Perwisyong hatid ng pribadong serbisyong patubig sa Metro Manila

,

Sa loob ng halos dalawang linggo noong nakaraang buwan, nagdusa ang higit kalahating milyong residente sa Metro Manila sa anim hanggang 18 oras ng serbisyo ng tubig kada araw. Bagamat unti-unti itong naging regular, magiging limitado pa rin ito sa susunod na mga buwan.

Perwisyo ang dinaranas ng mamamayan sa ilalim ng mga ganid na pribadong opereytor ng patubig. Kabaligtaran ito ng mga pangakong magdudulot ang pribatisasyon ng “mas mahusay at murang serbisyo.” Matingkad na halimbawa ito ng pahirap na hatid ng mga patakarang neoliberal na itinaguyod ng reaksyunaryong estado.

Palpak na serbisyo

Bulok at kulang na kulang ang imprastruktura para sa distribusyon ng tubig sa Metro Manila na kontrolado ng malalaking kumpanya. Sa kabila ng sobrang suplay ng tubig mula sa Angat Dam, walang tubig ang mahigit 300,000 residente ng Kamaynilaan. Noong Marso, walang tubig ang mga gripo ng kalahating milyong mamamayan.

Ang serbisyo sa tubig sa Metro Manila ay nahahati sa dalawang pribadong korporasyon—sa Manila Water ang operasyon sa silangang bahagi, at sa Maynilad naman ang sa kanluran. Nakasaad sa kasunduan ng konsesyon na makakakuha ang Manila Water ng 40% o 1,600 MLD (million liters per day o milyong litro kada araw) sa Angat dam habang 60% (2,400 MLD) naman ang sa Maynilad.

Idinidiin ng Manila Water na hindi na sapat ang 1,600 MLD na alokasyon nito dahil sa lumaki umano ang pangangailangan sa eryang saklaw nito sa tungong 1,750 MLD. Ang totoo, pinagtatakpan lamang nito ang 176 MLD na nasasayang kada araw dahil sa mga sira-sirang daluyan at imbakan nito ng tubig. Kung tutuusin, mas malaki pa ito sa depisitong 150 MLD na sinasabing ugat ng “krisis” sa tubig.

Kung idadagdag pa rito ang 1,001 MLD na nasasayang ng Maynilad, aabot sa 1,177 MLD (o 785% ng sinasabing depisito) ang kabuuang nasasayang na tubig dahil sa depektibong mga imprastruktura. Sa kasunduan nang isapribado ang patubig sa Metro Manila, ang kantidad ng nasasayang na tubig ay dapat nang bumaba tungong 732 hanggang 976 MLD noon pang 2001. Subalit dahil hindi naipaayos ang mga depektibong daluyan, lalo pang sumirit ang kantidad ng tumutulo at nasasayang na tubig araw-araw.

Pinasisinungalingan din ng mismong datos ng reaksyunaryong gubyerno ang argumentong “kulang” ang suplay ng tubig. Katunayan, mayroon pang sobrang 1,200 MLD ang Angat Dam na hindi nagagamit.

Ganid sa tubo

Supertubo at hindi serbisyo sa publiko ang interes ng mga pribadong korporasyong nagpapatakbo ng serbisyo sa tubig. Sapat ang suplay pero nananatiling kulang at depektibo ang mga imprastruktura sa pag-iimbak at pagpapadaloy nito.

Kabaligtaran ng pangako ng pribatisasyon na mas mababang singil at mas modernong imprastruktura sa tubig, nagdurusa ngayon ang mamamayan sa Metro Manila dulot ng napakataas na singil sa bulok na serbisyo. Sa nakaraang mahigit 20 taon, walang katapusang tumaas ng singil sa serbisyo habang papalaki ang kita ng mga pribadong kumpanya.

Mula nang isapribado ang patubig sa Metro Manila noong 1997, sumirit nang 879% ang singil sa patubig ng Manila Water habang 574% naman ang sa Maynilad.

Sa kabilang banda, lumobo nang 137% ang netong kita ng Manila Water at nang 444% ang sa Maynilad mula 2007 hanggang 2017 pa lamang. Noong 2018, higit pang tumaas nang 8% ang netong kita ng Manila Water tungong P6.6 bilyon.

Ang Manila Water ay pag-aari ng Ayala Corporation na may malalaking negosyo rin sa iba pang estratehikong serbisyo at industriya gaya ng pagbabangko, telekomunikasyon, kuryente, transportasyon at iba pa. Katuwang nito sa kumpanya ang WB-IFC at iba pang mamumuhunang Japanese, Singaporean at British.

Ang Maynilad naman ay dating pag-aari ng pamilyang Lopez at ngayo’y pag-aari na ni Manny V. Pangilinan na may dambuhalang negosyo sa serbisyo at industriya gaya ng pagmimina, kuryente, telekomunikasyon at iba pa. Ito naman ay pinatatakbo katuwang ang grupong Salim/Metro Pacific Investment Corporation (MPIC) ng Indonesia at mga mamumuhunang Japanese at French.

Imperyalistang disenyo

Ipinatupad ng rehimeng Ramos ang pribatisasyon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) noong 1997 alinsunod sa dikta ng International Finance Corporation (IFC), ang ahensya ng World Bank (WB) na direktang namumuhunan sa mga pribadong kumpanya. Ipinangako nitong magiging sapat at mas mura ang suplay ng tubig kung ipapasa ang pamamahala nito sa pribadong sektor.

Subalit ang totoo rito ay binalangkas ng WB-IFC ang kontrata para sa pribatisasyon na maging kapaki-pakinabang para sa negosyo at hindi bilang serbisyong panlipunan. Ito ay para tiyakin na mababayaran ng mga lokal na kapitalista ang $800-milyong utang ng MWSS sa WB, Asian Development Bank at Japan Bank for International Cooperation.

Napakagarapal din ng kasalukuyang rehimen para isangkalan ang gawa-gawang “kakulangan” ng suplay ng tubig para itulak ang pagtatayo sa Kaliwa Dam ng mga kapitalistang Chinese na magpapalayas sa mahigit 20,000 katutubo sa kanilang lupang ninuno sa Sierra Madre.

Mga paglaban

Sa harap ng tumitinding atake sa karapatan sa serbisyo sa tubig, dapat lamang na palakasin ng sambayanan ang panawagan para ibasura ang neoliberal na patakarang pribatisasyon na ipinatupad ng reaksyunaryong estado para sa kapakinabangan ng mga lokal at dayuhang kapitalista. Kinakailangang direktang panagutin ang reaksyunaryong rehimen dahil sa bigo nitong gampanan ang tungkulin nitong tiyaking mayroong sapat na suplay at murang serbisyo sa tubig ang mga mamamayan at singilin ang mga pribadong korporasyon sa patubig sa palpak nilang serbisyo.

Sinabayan ng mamamayan ng protesta ang perwisyong dala ng kawalan ng tubig. Dala-dala ang mga balde at timba, nagtungo sila sa upisina ng MWSS noong Marso 12 at 15. Naglunsad din ng katulad na protesta ang mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno sa Welcome Rotonda noong Marso 14.

Kaugnay nito, naglunsad ng protesta sa Chinese Embassy sa Makati City noong Marso 14 ang mga katutubo sa pangunguna ng SANDUGO upang kundenahin ang mga proyektong sisira sa kalikasan at magbabaon sa utang sa Pilipinas tulad ng Chico Dam at Kaliwa Dam.

Perwisyong hatid ng pribadong serbisyong patubig sa Metro Manila