Presensyang militar ng US sa Pilipinas, lumalawak

,

PALAKI NANG PALAKI ang presensya ng mga tropang Amerikano at mga operasyong militar nito sa Pilipinas. Inilulusot ang kanilang presensya sa pinagsanib na mga pagsasanay-militar, pagdaong ng mga barkong pandigma at iba pang “pagbisita” at aktibidad. Noong Marso, hindi bababa sa 9,000 tropang Amerikano ang nasa kalupaan ng bansa sa isang panahon.

Mula Abril 1 hanggang 12, isinasagawa ng US ang ika-35 Balikatan sa South at Central Luzon. Direkta itong pinangangasiwaan ng Operation Pacific Eagle-Philippines at nilahukan ng 3,500 sundalong Amerikano at 4,000 sundalong Pilipino. Mula Marso 17, nasa bansa na ang ilan sa mga kalahok nitong tropang Amerikano para sa “sibilyan-militar” na mga aktibidad. Halos kasabay ito sa inilunsad na ika-15 Pacific Partnership sa Eastern Visayas na tumagal mula Marso 10-24 at nilahukan ng 1,600 sundalong Amerikano. Pumatong ang naturang pagsasanay sa Exercise Salaknib na inilunsad sa Nueva Ecija mula Marso 4 hanggang 14. Ang naturang mga pagsasanay ay ilan lamang sa 281 aktibidad-militar na nakatakdang ilunsad ng US sa bansa ngayong taon.

Kasabay ng mga pagsasanay na ito ang pagdaong ng USS Blue Ridge, ang pangunahing barkong pandigma ng US Navy sa Manila Bay noong Marso 14. Ang naturang barko, na may lulang 3,000 sundalong Ameriikano, ay itinuturing na isang base militar sa dagat.

Dagdag dito, ibinukas na ng US ang teritoryo ng Pilipinas sa ibang dayuhang hukbo gamit ang dating sa pagitan lamang ng US at Pilipinas na Balikatan. Ang mga sundalong Australiano ay lumalahok na sa mga pagsasanay na ito mula pa 2012. Pinalalahok din ng US ang mga hukbo ng Japan, South Korea, East Timor, Brunei, Thailand, Singapore, at United Kingdom bilang mga “obserber.” Mahalaga sa US ang naturang pagsasanay lalupa’t limang bansa lamang sa kalakhan ng Pacific, ang pinakamalawak sa mga rehiyong-militar na sinasaklaw ng isang kumand ng US, ang bukas sa presensya ng mga tropang Amerikano sa kasalukuyan. Sa panig ng AFP, partikular na kalahok sa Balikatan ang bagong-buo at pinondohan ng US na 1st Brigade Combat Team na kunwa’y nakapailalim sa lokal na Special Operations Command.

Tulad sa nakaraan, ginagamit ng US na tabing ang pagsasanay para maglunsad ng samutsaring operasyong militar. Ginagamit nito ang mga gawaing kawanggawa tulad ng pagtatayo ng mga eskwelahan, paglulunsad ng mga misyong medikal, pagtuturo at literasiya at iba pa para bigyang katwiran ang pagpasok ng dayuhang mga tropa sa malalayong baryo sa iba’t ibang dako ng bansa. Nitong taon, kunwa’y nagtayo ito ng mga paaralan sa Batangas at Leyte.

Ang lahat ng ito’y naganap matapos ang pagbisita ng pinuno ng Department of State ng US na si Michael Pompeo noong Pebrero 28. Dumaan si Pompeo para harapin ang alingasngas ng mga upisyal ni Duterte para “muling pasadahan” ang Mutual Defense Treaty, ang tratado militar na ginagamit ng US para sa tuluy-tuloy na presensya ng mga tropa nito sa bansa. Kunwa’y iginigiit nila na kailangan ng bagong tratado para saklawin ang mga soberanong teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea.

Ang totoo, gumawa lamang ng ingay sina Duterte at kanyang mga upisyal para dagdagan ng US ang limos na ayuda at gamit-militar na itinatambak nito sa Pilipinas. Sa partikular, hinahabol ni Duterte ang ilang libong matataas na kalibreng armas na hinarang ng Senado ng US dahil sa madugong “gera kontra-droga” ng rehimen.

Presensyang militar ng US sa Pilipinas, lumalawak