar ng BHB sa nagdaang taon. Mahigit 200 aksyong militar sa rehiyon ang nailunsad noong 2018 at nakakumpiska ng 27 na mataas na kalibreng baril.
Samantala, nakapaglunsad naman ng 120 aksyong militar ang BHB-North Central Mindanao. Resulta nito, 124 ang naitalang napatay sa mga elemento ng AFP at 93 ang nasugatan. Ayon kay Ka Norcen Mangubat ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa NCMR, hindi nagapi ang armadong lakas ng mamamayan at patuloy itong nakapangingibabaw sa kabila ng pokus at sustenidong operasyon ng AFP.
Kinundena naman ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Negros ang paghahambog ng AFP sa pagkakadakip kay Fr. Frank Fernandez at Cleofe Lagtapon. Anila, dahil dito ay lalo pang namumuhi ang mga Negrosanon at buong sambayanan.
Nangako ang PKP sa rehiyon na kamtin ang hustisya para sa mga biktima ng pasistang pananalasa ng rehimen sa isla, kabilang ang mga biktima ng masaker sa Sagay at sa inilulunsad nitong Oplan Sauron/SEMPO sa kabuuan ng isla.
Sa Panay, iniulat ng Komiteng Rehiyon ng PKP na hindi bababa sa 50 ang kaswalti sa mga tropa ng AFP sa rehiyon sa buong taon. Hamon sa mga mandirigma dito na pangibabawan ang mga kahinaan para higit pang isulong ang digma.
Tinuligsa naman ng BHB-Eastern Visayas ang patuloy na panunupil at brutal na pamamaslang ng reaksyunaryong rehimen sa rehiyon. Nasa 15 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang habang libu-libo ang sapilitang napalikas sa Samar at Leyte dahil sa militarisasyon.
Sa pahayag ng Komiteng Rehiyon ng PKP sa Timog Katagalugan, ipinanawagan nito ang paggapi sa pakana ng pasista at tiranong rehimeng US-Duterte at gawin ang makakaya upang ibagsak si Duterte.
Pinagpugayan naman ni Ka Cleo del Mundo ng BHB-Quezon ang mga Pulang kumander at mandirigma sa paglulunsad nila ng mga armadong aksyon na yumanig sa Southern Luzon Command ng AFP at lokal na naghaharing uri noong 2018. Nakakumpiska ng mga mataas na kalibreng baril, nawasak ang mga kagamitang militar ng 85th IB at nakapagdulot ng maraming kaswalti sa kaaway ang mga Pulang mandirigma sa nagdaang taon.
Ayon naman sa Komiteng Rehiyon ng PKP sa Cagayan Valley, patuloy na tinatamasa ng hukbong bayan ang suporta ng masa dahil nakatuntong ang pakikibaka nito sa mga pambansa at demokratikong adhikain ng sambayanan.
Anito, kumikilos na ang BHB sa may 500 baryo sa 60 bayan sa anim na prubinsya sa buong Cagayan Valley sa kasalukuyan. Sa nakalipas na dalawang taon, nakapaglunsad ang mga Pulang mandirigma dito ng 52 taktikal na opensiba, kung saan nakasamsam ang BHB ng matataas na ripleng armas, pistola at iba pang gamit militar. Hindi bababa sa 168 ang napatay sa hanay ng kaaway. Patuloy ding nakapagpapalawak ng baseng masa.
Ayon kay Ka Filiw ng Cordillera People’s Democratic Front, hindi maitatanggi ang mahahalagang ambag ng rebolusyonaryong kilusan sa pagsusulong ng mga minorya sa karapatang magpasya-sa-sarili at demokrasya.
Hindi malilimutan ng mamamayan ang mga inilunsad na kampanya ng BHB laban sa gawaing anti-sosyal sa kanilang mga komunidad. Naging bahagi rin ang BHB sa mapayapang pagresolba sa mga di pagkakaunawaan ng mga tribu sa rehiyon at pamamarusa sa mapandambong at mapangwasak na mga proyektong mina.
Bilang pakikiisa sa ginintuang anibersaryo, naglunsad ng raling iglap ang daan-daang kasapi ng NDF-Metro Manila noong Marso 25. Serye ng mga pag-aaral at operasyong pinta at dikit naman ang isinagawa ng mga tsapter ng Kabataang Makabayan sa Ilocos at Panay at Liga ng Agham para sa Bayan sa buong buwan ng Marso.
Samantala, nagpaabot ng mensahe ng pakikiisa ang Christians for National Liberation-Northern Luzon, Kabataang Makabayan-Timog Katagalugan at Partido Komunista ng French State. Nagkaroon din ng selebrasyon ang tanggapan ng NDFP sa Amsterdam, Netherlands noong Marso 31.