Pondo para sa tagtuyot, iginiit na ilabas
NGAYONG TAON, dadanas ng tagtuyot ang 11 prubinsya ng Mindanao (Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Misamis Occidental, South Cotabato, Sultan Kudarat, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi) habang 26 naman ang sa Luzon (Abra, Benguet, Kalinga, Apayao, Mountain Province, Ilocos Norte, La Union, Pangasinan, Bataan, Nueva Ecija, Zambales, Metro Manila, Cavite, Laguna, Quezon, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon, Palawan, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate at Sorsogon). Labintatlong prubinsya rin sa Visayas ang makararanas ng tagtuyot (Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor, Biliran, Eastern Samar, Leyte, Northern Samar at Samar.)
Ayon sa ulat ng Department of Agriculture (DA) noong katapusan ng Marso, umaabot na sa P4.35 bilyon ang halaga ng mga produktong agrikultural na napinsala, kung saan P2.69 bilyon ay palay at P1.66 bilyon ay mais.
Noong Marso, nagdeklara na ng state of calamity ang Zamboanga City, Zamboanga Sibugay, Pagadian City, North Cotabato, Maguindanao, Rizal at Occidental Mindoro. Umaabot na sa P600 milyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa Pagadian, Kidapawan City, North Cotabato at Occidental Mindoro. Pinakaapektado sa mga prubinsyang ito ay mga palayan. Sa Bicol, nanganganib na masira ang 79,000 ektarya ng mga palayan at maisan sa anim na prubinsya. Maapektuhan nito ang mahigit 45,000 magsasaka ng palay at 29,000 magsasaka ng mais.
Iginiit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na ilabas na ng mga lokal na gubyerno ang pondo pangkalamidad nito sa harap ng tumitinding tag-init sa bansa. Anito, hindi sapat ang limitadong cloud seeding na isinasagawa ng DA. Kasabay nito, kinundena ng grupo ang kainutilan ng National Irrigation Administration na gumawa ng mga hakbang matapos bigyan ang ahensya ng malaking pondo para sa libreng irigasyon. Habang nananalasa ang tagtuyot, kailangang suportahan ng gubyerno ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng kagyat na ayudang pagkain at alternatibong mapagkakakitaan.